2024 Horrorscope Forecasts: Pa-swertihan Na Lang
Ng Seksyon ng Kultura, Mga Dibuho ni Reigne Kacy Fama
Katatapos pa lamang ng unang buwan ng taon, subalit tila napapalibutan na agad tayo ng negative energy — maraming magkarelasyon ang naghihiwalay, mga magkakaibigang nagkakawatak-watak, magkakapamilyang nagsisiraan, may tatay na nag-aakusa na nag-da-drugs ang nobyo ng kanyang dalagita, at kung ano-ano pang pang telenobelang istorya. Marahil ang iba sa inyo ay nagwawari-wari, ‘bakit ba tayo pinuputakte ng ganitong mga drama?’
Sa pagdiriwang ng Lunar New Year 2024, sabay-sabay nating alamin ang katotohanan sa likod ng ating Chinese Zodiac Signs. Ngayong Year of the Wood Dragon, ihanda na ang mga sarili sa makapanindig-balahibong rebelasyong sasagot sa ating katanungan at tiyak na magbibigay ng (un)happiness sa ating buhay!
Munting paalala: Ang mga sumusunod na pagtataya ay bunga lamang ng malikhaing kaisipan ng mga manunulat mula sa self-proclaimed best section ng The Manila Collegian. Bagaman nilangkapan ito ng ‘masusing’ pananaliksik, mangyaring huwag itong ituring na opisyal at gawing batayan para sa mga desisyon sa buhay.
O siya sige na, alamin nyo na ang inyong kapalaran. Enjoy!
Rat
Bagaman negatibo ang paningin natin sa mga daga — madumi at nagdadala ng kung anu-anong sakit tulad ng leptospirosis — sila ay sumisimbolo ng karunungan, kayamanan, at ng masaganang buhay. Ayon sa isang alamat, ang daga ang unang sign ng Chinese zodiac dahil noong pinipili ng Diyos ang mga hayop na isasama sa zodiac, hindi ginising ng daga ang pusa dahil natakot siyang mas pipiliin ito kaysa sa kanya.
Pinapakita ng kwentong ito na tuso ang mga daga at gumagamit sila ng sariling paraan upang makamit ang kanilang nais. Ang ganitong katangian ay nananatiling epektibo sa pagpasok ng 2024. Isang halimbawa dyan ang patuloy na pamamayagpag ng isang kilalang Daga na humahabol sa mga masasamang-loob (kahit walang due process…) sa kanyang palabas. Ito ang kaniyang naging paraan upang lalong makilala at kalauna’y mahalal bilang senador.
Isa pang epektibong taktika ng mga daga na maaari mong magamit ngayong taon ay ang pagiging balimbing nito. Like rats deserting a sinking ship, iniiwan nila ang kanilang mga kakampi kapag hindi na nila ito mapapakinabangan. Makikita natin ito sa isang kilalang Daga na biglang lumipat sa kabilang bakod noong 1986, at isa pang kilalang Daga na shumabay-shabay sa isang mahilig daw sa Pepsi.
Lucky Color: Abo, ang kulay ng smog sa Maynila at kulay din ng mga dagang laging nakikita sa ating pamantasan. Tandaan natin na kasama sa mapagpalaya at de-kalidad na edukasyon ang mas malinis na pasilidad para sa mga estudyante. Dahil susuwertehin daw ang mga Daga ngayong 2024, sumama kayo sa pag-kalampag sa administrasyon para makamit na natin ito this year.
Lucky Number: 100, katulad ng pinakamataas na markang maaaring makamit sa UP (sana maka-uno kayong lahat ngayong semestre!), at katulad din ng edad na malapit nang makamit ng isang kilalang pinanganak din sa Year of the Rat.
Prominent Rats: Ratty Tulfo in Action (1960), One Fossil Enrile Sr. (1924), at Pixar’s RataTONI Gee (1984)
Ox
Sa taong 2024, haharapin ng mga Ox ang tunggalian ng kanilang tadhana. Bilang mga taong pinanday ng karanasan at panahon, kakailanganin nilang magdesisyon na maaring makabuti o makasama sa nakararami. Iilan sa kanila ang bigatin na handang itangan ang hustisya, ngunit iilan din ang handang talikuran ang panatang sinumpaan.
Ang mga ox ay mabusisi at matiyaga sa pagkamit ng kanilang mga ninanais, maging ito man ay sa interes ng sarili o ikabubuti ng iba. Gaya ng ibang abogadong Chill lamang sa pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan o kung hindi kaya mga Booying na ginamit ang husay laban sa mga maralita. May isang sinisigurong patas at may ngipin ang batas, at may isang patuloy na hinahanapan ito ng butas.
Ang mga ipinanganak sa taong ito ay may likas na angking galing at talino. Ngunit ngayong 2024, tangan nila ang desisyon kung paano gagamitin ang taglay na ito. Mayroong ibang handang ipaglaban ang nararapat sa kabila ng bawat rason na bumitaw na, at mayroon ding lulunukin ang prinsipyo sa ikabubuti lamang ng iilan. Ang kanilang desisyon sa papanigang uri ang huhubog sa kanilang tadhana.
Lucky Colors:
Itim o Puti — Ang kulay na taliwas sa isa’t isa ang magbibigay linaw sa direksyon ng Oxen. Nasa kamay ng mga taong ipinanganak sa taon ng Ox ang desisyon sa pagpili o pagtalikod sa kanilang kasanayan.
Lucky Numbers:
½, 0.5, o 50:50 — Sinisimbolo ng mga numerong ito ang pagkakahati ng tadhana ng Oxen. Tanging sila lamang ang makaaalam kung alin sa dalawa ang kanilang ipaglalaban.
Prominent Oxen: Chill Ka Lang (1961), at Banjing Booying Remulls (1961)
Tiger
Ang tigre ay kilala bilang matapang at brutal na hayop. Teritoryal din sila, at sa kaso ng ibang taong ipinanganak sa Year of the Tiger, umaabot pa nga sila sa pang-aagaw ng teritoryo ng iba para gawing mga subdivision tulad ng Camella Kabayo Homes. Sa katunayan, dahil sa reputasyon ng tigre, ito ang napiling motif ni Baby M. noong tumatakbo ito, kahit sa Year of the Rooster naman siya ipinanganak. Katawa-tawang isipin, at tunay na mapanuya na ang mga personalidad na totoong ipinanganak sa Taon ng Tigre ay hindi naman nya kasundo, bagkus ay kaalyado ng mga agila ng Davao.
Muli namang mamamayagpag sa kapangyarihan ang mga Tigre, sa larangan man ng pulitika, negosyo, militar, o relihiyon. Kaya naman, pampaswerte ngayong taon ang kumaibigan at mag-alaga ng isang Tigre. At upang magpatuloy ang swerte hanggang sa dulo ng taon, siguraduhing magagandang kalidad ng karne lamang ang ilalapag mo sa mga ito. Sapagkat, sa oras na mawala ang iyong bigay na gantimpala, ang mabalasik na mga Tigre rin ang unang mangangain nang buhay sa sa’yo.
Tandaan, walang tunay na kakampi ang Tigre sa mundong ito — sa huli, susunod sila kung saan sila nakakaamoy ng ginto. Kaya naman, inaasahan ding magiging malaki ang gampanin ng mga karniborosong hayop na ito sa nagsisimula nang drama sa pagitan ng “Agila” at ng “Tigre” ngayong 2024.
Lucky Color: Tanso. Sabi nga nila, hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Kumikinang man sa lupain at karangyaan ang mga Tigre, kinakalawang na tansong kalamnan naman ang nasa loob ng mga ito. Kailangan nang magpa-tetanus shot ang makakakagat ng mga ito.
Lucky Number: 884, tulad ng numero ng State Resolution na inihain noong ika-11 ng Disyembre 2023 upang imbestigahan ang pang-aabuso sa karapatang pantao ng Tigreng self-proclaimed “Appointed Son of God”.
Prominent Tigers: Sen. The Rock (1962), Bongo the Stray Dog (1974), Camella Kabayo (1950) at FBI’s Most Wanted Pastor (1950)
Rabbit
Maraming simbolismo ang kuneho depende sa kontekstwal at kultural na batayan. Sa maka-kanluraning bansa, ang kuneho ay maituturing na simbolo ng swerte. Totoo ito sapagkat isa sa mga kilalang Kuneho sa ating bansa ngayo’y maswerteng nabiyayaan ng kapangyarihan muli. Gamit ang pangalan at kasikatan ng kanyang Tatay at Ate, nag-aastang tigre ang Kunehong ito. Subalit, tandaan, hindi permanente ang swerte sa mundo — labis na kamalasan ang kabayaran sa labis na kaswertehan.
