Ang mga Kuwento sa Kaarawan ni Kamatayan

The Manila Collegian
9 min readMar 28, 2024

--

ni John Rey Amestoso at Benedict Ballaran

Dibuho ni Cess Delos Angeles

Marso 28, 1945–79 na taon na ang nagdaan nang ipinanganak ang dating pangulong Rodrigo Roa “Digong” Duterte. Sa kanyang pamilya’t kaalyado, puno ng galak ang araw na ito. Subalit sa pamilya ng mahigit 12,000 na mga biktima ng kaniyang madugong kampanya laban sa ilegal na droga, isa itong panibagong taon ng inhustisya.

Sa araw na ito, habang hinihipan ni Duterte ang kandilang nagmamarka ng kaniyang kapanganakan, nakatirik naman sa mga estero at simbahan ang mga kandilang alay sa mga biktima ng giyera kontra ilegal na droga. Ang bawat upos na kandila ay panalangin ng mga naulilang pamilya na makamtan ang hustisyang matagal na nilang inaasam. Ang hiling nila sa kaarawan ni kamatayan — katarungan.

Kuwento sa Likod ng Numero

Sa bawat taong malaya si Duterte, lumalakas ang pangamba ng karamihan na unti-unti nang nababaon sa limot ang mga kuwento ng mga nasawi sa madugong kampanya laban sa droga. Libo-libo ang naitalang mga bangkay ngunit hindi nasusukat ng datos na ito ang sugat at sakit na habambuhay nang bitbit ng mga naiwang pamilya. Sa likod ng numero, may mga masasalimuot na kuwentong nararapat na bigyang pansin. Ang iba sa kanila, maaaring nakasalamuha mo na sa unibersidad.

Nagtungo kami sa Cubao Expo upang tanganin ang hamon sa pagpapalaganap ng kuwento ng mga biktima. Doon, natagpuan namin ang isang kapihang siksik sa nakakagising na mga kuwento. Ang Silingan, nangangahulugang ‘kapitbahay’ sa wikang Sugbuanon, ay isang coffee shop na itinayo ni Redemptorist Brother Jun Santiago noong 2021 upang magbigay ng pagkakakitaan sa mga pamilya ng biktima ng war on drugs at makabuo ng isang komunidad na aagapay sa paghilom mula sa mga malalalim na sugat na idinulot ng administrasyong Duterte.

Pagtapak pa lamang sa loob, nalanghap na namin ang amoy ng kape, puno ng tapang at sigasig. Kapansin-pansin na ang dingding ng lugar ay puno ng mga materyales ukol sa giyera kontra droga, tila nagpapahiwatig na nag-uumapaw ang lugar ng makabuluhang kuwento. Hindi rin nawala ang mga panawagan at impormasyon hinggil sa madugong kampanya ni Duterte kontra droga. Ang nakapukaw sa aming atensyon — ang mga salita ni David Ramirez na nakapinta sa bawat hakbang ng hagdan — ani nito, “It’s an illegal massacre of the poor.”

Doon pa lang ay alam na namin na mabibigat ang mga kuwento na aming matutunghayan. Gayunpaman, ito’y hindi mababatid sa mga nagliliwanagang mukha ng mga staff na sumalubong sa amin nang may matamis na ngiti sa kanilang mga labi.

Pinatay na Pangarap

Si *Lance, 22 taong gulang mula sa Caloocan City, ang una naming nakausap. Hindi nagkakalayo ang aming edad ngunit ibang-iba ang buhay na kaniyang naranasan. Dalawang linggo na lang sana at magdidiriwang na ng ika-25 taon na kaarawan ang kaniyang nakatatandang kapatid nang ito ay binaril ng mga armadong lalaki, madaling araw ng Abril 6, 2019. Hindi lubos akalain ni Lance na ang susunod nilang pagkikita ng kaniyang kuya ay sa morge na ng ospital kung saan nakahimlay ang malamig na bangkay nito.

Sa nangyaring insidente, kinuwento rin ni Lance na nasawi ang pitong-taong-gulang na anak ng kanilang kapitbahay. Ngunit, sa kasamaang palad, tatlo sa apat na mga suspek, kasama ang tinaguriang lider ng grupo, ay nananatiling malaya hanggang ngayon. Kaya hangad niya na makamtan ang hustisyang matagal na nilang ipinaglalaban. Panawagan niya sa kasalukuyang administrasyon na “Sana baguhin na ang dating kagawian na kung pumatay ay parang hayop lang.”

Ang engkuwentro ay hindi lamang kumitil sa buhay ng kuya ni Lance kung hindi sa pangarap din niya na makapagtapos ng pag-aaral. Noong nabubuhay pa lamang, ang kuya niya ang nagsilbing breadwinner ng kanilang pamilya. Ito ang nagbibigay ng baon sa kanilang magkakapatid. Kung kaya’t gustuhin man ni Lance na bumalik sa pag-aaral ay hindi ito posible sa ngayon sapagkat kailangan niyang kumita ng pera para makatulong sa pagtustos sa pag-aaral ng kaniyang mga nakababatang kapatid.

Mailap na Hustisya

“Parang delubyo ang araw na ‘yon.” Ganito naman inilarawan ni *Ate Jona ang gabi kung kailan pinatay ang kaniyang ama. Pitong taon na ang nakalipas ngunit tandang-tanda pa niya na kahit walang sapin sa paa ay agad siyang kumaripas ng takbo patungo sa bahay ng kaniyang mga magulang nang marinig ang balita bandang alas dos ng madaling araw noong Enero 6, 2017.

Katulad ni Lance, hindi na rin naabutan ni Ate Jona na buhay ang kaniyang ama. Sa halip, nasilayan na lamang niya ito sa morge — basag ang bungo at butas-butas ang katawan mula sa 10 bala na tumama rito.

Base sa kuwento ng ina, kumatok ang grupo ng mga kalalakihan bandang mga ala-una ng gabi na iyon. Surveillance lang daw ang sadya nila. Ngunit, sa maraming insidente ng patayan sa kanilang lugar, alam na ng tatay niya na hindi ito ang tunay na pakay ng grupo. Sa pagpasok ng mga salarin, pinalabas nila ang kaniyang nanay at bunsong kapatid. At makalipas lamang ang ilang minuto, sunod-sunod na pumutok ang mga baril — hudyat ng pagpatay sa haligi ng kanilang tahanan.

“Huwag niyo nang idamay ang pamilya ko. Ako na lang, sir.” Ito ang pagsusumamo ng ama ni Ate Jona. Ayon sa mga nakarinig ng pangyayari, pilit na pinaamin ng armadong mga kalalakihan kung sangkot ba ito sa ilegal na droga at kung may kakilala na mga drug dealer. Nang walang makuhang sagot, tinortyur nila ito.

Kasuklam-suklam man ang nangyari ngunit walang nakuhang hustisya ang pamilya ni Ate Jona. Hindi na nila nilaban ang kaso at ipinapasa-Diyos na lamang ang lahat. “Kahit ano namang ipaglaban namin ay wala pa ring hustisya kasi ang nakaupo pa rin ay kamag-anak nila.”

Pangungulila ng Naiwan

Sa puntong ito ng aming pakikipag-usap sa mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings, halos hindi na kami humihinga, pilit na pinipigilan ang mga luhang nagbabadyang tumulo mula sa aming mga mata. Ngunit hindi na rin namin napigilan ang pagragasa ng emosyon nang bumuhos ang mga luha ni Ate Sharon nang ikuwento niya sa amin ang sinapit ng kaniyang kapatid na si Ian at ang pasakit ng pangyayaring ito sa buhay ng kaniyang pamilya.

Nob. 12, 2016, ilang buwan matapos maihalal si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas, naganap ang pagpatay ng mga pulis sa kaniyang nakababatang kapatid.

Mabuti at malambing na bata ang noo’y bente anyos na si Ian. Kuwento ni Ate Sharon, sinusundo pa siya nito noong nagtatrabaho pa siya sa Baclaran. Kaya naman, dahil sa mabuting kalooban nito, madali siyang bumigay sa mga kahilingan ng kapatid. Idiin ni Ate Sharon na kailanman ay hindi nasangkot sa ilegal na gawain si Ian. Bagkus, biktima lamang ito ng pambibintang ng mga pulis at quota system na diumano’y nagtalaga ng bilang ng kailangang patayin sa isang gabi. Kaya hindi niya matanggap ang sinapit ng kapatid.

“Sir, hindi po ako ‘yon!” Mariing tanggi ni Ian ayon sa mga kapitbahay na nakarinig sa engkuwentro. Ngunit, wari’y bingi, pinapatukan pa rin ng mga pulis ang walang kalaban-laban na binata. Napag-alaman sa autopsy na mahigit 13 na bala ang natamo ni Ian. Dahil alam ng mga kaibigan ng binata na siya’y malinis, binantayan nila ang bangkay ng kababata upang hindi mataniman ng pulis ng droga.

“‘Pag umuuwi ako wala nang [sumusundo] sa akin,” emosyonal na pagbabahagi sa amin ni Ate Sharon. May mga pagkakataon na labis ang kaniyang kalungkutan, ngunit hindi siya maaaring magpatalo rito dahil siya ang pinaghuhugutan ng lakas ng kaniyang pamilya. Sa kabila ng paghihinagpis, naniniwala pa rin siya na darating ang araw na makakamtan nila ang hustisya. “Hindi sa lahat ng oras nasa taas sila,” aniya.

Nakakubli sa mga Ngiti

Hindi lamang sa Silingan matatagpuan ang pait na pinatikim ni Rodrigo Duterte. Sa loob ng kapanatagan ng Unibersidad ng Pilipinas Manila ay may mga kuwentong hindi nabibilang ng mga numero. Isa na rito ay ang kwento ni alyas ‘Jay’ ng Kolehiyo ng Agham at Sining. Sa kaniyang masiyahing pagkatao, hindi mo aakalaing mayroong siyang mabigat na dinaramdam. Maaring nakasalamuha mo na siya na may ngiti sa kaniyang mga labi, ngunit nakakubli rito ang kaniyang sinapit sa bakal na kamay ni Digong.

Pitong taon makalipas ang masalimuot na pangyayari, sariwa pa rin sa isip ni Jay ang sinapit ng kaniyang ama. Sa kaniyang pagsasalaysay, hindi na natatago ng kaniyang matamis na mga ngiti ang hinagpis at luhang nais kumawala sa kaniyang mga mata. Tila peklat na nakaukit sa kaniyang ala-ala ang bawat detalye ng gabing marahas na pinatay ang kaniyang ama.

Peb. 4, 2017, taimtim na gumagawa si Jay ng proyekto sa paaralan sa kanilang sala. Sa kaniyang tabi, ang kaniyang ina at dalawang nakababatang pamangkin. “Matutulog na ako, pagod na ako,” wika ng kaniyang ama at tumungo na sa kwarto upang magpahinga. Lingid sa kaalaman ni Jay, iyon na pala ang huling mga salita na sasambitin ng kaniyang tatay.

Ang gabi ay nabalot ng lamig at tahol ng mga aso. May mga aninong umaaligid sa kanilang paligid, kasabay ang mabigat na yabag ng mga paa sa kanilang bakuran. Kumabog nang mabilis ang kaniyang dibdib. “Wag kayong gagalaw!” Walang pasintabing pinasok ang kanilang tahanan ng tatlong mala-aninong mga lalake, bitbit ang kalibre-45 na baril. Nanlamig ang katawan ni Jay, ang bibig ng baril ay nasa kaniyang noo. Dali-dali niyang itinago ang kaniyang pamangkin sa kaniyang likod. Napapikit na lamang si Jay nang pasukin ng lalaki ang kwarto kung saan mahimbing ang tulog ng kaniyang ama.

Bang. Bang. Bang. Kasabay ng pag-alingawngaw ng baril, humagulgol ang dalawang musmos niyang pamangkin. Mistulang panaginip lamang ang lahat. Tulala, tuliro, at tila napako sa kaniyang kinatatayuan si Jay, pinapanood ang tatlong lalaking dali-daling umalis sa eksena. Sinubukan nila itong habulin ngunit huli na ang lahat. Ang kanilang nadatnan ay ang kamang nababalot ng dugo, at ang kaniyang amang payapang natutulog.

Para kay Jay, trauma ang nakuha niya noong gabing iyon. Ipinilit na lamang niyang pumasok sa paaralan sa sumunod na linggo, walang ganang makipag-usap sa kahit kanino. Sa ilalim ni Oble, sinusubukan ni Jay na magpatuloy magsumikap para sa kaniyang pangarap. Dahil para sa kaniya, ito ang inaasam sa kaniya ng kaniyang namayapang ama.

Makalipas ang ilang linggo, noong Peb. 25, natatandaan ni Jay ang mga luhang tumulo habang ipinagdiwang nila ang kaarawan ng kaniyang ama. “Nandoon ‘yong handa niya pero wala na yung tao,” ang mapait na sambit ni Jay. Imbis na masayang selebrasyon, malungkot na sinasalubong ng mga katulad ni Jay ang kaarawan ng mga pinatay ni Duterte. Para sa mga kaanak, ang kaarawan ng mga biktima ay isa na namang taon ng pangungulila.

Paghilom at Pag-asa

Mula sa Cubao Expo hanggang sa UP Manila, makabagbag-damdamin ang mga kuwentong aming nasaksihan mula sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings. Bakas sa kanilang mga mukha ang sakit ng nakaraan, pangungulila, at pagkauhaw sa hustisya. Sa kanilang mga kuwento, napakaraming pangarap ang namatay at buhay ang nasayang. Malinaw na hindi ito giyera kontra droga kundi giyera laban sa mahirap.

Ang karahasan ng estado na kolektibong pinagdaanan ng mga pamilyang ito ang nagbuklod sa kanila na magtipon-tipon sa Silingan. “Hindi lang trabaho kung hindi pamilya ang natagpuan ko,” ani ni Ate Jona. Nakatagpo sila ng karamay at kakampi na may katulad na adhikaing makamit ang hustisyang matagal nang iginigiit. Subalit, marapat ding suriin na ang samahang ito, ang Silingan ay manipestasyon ng kawalang hustisya — pilit pinupunan ang pagkukulang ng estado at hinihilom ang mga sugat na iniwan nito.

Bilang mga manunulat, nasa kamay natin ang sandata ng pluma. Ang pakikinig at pagkalat ng mga kuwentong ito ay isang tindig na hinding-hindi natin sila makakalimutan — hanggat walang hustisya, ang kanilang kuwento ay hindi mabubura. Bilang mga iskolar ng bayan, ang mga biktima’y nakatingin sa atin — inaantay kang makinig sa kanilang kwento at sumama sa kanilang panawagan.

Kaya sa kaarawan ni kamatayan, nawa’y hiling ng mga biktima ay matupad — na siya ay makulong at magbayad sa bawat dugong dumanak sa lansangan, sa loob ng kabahayan, at maging sa mga esterong kinalimutan ng gobyerno. Ang kanilang hiling ay katarungan — para sa mga kaanak nilang inalipusta, niyurak, at pinatay na parang hayop.

“Huwag tayong mawalan ng pag-asa,” ika nga ni Ate Sharon. “Ang hustisya, hindi naman agad darating yan. Hindi man ngayon, hindi man bukas, darating at darating din ‘yan.”

Ang karagdagang taon sa edad ni Duterte ay nangangahulugang nalalapit na ang kaniyang paghuhukom.

*Minarapat ng mga panauhin na hindi gamitin ang tunay na pangalan para sa kanilang seguridad.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet