Ang Kababaihang Magsasaka

The Manila Collegian
4 min readOct 15, 2023

--

ni Danna Carissa

Masasabi na ang kababaihang mag­sasaka ay nakatali sa apat na “B” sa kanilang mga buhay — bana (asawa sa Bisaya), bahay, bukid, at baboy o baka.

Ito ay ayon kay Zenaida Soriano, ang kasalukuyang tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women. Subalit, isang malaking kaba­lintunaan na ang siyang taong pasan ang walang katapusang listahan ng mga responsibilidad ay kinikilala (ma­dalas ng gobyerno, pero minsa’y ng tao rin) bilang housewife ng lalaking magsasaka lamang.

Sa kadalasa’y hindi gaanong nabibigyan liwanag ang mga pang-araw-araw na realidad ng mga babae sa kanayunan. Sa unang tingin, ma­sasabi natin na, ‘di hamak, hindi ma­dali ang kanilang mga pinagdadaanan — hindi madali ang buhat nilang mga tungkulin na paglingkuran ang pam­ilya, maging ilaw ng tahanan, tuparin ang mga pangangailangan ng kabu­hayan, at gawin ang kay dami-dami pang ibang mga atupagin sa bahay.

Madalas ay pormal at agarang masasabi na “Oo nga, ang hirap nga…” patungkol sa mga pagsisikap ng ating mga kapwa Pilipino. Ngunit sa likod ng mga pahayag at pananalita, tila’y blangko minsan ang ating nalalaman sa mga detalye ng kanilang pangkara­niwang buhay at mga panawagan.

Ngayong buwan ng Marso, ipinagdiriwang ang Buwan ng Kababai­han, mangyaring patagusin natin sa ating mga puso ang mga kuwento ng kababaihang magsasaka, at patatagin ang sariling hanay, ang hanay ng mga kabataan sa kalunsuran, upang palaka­sin ang suporta para sa mga babaeng pesante.

Sa loob ng isang macho-pyudal at patriyarkal na sistema, pasan ng mga kababaihan sa kanayunan ang maramihang mga responsibilidad, o ang tinatawag na multiple burdens. Litaw ang konspeto ng intersectionality para sa sektor na ito, kung saan nag­tatagpo ang mga isyung kinahaharap hindi lamang ng mga uring magsasa­ka, kundi pati na rin ng kababaihan at mga maralita. Isang halimbawa na ng mga isyung ito ay ang diskriminasyon patungo sa kanilang mga sahod na hanggang sa ngayon, ay mas maba­ba pa rin kumpara sa sahod ng mga lalaking magsasaka at magbubukid. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2019, ang sahod ng isang lalaking magbubukid ay uma­abot ng P331.10 sa kada araw, habang ang sahod naman ng isang babaeng magbubukid ay umaabot lamang sa P304.60 kada araw.

Kabilang na rin sa mga isyung ito ang misrepresentation sa mga estadistika patungo sa tunay na bilang ng kanilang hanay, sapagkat ang mismong mga babae sa kanayunan ay nakakaligtaan ding ituring ang kanilang mga sarili bilang kababaihang mag­sasaka. Hinding-hindi rin mahi­hiwalay ang mga isyu sa kawalan ng lupa, pagtaas ng mga presyo ng bilihin, matinding kahirapan at kagutuman, at syempre, ang walang kupas na panre-redtag na nagre-resulta sa pagpaslang ng mga inosenteng magsasaka. Ayon sa Rural Women Advocates, ang tsapter ng mga boluntaryo para sa Amihan Peasant Women, umabot na sa ap­atnapu’t anim (46) na kababaihang pesante ang pinaslang mula sa kanil­ang huling tala noong Marso 2022.

Napakahalaga man ng kontri­busyon ng kababaihang magsasaka sa produksyon ng pagkain ay hindi pa rin sila binibigyan ng akmang pagk­ilala para rito. Ang kanilang hanay ay kabilang sa bumubuo ng frontline sa pag-aani ng mga pananim at pamim­ili ng mga binhi. Bilang mga nanay at tagapangasiwa ng mga ga­waing ba­hay, ang isa sa kanilang mga namu­mukod-tanging kakayahan na maging maalaga at masipag ay pinapakinaban­gan hindi lamang sa pamilya kundi pati na rin sa kalikasan. Dahil alam nila kung ano ang nakabubuti para sa kalusugan ng mga bata’t asawa, masid nila kung anong tipo ng pagsasaka ang nararapat — ang tinatawag na agroecology kung saan ang pagsasaka ay ginagawa sa paraang likas-kaya at masus­tansya. Sa kabila ng mga katoto­hanang ito, lubos na nagkukulang pa rin ang bansa sa pagpapalaganap ng karunungan at kapasidad ng mga lokal na kababaihang magsasaka.

Sa halip, pinaigting pa ng ad­ministrasyong Duterte ang mga isyung kinakaharap ng kababai­hang magsasaka at iba pang mga baseng sektor sa lipunan. Dahil sa kanyang misogynistic na kaugalian, pinaigting la­mang ni Pangulong Duterte ang banta sa kabuhayan at seguridad ng mga babae sa kanayunan, at dumagdag pa ang kanyang masalimuot na Anti-Terror Law; isang batas na lumalabag sa mga karapatang pantao. Ngayon na pa­palapit na ang katapusan ng kanyang termino, lumalaki ang tungkulin ng bawat Pilipino na bumoto muli nang wasto — hindi lamang para sa sa­rili pero para rin sa kapakanan ng bawat Pilipino, lalong-lalo na usapin ng karapatan, kasarian, at kabuhayan.

Mula kay Julia (alias), isang estudyanteng nagserbisyo sa ilalim ng organisasyon ng Amihan, ang ating pri­maryang magagawa upang makiisa at manindigan kasama ang mga kababai­hang magsasaka ay ang mag-ingay mula sa ating hanay. Para sa mga ka­bataang babae sa kalunsuran, walang mas bubuti pa kaysa sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kampanya para sa karapatan, kapantayan, at kalayaan ng kababaihang magbubukid — ang paki­kilahok at panghihikayat sa mga pro­gramang bukas sa publiko na inilulun­sad ng mga adbokasiyang grupo o ng mga pangmasang organisasyon para sa sektor ng kababaihang magsasa­ka. Lahat ito ay upang mapatibay ang pagkakaisa sa mas kongkretong pam­amaraan, at kung sakali, maenggan­yong makisapi rin sa mga grupong ito. Kung tutuusin, ika nga ni Nanay Zen, hindi hiwalay ang pakikibakang ito sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Ang higit sa lahat, tuwing may pagkakataon, payo ni Julia na maki­pamuhay kasama ang mga nanay sa bukid at kababaihan sa kanayunan sapagkat ito lamang ang tanging paraan upang tunay na mamulat at matuklasan ang kanilang mga to­toong kwento at realidad — sa pama­maraan ng pakikimuhay at pakikibaka.

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa The Manila Collegian Vol. 34 Issue №2, March 22, 2022

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet