Ang Muling Pagsibol

The Manila Collegian
6 min readMar 11, 2024

--

ni Hyacinth Aranda

Naturingan mang perlas ng silangan, salat pa rin sa sustansya ang lupang pinagsisibulan ng mga matatapang na mamamahayag. Sa kabila ng determinasyong umusbong sa tigang na lupa, pilit pa rin silang pinipitas ng mga makasarili — binubusalan at kinikitil ang kahit katiting na senyales ng namumutawing katotohanan.

Dahil sa desperasyon na mahadlangan ang pagsibol ng kamulatan, labis ang paniniil ng estado sa midya. Labis-labis ang pag-sensura sa impormasyon, pagpapalawak ng disinformation networks, pagpapasara sa mga pahayaganghindi nadadala sa ugoy ng kanilang propaganda, at panre-red tag sa mga mamamahayag na nagsisiwalat ng katiwalian ng pamahalaan. Ngunit, sa kabila ng nabubulok na kalagayan ng lupa ay mayroong mga kumokontra sa agos at ipinagpapatuloy ang pagsibol ng katotohanan sa bayan.

Ang pagsibol sa lupang salat sa yaman

Lulan ng tigang na lupa ang kaliwa’t kanang karahasan at paniniil sa pamamahayag. Isang patotoo si Frenchie Mae Cumpio na Punong Patnugot ng Eastern Vista, ang pinakabatang peryodista na nakakulong sa buong mundo. Sinimulan niya ang buhay mamamahayag bilang dating Punong Patnugot ng UP Vista, ang opisyal na publikasyon ng University of the Philippines Tacloban. Kalaunan ay naging matinik sa mata ng gobyernong sakim sa kapangyarihan ang kaniyang paglilingkod sa bayan. Nananaig ang pagsisilbi sa sariling interes kahit pa ang kapalit nito ay represyon sa karapatan at kalayaan ng mamamayan.

Matagumpay na sumibol sa kabila ng bulok na lupa si Cumpio. Gayunpaman, tahasang binaog ng estado ang kanyang pamumulaklak; siya ay ikinulong apat na taon ang nakararaan. Kabilang sa Tacloban 5, inaresto sina Cumpio sa Tacloban City, Leyte noong Pebrero 2020 sa sunod-sunod na raid ng militar. Inakusahan si Cumpio at ang kaniyang kasamang human rights workers ng illegal possession of firearms na ‘di umano’y natagpuan ng militar sa staff house kung saan sila nanuluyan. Dagdag pa rito, tuluyang dinurog ng Anti-Money Laundering Council ang kanyang natitirang mga talulot nang siya’y pagbintangan ng paggamit ng halagang P557,360 na natagpuan sa staff house noong raid upang magbigay ng pinansyal na suporta sa New People’s Army.

Sa pagnanais na muling maranasan ang sikat ng araw, kolektibong aksyon ang tugon ng mga progresibong grupo na higit na pagpuksa sa mga peste. Hinimok ng mga media companies ang Kagawaran ng Katarungan upang muling suriin ang kaso ni Cumpio noong ika-7 ng Pebrero. Sa pamamagitan ng isang joint letter, nagpahayag ng mariin na suporta ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at Altermidya Network. Binigo man ng lupang pagtatamnan nito, hindi nauubos ang pag-asang maaaring maisalba ang natitirang mga talulot ni Cumpio upang muli itong sumibol at magpakita ng kulay: makabalik sa hardin ng pasyon at pagseserbisyo.

Lason sa malayang pamamahayag

Isang lason na dumadaloy sa sistema ng bayan ang ulat ng NUJP ukol sa 199 na mga mamamahayag na kinitil mula noong taong 1986 dahil sa pagtuligsa sa pamahalaan. Ang Pilipinas ay kabilang din sa 180 na mga bansang maituturing na hindi ligtas para sa mga mamamahayag, ayon sa Reporters Without Borders Press Freedom Index (2023). Ito ang nagpapabulok sa lupang nararapat na tubuan ng binhing itinanim na may layuning lumago. Subalit sa halip na magkaroon ng sapat na tubig at nutrisyon upang magpayabong, namamayani lamang ang kasalatan sa pobreng lupa.

Nitong 2016 hanggang 2022 lamang, 22 na mamamahayag ang pinatay sa ilalim ng pamumuno ni Duterte — liban pa ito sa kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao ng naturang administrasyon. Sa pagtatapos ng kaniyang termino, nanatiling walang sustansya ang lupang tinubuan nang ito ay palitan ng isa pang Marcos sa pwesto.

Mula administrasyong Duterte hanggang Marcos Jr. ay masasaksihan ang kahindik-hindik na pagpatay at pandarampot na bumabalot sa lupain ng ating bayan. Ayon sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), mayroong 75 paglabag sa press freedom mula noong Hunyo 2022 hanggang Abril 2023; ito’y sampung buwan lamang mula nang namuno si Marcos Jr. Mas mataas ang naitalang mga kaso na ito kumpara sa lahat ng naging isang taong termino sa ilalim ni Duterte. Hindi na nga bumubuti ang kalagayan ng lupa, mas lalo pang lumalala at nakababahala.

Pagdagsa ng peste at paghahasik ng lagim

Tuluyang tinuyot ang lupain nang isabatas ang Anti-Terrorism Act (ATA) noong 2020, isang lantarang pagkukunwari upang ‘di umano’y tuldukan ang ‘terorismo’ sa bansa. Sila’y nagbabalat-kayo sa pamamagitan ng paghahabi’t pagma-maniobra ng batas upang ikubli ang kanilang pagbabanta sa malayang pamamahayag sa bansa. Ito’y isang lisensya upang kumitil, na siyang masasalamin sa tumataas na kaso ng red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa kabila ng kakulangan sa katibayan ng mga pwersa ng estado.

Tulad ng pesteng pabalik-balik sa hardin, paulit-ulit ding ikinakaso ng kapulisan ang illegal possession of firearms (RA 10581) at explosives (RA 9516) sa mga kritiko ng pamahalaan sa labis na pagnanais na ito ay maging non-bailable. Isang dagang hindi lamang nginatngat ang mga talulot, kundi ay pininsala pati ang ugat na nakatanim dito — ito ang AFP at PNP. Upang tuluyang mapagkaitan ng liwanag ang mga biktima, hindi sapat na baril lamang ang itinatanim sa tahanan tuwing isinasagawa ang search warrant sa malamig na gabi. Sinasamahan nila ito ng mga granada upang masiguro ang tuluyang pagkabulok sa bilangguan dahil sa gawa-gawang kaso.

Ang patuloy na pag-usbong ng mga banta sa pamamahayag ay nangangahulugan ng pagkabingi ng pamahalaan sa daing ng mamamayan. Ang mga katotohanang buong tapang na isnisiwalat ng midya ay para sa interes ng masa. Kung kaya’t anumang mga hadlang ang tangkain ng estado, ito ay manipestasyon ng butas sa demokrasyang pilit nating tinatamasa.

Pag-asa sa muling pamumukadkad

Isang paraan upang puksain ang lason sa tuyot na kalupaan ay ang walang humpay na pagsisikap ng mga human rights workers upang ikampanya ang hustisya. Halimbawa na lamang ang masugid na pagpapanawagan ni United Nations Special Rapporteur on Freedom of Expression and Opinion Irene Khan upang buwagin ang anti-insurgence task force ng bansa. Sa sampung araw na siya’y namalagi sa Pilipinas, binigyang diin niya ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at ang mga hakbangin upang isulong ito. Isa na rito ang paggigiit na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ay hindi naaayon sa kasalukuyang konteksto ng bansa dahil sa nakaraang anunsyo ng pamahalaan mga usaping pangkapayapaan. Inirekomenda niya rin ang pagkakaroon ng executive order upang sikaping pigilin ang red-tagging.

Bagama’t isa lamang sa napakalawak na hardin ng pamamahayag, ang kaso ni Cumpio ang simbolo ng mga binhing nananatiling tumitindig sa kabila ng nakapipinsalang lupaing kanilang pinagtamnan. Gayunpaman, ang pamahalaang dapat ay hardinerong nag-aalaga rito ay nagsilbi pang isang pesteng tuluyang sumisira sa pagsibol ng mga bulaklak. Ito ay simbolo ng kalapastanganan sa pamamahayag at sa layunin nitong maghatid ng katotohanan at serbisyo sa masa.

Ngayong nanumbalik sa pwesto ang pamilyang Marcos na walang habas na lumapastangan sa libo-libong mag-aaral, aktibista, at mga progresibong lumaban para sa karapatang pantao noong Dekada ’70, ang kasong ito ni Cumpio ay hindi na bago. Pudpod na ang pala sa kakabungkal ng lupang wala namang sustansya. Higit limang dekada man ang nagdaan, ang kolektibong pag-usbong ng mamamayan pa rin ang babago sa takbo ng lipunan.

Tuyot at salat sa nutrisyon man ang lupang pinagtatamnan sa mga minsang sumibol na bulaklak, hindi ito ang hangganan ng hardin. Ang paghadlang ng gobyerno sa pagyabong ni Cumpio at iba pang mga mamamhayag ng alternatibong midya ay magpupunla ng galit sa masa na siyang sisibol sa isang malawakang pagkilos.

Patuloy na lalaban ang mamamayan para sa malayang pamamahayag. Ito ang pagsibol na hindi lamang para sa sariling kapakanan, kundi para sa buong harding yayabong sa pamumukadkad ng katotohanan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet