πππππππ ππ πππ ππππππ πππππππππ πππππππ πππ-πππ ππππ ππ ππππππππ
Itinalaga ang Hunyo 12 bilang araw ng kasarinlan ng Pilipinas sapagkat nakalaya ang pwersang rebolusyon nito mula sa mga banyagang sumakop. Noong Hunyo 12, 1898, itinaaas ang bandera ng Pilipinas at ipinatugtog ang pambansang awit sa unang pagkakatoon. Ngunit kahit na idineklara ang araw na ito upang ipagdiwang ang kalayaan at soberanya ng Pilipinas, hindi naman kinilala ng Amerika at ng Espanya ang deklarasyong ito. Hanggang ngayon, isinasantabi pa rin ang pagkamit ng katarungan at ang mabuting kapakanan ng mamamayang Pilipino. Hindi pa rin tuluyang malaya ang Pilipinas habang ang bansa ay sunud-sunuran pa rin sa bayang Amerika at ng Tsina.
Patuloy pa rin na nalalagay sa alanganin ang kalayaan at soberanya ng Pilipinas dahil sa pagpapakatuta ng administrasyong Duterte sa mga amo nitong US at Tsina. Ramdam na ramdam sa mga neoliberal na polisiya at kakapalang-mukhang pagsuko ng mga lupain ng bansa ang pagkakatali sa leeg ng gobyerno. Makikita sa pagratsada ng Charter Change, kung kailan papalapit na ang eleksyon, kung paanong nagtutulungan ang rehimeng US-Duterte sa pagpapahaba ng termino ng mga opisyal, kapalit ng pagpanig ng estado sa dominasyon ng mga dayuhan sa ekonomiya ng bansa. Nagpapatuloy din ang pagiging traydor at pagsasawalang-kibo ng administrasyon sa pangangamkam ng Tsina sa mga isla ng bansa, na para bang nagiging kapalit ito ng walang-patid na pangungutang ng administrasyon para lang din sa kanilang interes. Sa lahat ng ito, sambayanang Pilipino ang naiipit at pumapasan ng hirap dulot ng pagpapakaalipin ng pamahalaan sa mga dayuhan.
Maging para sa ating mga mangingisda, kung para kanino ay malinaw ang pagtataksil ni Pangulong Rodrigo Duterte, lantad na hindi pa tunay na malaya ang Pilipinas mula sa imperyalistang pandarambong ng bansang Tsina, at pati na rin ng Estados Unidos. Ngayon na pandemya, patuloy pa rin ang pagnanakaw ng Tsina mula sa ating West Philippine Sea at pag-aagaw nila sa kabuhayan ng ating mga lokal na mamamalakaya. Ang pagsasawalang-bahala ng Tsina sa mga batas internasyonal tulad ng UNCLOS at Exclusive Economic Zones ay isang kalapastanganan sa soberanya ng ating bansa, habang ang pagsasawalang-kibo ni Pangulong Duterte ay isang kaduwagan at pruweba ng kanyang pagkawalan ng kakayahan upang ipaglaban ang karapatan ng sambayanang Pilipino. Ang pagbabalik rin ng mga militaristang pagsasanay ng mga Amerikano, o ng βBalikatan Exercisesβ sa kabila ng pandemya ay isang manipestayon din ng imperyalismo nito. Ang mga militar ng Estados Unidos, sa halip ng kanilang karami-raming ulat ng karahasan laban sa Pilipino at paghihigop ng ating mga likas na yaman, ay mga patunay din ng ating pagkawala ng kalayaan. Hindi lamang tayo pinagnakawan ng kabuhayan, kundi halos libreng ipinamamahagi na rin ang mga ito sa mga bansang Tsina at Estados Unidos. Ang pagkukulang sa tugon ng reaksyonaryong pamahalaan ay ang siyang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin sa mga pangisdaan, kung bakit nagugutom ang mga maralita sa lungsod, at kung bakit humihigpit at humahaba ang ating mga tanikala sa loob ng pandemya. Dahil sa pagpapakapapet ni Duterte sa mga dayuhang imperyalista, mas lalong nalulubog sa gutom ang ating mga mangingisda, mga maralita sa lungsod, mga magsasaka, at mga katutubo ngayon.
Dagdag pa rito ang mga polisiyang pasakit at siyang kumikitil sa kabuhayan ng mga manggagawa. Matagal nang napatunayan na hindi sagot ang pagpapaunlak ng malawakang lockdown sa pagpuksa ng COVID; isang taon at mahigit na ang lumipas, halos walang pinagbago ang sitwasyon. Masyado nang mahaba ang panahon ng pagtitiis ng mga Pilipino.
Maaatim lang natin ang tunay na kalayaan kung tayo ay magkakaisa sa paggiit ng ating soberanya. Kaugnay nito ay pagsasabuhay ng nasyonalismo, at hindi pagpapasakop sa mga neoliberal at imperyalistang mga polisiya. Kaakibat din nito ay ang ating patuloy na pag-depensa sa teritoryal na lupa at dagat ng Pilipinas. Higit kailanman, mas dapat nating pagtibayin ang hanay ng mamamayan na siyang nagtataguyod ng kalayaan ng bansa.
Bilang paggunita sa ika-123 pagdiriwang ng Araw ng huwad na kalayaan, kasama ang The Manila Collegian sa patuloy na pagtindig laban sa mga pinagsamang pwersa ng diktadurang Duterte at mga imperyalistang bansa, at pagkilos tungo sa tunay na kasarinlan β hiwalay sa galamay ng umiiral na mapang-aping sistema.