Katotohanang Nakasasamid

Ang Hapagkainang Pilipino sa Banta ng Kapitalismo

The Manila Collegian
7 min readOct 25, 2024

nina Bea De Guzman, Andreana Flores, at Justine Wagan

Noon pa man, lunduyan na ng samot-saring istorya ang hapagkainan. Tulad ng mga putaheng inihahain dito, ang mga talastasan mula agahan hanggang hapunan ay maaaring matamis, maanghang, o ‘di kaya’y ubod ng pait. Para sa ating mga Pilipino, ang hapag ay sagrado sapagkat pinagbubuklod nito ang isang pamilya upang sama-samang tanggapin ang biyayang pagkain na handog ng maykapal.

“Ubusin mo ‘yang pagkain mo. Maraming pulubi na nagugutom.”

Anuman ang bihis ng lamesa — kahoy man o babasagin, may bulaklaking mantel man o wala — lahat tayo ay may pagpapahalaga sa bawat butil ng kanin. Dapat simot, walang matitira. Dapat ninanamnam, hindi basta nilulunok lang. Dapat kainin habang mainit pa, at mali na ito ay paghintayin, kundi magtatampo ang grasya.

Sa bingit ng pagkapanis

Sa paglipas ng panahon, malaki ang naging pagbabago sa tagpo ng hapagkainan ng isang payak na pamilyang Pilipino.

Noon, ang itsura ng hapag tuwing agahan ay payak at tahimik — walang ibang maririnig kundi ang kaluskos ng walis tingting sa labas, huni ng ibon, at mahinang tunog ng radyo-balita sa TV. Sing init ng hagod ng kape sa umaga ang yakap na dala ng pagpaplano ng bawat miyembro ng pamilya sa magiging araw nila. Sa pananghalian, masarap ang kwentuhan na may kasamang halakhakan buhat ng paboritong noon-time show na ipinapalabas sa TV. Pagsapit ng gabi, siguradong kumpleto ang buong pamilya. Ito ang oras ng kumustahan — dito isinasalaysay ng bawat isa kung anong nangyari sa araw nila. Matatapos ang gabi sa kulitan at minsang alitan sa kung sino ang nakatoka maghugas ng mga pinagkainan. Noon, mahalaga ang sustansya — ng pagkain man o ng pagsasama-sama.

Ngayon, umaga pa lang ay danas na agad ang pagka-aburido ng lahat. Ni hindi na makakain nang maayos dahil ang mga segundong lumilipas sa pagnguya ay siya ring oras na kakainin ng trapiko sa labas. Bawal ang pakupad-kupad kahit alas singko pa lang ng umaga. Katunayan, tanghali na para sa karamihan ang paggising kung ito’y sabay na sa pagsikat ng araw. Nalalapnos na ang dila sa kakamadaling inumin ang kape at nabubulunan na rin sa malalaking kagat sa pandesal ang mga tao sa bahay — baka makaltasan ang sweldo, baka ma-late sa exam. Pagpatak ng alas dose, bibitbitin na lang ang pananghalian dahil ‘working lunch’ ang pinapatawag na meeting ni Bossing. Pag-uwi, alas diyes na dahil natrapik bunsod ng ginagawang daan sa kanto. Ang ate na nagtatrabaho bilang call center agent, papasok pa lang. Ang mga estudyante sa bahay, kukuha na lang ng hapunan sa hapagkainan at kakainin sa kwarto habang ginagawa kung anong kailangang isumite kinabukasan. Ngayon, tinatabunan na ng mga sistemikong balakid ang tunay na esensya ng hapagkainang Pilipino.

Bukas, mahalagang isalba sa bingit ng pagkapanis ang kulturang nagpapayabong ng masiglang relasyon at masustansyang komunikasyon. Sa pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya at sa patuloy na pamamayagpag ng mapaniil na istruktura ng lipunan, dapat bumalikwas sa sistemang nagdudulot ng agiw sa hapagkainan. Ngunit, paano nga ba tayo humantong sa puntong ito?

