Pila Para Sa Buhay:
Ang Mahahabang Pilang Sakit ng PGH-OPD
Nina Alexandria Buenaventura, Princess Catacutan, Carlos Manuel Eusoya, at Frances Cruz
“Tiyagaan lang talaga kung gusto mong gumaling,” inda ni Nanay Mila, isang pasyente ng Philippine General Hospital (PGH), na bagaman alas onse pa lang ng umaga ay nakapila na para sa checkup kinabukasan. Pagsapit ng gabi, pampito na agad siya sa labas ng Outpatient Department (OPD) — ’di alintana ang buhos ng ulan.
Bitbit ang basang karton at bagahe, nangalay na siya sa pagtayo sa bangketa, nagbabaka-sakaling maagang buksan ng gwardya ang gate ng OPD para lang makasilong. Dinig sa kaniyang boses ang bigat ng isang masalimuot na araw, hindi pa man ito nagsisimula.
Ito ang reyalidad ng libo-libong pasyenteng nais makapagpatingin sa mga klinika ng OPD. Isang buong gabi bago magbukas ang ospital ay dali-dali na silang pumipila, makaabot lang sa maikling listahan ng matitingnan para sa araw na iyon. Karamihan sa kanila ay nanggaling pa sa malalayong lugar, lulan ng ambulansyang ilang buwan din ang hinintay bago maipa-iskedyul.
“Mabilis kasi ang cut-off, minsan 100 o 75 lang, depende kung ilan ang dumating na mag-i-interview [na doktor]. Kaya pagbukas ng gate ng alas kwatro, takbuhan na ‘yan,” dagdag niya habang nakapalibot ang mga kasama niya sa pila. Wari nila’y ‘di bale nang magtiis dahil mahuhusay naman ang mga doktor sa PGH at libre pa ang konsulta — malayo sa sitwasyon ng mga ospital na kani-kanilang pinanggalingan.
Mapait mang isipin, ang bawat ina, ama, at maging mga batang paslit ay umaasa ng kaginhawahan mula sa mahahabang pila ng PGH — sintomas ng isang talamak na sakit sa sistemang pangkalusugan, mga sugat na hindi natutunaw ng kahit anong gamot at mga pangakong hindi natutupad ng kahit anong dasal.
Kalbaryo sa Hatinggabi
Hindi alintana ang kumakalat na kirot sa katawan at ang alimuom mula sa ulan, matiyagang hinihintay ni Nanay Mila ang unti-unting pagliwanag ng paligid. Dadagdag pa sa perwisyo ang pagbuhos ng ulan. Sa silong sa tapat ng College of Arts and Sciences ng UP Manila, walang bagyong tatangay sa kaniyang kagustuhang makakuha ng libreng gamot.
Nagtitiis sa malayong biyahe ang mga pasyenteng tulad ni Nanay Mila, na mula pang Caloocan, para sa libreng serbisyo na kung tutuusin, isang karapatan ng mga mamamayan. Bilang pinakamalaking modernong pampublikong tersiyaryong ospital sa Pilipinas, kilala ang PGH bilang natatanging pambansang referral center para sa tertiary care na nagbibigay ng direktang serbisyo sa hindi kumulang 600,000 na pasyente kada taon.
Kilala ang OPD ng PGH sa serbisyo nito mula pa nang magbukas ito noong taong 1989. Ayon kay Nanay Isla na mula pa sa Taguig at nakapila na madaling-araw pa lamang, noong unang magbukas ang pintuan ng OPD ay hindi pa gaano kahaba ang pila at mas mabilis ang sistema ng pagtanggap sa mga pasyente. Subalit kinalaunan, unti-unting nabulok ang sistemang sa kasalukuya’y iniinda pa rin ng mga pasyente.
Maliban sa antok dahil sa maagang paggayak, tinitiis din ng mga pasyente ang ngalay mula sa mahabang oras ng pagtayo at pag-upo sa kani-kanilang mga karton sa makipot na lansangan. Sa pagpila nila para makapagpagamot, may pangamba sa kanilang kalusugan dahil sa kakulangan ng silong at palikuran.
Kung papalaring makapasok man agad sa pagbukas ng gate ng OPD, sasabak naman muli ang mga pasyente sa isa pang panibagong hamon sa paunahang pagbigay ng kanilang mga blue card at white card na kinakailangan para makapasok sila sa mga klinika. Kung mamalasin at hindi matawag ngayong araw, maghihintay muli ng panibagong iskedyul na umaabot ng ilang buwan — iindahin na naman ang sakit ng kanilang mga kaanak pagsabak sa pila.
Paglusaw ng Pondo, Sugat sa Serbisyo
Tunay na sa likod ng bawat pader ng OPD ay mga kwento ng pagkayod. Si Tatay Cesar, isang masipag na ama mula Cavite, ay kinakailangang magpabalik-balik sa PGH para sa pagpapalit ng catheter sa kaniyang prostate. Naisip na niyang sumailalim sa operasyon upang mabawasan ang pagpunta sa ospital, ngunit ang gastos para rito ay isang bangungot. Tanging ang libreng serbisyo ng ospital ang nagkaloob ng munting ginhawa sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
Para naman kay Tatay Ron na mula pa sa Quezon City, ‘di niya alintanang makipagsiksikan at magtiis sa hapdi ng katawan habang nasa pila madaling-araw pa lamang, para mabigyan ng atensyon ang anak na may sakit sa sikmura. Hindi niya inaakala na ang pinaniniwalaang “kanlungan ng bayan” ay unti-unting pinapawalang-bahala ng mga pinunong pikit-matasa hinaing ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Nitong 2024, kinaltasan ang badyet ng UP System — ang pinagmumulan ng pondo ng PGH — at halos P2 bilyon ang nabawas sa alokasyon ng ospital. Ang bawat sentimong binawas sa pondo ay maaaring napunta sana sa gamot na kinakailangan ng isang sanggol, sa operasyon ng lubhang nanganganib na maysakit, at sa pasilidad na makapagbibigay sana ng paghinga sa mga pasyenteng umaasa sa ospital na magbigay-buhay sa kanilang mga katawan. Nagdagdag pa sa suliranin ang mga anomalya sa PhilHealth. Dulot ng pondong nilustay ng mga iilang opisyal, ang mga pasyente ay tila nagbabayad ng isang utang na hindi naman nila kailanman pinahiram.
Saksi sina Tatay Cesar at Tatay Ron sa pagod ng paglalakbay sa PGH, ngunit sa kabila ng kanilang determinasyon, paano matitiyak na nabibigyang-halaga ang mga pasaning nararanasan ng bawat Pilipino? Ang “care” sa “healthcare” ay nagiging pangarap na lamang para sa mga kapwa mamamayang nangangailangan ng agarang kalinga sa panahon ng kagipitan.
Sa madilim na gabi na bumabalot sa OPD, mayroon pang isang krisis na tahimik na sinasalo ng mga pasyente: ang paglaho ng mga doktor at healthcare workers. Ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 18,644 na nars ang nag-migrate palabas sa bansa noong 2019 dulot ng di makatarungang sahod at kondisyon sa paggawa na nagresulta sa napakababang 8.2 nurse ratio sa bawat 10,000 na Pilipino. Ang pagharap sa ilang dosenang pasyente ay sakripisyong hindi masusuklian ng katiting na suweldo at kakarampot na benepisyo ng isang manggagawang pangkalusugan.
Dahil sa pagtratong ito, marami sa creme de la creme ng bansa ay napipilitang maghanap ng mas maayos na kinabukasan sa ibang bahagi ng mundo; humantong ito sa punto na kailangan ng gobyernong umasa sa Return Service Agreement (RSA) bilang panapal na solusyon sa krisis sa medical workforce ng sambayanan. Tila isinusumbat ng gobyerno sa healthcare professionals ang kanilang pag-alis ngunit hindi itinuturol ang mismong sistemang hindi nagtataguyod ng kanilang dangal.
Uhaw sa Lunas
Sa kabila ng mapagsamantalang sistema — na hindi pawang hinggil sa pila — na umiiral sa PGH, itinuturing pa rin itong “best option” ng mga pasyenteng ang baon ay pagtitiyaga at pasensya. Bagama’t hindi maipagkakailang kalbaryo ang pagpila, hindi ito hadlang sa paningin nila. Ayon kay Nanay Isla, subok na ang serbisyo ng PGH simula 2013 hanggang sa manganak na siya at ngayon ay nagpapatingin ng kanyang apat na buwang sanggol na may sakit sa puso, “Maganda kasi ang services dito at magagaling ang mga doktor kaysa sa iba.” Ani Tatay Ricardo naman, isa ring pasyente na nagpaopera na dalawang taon ang nakalipas at pabalik-balik sa PGH para sa mga checkup, “Walang bayad at magagaling ang doktor dito.”
Kung tutuusin, kinakatawan ng PGH ang bulok na sistemang pangkalusugan ng Pilipinas. Nilayon ng direktor ng PGH na si Dr. Gerardo “Gap” Legaspi ang expansion gamit ang pampubliko at pampribadong partnerships (PPPs), at hindi nalalayo rito ang kasalukuyang lagay ng naturang sistema — nahahati sa pampubliko at pampribado. Kung partikular sa pampublikong aspeto, hayag na palpak ang pamahalaan sa pamamahagi ng serbisyong medikal sa mahigit 100 milyong Pilipino kahit pa naisabatas na ang Universal Health Care (UHC) Law noong 2019 na naglalayong palawakin ang pagkakaroon ng akses at pagpaparami ng mga pangkalusugang pasilidad.
Ang kasalukuyang hakbang ng gobyerno ay nakaangkla pa rin sa curative imbes na preventive care kahit na dapat bigyang-pokus ang pangalawa. Ang pondo rin para sa preventive care ay 4% lamang ng kasalukuyang health expenditure noong 2023. Bukod pa rito, tinatayang nasa 40,100 lamang ang pangkalusugang pasilidad sa bansa noong 2023 at karamihan pa sa mga ito ay mga istasyon ng kalusugan sa lokal na distrito lamang. Kulang pa rin sa akses ng pasilidad pangkalusugan ang mga nasa kanayunan at mga liblib na lugar. Higit sa lahat, hindi rin natutugunan ng UHC Law ang kakulangan ng healthcare professionals at pagtugon sa kanilang pangangailangan tulad ng maayos na benepisyo upang mas piliin nilang magtrabaho sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa.
Samakatuwid, hindi talaga natatamasa ng mga Pilipino — hindi lamang nina Nanay Isla at Tatay Ricardo — ang itinuturing na sapat na serbisyong pangkalusugan dahil malayo ito sa tunguhin at tungkuling pasan dapat ng pamahalaan. Maliban sa akses sa serbisyo sa serbisyo at pasilidad, malaking suliranin din ang halagang nakabubutas ng bulsa, lalo na sa mga pampribadong ospital, dahil pumapangalawa ang Pilipinas sa buong Timog-Silangang Asya na may pinakamahal na medikal na gastusin.
Kaya naman, sa kabila ng pagiging “best” umano ng PGH, umaalingasaw ang kabulukan ng sistemang pangkalusugang sinasagisag nito. Ito ang mapait na reyalidad — ang PGH ang “best option” sapagkat ito lamang ang “only option” nila sa kabila ng hirap at haba ng pila.
Lunas sa Sistema
Ang kwento ng mga pasyenteng naghihintay sa labas ng OPD ay sumasalamin sa hirap na dinaranas ng mga Pilipino sa paghahanap ng serbisyong pampublikong pangkalusugan.
Hindi lamang libreng gamot at mga katiting na sentimo ang solusyon sa ugat ng sakit na kinakaharap ng pangkalusugang sektor ng bansa. Bagaman mayroon nang konsepto ng health devolution sa ilalim ng UHC Law, kailangan siguraduhin na epektibo ang pagpapatupad ng isang desentralisadong serbisyong pangkalusugan sa bansa upang hindi na kailangang mahirapan ang mga nasa laylayan na maglakbay upang makakuha ng dekalidad na serbisyo. Kaakibat nito ang pagbabantay sa mga lokal na gobyerno sa kung paano nila ginagasta ang pondong ibinibigay sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng National Tax Allotment (NTA). Kailangang alalahanin ng gobyerno na ang tunay na modernisadong kalusugan ay makakamit lamang kung ang serbisyong pangkalusugan ay abot-kaya na ng mamamayan saanmang dako sila magmula.
Isang malaking hamon sa susunod na maluluklok na direktor ng PGH ang maigting na pagkampanya para sa mas makatarungang alokasyon sa harap ng budget cuts sa UP System — nararapat na kaisa sila ng masa sa panawagang tutulan ang pagtapyas sa pondo ng pamantasan na nakakaapekto sa PGH. Kailangan ring mas iangkla ang kanyang pamamahala tungo sa mas makataong serbisyo — nakikinig at may malasakit sa mga karanasan at suliranin ng mga kinasasakupan, lalo na kung pinag-uusapan ang mga isyu ng kontraktwalisasyon, kakulangan sa pasilidad, at ‘di makatarungang kondisyon sa trabaho.
Sa likod ng mga face mask at scrubs ay naroon ang mga doktor, nars, at kawani ng ospital na ang mga buhay ay nakataya araw-araw. Sa halip na tumutok sa mga pansamantalang kasunduan tulad ng RSA, kailangan ng gobyernong tutukan ang pagbibigay ng kanilang sapat na sahod upang hindi na kailangang dumayo pa ng iba pang bansa kung saan sila makakatanggap ng tunay na pagpapahalaga.
Karapatan ng bawat Pilipino na mahandugan ng serbisyong pangkalusugan na hindi kinakailangang baunan ng matinding pasensya at pagtitiis, at ‘di dapat nakaangkla ang kapalaran ng kalusugan sa haba ng pagod at puyat na kaya nilang tiyagain. Isang kabalintunaan na kailangan pang dumaan sa pasakit ng mga Pilipino upang gumaling.
Sa susunod na bisita nina Nanay Mila, Tatay Cesar, Tatay Ron, Nanay Isla, Tatay Ricardo at ng libo-libong pasyente ng PGH, nararapat na hindi kabiyak na karton at agam-agam ang dalhin kundi galak sa balita ng paggaling. Ang paglutas sa suliraning pangkalusugan ay hindi dapat “tiyagaan lang” para sa libreng gamot — ang ganap na tagumpay ay tanging matatanaw oras na walang anumang pila sa loob at labas ng ospital ang mas mahaba pa kaysa sa tinatanging buhay.