Ang Muling Pagbisita ni Jhuna sa UP Manila
ni Jo Maline Mamangun
Noong Mayo 17, sa ganap na ika-anim ng gabi, muling nakabisita si Junalice “Jhuna” Arante-Isita sa University of the Philippines (UP) Manila, ang minsan niyang naging tahanan noong nag-aaral pa lamang sa kolehiyo. Hindi man ang pisikal niyang katawan ang mismong nakatapak sa Rizal Hall patungong Little Theatre, bitbit naman siya sa alaala ng bawat taong dumalo. Isang mainit na parangal ang sumalubong kay Jhuna, martir ng sambayanan, sa muli niyang pagbisita sa UP Manila.
Isa si Jhuna, kilala rin bilang si Ka Arya, sa tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) na na-martir sa isang engkwentro sa pagitan ng rebolusyonaryong grupo at ng militar sa Rosario, Batangas noong Marso 26.
Marahil para sa mga kaaway, ang ganitong balita ay nangangahulugang panibagong medalyang isasabit sa kanilang mga leeg. Para naman sa karamihan, ito’y pagsasayang ng kinabukasan para sa maling paniniwala. Subalit, para sa mga nagmamahal kay Jhuna at sa masang api na walang pag-iimbot niyang pinagsilbihan, ang kanyang pagtahak, at ng iba pang martir, sa pinakamataas na antas ng pakikibaka — ang paghawak ng armas — ay isang kadakilaan, isang kabayanihan.
“Dahil ang buhay ng lupa’y nasa iyong pagpapala,
At ganap lamang yayabong sa pagkapitas ng mga sagka…”
(Mula sa tulang “Ang lupa” ni Adel Serafin — ang sagisag-panulat ni Jhuna)
Hindi kaiba si Jhuna sa daang libong mga anak na nangarap makapag-aral sa pamantasang hirang na may sagisag na luntian at pula. “Pagka-graduate ng high school, talagang iniyakan niya ang pagpasok sa UP,” kuwento ng kanyang ina habang inaalala ang pagpilit ng anak na samahan siyang kumuha ng UP College Admission Test (UPCAT) — isang palasak na kasangkapan ng estado na nagpapanatili sa pagiging pribilehiyo ng pagkakamit ng mataas na kalidad na pag-aaral.
“Natanggap siya rito sa UP Manila. [At] doon na nagsimula ang lahat,” dagdag pa ng nanay ni Jhuna, at hindi siya nagkakamali roon. Nagmistulang lagusan sa reyalidad ang pagpasok ni Jhuna sa UP — minulat siya nito at mas binigyang kabuluhan ang pagiging natural na magaling na lider, isang katangiang nakita sa kanya ng kanyang ina kahit noong siya’y nasa elementarya pa lamang.
Sa akademikong larangan, Bachelor of Arts in Behavioral Sciences ang kursong tinahak ni Jhuna habang kumuha rin siya ng degree sa paglilingkod sa masa nang sumali siya sa Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) — UP Manila. Isa itong organisasyon ng mga kabataan at estudyante na naglalayong magmulat at magpakilos ng mga kabataang Kristiyano tungo sa paglilingkod sa bayan. Dito, mas lumitaw ang pagiging magaling na pinuno ni Jhuna, o Nanay Onang sa kaniyang mga naging kasama.
“Siya ang [gumabay] sa’kin no’ng panahong ako ay aktibista,” panimulang kwento ng isang naging kasabayan ni Jhuna sa organisasyon. Aniya’y nagsimula ang kanilang pagiging mag-ina nang tumira sila sa iisang bahay na kanilang nagsilbing opisina. Bilang natural na responsible, inako ni Jhuna ang pangangalap ng panggastos, at pagba-budget na rin nito, para sa kanilang pagkain. Hindi naging madali ngunit walang pag-iimbot niyang tinanganan ang responsibilidad na ito gaya ng isang magulang.
Naging takbuhan din si Jhuna ng mga kasamang humaharap sa mga kontradiksyon, o ang pagkakasalungat ng mga bagay-bagay sa loob at labas ng isang indibidwal. “Ibang level kasi ang talas niyang sumuri, dagdag pa ang mahinahon niyang pagsasalita,” paglalarawan sa kaniya ng anak-anakan. Aniya, handang magbigay ng payo si Jhuna, kahit kailanman ito hingiin.
Bukod pa sa pagiging malumanay, lubhang masigasig din si Jhuna, lalo na sa paghahanap sa mga kasamang napangingibabawan minsan ng katamaran. “Naaalala ko pa noon kung paano kami, ng isa kong kaibigan, hina-hunting ni Onang tuwing may rally. Nagtatago kami sa CR ngunit nahuhuli pa rin kami,” pagsasalaysay ni Abi, isang alumni ng Asap-Katipunan, dating partido sa UP Manila, na nakasama’t naging kaibigan din ni Jhuna. Para kay Abi, huwaran ang kaibigan sa pagiging isang mabuting kasama — napakahusay ni Jhuna na magpakilos ng mga kabataan at hindi naging hadlang ang sariling niyang limitasyon upang magpatuloy sa gawain.
“Pero kung anong husay ni nanay sa gawain, kabaligtaran naman no’n sa pag-ibig,” dagdag pa ng anak-anakan ni Jhuna. Aniya’y “doormat” kung tawagin si Jhuna dahil sa pagmamahal niyang hindi nasusuklian. Naalala niya pa ang ginawang paglalagay ni Jhuna ng rose petals sa daan papuntang Office of University Registrar (OUR) sa may kanto ng Padre Faura at Maria Orosa — ang lugar ng ligawan. “[Subalit], may iba palang nagugustuhan ang supposedly tatay,” kuwento pa ng anak-anakan. Nabigo man sa pag-ibig, aniya’y hindi nakaapekto ito sa paggampan ni Jhuna sa mga gawain.
Sa buong panahon ng pananatili ni Jhuna sa pamantasan, hanggang sa lumao’y naging full-time na aktibista na rin, mahigpit niyang tinanganan at isinabuhay ang mga prinsipyo, kasabay ng paglilingkod niya sa masa. Sapagkat, naniniwala siya sa kasabihan ng dakilang rebolusyonaryo na si Mao Zedong, “Ang hindi pagtangan nang mahigpit ay hindi pagtangan.”
Kinalaunan, nang lubusang maunawaan ni Jhuna na nakasalalay sa kamay ng masa ang búhay ng lupang tinubuan, at ganap lamang itong uunlad sa pamamagitan ng pagpitas sa mga sagka, tuluyan nang niyakap ni Jhuna ang rebolusyon, at tinahak ang pinakamataas na porma nito.
“Sa pagitan ng ating pagkakalayo,
may tunay na laya’t kasaganaang maitatatag
sa bawat ina’t anak na nagbabalikwas.”
(Mula sa tulang “Alitaptap” ni Adel Serafin)
Bukod pa sa pagiging anak sa kaniyang ina’t ama, si Jhuna ay isa ring anak ng bayan — anak ng Batangas — na mahigpit na nagpasyang buong-lakas na maglingkod dito.
Ipinanganak noong Hulyo 18, 1986, panganay si Jhuna sa dalawang magkapatid. Siya ay tubong Lipa City, Batangas, at pinalaking masipag, matiyaga, at matulungin ng kaniyang mga magulang. “Napakabait na bata, masunurin, [at] malambing sa amin,” paglalarawan ng ama ni Jhuna sa kaniya. Ayon naman sa kaniyang ina, si Jhuna ay isang simpleng anak, “Hindi ‘yan nagme-make up o lipstick man lang.”
Subalit, kahit ang pinakamasipag ay walang takas sa mahigpit na gapos ng mapagsamantalang estado na nagpapanatili ng kasadlakan sa lipunan. Sa hirap ng buhay, maagang natutong kumayod si Jhuna, kung saan siya’y naglalako ng mga basahang tinahi ng kanyang ina sa panahong walang pasok sa eskwela. Walang makipot na espasyo ang makapipigil sa determinasyon ni Jhuna, sisingit siya sa pagitan ng mga sasakyan, makapagbenta lamang sa mga drayber at pasahero.
Noong nag-aaral pa lamang siya sa Lipa Science High School, natural na kay Jhuna ang pagiging matalas, na madalas mahiwatig sa kaniyang pananalita. “‘Pag recitation at siya ang sumagot, sasabihin ng teacher, ‘Tama na at nasabi mo na ang lahat’,” pagkukuwento ng ina ni Jhuna. Ang ganitong katangian ni Jhuna ay hindi nakulong sa apat na sulok ng kwadradong silid-aralan, nadala niya ito hanggang sa lansangan — sa pagiging mahusay na tagapagsalita at ahitador sa mga rally — at gayon na rin, sa kanayunan.
“Minsan, hinahanap ko kung siya ay nasaan. Ang alam ko ay marami na siyang natutulungan — magsasaka man ito o mga may malalim na problema sa buhay,” pagsasalaysay ng ina ni Jhuna sa panahong aktibo na ang anak sa paglilingkod sa masa. Sa gawaing ito na rin nakilala ni Jhuna ang nakapag-alis ng status niya bilang doormat — si Isagani Isita, na isa ring dakilang rebolusyonaryo at martir ng sambayanan. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng dalawang supling. “Ngayon ay 11 years old na ang panganay, grade 6 sa pasukan. Seven years old naman ang bunso, grade 3 sa pasukan,” dagdag pa ng ina ni Jhuna.
Sa landas na pinagpasyahang tahakin ni Jhuna, hindi mawawala sa hapag ang putahe ng pangungulila sa pagkawalay sa mga mahal sa buhay, lalo na sa maliliit pang anak. Kasabay ng bawat pagtataguyod ni Jhuna sa karapatan at interes ng mga magsasaka’t mangingisda ay ang palagiang kasabikan nitong makapiling at mayakap ang mga anak na naiwan. “Ang huling pagkikita nila ng mga bata ay bago pa mag-pandemic,” saad ng kanyang ina.
Ang pagiging makata ni Jhuna ang isa sa tumulong sa kaniya upang mapawi ang pangungulilang nadarama — nagsusulat siya ng tula para sa mga anak at sa mahal na ina. Hindi man niya ito direktang naisatinig sa kaniyang magulang at mga anak, naitanghal niya naman ito sa masa — sa bawat ina’t anak na nagbabalikwas.
Magkakaiba ang sakripisyong ginagawa ng magulang para sa kanilang mga anak. Si Jhuna, bilang isa ring anak ng bayan, inambag niya nang buong-buo ang sarili sa pakikibaka para sa isang maaliwalas na kinabukasan, hindi lamang ng kanyang mga anak, kundi ng mas marami pang bata at ng susunod pang henerasyon. At sa pagitan ng kanilang pagkakawalay, naniniwala si Jhuna na may tunay na laya at kasaganaang maitatatag.
“At sa bawat isang dahong malagas
Nagiging pataba sa lupa, nagiging bagong lakas
Walang puwang ang paghina, pag-atras at pagtamlay
Ibayo tayong nadidilig sa bawat hagupit ng kaaway.”
(Mula sa tulang “Tulad ng Isang Dahon” ni Adel Serafin)
Ang high school student na minsa’y pinatatahimik na ng guro dahil sa dami ng isinasagot sa tanong ay naging isang malakas na tinig ng masa sa pagtatambol ng kanilang mga karapatan. Walang mahalagang balita ang pinalalampas ni Jhuna. Lagi siyang nakasubaybay sa mga ito, sinusuri ang bawat nilalaman, at mabilis na nakapagbabalangkas ng mga sagot at pahayag.
Saad ni Chasty Franco mula sa SCMP, “Bilang isang lider-estudyante at kabataang Kristiyano, isa [si Jhuna] sa nagpanday ng pakikibaka laban sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.” Naging aktibo siya sa pagkilos, kasama ng hanay ng mga kabataang estudyanteng tulad niya.
Sa mga susunod na araw, lalabas si Jhuna ng paaralan — makikipamuhay sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kung saan matiyaga siyang magmumulat at magpapakilos ng masa — ipaliliwanag sa kanila ang kanilang kalagayan at kung bakit dapat sila lumaban.
Nasilayan niya ang panggigipit ng mga sekyu at opisyal ng Philippine Ports Authority sa mga manininda ng Brgy. Santa Clara sa pier ng Batangas City. Kasama si Jhuna na tumindig at ipinaglaban ang karapatan ng mga manininda sa maayos na hanapbuhay. Inaresto man sila ay hindi natinag si Jhuna sa pakikibaka. Nagpatuloy siya sa pakikipamuhay sa masang anak-pawis sa iba’t ibang dako ng kanayunan — mapa-riles man, pangisdaan, o tubuhan.
“Nagkita [ulit] kami noong nag-oorganisa na siya sa Batangas,” paglalahad ng naging anak-anakan ni Jhuna sa organisasyon. Aniya’y naikuwento sa kaniya ni Jhuna ang dinaranas noon na pangha-harass at panggigipit sa kanilang mga organisador. Umabot pa sa puntong nasa target list na ng mga sundalo ang kaibigan. “Pero, hindi ito naging hadlang. Nandoon pa rin [si Jhuna], nangunguna sa laban para sa lupa ng mga magsasaka, para sa kabuhayan ng mga mangingisda,” dagdag pa niya.
Nang magpasya si Jhuna na tumangan ng armas, sinukat man ang kaniyang tapang at katatagan noong mga unang bahagi, ubos-kaya niya pa ring ibinigay ang kaniyang husay at lakas sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Nanguna siya sa maraming kilusang masa sa Batangas laban sa dambuhalang mga proyektong wawasak sa kabuhayan at tirahan ng mga mamamayan doon tulad ng bagong liquefied natural gas plant ng pinagsanib-pwersa na Aboitiz, San Miguel Corporation, at Meralco.
Naging mahusay na instrumento si Jhuna para pagtibayin ang laban ng masang Batangueño para sa kanilang kabuhayan, tirahan, lupa, at mga karapatan. Kaya naman, hindi na maiaalis sa kasaysayan ng Batangas ang mapangahas at malaking ambag ni Jhuna.
Kung iisa-isahin ang mga naging ambag ni Jhuna sa pagpapalaya ng bayan, mahahalughog na ang buong Batangas ngunit hindi pa rin ito matatapos sulatin o bigkasin. Bukod pa sa dami, ‘sing bigat ito ng damdaming mapawalay sa mga minamahal, ‘sing taas ng pangarap ng bawat isang batang isinilang sa magulong lipunan — na sa hinaharap ay ‘di na nila muling maranasan ang hirap — at ‘sing lawak ito ng nagkakaisang-hanay ng masang binubusabos na araw-araw tumitindig sa kabila ng mga hamon.
“Kung pipiliin mo ang rebolusyon, dapat buong-buo; wala ka nang ititira,” isang paniniwalang isinabuhay ni Jhuna, kasabay ng pagsasabuhay niya sa mantra ng organisasyong minsan nyang naging lakas noong nasa kolehiyo: “Follow Christ, serve the people.”
Mula sa siyudad ng Lipa tungong UP Manila hanggang sa pagbabalik niya sa kaniyang lupang tinubuan, ipinakita ni Jhuna ang tunay na kahulugan ng pagiging isang Kristiyano — ang ipaglaban at itaguyod ang karapatan ng mga naaapi.
Sa pagsunod ni Jhuna kay Kristo, sa pagsisilbi niya sa tao, at pagpili sa rebolusyon, wala siyang itinira — kahit pa ang sariling buhay. Ngayo’y isa na siyang pataba sa lupa, isang bagong lakas, para patuloy na lumaban hanggang sa tuluyang magapi ang mga kaaway at lumaya ang sambayanan.
Ang mga kuwento hinggil kay Jhuna ay mula sa mga naging talumpati, sa naganap na parangal, ng kanyang pamilya, kaibigan, at nakasama sa organisasyon. Ang mga talumpati ay ni-record ng manunulat at naisalin naman sa titik, sa tulong ng mga feature correspondent na sina Maria Carmilla Ereño at Justine Antonie Wagan.