Busog sa tirang mumo

Sa sistemang may presyo ang oras, imbes na maging panahon ng pag-iimpok muli ng lakas, nagiging sagabal ang pagkain sa pagiging produktibo ng mga estudyante at manggagawa. Kung kaya hindi na nakapagtatakang unti-unti nang nasisimot ang mga miyembro ng pamilyang kumakain sa hapagkainan.

Ramdam ang doktrinang ito hindi lamang sa bilis, kundi sa paraan at uri ng pagkaing kinokonsumo ng modernong Pilipino. Ang pagtuon ng mga tao sa ready-to-eat at fast food alinsunod ng industriyalismo ay hindi basta-bastang pagkakataon. Dahil ineengganyo ng sistema ang pagsasantabi ng pantaong pangangailangan para kumita, ang mga malalaking korporasyon ang nagbibigay-daan upang makamit ang kahusayang ukit ang depinisyon sa modelong neoliberal. ‘Di hamak na naging marupok ang hapagkainang Pilipino sa ilalim ng pang-aalipin ng kapitalismo. Paano ka nga ba makakapagkamay kung mas kinakailangang mag-type ng progress report? Mas mainam na kumain ng burger kaysa sinigang, baka matapunan ang mga papeles!

Ilusyonada rin ang kapitalismo — walang pagkakapantay-pantay, laging may mas nakakaangat. Bawat negosyo ay sumasamba sa numero. Dahil uhaw sa pera, ginagatasan nito ang mga prodyuser na magsasaka’t manggagawa, habang binebenta sa abot-langit na presyo ang mga produktong isinasalpak sa mga mamimili. Ang yamang kinakamal ng kapitalista’y yari sa dugo ng mga pesanteng kinamkaman ng lupa upang pagtayuan ng mga pabrika’t gusali. Samantala, ang produkto nila’y habi sa pawis ng manggagawang galanggam ang nalalasap. Ang buhay ng isang ordinaryong Pilipino ay nakasentro sa huwad na kahusayan — mula sa ating badyet at trabaho hanggang sa pinakapayak na pangangailangang pantao tulad ng pagtulog at pagkain. Hindi lamang ang kultura ng pagsasalo-salo ang sinasaíd ng kapitalismo, kundi pati na rin mga batayang sektor tulad ng magsasaka’t manggagawa.

Kasabay ng paikli nang paikling oras ng pagsasalo-salo sa hapagkainan ay ang pagkaunti ng pagkaing kayang bilhin ng ordinaryong mamamayan, datapwa’t ang industriya ay nag-aanak ng bilyon-bilyong produkto araw-araw. Kung tutuusin, kayang-kayang tustusan ng kita ng mga korporasyon ang pagkain ng buong mundo buhat ng mga makinaryang sumulpot sanhi ng kapitalismo. Subalit, dahil din sa sistemang ito kaya’t patuloy na kumakalam ang sikmura ng milyon-milyong Pilipino.

Walang ebolusyon ng modernisadong pagkain kung wala ang hilaw na materyales upang yariin ito. Gayunpaman, ang mga magsasakang tumatrabaho nito ay hindi man lang matikman ang katas ng kanilang ani, mapa-organic o processed man. Dahil sa namamayaning mala-pyudal na sistemang nagpapahintulot sa malakihang pag-aangkat ng mga lokal na produkto sa mga dayuhang kapitalista, katiting na kwarta lang ang umaabot sa palad ng mga pesanteng nagkakanda-kuba sa pagsasaka nito. Sa kabilang dagat, lilinangin muli ang mga hilaw na materyales na ito at ibebenta pabalik sa masang Pilipino nang triple ang presyo. Sa huli, ang mga may maihahain lang sa modernong hapagkainan ay ang naghaharing-uri na hindi man lang malanghap ang amoy ng kanilang sariling produkto sapagkat hindi ito gluten-free.

