MALAYO SA BITUKA
Ang Mga Pangkalusugang Implikasyon ng Pagpag
Ni Marlo Gordoncillo
Isang kahusayan, kung hindi isang karamdaman, ang kakayahan ng Pilipino na sikmurain ang anuman. Dahil ang bayan ay lulong sa hangad na kaginhawaan, simot sa masa ang pag-asang maaaring kasingliit lamang ng tutong sa pinggan. Kaya’t kung saan hindi naririnig ang pagkalam ng sikmura at panginginig ng mga tuhod, tagapagligtas kung maituturing ang pagpag — isang pantawid-gutom na sa kasawiang palad ay mga isang kahig, isang tuka lang ang nakakasikmura.Nitong Agosto, sinaad ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 64 na piso lamang ang kinakailangang pangkain ng isang hindi mahirap na Pilipino sa isang araw. Ngunit, para sa iilang nakatira sa maliit na barangay Happyland sa Tondo, Manila, ang isang malaking 30-piso supot ng pritong pagpag — pagkaing gawa sa tira-tira ng mga fast food restaurant — ay sapat na bilang pantawid-gutom ng isang karaniwang mag-anak sa isang araw.
Kung si Queen Evelyn, ang pinakamatagal nang nagbebenta ng pagpag sa barangay, ang tatanungin, nabubusog na raw sa dalawa o tatlong order ng pagpag sa isang araw ang sarili at ang kanyang mga suki — tila tanda ng isang malagong kabuhayan at umiiral na mga gawi. Malinaw na ang pagpag ay sintomas ng isang mas malaki at mas maselang suliraning panlipunan, ngunit ang hindi napag-iisipan nang malalim ng mga malalayo sa ganitong katotohanan ay kung ano ang dulot nito sa kalusugan sa kapwa mamamayan.
Sa Ilong at Mata
Sa aming pagdalaw sa Happyland, Tondo, kapansin-pansin ang karukhaang bakas sa buong komunidad — karukhaang napatutunayan ng alingasaw ng mga nakatambak na basurang pinagpiyestahan ng mga peste, pagkakadikit-dikit ng mga tahanang may kakulangan ng mga palikuran, patintero ng mga daga at ipis, at ang tagisan ng mga hanapbuhay na sandigan ng mga tahanang butas-butas ang yero.
Kung ito ang tila isinumpang lupang pinagkakainan ng mga isang kahig, isang tuka, sapat ba ang hatid ng pagpag upang lunukin ang kanilang pang-araw-araw na katotohanan? Paano nga ba nasisikmura ang anumang pagkain sa kapaligirang nilalabanan ng ilong at mata?
Sa Dila at Lalamunan
Ayon kay Queen Evelyn, hindi pa sumisikat ang araw ay gumugulong na ang kaniyang kabuhayang nagsisimula sa mga kinokontrata niyang nagtitinda ng mga tira-tira — minsa’y siya ang pumupunta sa kung saan napupulot ang mga tira-tira at minsa’y hinahatid na lang daw sa kaniyang tindahan. Kadalasan sa mga inaangkat na tira-tira ay pritong manok na nabibili sa halagang 50 o 90 piso kada sako. Pagdating sa kanya ng mga sako ay agad din niyang pinagpipilian ang nilalaman ng mga ito — tuluyang itatapon ang mga ‘di na mapakikinabangan at hinihiwalay ang mga sa palagay niya ay may laman pang pwedeng kainin.
Pagkatapos nito, handa na si Queen Evelyn isuot ang koronang iginawad ng kanyang kasanayan bilang reynang kayang gawing katakam-takam at kaasam-asam sa dila at lalamunan ang para sa karamihan ay basura na lang.
Dahil siya ay tapagluto ng karinderya noong 1990s bago siya hinikayat na magbenta ng pagpag, taglay daw ni Queen Evelyn ang tamang talentong akma sa negosyong ito. Halimbawa, wala umanong malinaw na batayan kung sapat na ang paghuhugas, pagpapakulo, at pagpiprito ng pagpag; pakiramdaman na lang daw — isang bagay na sabi ni Queen Evelyn ay gamay na niya. Sa bawat kutsara ng seasoning mix at bawat minutong lumilipas sa paghalo ng matilamsik at nakalalapnos na kabuhayan, akay-akay niya at ng iba pang nagtitinda ng pagpag ang kalusugan ng bawat taong umaasa sa murang pantawid-gutom na ito.
