1.23-B Confidential at Intelligence Funds, ibinasura ng Mababang Kongreso

The Manila Collegian
4 min readNov 6, 2023

--

ni Casandra Peñaverde

Hindi tutuloy ang Php 1.23 bilyong confidential at intelligence funds (CIF) na hinihingi ng Office of the Vice President, Department of Information and Communications Technology, at Department of Foreign Affairs matapos ibasura ng House of Representatives ang alokasyon dito sa panukalang 2024 National Expenditure Program.

Lingid sa kaalaman ng lahat, ang natapyas na 1.23 bilyong CIF ay nasa 12% lamang ng kabuuang CIF sa panukalang 2024 national budget, ayon kay Kabataan party list Raoul Manuel. May CIF pa ang opisina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa nabusisi.

Sa napipintong paglusot ng iba pang CIFs, nangangambang ‘di mabigyang-pansin ng pamahalaan ang pagpapabuti ng iba’t ibang serbisyong pampubliko.

Mga nakatago pang CIF

Inihayag ni Senate Minority Leader Koko Piminetel ang kahalagahan na matanggal din ang confidential at intelligence funds na nakalaan sa Office of the President (OP) at Presidential Management Staff (PMS). Batay sa 2024 Budget Proposal, tumataginting na Php 2.25 bilyon ang hinihingi ng OP at Php 2.3 bilyon sa PMS na nakapailalim sa “intelligence funds.”

“We also have to eliminate the intel funds of the OP as it is a civilian agency which is not and should not be engaged in intelligence gathering,” saad ni Pimentel sa isang panayam.

“Leave that to the specialists in the field of intelligence,” dagdag ng senador.

Naglabas si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ng pahayag ukol sa hindi pa nalilitis na CIF ng OP. Katakot-takot na 45% ng CIF ng 2024 budget ay hinihingi ng OP at walang sumusubok upang kwestyunin ito sa kabila ng kalakhan ng pondong hinihingi at saan gagamitin ito.

“‘Di dapat mapunta sa korapsyon ang pondo ng bayan, pero ‘di rin ito dapat mapunta sa bala, bomba at paniniktik laban sa kapwa Pilipino,”giit ni Manuel sa kaniyang pahayag.

“Ang lion’s share ng CIF ay hindi dapat maging daan para sa korapsyon at pandarambong,” ani Manuel.

Kanino mapupunta ang tinapyas na CIF?

Sa pagkilala sa kahalagahan ng pagkain, isinapubliko ng Mababang Kongreso ang realokasyon ng tinapyas na Php 1.23 bilyong CIF. Gamit ang pondong ito, nagtalaga ang kamara ng Php 194 bilyong gagamitin sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at malabanan ang mga krisis sa ekonomiya sa bansa.

Ang Php 20 bilyon ay inilaan para sa DA upang suportahan ang rice subsidy program habang ang Php 40 bilyon ay itinalaga para sa National Irrigation Administration.

Samantala, nakalaan ang Php 2 bilyon sa Philippine Coconut Authority upang isagawa ang malawakang pagtatanim ng mga niyog; Php 1.5 bilyon naman para mga bakuna laban sa African swine fever.

Bukod dito, may Php 1 bilyon na inilaan para sa Philippine Fisheries Development Authority upang magtayo ng mga pasilidad para sa pangingisda sa Palawan at Kalayaan Group of Islands.

Nilalayon ng komite na palakasin ang produksyon ng pagkain, suportahan ang kalusugan, at itaguyod ang iba’t ibang sektor sa pamamagitan ng realokasyon. Itinalaga ang mga sumusunod na pondo para rito: Php 43.9 bilyon para sa Department of Health (DOH); Php 1 bilyon para sa UP Philippine General Hospital; Php 35 bilyon para sa Department of Social Welfare and Development; Php 17.5 bilyon para sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa TUPAD program; Php 10.4 bilyon para sa DOLE-Technical Education and Skills Development Authority; at Php 17.1 bilyon para sa Commission on Higher Education.

Mga nanatiling butas sa badyet

Nanawagan ang Makabayan bloc sa administrasyong Marcos na bawiin ang panukalang badyet at muling isulat ito upang mauna ang pangangailangan ng mga Pilipino.

“It cuts funding for essential social services, while increasing funding for unnecessary and opaque infrastructure projects and confidential and intelligence funds,” puna ni Makabayan bloc Representative Carloz Zarate sa isang pahayag.

Kapansin-pansin din ang Php 2.78 trilyon na alokasyon para sa mga infrastracture projects na hindi sagot sa problema ng mamamayan. Tinawag ni Zarate na “anti-people” at “anti-poor” ang pag-apruba sa pondong nakalaan dito kung saan ang tunay na may benipisyo ay ang mga mayayaman at may kapangyarihan.

Sa kabilang dako, ang sunod-sunod na kaltas sa Department of Education (DepEd) ng Php 10.3 bilyon; sa DOH ng Php 5.2 bilyon; at sa National Housing Authority (NHA) ng Php 3.5 bilyon ay nagpapakita na ang pondo ng bayan ay hindi tunay na nakalaan para sa bayan.

Maapektuhan ang K to 12, Special Education, at Alternative Learning System na mga programa ng DepEd, malilimitahan ang pagpapatupad ng Universal Healthcare Law ng DOH, at makakaltasan ang Socialized Housing Program at Resettlement Program ng NHA.

Bagaman narating ang tagumpay upang maibasura ang ilang CIF, hindi pa natatapos ang pagbusisi dahil marami pa ring isyu sa iba’t ibang alokasyon nito

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet