Tara, kape tayo?
Ang Mukha ng Kape sa Iba’t Ibang Sektor ng Lipunan
ng Seksyon ng Kultura
Higit sa init at lasa, ang hagod ng kape sa lalamunan ay salamin din ng lumalawak na agwat sa mga uri sa lipunan. Ito ay dugo’t pawis ng mga magsasaka, pinaghuhugutan ng lakas ng mga manggagawa, simbolo ng pag-aasam ng mga estudyante, at tanda ng karangyaan ng mga mariwasa.
Sa likod ng bawat timpla, may nag-aalab na damdaming nais iparating, may mga tanong na dapat masagot, at may mga laban na kailangang mapagtagumpayan.
Tara, kape tayo?
Kapeng Barako: Matapang Pero Hindi Maipaglaban
Ni James Lajara Magpantay
Kasabay ng pagtilaok ng mga manok sa umaga, malalanghap rin ang amoy ng kapeng barako sa kubo ng mga magsasakang sasabak sa nakakukubang araw sa bukirin. Sa unang lagok pa lang, agad na magtataasan ang balahibo, mamumuo ang pawis sa patilya, at magigising nang tuluyan ang diwa — katulad ng pagmulat ng mga magsasaka sa isang mahabang laban na kailangan nilang harapin. Sa trabahong ito, kailangan maging matatag, malakas, at higit sa lahat, maging barako.
Mainit sa lalamunan ang sumusulak na kapeng barako — perpekto para sa mga umagang maginaw at nababalot ng hamog. Ang pagkapaso ng dila sa init ng kape ay maihahalintulad sa nagngitngit na tírik ng araw habang sila ay nagtatrabaho. Tunay na tatagaktak ang mga butil ng pawis sapagkat ang mga magsasaka’y salat sa mga kagamitan at proteksyon. Kakarampot na nga ang kinikita mula sa panginoong maylupa, kinakaltasan pa ang kanilang sahod upang ipambili ng pestisidyo’t pataba. Kaya naman, mula sa pagpitas hanggang sa pagbayo ng mga butil ng inaning kape, ang kanilang mga kamay ang tangi nilang kakampi. Sa maghapong pagbabanat ng buto, biyaya na ang makapaglabas ng isang malalim na buntong hininga.
Tulad ng kapeng barako, mapait ang buhay ng mga magsasaka lalo’t kung palaging nababarat, ginigipit, at ninanakawan ng lupang sakahan. Wala ring matamis na bunga ang sisibol kung dugo’t luha lamang ang dumidilig sa mga malalawak na taniman. Dagdag pasakit pa ang pagbili ng kapeng inani ng mga magsasaka sa murang halaga. Kung hindi man nila mabenta ang lahat, ginagawa na lang nila itong pataba sa lupa. Hangga’t nagpapatuloy ang walang tigil na panggigipit sa kanayunan, pambabarat sa mga lokal na produksyon at pananamantala sa lakas-paggawa, mananatili ang pait ng buhay sa mga magsasaka.
Matapang ang kapeng barako katulad ng mga magsasakang nagtatanim, umaani, at nagpoproseso nito. Paano ba namang hindi magiging matapang, kung ang kalaban nila’y mga among inaagawan sila ng lupa at gahaman na mga dambuhalang korporasyon? Silang mga magsasaka ang nagsisikap na itanim at anihin ang bawat butil ng kape, ngunit mula noon hanggang ngayon, panginoong maylupa pa rin ang nagmamay-ari at nakikinabang sa mga lupang ilang dekada na nilang binubungkal at pinayayaman. Bukod pa rito, mailap na rin ang kanilang kabuhayan dahil nakikipagsabayan ang produkto ng mga dayuhang korporasyon sa kanilang mga lokal na produkto. Gaano man katapang ang lokal na kapeng barako at ang mga magsasakang nagtatanim nito, kung patuloy namang kinakampihan ng estado ang mga panginoong maylupa at negosyanteng may dayuhang produkto, tiyak na mananatiling sadlak sa hirap ang magsasakang Pilipino.
Ang kapeng barako ay konkretong simbolo ng buhay at laban para sa mga magsasaka. Ang kapeng ito ang kanilang kasama sa bawat araw na kanilang tatahakin na nagsisilbing pampatibay ng kanilang loob sa mabigat na pasaning kailangang bitbitin. Ito rin ang kanilang iaalok sa bawat bisitang darating — pamamarisan ito ng tinapay o sumang binalot sa dahon ng niyog na lalantakan sa pagitan ng mahahabang usapan. Ito ang kulturang handang ihain ng mga magsasaka sa kanayunan.
Nakakintal na sa malalim na ugat ng kasaysayan ang kinatatayuan ng mga magsasaka sa lipunan, sektor na nagbibigay ng pagkain at sa libo-libong tahanan. Sa kanila nagmumula ang kapeng barako na naihatid tayo sa kung saan-saan. Sila rin ang may hatid ng inumin na gumising at nagpatibay sa atin, laluna sa oras na tayo ay nasa alanganin. Hangga’t may kapeng barakong tumutubo sa mga taniman, patuloy na uusbong ang henerasyon na babangon at lalaban sa gitna ng lahat — anumang tindi ng init, anumang banta sa tapang, at anumang tindi ng pait.
Kapeng 3-in-1: Pangmabilisan, Salamin ng Lumalalang Lagay ng Lipunan
Ni Chester Leangee Datoon
‘Di pa man sumasapit ang bukang-liwayway, maingay na ang kabahayan ng mga empleyadong kailangan umalis nang maaga upang ‘di maipit sa trapik patungong opisina. Sa kabilang dako, maingay na ang mga makinarya sa pabrika ng kape; ilang oras na namang nakatayo ang mga empleyado rito upang masiguro ang tamang operasyon. Sa kabila ng pagod at kondisyong kinalalagyan — ang lamig man ng de-aircon na opisina o init ng pabrika — baon-baon nila lagi ang sachet ng kapeng 3-in-1 na siyang kapeng pangmadalian at solusyon sa oras na palaging kinukulang.
Hulog ng langit kung maituturing ang instant coffee — bukod sa mura, kumpletos rekados na ito sa durog na kape, creamer, at asukal. Buhusan lamang ng mainit na tubig, tanggal agad ang antok sa maghapon. Subalit, para sa uring manggagawa, hindi lang basta pampagising ang kape, nagsisilbi rin itong laman-tiyan. Ito ay kadalasang pinagsasawsawan ng tinapay o inuulam sa kaning baon mula sa bahay. Binubuhay ng kapeng 3-in-1 ang uring manggagawa — isang inuming nakasanayan na nila sa araw-araw na gawain.
Hindi na bago ang pagdurog ng kape bilang sangkap ng instant coffee, sapagkat dama rin ito ng mga manggagawa sa pabrika man mismo ng kape — lantarang dinudurog ang kanilang mga karapatan, pinipino ng kaliwa’t kanang pang-aabuso at mababang pasahod sa ilalim ng gahamang estado’t mga kumpanya. Sa mga hindi kumpensadong overtime, pagkaantala ng sahod, at kontraktwal na pagtatrabaho, lumilitaw ang katotohanang ginagatasan lamang ng mga mapang-abusong kapitalista ang lakas-paggawa upang patuloy na punan ang kani-kanilang bulsa.
Taliwas dito, ang creamer ay rekados na nagmula sa nakasanayang pagdagdag ng gatas o kondensada sa kape upang mapaswabe ang hagod nito sa lalamunan. Tulad ng transpormasyon ng nakasanayang likido tungo sa isang powder, pinadali na rin ng lipunan ang pagtangkilik ng pagkakape ng mga manggagawa.
Mula sa mga sachet ng 3-in-1 na nakikita sa gilid-gilid kasama ang thermos at panghalo, pinapaalala sa mga manggagawa na kung inaantok na sa trabaho, abot-kamay lamang ang kape. Maituturing na rin itong uri ng pagkondisyon sa kanila na magtrabaho para sa mapang-abusong kompanya — anumang oras ay dapat aktibo at alisto. Bunsod nito, nagagawa na nilang gawing agahan, tanghalian, at hapunan ang salat sa sustansyang kape nang ‘di alintana ang panganib ng sobra-sobrang pagkonsumo ng asukal na unti-unting nagpapahina sa kanila.
Sa huli, ‘di papatok sa panlasa ng masa ang 3-in-1 kung wala ang tamis ng asukal. Ngunit, ang katamisang ito ay nadadaig ng mapait na katotohanang hindi abot-kaya ng mga manggagawa ang presyo ng mga kape’t bilihin. Imbes na matamasa ang dekalidad na kape, ang instant coffee na lamang ang kayang malasap ng kanilang lalamunan gawa ng kakulangan sa oras at pera. Sa pag-ubos ng kapeng may asukal, nalalasahan pa rin nila ang pait ng kawalan ng pinansyal na seguridad.
Durog na kape, creamer, at asukal — kapeng nakagisnan at sistemang nakasanayan. Pasulong man ang paglago ng industriya ng kape, paatras namang ibinubuhos sa mga manggagawa ang nakalalapnos na sistema ng mga korporasyong timplado na ang proseso ng pananamantala. Sa pagbuo ng makatarungang lipunan, hindi dapat nakukulong ang uring manggagawa sa nakasanayang sistema na walang kaunlaran; bagkus, itinataas sila bilang isang lakas na patuloy na bumubuhay at gumigising sa lipunan.
Not Your Lucky Day: Kapeng Karamay sa Pangarap sa Buhay
Ni Joanna Pauline Honasan
Alas-kwatro y medya ng umaga na naman. Habang nanginginig ang kamay at kumakabog ang dibdib, pilit na nilalabanan ng mga estudyante ang pagkahapó ng kanilang mga mata. Hindi maaaring pumikit at magpadala sa tukso ng antok, dahil hangga’t hindi natatapos ang pagkahaba-habang listahan ng mga gawain ay hindi maaaring sumuko.
Ilang bote o tasa na nga ba ng kape ang iniinom ng mga estudyante sa loob ng isang semestre? Bawat lagok ng magatas at ubod ng tamis na inumi’y katumbas ang mapait na pagsubok na kanilang iginagapang bawat linggo. ‘Di yata’t kailangan munang kaharapin ng mga mag-aaral ang sandamukal na exam at paper bago makatikim ng inaasam na tagumpay, mapa-fruit salad man sa Pasko o diploma sa Agosto.
Iba-iba rin ang mukha ng kape para sa mga kabataan — sumasalamin sa kung paanong halo-halo ang pinanggagalingang uri ng mga mag-aaral. Para sa mga nakakaluwag-luwag o galing sa marangyang pamilya, ang hawak nila’y Spanish Latté na pang-aesthetic Instagram story (ang naaral na pages ng lecture? 2 out of 30!). Pero kadalasan, ang 3-in-1 o de-boteng kape ay sapat na para sa mga estudyanteng linggo-linggo na lamang nasa petsa de peligro.
Ano pa man ang wangis, iisa ang rason sa kung bakit napipilitang uminom ng kape ang mga estudyante: kailangang maigapang ang hindi matapos-tapos na mga responsibilidad sa pamantasan. Ganoon kasi ang sistema ng edukasyon sa bansa. Matagal man ang iginugugol na oras para sa mga klase’t gawain, may kahirapan pa rin sa pagkamit ng mga kompetensyang hinihingi para sa mga mag-aaral.
Hindi na rin nakapagtataka, laluna’t tinatapos na lamang ng mga mag-aaral ang kanilang mga gawain para lang makaraos. Ilang kabataan nga ba ang nag-aaral pa dahil uhaw sila sa pagkatuto? Hindi rin garantisadong papasa sila kahit pa ibigay ang lahat ng makakaya para sa mga takdang gawain, lalo na’t kung niroroleta lang din naman ng ibang mga propesor ang kanilang mga grado — kung minamalas ka nga naman!
Sa isang sistemang kulang ng suporta para sa mga mag-aaral, hindi maiiwasang umasa na lang sa swerte ang ibang mga estudyante — mapa-plus points man ‘yan sa exam mula sa UAAP finals championship o swertehan sa makukuhang propesor sa mga asignatura tuwing Hunger Games… este, enrollment. Karapatan ng mga kabataan ang makapag-aral, ngunit hindi ito natatamasa dahil kakaunti ang mga klasrum at slot sa mga klase bunsod ng gabundok na trabaho ng mga gurong kakarampot lang din naman ang sinasahod.
Siguro’y kung hindi ibinubulsa ng mga nakaluklok sa pwesto ang pondong para sana sa edukasyon ng kabataan ay hindi aasa ang mga estudyante sa swerte o sa kape para lang mairaos ang kanilang pag-aaral. Sa tamang suporta tulad ng pagkakaroon ng sapat na mga espasyo, materyales, at maayos na pagtuturo ay magugustuhan na rin ng kabataang mag-aral upang matuto — hindi para lamang tapusin ang gawain nang agarang makapagtapos at makapagtrabaho.
Kasunod ng pag-gradweyt ang mas malaki pang hamon para sa mga kabataan: pagkatapos ng kanilang danas sa mala-pabrikang mga paaralan ay lalahok sila sa kompetitibong larangan ng pagtatrabaho. Gayunpaman, hindi ito malayo sa kanilang danas bilang estudyante — sila pa rin naman ay magiging makinaryang pinapatakbo ng kape na siyang magbabanat ng buto at susweldo ng kakarampot habang tumataba ang bulsa ng mga kompanyang pinagtatrabahuhan.
Venti, non-fat, half-caf, soy vanilla latte with two pumps of hazelnut syrup at exactly 63°C: Buhay Heredera de Kapihan
Ni Bea de Guzman
Sumisipol ang tinig ng mga ibon mula sa white noise machine ni Senyorita. Pagbukas ng mga awtomatik na blinds na tumatalukbong sa bintanang floor-to-ceiling, handa nang magsimula ang araw para sa mga mariwasa. Dali-dali ang karipas ni yaya upang ilatag ang breakfast-in-bed na may almond croissant — sorry, kwasong — at cappuccino, langhap-sarap ang sariwang sangkap mula pa sa bansang Italya. Lasang-lasa ang purong coffee beans na Arabica, may kaunting kiliti ng caramel at sea salt. Mala-paraiso ang halimuyak nito, aromang hindi masasamyo kahit sa mga high-end na kapihan dito sa Pinas. Kakagat at sisimsim lamang nang kaunti (healthy living, ika nga), pagkatapos ay maghahanda na sa mga importanteng appointment ngayong araw.
Unang-una sa listahan, siyempre, ay self-care. Sikreto kaya niya ‘yan sa tagumpay — kailangang mag-invest muna sa sarili bago makapag-invest sa mga negosyo! Pera lang naman daw ‘yan, money can’t buy you wellness, ‘di ba? Ihahanda na ng chauffeur ang car of the day ni Senyorita. Kailangang i-Waze na ang bagong clinic ni Dr. Peke Bolo at may pa-Kopi Luwak facial daw si madam. Habang nasa kotse, bubuntong-hininga at iirap sa pagkaantala dulot ng trapiko. Lumilisik ang mga matang nakatingin sa usok ng mga jeep, nakakasama raw ito sa ozone layer, isip niya, habang ninanamnam ang simoy ng aircon ng tatlong toneladang SUV.
Pagkatapos ma-rejuvenate ni Senyorita ay iirapan na naman niya ang amang inuutusan siyang pumunta sa kanilang Stirbox franchise sa Rockwell. Pagkarating, mag-uubos siya ng labinlimang minuto sa counter ka-oorder ng iced coffee na kung ano-anong sangkap ang ipapapalit at idadagdag. Pagkarating sa lamesa kung saan naghihintay ang kanyang ama, dadaing agad siya sa tagal magserve ng mga barista. May mental note sa plano ni Senyorita kapag siya na ang CEO: mag-invest sa AI at robot na marunong magtimpla ng kape.
Hindi masarap ang kape rito, singhal niya, ngunit angkop naman sa chipipay na presyo — 280 lang naman, very pang-masa. Halos wala namang kape ito, puro gatas at syrup, hindi authentic kagaya ng paborito niyang Lavazza. Pinutol ng ama ang kanyang angal at pinagsabihan siyang suportahan na lang ang family business. Nadamay na nga sila sa mga ‘pa-woke’ na boycott ngayong taon. Kapag nagpatuloy pa ang pagbaba ng kita, kailangan na naman niyang mag-layoff ng staff. Magwewelga na naman ang mga sagabal na unyon sa harap ng kanilang gusali, reklamo pabalik ng ama sa kanyang unica hija, habang iniisip kung ilang ektaryang bukirin ang kailangan niyang bilhin para lumawak pa ang kanilang coffee farms sa Negros Occidental.
Sa pagbanggit ni Don ng kanyang hinakdal, bumalik kay Senyorita ang isang hindi kaaya-ayang alaala. Kinailangan niyang mag social media break noong nakaraang buwan dahil tinadtad ang kanyang comment section sa Tiktok ng mga paratang laban sa kanilang pamilya, kesyo land grabbers sila at binabarat ang kanilang mga magsasaka. Fake news! Paano naman naging exploitation ‘yon kung sila na nga ang nagpapalamon sa pamilya ng mga ‘yan? Anyway, mabuti nang simulan na ng mag-ama ang diskusyon ukol sa bagong business plan para sa susunod na taon. Tumatanda na ang anak niya, kailangan na niyang magsanay sa pananamantala — este, pamamahala, sa daan-daang empleyado ng kanilang Imperyo de Barako.
Alas-tres na, at tapos na ang typical work day ni Senyorita. Maaari nang makauwi at ipinid ang abalang araw with a coffee scrub bath na naihanda na agad ni yaya. Nakaidlip na sana siya kung ‘di lang sa istorbo ng kanyang ringtone. Isang talatang text mula sa kanilang abogado, “Prepare for subpoena request for case v. Negros farmers, blah blah”, lantutay na pagbasa niya habang pinagninilayan kung anong bagong flavor kaya ng kape ang pwedeng ipanukala bukas sa pitch meeting.
Bago tuluyang ipikit ang mga mata, tumunog na naman ang selpon mula sa abiso ni Attorney na nanghihingi ng reply tungkol sa balak nilang gawin. Itinaas niya ang tatlong daliri’t pumili ng kanyang kasagutan. “Hmm, fire, money, kill, fire, money … kill.” Nagkibit-balikat ang Senyorita sa resulta’t tuluyang natulog na nang mahimbing. Hay, talaga namang nakakaantok ang halimuyak ng kape.