Wala pang tanghali ay isa na lang sa lima hanggang sampung sako ng tira-tira ang hindi pa naluluto ni Queen Evelyn.
“Masarap po ang pagpag… dito laging bumibili si mama,” inosenteng wika ng isang musmos na si Wewe habang naghihintay sa harap ng tindahan ni Queen Evelyn ng pagpag na tutugon sa kaniyang gutom.
“Marami talagang nagbebenta ng pagpag dito. Doon kami kumakain ng mga kasama kong driver kapag tanghali.. kasi masarap tapos mura pa… siyempre, doon na lang kami kaysa magkarinderya pa — mas mahal iyon,” ayon naman sa tricycle driver na si Tatay Fernan,
Nanunuot sa kanilang mga pahayag ang ‘di umano’y sarap ng pagpag — sarap na ayon sa kanila’y halos kapantay na lamang ng mga inihahain ng mga fast food restaurant. Nang tinanong naman sila kung suliranin ba ang paulit-ulit na pagkain ng pagpag sa araw-araw, napag-alaman kong hindi lamang prito ang putaheng maaaring gawa sa mga tira-tira.
“Meron kami ditong mechado, kaldereta — kasi minsan ‘yun ang request ng mga nag-iinterview ditong mga dayuhan,” ani isa pang nagtitinda ng pagpag na si Aling Gemma. Tugma rito ang sabi ni Queen Evelyn na madalas nilang sinusunod ang hinahanap na putahe ng mga mamimili tulad ng adobo at bulalo na gawa pa rin sa mga kadalasang sangkap nito — tira-tira nga lamang ang karneng ginagamit.
Bagama’t kailanman ay hindi pinangarap ni Queen Evelyn ang paglalako ng pagpag, ipinagmamalaki niya ang kakayahan niya sa pagluluto. Ayon sa kanya, wala ni isang napapabalitang nagkasakit dahil sa pagkain ng pagpag.
“Wala namang nasasakitan ng tiyan… o kahit anong sakit dahil sa pagpag. Bumabalik lang [sila] dito dahil gusto nila. Nasasarapan [sila],” saad niyang may ngiti sa labi.
Sa Utak
Madaling ipagkibit-balikat ang mga kwentong ito sa gitna ng mga salusalo sa sariling mga tahanan dahil ang gutom na hindi atin ay ang gutom na pinakamadaling tiisin. Sa bagay, bakit pa nga ba susuriin ang pagkakaiba ng kahulugan ng salitang “busog” para sa kanila at sa atin?
Subalit batay sa Food and Agriculture Organization ng United Nations, ang food security ay hindi lamang nangangahulugang may laman ang tiyan; bagkus, kinakailangan ding ang nakakain ay ligtas, masustansya, at de-kalidad — mga katangiang hindi tiyak sa pagpag. Sa ilalim ng pagpapakahulugang ito, ang mga kumakain ng pagpag ay nasa bingit na ng food insecurity — isang isyung gumugutom sa 51 milyong Pilipino ayon sa datos ng IBON Foundation nitong 2023.
Ayon sa isang doktor ng nutrisyon na si Dr. Jeremiah Torrico ng Philippine General Hospital, lubos na malinaw na ang pagkakaroon ng ganitong uri ng ekonomiya sa Tondo o saan man ay dulot ng kawalan ng food security.
“The lack of data [on pagpag] does not support its safety. Until we have studies to support its safety or its threats, we cannot say [if] it is safe or not… We have no way of knowing until we analyze it — look at its contents. Will it satisfy the needs of those feeding on it in terms of macronutrients or micronutrients? We’re not sure if they are enough to sustain what is needed by those who depend on it,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Dr. Torrico na kahit siya mismo ay wala pang natitingnan o naririnig na kaso ng pagkakasakit dahil sa pagpag, may mga panganib pa ring maaaring hatid nito. Ayon sa kanya, hindi madaling pagkatiwalaan ang pagpag lalo pa’t hindi nababatid ng kumakain, o maging ng nagluluto, kung gaano kalinis o karumi ang pagkain. Hindi rin nakatutulong na walang wasto o pinagsasang-ayunang pamantayan sa pagluluto ng pagpag — isang bagay na pinatotohanan ni Queen Evelyn nang sinabi niyang pakiramdaman na lamang ang paghuhugas, pagpapakulo, at pagpiprito rito.
“[Ang] main concern natin [are] infections and foodborne pathogens [dahil] there are a lot that aren’t easily killed off by normal cooking. For example, hepatitis A — it’s stable in medium heat. So, how high should the temperature be when you cook it?… It’s the irregularity of how it is prepared, and ‘yung nature mismo ng food — coming from trash,” paliwanag niya.
Ito ang tiyak sa utak ng dalubhasa: hindi nangangahulugang ganap na ligtas ang pagkain ng pagpag. Bagaman wala pang mga naitala o nababalitang kaso ng karamdaman kaugnay dito, mahalaga pa rin ang siyentipikong pagsisiyasat lalo pa’t may kinalaman ito sa kalusugan ng tao. Gayunpaman, ang nasa utak ng dalubhasa ay hindi sinasalamin ang puso ng bayan at ugat ng suliranin.
Sa Puso
Kinakalawang man ang kubyertos ng mga kumakain ng pagpag ngunit para sa kanila, mas mabuti nang kumapit sa patalim na hamak na mas mapurol kumpara sa mapanusok na sakit hatid ng gutom. Ayon pa kay Queen Evelyn, hindi niya nanaising maranasan ng kanyang mga anak ang hirap na nag-udyok sa kaniyang sumalang sa ganitong hanapbuhay at ang hirap na patuloy niyang iniinda sa araw-araw na paghahanda ng pagpag sa isa sa mga pinakamahihirap na lugar sa bansa. Bilang nag-iisang magulang, nairaraos ng nasa 600 piso na kita sa isang araw ng pagbebenta ng pagpag ang edukasyon ng kaniyang mga anak hanggang sa ngayon.
Kung kaya, nakalulungkot isiping hindi kailanman magkakatulad ang mga pamamaraan ng pagkamit ng pangarap dahil maging sa kalidad ng pagkain — isa sa mga pinakasimpleng karapatan ng bawat Pilipino — ay hindi tayo magkakapantay. Ilang mga tuhod ang hindi bumibigay habang itinataas ang watawat ng Pilipinas dahil lamang sa lakas na sa pagpag hinuhugot? Ilang mga bata ang pinag-aaralan ang Go, Grow, at Glow food groups kahit pagpag lamang ang laman ng kanilang tiyan? Sa mga kabalintunaang ito naipamamalas na mayaman ang Pilipinas, ngunit iba ang niluluwa ng kalusugan ng ating mga kababayan — masaklap pang hindi rin ito gaanong napagtutuunan ng pansin maging sa agham. Kung gayon, nararapat bigyan ng pangil ang mahahalagang mga batas tulad ng Republic Act 11037 on Child Nutrition dahil nagugutom ang bayan, at ang problema sa pagkain ay magiging problema rin sa iba pang aspekto ng pamumuhay.
Kung wala man naitalang nagkakasakit dahil sa pagpag, marahil ay patunay itong sa pagitan ng kayod at buntong-hininga, walang panahon o karapatan ang Pilipino upang damhin ang mga limitasyon ng katawan. Bilang mapapalad na may masustansyang pagkain sa pinggan at may kakayahang mag-udyok ng kaunlaran, tayo ay nasa pusod ng umuumbok na tiyan ng bayang nabubusog sa mga pangako at kasinungalingan. Subalit, ang ating realidad ay malayo sa realidad ng mga nasa Happyland — malayo sa bituka ng bayan kung saan kapalaran ang tinutunaw sa halip na sustansya. Malayo tayo sa kung saan sinasabing malayo lang din sa bituka ang karamdaman ng Pilipinong naaagnas nang buhay dulot ng kahirapan.