Sa kabilang dako naman, ang kuneho rin ay simbolo ng pagiging maraya at oportunista. Hindi lamang sa mga pinanganak sa Year of the Rabbit ngunit laganap talaga sa Pilipinas ang sistema ng “palakasan” para maka-angat sa buhay. Kapit sa sikat na pamilya para ika’y makilala, ganito ang buhay ng isang kilalang Kuneho para maabot ang kanyang pangarap.
Gayunpaman, ang kuneho ay pinakakilala dahil sa pagiging cute at maamo nito. Sa iba’t ibang predators na nag-aabang na kainin ang kuneho, nagluluksa tayo dahil tingin nati’y walang kalaban-laban ang kuneho. Pero sabi nga nila, “Even a cornered prey can bite,” hindi lahat ng maamo ay mahina, baka naghihintay lamang ito sa tamang tiyempo.
Lucky Color: Kahel. Tulad ng pag-iibang kulay ng dahon ng mga puno sa temperate climate na rehiyon tuwing taglagas, ang kulay na kahel ay simbolo ng pagbabago. Ngunit, maraming ‘di kaaya-ayang pagbabago, tulad ng change is coming at ‘di pinag-iisipang charter change, sa ating bansa ngayon. Kaya naman, isuot ang kahel para matupad ang isang pagbabagong nais ng nakararami — pagbabago ng sistema.
Lucky Number: 0. ICC, pula, Cha-Cha, ito ang numero ng pagkawala at bagong simula.
Prominent Rabbits: Pulong Dutz (1975), Speaker MarTeam Rock (1963)
Dragon
Ang dragon ang simbolo ng kasalukuyang taon para sa mga Tsino. Ito ay may ambisyon, kumpiyansa, at charisma. Mahalagang tatak ang dragon sa kanilang kultura dahil sa angking kapangyarihan, lakas, swerte, at karunungan.
Ngayong taon, nahahati ang mga dragon sa magkabilang baybay ng yin at yang. Ang mga dragon sa yin ay matagal nang nasa poder ng ilang taóng pamamayagpag sa mukha ng madla. Isang halimbawa ang kilalang Dragon na mistulang isa sa mukha ng kasalukuyang drama. Namamayagpag man ang Dragong ito, hindi ibig sabihi’y malinis ang kanyang pagka-Dragon noong simula. Minsan na siyang naging balimbing at sala sa batas, lalo sa panahon ng pandemya ay pinili niyang gamitin ang kapangyarihan sa maling paraan. Ang ganitong kaugalian ay dapat na talagang iniiwan sa nakaraang taon upang mapanatili ang magandang disposisyon ngayong 2024.
Ang mga dragon naman sa yang ay nagtataglay ng kakayahang ipagtanggol ang lipunan laban sa mga malas at pahamak. Subalit, haharap ang mga dragong ito sa isang pagsubok na kung saan ay susubukan ng mga nakatataas na isilid ang dila nilang matatalas at mapagpalaya. Sa huli, kung mapapanatili ng mga dragon na ito ang kanilang determinasyong puksain ang mga kamalasan, tiyak na magwawakas na ang mga dramang gumagambala sa ating kapayapaan.
Lucky Colors: Black at white. Tulad ng mga magkatunggaling kulay, ang puti na sumisimbolo sa kalinisan at kadalisayan ay nagbabalat-kayo upang isalba ang mukhang minsan nang nadungisan ang dangal at husay. Itim naman para sa mistulang hindi kapansin-pansin ngunit iniipon ang buong lakas at kakayahan upang baguhin ang nakagisnang masalimuot at hindi maasahang sistema.
Lucky Number: 12. Ang minsan nang naging antas sa lupon ng mga mambabatas na Dragon, ang araw kung kailan siya naging isang mañanita.
