Ang Lupa’y Pula

The Manila Collegian
6 min readJul 2, 2024

--

ni Gerra Mae Reyes

Wika nila, ang paglaban para sa bayan ay tila paghuhukay sa sariling libingan. Ito’y mayroong tiyak na hangganan dahil hindi hahayaan ng mapanupil na estado na magwagi basta-basta ang alab ng diwang makabayan. Inaasahan man ang pagkaupos sa anumang uri ng pakikipaglaban, pagkawagi pa rin ang masikhay na inaasam ng mga nakikibaka kahit na ang kapalit pa nito ay sariling kalayaan — o buhay man.

Noong Mayo Uno, muling naging lupaing pula ang lansangan. Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa, nag-aalab na damdamin ng masang anakpawis, kasama ang libo-libong mamamayan, ang bumalot sa kahabaan ng Kalaw Avenue patungong United States (US) Embassy sa Maynila. Bitbit ang kulay ng katapangan at pag-ibig para sa bayan, mapayapang ipinanawagan ng mamamayan ang makataong trabaho, nakabubuhay na sahod, at karapatan ng uring manggagawa.

Ngunit sa kabila ng mapayapang pagkilos, unti-unting lumitaw sa lupaing pula ang galit at karahasan na dulot ng bulto-bultong kapulisan.

Pilit binibitak, masang bumabalikwas

Ang tanging paraan upang ipagdiwang ang Araw ng mga Manggagawa ay ang magprotesta dahil nakaugat sa istruktural na depekto ng lipunan ang kanilang ‘di-makataong danas sa araw-araw. Ngayong taon, hindi aksidente na sa US Embassy ikinasa ang pagkilos gayong bitbit ng uri ang mariing pagkontra sa imperyalismo at sa pinakamalaking balikatan exercise ng US at Pilipinas. Ngunit sa araw ding iyon, sa sarili nating lupain, ay inapak-apakan ang karapatan ng mamamayan at hinadlangan ang mapagpalayang kilusan.

Kilala ng mga aktibista ang embahada ng US bilang lugar kung saan talamak ang marahas na panghuhuli at pagharang ng kapulisan. Gayunpaman, nananatili pa rin itong isang lugar ng kilusan gayong lulan ng teritoryong ito ang mga dayuhang pinakaiingat-ingatan ng gobyerno higit pa sa mga Pilipino. Hindi nakabibigla — ngunit nakadidismaya — ang pagkaudlot sa kilusan na makatungtong mismo sa embahada at maikasa ang programa nang mapayapa.

Ilang minuto bago pa man pumatak ang alas dose ng tanghali, sa bingit ng pagsisimula ng programa, kaliwa’t kanang karahasan na ang dinanas ng mga nagpoprotesta. Naipit ng mga panangga, napukpok ng tubo, at marahas na panunulak ang mga personal na danas ng mga dumalo sa pagkilos. Liban pa dito ang mga nadapa, nasugatan, at nawalan ng kagamitan noong buong pwersang nagtangka ang kapulisan na buwagin ang hanay ng taumbayan. Tila nagbingwit din ng mga isda sa karagatang tuyot ang kapulisan gamit ang mga posas na hinampas-hampas sa ere. Lantad na ni katiting ay walang paggalang ang estado sa karapatan ng mamamayan na bumalikwas at mag-organisa.

Sa pagkabitak-bitak ng lupaing pula, anim na kabataan ang ikinulong sa hawla ng bughaw na barikada — tatlo mula sa UP Diliman Pi Sigma Fraternity, isa mula sa NNARA Youth UP Manila, at dalawa mula sa Anakbayan Caloocan. Lahat ay kabataan; pinagtulungan ng mga armado ang mga estudyante-aktibista na ideolohiya’t panawagan lamang ang bitbit sa lansangan, pinadapa sa nakapapasong semento, at marahas na pinosasan nang walang kalaban-laban.

Tingkad ng galit at pakikibaka

Unang araw ng Mayo at naging mas matingkad ang galit ng nagkakaisang masa. Sa pagkakadakip ng binansagang ‘Mayo Uno 6’, walang naging katiyakan kung hanggang saan ang paglaban laluna sa taktika ng kapulisan at pamahalaan na sadyang pagpapatagal sa proseso ng kanilang agaran at ligtas na paglaya.

Tuwing papatak ng ala-singko ng hapon, sa pagsasara ng mga pampublikong opisina, panibagong araw nanaman ang bibilangin sa pagsasaayos at pagpapasa ng mga legal na dokumento. Ibig sabihin, muli na namang magpapalipas ang anim ng isang malamig na gabi sa likod ng malamig na rehas — lugar na hindi dapat nila kinabibilangan. Lumipas ang mahigit 140 oras at sila ay ilegal pa ring nakalagak sa Manila Police District (MPD). Ayon sa Artikulo 125 ng Revised Penal Code, itinuturing na krimen ang kanilang detensyon nang mahigit 18 oras nang walang karampatang kaso. Sa mga pagkakataong ito, isang kabalintunaan ang pagturo ng kapulisan sa anim na kabataan bilang kriminal.

Sa loob ng piitan, kakulangan sa pagkain, malayong akses sa palikuran, at malamig na sementong kinahihigaan ang sumambulat sa Mayo Uno 6. Igiit man ng mga kasama sa labas na punan ang mga kakulangang ito, pilit pa ring hinarang ng kapulisan ang mga padalang pagkain at gamit, maski ang pagdalaw ng mga pamilya’t kaibigan. Tanging legal counsel lamang ng anim ang maaaring dumalaw anomang oras sa itinalagang “red alert” ng kapulisan.

Hindi isang pahiwatig bagkus lantad na babala, berbal man o ‘di-berbal, ang ipinaparating ng kapulisan sa kabataan na huwag nang bumalik pa sa kilusan. Isa rin itong banta sa kaligtasan ng mga lumalaban para sa bayan ngunit sa halip na panghinaan, galit ang mas nagpapasidhi sa kanilang paglaban; galit sa sistema at pagmamahal para sa bayan na siyang nagluluwal ng pakikibaka’t pagbalikwas ng masa.

Hindi kumukupas, kulay ng pakikibaka

Para sa Mayo Uno 6, hindi natapos sa likod ng mga rehas ang pakikibaka. Ang panghahamig ay patuloy sa loob ng piitan bilang ang mga kasama sa kulungan ay nagmula rin sa batayan na siyang pinaglilingkuran. Kalakhan sa mga kosa ay nagmula sa kanayunan na nakipagsapalaran sa kalunsuran kung saan, sa dulot ng hirap ng buhay, ay napilitang gawin ang mga bagay na taliwas sa kanilang kagustuhan. Sa lumalalang isyu ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka at mababang sahod ng mga manggagawa, hindi ba’t sila ay mga biktima lang din ng sistema? Kung tunay na piitan ang lugar ng mga kriminal, bakit wala rito ang mga kumakamkam sa kaban ng bayan?

Tila dumadampot lamang ang kapulisan ng maliliit na mamamayan na sa tingin nila ay sagabal sa “kaunlaran” ng iilan. Sa kabila nito, iisa lamang ang tiyak: nauunawaan ng mga nasa piitan ang sistemikong suliranin ng lipunan laluna ito ay kanilang pasan-pasan sa araw-araw na pakikipagsapalaran.

Sa mapanghamong panahon tulad nito, sinusubok ang pagsasapraktika ng mga teoryang inaaral sa eskwela. Bilang kabataan ang bumubuo sa Mayo Uno 6, kabataan din ang kalakhan sa sunod-sunod na kilos-protesta sa mga unibersidad at nangunguna sa pagkalampag ng MPD. Hindi normal ngunit, hindi ito bagong kaso laluna sa mga mag-aaral ng UP. Bitbit ang dangal, husay, at serbisyo para sa bayan, hindi hiwalay sa tungkulin ng unibersidad ang pag-oorganisa at pakikiisa sa laban ng batayang sektor.

Sa kaso ng UP Manila, ang mga kampanya para sa Mayo Uno 6 ay naglalaman ng higit na importansya — ‘di lamang dahil ang isa sa mga dinakip ay mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham at Sining kundi sa mas malaki nitong pangangailangan na buhayin ang patay na politika at pakapalin ang hanay ng mga nag-oorganisa. Sa kabila ng takot, naging mas masikhay ang militansya ng mga lider-estudyante ng unibersidad, nabuhay ang diwang makabayan ng mga ilap sa kilusan, at mas dumami ang mga nahamig na humanay at makiisa sa panawagan.

Noong ika-pito ng Mayo, opisyal nang nakalaya ang Mayo Uno 6 sa pamamagitan ng piyansa na umabot sa P252,000. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang mga panawagan para sa pagbabasura ng patong-patong na kaso ng illegal assembly, direct assault, disobedience, at malicious intent na kinakaharap ng anim. Noong Mayo 16, sa isang arraignment sa Municipal Trial Court, “not guilty” ang plea ng Mayo Uno 6 sa mga kasong ito. Nakaalpas man sa mga rehas ay patuloy pa ring nakukulong ang anim sa malakolonyal at malapyudal na lipunan — patuloy din ang kanilang laban sa pagpapabagsak ng sistemang sumusupil sa mamamayan. Walang hanggan ang pakikibaka, magkaroon man ng taning ang kalayaan.

Sa paglipas ng Mayo, ang lupa ay mananatili pa ring pula, hindi lamang para sa mga manggagawa kundi para sa masa na siyang dahilan ng pagbalikwas at pakikibaka. Ang kulay ng pagmamahal para sa bayan ay magiging mas matingkad sa kabila ng galit at karahasan sa lipunan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet