Aling Vicky, yung Anak mo!

The Manila Collegian
4 min readMar 30, 2024

--

ni Jo Maline Mamangun

ARAL. “Ang unang letra’y Asuncion, ere nama’y Resurrecion, ang ikatlo’y Adoracio-ohh-ohh-on…” Wala munang budots o pang-Tiktok na awitin ang maririnig sa eskinita ng Garosyo. Ang mga matatanda ng lugar, ang mga marites, at mga tambay ay nakaupo’t may hawak na librong mas luma pa sa kasaysayan ng kanilang komunidad. Maski na ang mga paslit na nais sanang maglaro ng Mobile Legends ay pinauupo’t pinakakanta — walang takas sa kurot ng kanilang mga ina. Mahal na Araw na kasi, Pabása na ang maririnig na tugtugin.

Papalapit na ang kamay ng orasan sa ika-2 ng hapon. Inuumpisahan na ng mga tao na kantahin ang lulan ng pahinang siento trenta’y kwarto — tungkol kay Pilato — sa libro. Sa tagal matapos ay hindi maiwasang mapapikit ng iba habang si Pilato nama’y naghuhugas na ng kanyang mga kamay, hindi raw siya responsable sa pagkakapako kay Kristo. Maya-maya pa’y nawala ang antok ng mga mambabása. Nabulabog ang buong Pabása sa sigaw ng isang bata.

“Aling Vicky, aling Vicky, yung anak mo nahulog sa imburnal!” humahangos na sigaw ng bata. Agad-agad tumayo ang isang may edad na babae. “Ha?! Saan, saan?” natatarantang tanong niya. Itinuro naman ng bata ang lugar at dali-dali silang nagtungo roon. Payapa na ulit ang lugar na parang walang aksidenteng nangyayari sa kanilang paligid. Bumalik na ang atensyon ng mga tao sa altar at nagpatuloy sa pagkanta.

Wala pang limang minuto ay nahinto na naman sila. Bumalik na kasi si Aling Vicky, na siyang ikinagulat ng lahat. “Oh, bakit ang bilis mo? Anong nangyari?” pagtatakang tanong ng isang mambabása. “May nakalimutan ako, eh,” sagot naman ni Aling Vicky. Mas lalo pang nagtaka ang lahat at tinanong siya kung anong nakalimutan niya. “Wala nga pala akong anak,” sagot niya habang kumakamot sa kanyang ulo. Umupo na siya, at nagpatuloy na muli ang tradisyon hanggang sa ito’y matapos.

At kung marating na naman

ang Langit na kapisanan

ay doon na makakamtan

ang yama’t kaginhawahan

Ng Diyos Poong Maykapal.

— W A K A S —

Anong nangyari sa batang nahulog sa imburnal? Nasagip ba siya? O napabilang din siya sa mahabang listahan ng mga batang biktima ng patay-malisya’t indibidwalistikong lipunan? Ewan. Walang nakakaalam.

Mahirap mag-imbestiga ngayong Mahal na Araw. Busy pa ang mga tao sa kani-kaniyang ganap sa buhay — nagre-recover pa sa katatapos lang din na Pabása, nag-iihaw ng barbecue para ‘di magutom ang mga maghapong babád sa swimming pool, nag-chichikahan sa reunion nilang magbabarkada, o ‘di kaya’y naghahanda para sa salubong mamayang alas kwarto ng madaling-araw.

‘God first!’ *sabay turo sa itaas* Ika nga ng isang kandidato sa pagkapangulo noong nakaraang eleksyon. Kapag usaping bathala, panginoon, o maylikha, hindi maaaring magambala ng usapin ng tao. Sino ba naman tayo? Pero teka, bakit may nasa resort at reunion kung una dapat ang Diyos? Subalit, meron din namang iilan na bakasyon nila ang Mahal na Araw — habang patay ang Diyos ay buhay naman ang kanilang diwa sa mga gala; pagkakataon ito upang gamitin ang bathala para payagan ang leave na kay hirap ma-apruba.

Talamak ang paggamit sa poon para sa sariling kapakinabangan. Nakagagawa ng kulto ang iba sa isang sambit lamang ng mga katagang “Ako ang sugo ng Diyos,” “Maliligtas kayo sa akin,” at “Ito ang tunay na tahanan ng Panginoon.” Baka nga talagang totoo? Parang mahika na napapaniwala nila ang mga tao, eh. Nag-umpisa sa isa, hanggang sa kumalat na parang sakít at napaniwala na rin ang iba. Kapag nagsisimba sila’y kaaya-aya ang kasuotan, ngunit tila’y nakapiring ang mga mata — sunod lang nang sunod sa sermon, patay-malisya sa maaaring masamang kahihinatnan ng bulag na pananampalataya; salitang respeto ang kanilang pangontra.

Balik na tayo kay Aling Vicky at sa inakalang anak niya. Nailigtas ba? Kung tatanungin, mukhang hindi nailigtas ang bata dahil hindi naman anak ni Aling Vicky ang nahulog, at may Pabása pa siyang dapat balikan. God first, eh. Shet. Ilang bata na ba ang hindi nailigtas dahil sa paniniwala sa relihiyon?

Sa isang partikular na bansa sa kanlurang Asya, mula Oktubre noong nakaraang taon, hindi bababa sa 14,000 bata na ang namatay dahil sa airstrikes at mga operasyong militar. Tangina. Isang bata kada 15 minuto yun ah?! Ilang libo naman ang nawawala, at marami sa kanila ay malamang… patay na… ‘Yung mga nakaligtas naman, hindi mo na makilala — naglalakihan ang mga mata, animo’y nakakita ng multo. Multo ng karahasan. Sobra rin ang panginginig ng kanilang mga kalamnan, na tipong ang yakapin sila ay hindi sapat upang mapawi ito. Post-traumatic stress response. Marami rin sa kanila ang nakararanas ngayon ng matinding malnutrisyon — isa sa bawat anim na batang may edad 2 pababa. At ang pinakamasakit ay marami sa mga namatay na bata ang hindi man lang hinayaang makaabot at ipagdiwang ang kanilang unang kaarawan. Diyos ko, stop the genocide! Ito ba ang kagustuhan mo?

Malamang, hindi ang mga ganyang gawain ang nais ng Panginoon. Ang gamitin pa lamang Siya sa mga pansariling interes ng tao ay hindi Niya na nais, ano pa ang patayin ang Kanyang mga anak para sa buktot na paniniwala. Dapat na talagang itigil ang nagaganap na tahasan at lantarang pamamaslang na ito sa mga inosenteng mamamayan. Hindi kagustuhan ng Panginoon ang nagaganap ngayon na pagpaslang sa iba’t ibang mga bansa, sa ngalan Niya. Kahit ano pa mang tawag sa kanya — Kristo, Yahweh, Jah, o Allah, hindi magbabago ang Kaniyang salita na ang pagpatay ng inosente ay pagkakasala, at ang kaparusahan ay walang hanggang pagdurusa, walang pananggala ang kamatayan.

Teka, pupunta muna ko ro’n sa lugar na itinuro nung bata at baka maabutan ko pa yung nahulog sa imburnal. Dahil hindi tulad ni Aling Vicky, anak ko man o hindi ang biktima, hindi ako pwedeng manood na lang at magsawalang-bahala. Aanhin ng Diyos ang pag-awit at pagsasalaysay natin sa kanyang buhay kung taliwas naman sa Kaniyang mga pangaral ang ating isinasabuhay? Totoong bata ang mga biktima, hindi lamang sila isang balita.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet