Ang Kampuhan ng Paglaban at Pag-asa

The Manila Collegian
5 min readApr 30, 2024

Nina John Rey Amestoso at Casandra Peñaverde

Larawan ni Alyssa Naris

Nakapapasong tirik ng araw sa umaga at maalinsangang hangin naman sa gabi ang binubuno ng mga manggagawa sa probinsya ng Rizal. Sa katunayan, ang iilan ay nagkakasakit na subalit kailanman ay hindi ito nakabawas sa kanilang lakas bilang kolektibo para ipagpatuloy ang laban. Pangako ng unyong Dreambuilders Equitable Alliance of Labor (DEAL) na handa sila sa anumang hamon na dumating hanggang sa makamit ang ganap na tagumpay.

Halos dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang nagkasa ng strike ang samahan ng mga manggagawa ng Dreambuilders Pro, Inc. (DPI) — isang pangkonstruksyong sangay ng grupong Filinvest Land Inc. Pangunahing proyekto ngayon ng DPI ang Manna East sa Barangay Dalig, Teresa, Rizal na may lawak na umaabot sa 20 ektarya. Sinimulan ng kumpanya ang pagtatayo at pagpapaunlad ng proyektong ito noong 2019.

“Together, we will build your dreams.” Ito ang mabulaklaking pangako ng DPI sa mga konsyumer nito. Subalit, taliwas sa layunin ng kumpanya na maging kasangkapan sa pagbuo ng pangarap na tahanan ng kanyang mga mamimili ay ang unti-unti naman nitong pagwasak sa pamumuhay ng mga nagbuhos ng dugo at pawis sa mga proyektong pinagkakakitaan nito.

Huwad na katwiran

“Kami ang gumagawa ng ikinabubuhay nila,” ika ni Marvin, isang karpintero sa Manna East. Ngunit, ang mga manggagawang konstruksyon ng DPI na katulad niya ay walang habas na tinanggal sa trabaho matapos silang magbuo ng unyon noong Disyembre nakaraang taon. Dahil dito, nagwelga ang mga manggagawa noong ika-18 ng Marso, bandang alas-9 ng gabi.

Bilang simbolo ng protesta, ang mga miyembro ng DEAL ay nagtayo ng kampuhan sa loob at labas ng Manna East. Simple lamang ang panawagan ng mga manggagawa: ibalik ang mga tinanggal sa trabaho, wakasan ang kontraktwalisasyon, at igalang ang unyon. Ang lahat ng mga ito ay naaayon sa labor code ng bansa ngunit hanggang sa ngayon ay nagmamatigas pa rin ang pamunuan ng kumpanya.

Tapos na raw kasi ang proyekto,” ani Romeo* na tatlong taon nang nagtatrabaho bilang steelman sa Manna East. Pilit na iginigiit ng DPI na makatarungan ang ginawa nilang pagtanggal sa mga manggagawa sa kadahilanang project-based lamang sila.

Subalit, kung susuriin ang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Teresa at ng kumpanya, at ang mismong kondisyon ng Manna East sa kasalukuyan, mahihinuha na ito ay isang huwad na pangangatwiran lamang upang pagtakpan ang katotohanan na ang pagtatayo ng unyon ang ugat kung bakit sila nagsagawa ng malawakang tanggalan.

Ayon kay Atty. Luke Espiritu, ang legal adviser ng unyon, nakasaad sa nilagdaang kasunduan na ang proyektong tinutukoy ng DPI ay ang buong Manna East at hindi ang iilang bahagi lamang nito. Kaya naman isang kasinungalingan na sabihin na tapos na ang proyekto kung ang isang parte pa lamang nito ang ganap na operasyonal.

Bukod pa, kalakip din sa kasunduan na dapat na 70% ng mga manggagawa sa Manna East ay galing sa Teresa, Rizal. Kaya naman, marami sa kanila ay pinalipat mula sa iba’t ibang project sites ng DPI kagaya ng Makati at Cavite. Paliwanag ni Espiritu na sa esensya ng labor code, marapat na ituring na regular ang mga manggagawa gayong inililipat sila sa iba pang mga proyekto ng kumpanya.

‘Matagal na laban ito’

Dahil sa pagmamaang-maangan ng kumpanya, inaasahan na magiging matagal ang laban ng mga manggagawa. Sa katunayan, nagkaroon na ng 11 na pagdinig sa pagitan ng liderato ng unyon at pamunuan ng DPI sa harap ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB). Sa kasamaang palad, hindi pa rin nagpatinag ang kumpanya at pilit na tinatakpan ang kanilang tainga sa lehitimong panawagan ng mga manggagawa.

Hayag sa mahabang pagdinig na ito na nais ng DPI na gipitin ang unyong nagwewelga hanggang sila ay mapagod at sumuko. Subalit, hindi nila gagap na ang nagising na kolektibong diwa ng mga manggagawa ay hindi naaapula ng pagod, gutom, o anumang kahirapan. Bagkus, pinagtitibay ng mga hamong ito ang kanilang determinasyon na mapagtagumpayan ang laban.

“Naranasan po namin dito hirap, pagod, puyat, at gutom dito [kampuhan] sa labas ng site. Sobrang hirap na po, pati pamilya namin [ay nadadamay],” pag-amin ni Rey, tatlong taong pintor sa Manna East. Iba sa kanila ay nalulubog na sa pagkakautang. Ngunit, sa kabila ng mga pagsubok na ito, naniniwala at sumasandig si Rey sa lakas ng kolektibo. “Sa mga kasamahan ko rito, laban lang tayo hanggang sa huli,” hamon niya sa mga nagkakampuhang kasamahan sa loob at labas ng Manna East.

Base sa huling paghaharap sa NCMB noong ika-11 ng Abril, inilahad ng pamunuan na handa silang bayaran ang mga manggagawang nagwewelga sa halagang katumbas ng dalawang buwang sahod nila. Pero ito ay agaran na tinanggihan ng unyon sapagkat hindi ito makatarungan at walang legal na basehan. “You cannot just make a counter offer out of thin air,” ani Espiritu. Payo niya sa pamunuan ng kumpanya na seryosohin at pag-aralang mabuti ang hinihingi ng mga manggagawa.

Kung titingnan, pinapahirapan lamang ng DPI ang sarili nito dahil mayroon namang pamamaraan na hindi nila kailangan pang maglabas ng pera — ibalik ang mga tinanggal na mga manggagawa, gawin silang regular, at respetuhin ang karapatan nila na magtayo ng unyon.

“Sana mabalik kami sa trabaho [dahil] may mga pamilya kami na umaasa sa amin. Kapag binalik naman nila kami, tapos na rin ang problema nila e,” hayag ni Ronald* na isa sa mga opisyales ng unyon.

Lakas ng kolektibo

Hiling ngayon ng DEAL na makiisa ang mga mamamayang Pilipino sa kanilang laban. “Kung sila ang nasa katayuan namin, ganito rin ang gagawin nila,” maluha-luhang wika ni Marvin. Siya man ay nahihirapan sa kanilang sitwasyon dahil may tatlong anak siya na kailangang suportahan, pero patuloy siyang naninindigan sapagkat naniniwala si Marvin na hindi lamang ito laban ng DEAL kundi laban din ito ng uring manggagawang Pilipino na patuloy na binubusabos ng estado at naghaharing uri.

Sa gitna ng panggigipit ng kapitalistang DPI ay umusbong naman ang pagdamay ng buong komunidad. Nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Teresa, Rizal at ibang mga organisasyon sa mga manggagawa. Minsan ay may mga nagpapaabot din ng kakaunting tulong kagaya ng isang kilong isda na sinasahog ng mga manggagawa sa mga gulay na hatid naman ng kanilang mga kapitbahay. Kahit mismong mga tumitira sa Manna East ay nagpabatid din ng suporta sa mga nagwewelga.

“Totally, wala kaming pinagkukunan lahat. Kaya minsan umaasa kami sa donation for strike,” dagdag ni Romeo. Ang piso-pisong hinuhulog ng mga dumadaan sa kampuhan ay mensahe ng pakikiisa ng mga ordinaryong mamamayan. Maituturing itong isang paraan nila ng pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng DPI.

Tunay na walang kapantay na halaga ang pagiging mulat sa materyal na kalagayan ng mga manggagawa. Ang kamalayang ito ay kawangis ng mga bahay na kanilang binigyang buhay sa Manna East — matibay at hindi basta-bastang mapapabagsak ng hagupit ng panahon.

Sa huli, tirik man ng araw o panggigipit ng pamunuan ang kanilang kaharapin ay mananatiling nakatayo ang kampuhan ng mga manggagawang nagwewelga na ang pundasyon ay suporta at lakas ng masa.

*Minarapat ng mga panauhin na hindi gamitin ang tunay na pangalan para sa kanilang seguridad.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.