Prominent Dragons: Sen. Coco Paminta (1964), Cong. Ey Brosas (1976)
Snake
Ang ahas ay isa sa pinaka-kinatatakutan na hayop sa mundo. Kapag sila’y gumapang nang tuso patungo sa’yo, ang kanilang matatalim na pangil, nakamamatay na kamandag, at nanlilisik na mga mata ay lubos na nagbibigay kaba. Mula pa noong panahon ni Eba’t Adan hanggang sa reputation (2017), karaniwang simbolo ang ahas ng kabagsikan, pang-aagaw, at kasinungalingan. Kung susuriin nga naman, dalawa sa pinaka-mapanlinlang na ahas–este, mga taong ipinanganak sa Year of the Snake ay walang iba kundi ang Conjugal Dictators na inahas ang kayamanan ng bansa. Talaga namang sila ay naghasik ng lagim sa buong bansa, at katulad ng nangyari kay Eba, hanggang ngayon ay pinagbabayaran ng mga Pilipino ang kanilang panlilinlang.
Subalit, hindi lahat ng ahas ay kaimpaktuhan lamang ang dulot sa mundo. Sa katunayan, isang positibong simbolo ng ahas ay ang pagbabagong-buhay dahil sa kanilang nalalagas na kaliskis. Higit pa riyan, ang panlunas laban sa kamandag ng ahas ay gawa rin mismo rito. Maihahalintulad ang ganyang katangian kay Mama Len, isang tanyag na Ahas.
Ngayong taon, ang mga tulad ni Mama Len ang dapat na tularan ng mga ipinanganak na Ahas. Magandang simulan sa taóng ito ang pagiging anti-venom ng lasong ihinasik ng mag-asawang Ahas sa buong bansa. Importanteng suriin din kung sino ang makamandag na ahas sa hindi, at isakatawan lamang Ahas na siyang tunay na magbibigay ng lunas sa kamandag na iniwan ng mga Ahas na sakim. Sa huli, lahat tayong mga Pilipino rin naman ang makikinabang sa oras na maiwan na ang kaliskis ng ating bulok na sistema.
Lucky Color: Berde na nag-iwan ng masamang lasa dahil sa paggamit nito bilang political color noong nakaraang eleksyon, ngunit huwag nating kalimutan na ito rin ang kulay ng pagiging positibo! Mula sa green flags hanggang sa green lights, sumisimbolo ito sa tamang pagsusuri sa mga bagay bagay bago tayo mag-go signal.
Lucky Number: 15, tulad ng ilang milyong botanteng pumili sa tamang Ahas noong 2022.
Prominent Snakes: Mt. Apo Lakay(1917), Anik-Anik Girlie: Sneakerhead Edition (1929) at Mama Len (1965)
Horses
Ang taóng 2024 ay magiging isang karera para sa mga ipinanganak sa Year of the Horse. Tinataguring makapangyarihan, may angking ganda, at malaya ang pinanganak sa taon ng mga kabayo. Maliksi, aktibo, punung-puno ng enerhiya, tulad na lamang ng mga nakasalang sa karera na pinagpupustahan ng mga panatikong labis ang pagkatuwa sa nagtatakbuhang mga nilalang.
Masigasig man ang pagkatao nila, napapalabis ang angking karisma sa puntong kakapalan na ng mukha ang napamamalas. Tulad na lamang ng mistulang pag-iisang dibdib ng mga partido noong panahon pa lang ng paghahain ng candidacy ng mga pinuno, ilang buwan noong nakaraang halalan.
Hindi riyan natatapos ang kwento. Sa pangungulimbat ng kaban ng karera ay sila rin ang nangunguna. Mapa-PDAF o sa anyong confidential funds, basta pera ang usapan, hindi mawawala ang mga talipandas na miyembro ng karera. Sa kabilang banda, isang Kabayo ang nais maiba sa karerang puno ng mga tuso at sinungaling. Isang Kabayong namamayagpag sa kabila ng samot-saring paratang at paninira. Ang Kabayong may ngipin ng batas at may tunay na paninindigan. Ang dark horse ng karerang ito.
Lucky Color: Emerald Green. Kinikilala ng feng shui ngayong taon bilang simbolo ng yaman at kasaganaan ang kulay na ito. Nakaaakit ito ng swerte sa buhay na nakalilikha ng paligid na kaaya-aya sa tagumpay at kayamanan. Subalit, sa kalagayan nina Princess Fiona at (Agimat ng) MandaramBONG, mukhang walang swerte ang sasalba sa kanila, kahit magsayaw pa sila ng Cha-cha.
Lucky Number: 32. Kahit milyon pa ng bilang na iyan ang pumusta sa inyo, wala nang sasalba sa tulad niyong maniniil (at ang naghahari-hariang Fentanyl Lord) sa kamay ng ISeeSee.
Prominent Horses: Princess Fiona (1978), (Agimat ng) MandaramBONG (1966), at Risa Mae (1966)
Goat
Itinuturing ang kambing bilang simbolo ng katalinuhan at kayamanan, kaya naging tampok ang katagang “Greatest of all Time (GOAT),” bilang palasak na kataga sa mga bukod-tanging tao. Bukod pa sa pagiging maamo, sila rin ay isa sa pinakamatalinong hayop na nabubuhay sa mundo. Tulad na lamang ng isang makapangyarihang mukhang-kambing sa Pilipinas na pinanganak din sa Year of the Goat, ‘di umano’y marami siyang pinaplano ngayon at sa mga susunod na taon.
Hindi na bago sa kanya ang magdirekta ng isang ‘grand scheme.’ Matatandang noong 2022 elections, kinuha niya ang isang bayaran at nakakadiring Kunehong direktor para gumawa ng samot-saring bidyo kontra sa isang kilalang anti-venom. Tunay nga na ang Kambing na ito ay matatawag na G.O.A.T dahil naging epektibo ang kanyang plano noon. Subalit tulad ni Baphomet na nagrerepresenta ng balanse’t kapantayan, hindi lang sa ahas uso ang karma. Tandaan, sa Pilipinas, pinapatay ang kambing para sa dugo nito bilang sakripisyo para sa isang bagong simula.
Lucky Color: Mango Yellow. Magiging delikado ang 2024 para sa mga Year of the Goat dahil may mga lihim na posibleng mabunyag. Kaya naman, mainam na isuot ang kulay ng mangga dahil representasyon ito ng busilak na kalooban at matamis na buhay. Pwede rin ng mahabang baba, este, buhay.
Lucky Number: 1. Simbolo ng tuktok na mahirap abutin. ‘Di ka na nga makawala sa anino ng tatay mo, ‘di mo pa makontrol ang kapatid mo dahil sa mautak din nitong asawa.
Prominent Goat: Aymih M. (1955)
Monkey
Ang mga unggoy ay mga tusong nilalang. Maamo at palakaibigan sa simula, ngunit palihim na mandaragit. Mapagmataas, namamalagi sila sa tuktok ng kakahuyang malayo sa mga hamak na hampaslupa, kung saan lingid sa kaalaman ng marami ang kanilang kabuktutan. Ang kanilang paninindigan ay madalas paimbabaw, kung kaya’t nariyan sila, palipat-lipat sa mga sanga upang ‘di mahalata ang mga kutong bumabalot sa kanilang pagkatao.
Mag-ingat ka sa mga unggoy sa iyong paligid. ‘Wag kang magpapabulag sa kanilang pagngisi at matatamis na salita, at nang ‘di ka mapabili sa kanilang monkey business.
Lucky Color: Dilaw. Pwedeng prutas na nagpapalakas, pwedeng araw na magbibigay liwanag, pwede ring partido na kulay na lang natira.
Lucky Number: ∞. Para sa mga unggoy na palipat-lipat ng sanga para manatiling relevant until the end of time.
Prominent Monkeys: TraPoe (1968), Benigno Dos (1932)
Rooster
Mahirap kalimutan ang tilaok ng tandang gumigising sa diwa ng kababangon lamang. Mayroong iilang tandang na masisipag at masisinop, ngunit mayroon ding ibang talak lamang ang masasabing ambag. Kasabay ng pagsikat ng araw ang kanilang pagpapasikat ng kanilang taglay na charisma. Kung tutuusin, ang kanilang kakaibang huni ang pumupukaw sa atensyon ng mga tao. May kakayahan ang mga tandang na paniwalain ka sa istoryang hanggang talak lamang — gaya nina Baby M (1957), at Daddy Digz (1945).
Talamak ngayong 2024 ang mga tandang na nanunuka. Hindi sila mag-aalinlangang makipagsabong hangga’t isa lamang ang maghari-harian. Tutukain ang karibal hanggang mapilas ang lahat ng balahibo ngunit itatanggi ang butil ng 20 php na bigas o cocaine. Hilig ng mga tandang ipagkalandangan ang kanilang angking makukulay na pakpak at nagtataasang palong. Mga tipong handang mag-helicopter matakasan lamang ang trapikong sila rin ang puno’t dulo.
Mayroon ding tweetie bird, este Robin, na absent sa senado ngunit aktibo sa live-selling. Isa siya sa mga tandang na ubod ng ingay sa katatalak ngunit unang lumiliban sa oras ng kagipitan. Maski ang sabong mula sa pelikula ay nadadala sa usapang cha-cha. Ngayong 2024, maging mapanuri sa mga tandang hindi na nagtanda. Bagaman ang mga kalalakihang ito ay may kakayahang mambighani, sila rin ay mga ibon na mababa ang lipad. Kilatisin nang maigi. Alamin ang tilaok sa hindi. Because real men do not chicken out.
Lucky Color: Ginto. Ang kulay na ito ay magdadala ng ginhawa at kayamanan sa taong 2024. Minsan totoo, madalas Tallano.
Lucky Number: 2022, taóng may mutual understanding pa ang mga nagsasabong na tandang.
Prominent Roosters: Baby M (1957), Daddy Digz (clean version) (1945)
Dog
Sa kultura ng Tsina at ng iba pang mga bansa, ang aso ay simbolo ng debosyon, katapatan, at ng kahandaang tumulong sa kapwa. Sa isip ng maraming tao, magandang katangian ang mga ito, partikular sa paghahanap ng makakatuwang sa buhay. Sa aspetong pulitika naman, karaniwang iniluluklok natin sa posisyon ang mga matatapang na Aso na inaasahan nating magtatanggol sa interes ng masang Pilipino, katulad na lamang ng representante ng isang partylist na nakatanggap ng libo-libong boto galing sa sektor ng kabataan.
Ngunit, ngayong 2024, dapat ding alalahanin na ang ating debosyon sa iba ay maaaring pagsamantalahan ng mga masasamang-loob na gusto tayong gawing sunud-sunuran sa halip na maging kritikal mag-isip. Kaya naman, iwasan din ang sobrang pagiging loyal sa mga kamag-anak, kaibigan, o sa anak ng idolo mong diktador, at umabot sa puntong ipinagtatanggol pa rin ang kanilang mga pagkakamali kahit sagad na sa buto ang kabuktutan ng mga ito.
Lucky Color: Pula. Magiging maganda raw ang 2024 para sa mga ipinanganak sa Year of the Dog, kaya magandang magsuot ng pula para lalong lumakas ang swerte ninyo. Pula, katulad ng kulay na ginagamit ng isang nangako ng Bagoong Lipunan, at katulad rin ng kulay ng mga naghahangad ng tunay na mapagpalayang lipunan para sa ating lahat.
Lucky Number: 31, tulad ng ilang milyong bumoto para sa ama ng isang Asong loyal sa kanyang kontrobersyal na pamilya.
Prominent Dogs: Sen. Asan na ang 10k ayuda?(1970), Cong. Mt. Apo Lakay III (1994), at Cong. Raoul Mylove (1994)
Pig
Makulay ang pagsasalarawan sa mga baboy. Nagsisilbi silang simbolo ng samot-saring kaisipan at kaugalian na madalas ay magkatunggali. Nariyan ang baboy na rurok ng kasuklaman, tuso, halang ang sikmura, at madungis buhat ng kanyang kahariang putik. Sa kabila naman ay nariyan ang baboy na matalino at mapagkumababa na namumuhay nang payak at maligaya, malaya mula sa ningning ng mga makalupang pagnanasa.
Kaugali mo man ang mga baboy na nabanggit, mag-ingat ka pa rin sa kapwa mo baboy na iyong kakaibiganin sapagkat marami ang mapagbalat-kayo. Mayroong mga mararangyang baboy na nagtatago sa likod ng mapanlinlang na putik habang pailalim nilang pinuputikan ang kinabukasan ng taong-bayan.
Lucky Color: Puti. Ngayong 2024, ugaling magsuot ng puting damit. Panatilihin itong simple at malinis, na mas maghahayag sa iyong tunay na kulay.
Lucky Number: 9. Pwede maging anim o siyam, depende kung mula saan titignan. Pwede ring haba ng termino bilang pangulo nung kaibigan ni Garci.
Prominent Pigs: Liza Araneta Avenue M. (1959), GMA, Cavite (1947), Leila de Cinco (1995), Krissy (1971)