Sustansyang sinusuka

Sabi nila, pampahaba raw ng buhay ang pansit. Marahil dahil ito sa sustansyang hatid ng iba’t ibang sahog na nakahalo rito, katulad ng carrots na nagbibigay ng mataas na potassium, repolyo na mayaman sa fiber, at karne ng manok na sagana sa protina. Ayon din sa kultura at paniniwala ng mga Pilipino, maituturing na simbolismo ang haba ng noodles sa haba ng buhay lalo na sa taong nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Ngunit para sa mga maralitang Pilipino, katumbas na ng pagkain nila ng kulot at kakarampot na instant noodles ang pagbaluktot at pag-ikli ng kanilang buhay. Gustuhin man nilang lasapin ang linamnam ng karne ng baboy na nakababad sa asim ng sinigang o hayaan ang sarili na matusok sa maliliit na tinik ng pritong bangus, ang mga murang processed food lamang ang sumasapat sa katiting nilang sweldo mula sa maghapong pagbabanat ng buto.

Dagdag pa rito, saan sila kukuha ng oras at lakas upang idagdag pa sa sandamukal na pasanin kung anong nutrisyon ang kalakip ng bawat sinusubo at dumadaan sa kanilang lalamunan? Walang puwang sa “isang kahig, isang tuka” na buhay ng mga dukha ang maghanda pa ng masustansyang pagkain, ang namnamin ito nang hindi nakokonsensya’t nanghihinayang, at ang tunawin ito habang patuloy na nabubusog sa kumustahan ng mga kasalo sa hapag.

Kung tutuusin, sa ganitong paraan ng pagkain, hindi lamang ang pisikal na kalusugan ng mga Pilipino ang apektado kundi pati na rin ang kanilang mental at sosyal na kalagayan. Ang konsensya’t panghihinayang na nadarama mula sa pananatili nang mas mahabang minuto sa hapagkainan ay nagtutulak sa mga Pilipino na lisanin nang mas maaga ang halakhakan ng pamilya sa hapag. Nauubusan sila ng pagkakataon na marinig mula sa mga labi ng kanilang pamilya ang mga nangyari sa nagdaang araw. Alipin ng salapi — ganiyan kung sila’y tawagin.

Subalit, nararapat ba na ang magdusa sa mapang-aliping sistema ay ang mga ordinaryong mamamayan at hindi ang mayayamang nagmamaniobra nito?

Nararapat na panagutin ang mga nasa tuktok ng tatsulok sa ninakaw nilang pagkakataon sa mga Pilipino na makakain ng mga pagkaing puno ng sustansya at hindi preserbatiba, pagkakataong manatili pa ng ilang segundo sa kanilang mga dila ang linamnam ng ulam na kanilang pinagsikapang ihanda, lalo na ang oras upang makasalamuha ang kanilang pamilya.

Sa huli, hindi kayang tumbasan ng kapiranggot na bilang ng butil ng bigas na kanilang kinakain ang bawat butil sa pagtagaktak ng kanilang pawis sa magdamag na pagkayod, at lalong hindi rin matutumbasan ng haba ng pansit ang inaasam nilang mas mahabang buhay na malayo sa sakit, kapahamakan, at kahirapan.

Pipitasin, paalsahin, ihahain

Katunayan, may mga katotohanan talagang mahirap nguyain; mabubulunan din kung ito’y pilit na lulunukin. Subalit, hindi naman lahat ay dapat isinisiksik at ipinipilit. Kagaya ng pagluluto, lahat ng linamnam ay sumasailalim sa proseso.

Una, pag-aralan ang lulutuin gaya ng lubos na pagkilala sa lipunang ginagalawan natin. Ikalawa, pitasin saka itapon ang mga bulok na sistemang gumagapi sa mga kulturang ating yaman. Ikatlo, pagsama-samahin ang mga pininong sangkap kagaya ng pag-oorganisa sa hanay ng masang bumabalikwas sa panggagahaman. Pagkatapos, pag-alabin. Kagaya ng pagsulong ng puspusang pakikibaka, paliyabin ang apoy na magpapakulo sa dugong makabayan. Nang hindi namamalayan, ito ay aalsa — ang taumbayan ay mag-aalsa.

Sa hapag, ihahain ang mainit-init pang produkto ng tagumpay. Sa mesa manunuot ang mga laman-utak at laman-tiyan na magpapaalala sa atin ng kahalagahan ng paglaban. Dito, nanamnamin natin ang init ng yakap na dala ng isang hapagkainang lunduyan ng matamis na usapan at pagmamahalan — ligtas sa lahat ng nagbabadyang panganib ng kapitalismo.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

Responses (1)