Ang Pagbaon at Pag-alala sa mga Desaparecidos
nina John Rey Amestoso at Anya Donato
Sa una ay ireredtag, pararatangang miyembro ng New People’s Army (NPA) kahit ang tangan lamang ay megaphone at placards na naglalaman ng mga panawagan ng naghihikahos at inaaping mamamayan. Kasunod nito ay ang pagbabanta at pagmamanman; at kapag hindi naging epektibo ang ganitong klaseng paninindak, bigla na lamang silang maglalaho. Minsan ay may tsinelas o kasuotan na naiiwan ngunit kadalasa’y anino na lamang ng alaala ang natitira — mga alaalang pilit na binubura ng panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malacañang.
Hindi na bago ang ganitong naratibo sapagkat kuwento ito ng libo-libong desaparecidos sa bansa na hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya. Ang desaparecidos ay naging popular na terminolohiya sa Latin America noong kasagsagan ng Cold War kung saan marami ang naiulat na dinukot ng kanilang sariling gobyerno. Sa Pilipinas, ito ay naging tanyag noong Diktadurang Ferdinand Marcos Sr. na nagtala ng humigit kumulang 1,000 kaso ng enforced disappearances. Lagpas kalahating siglo na ang nakalipas mula nang ideklara ang Batas Militar ngunit patuloy pa rin ang pagtaas ng numerong ito. Sa katunayan, umabot na sa 23 ang naitalang desaparecidos sa loob lamang ng unang taong panunungkulan ni Marcos Jr, ang unico hijo ng diktador.
Kabilang sa talang ito ang Cordilleran rights advocates at UP Baguio alumni na sina Gene Roz Jamil “Bazoo” De Jesus at Dexter Capuyan. Ayon sa saksi, hinarang at dinukot sina Bazoo at Dexter ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives noong ika-28 ng Abril 2023 sa Taytay, Rizal habang papasakay sila ng traysikel. Bago pa man ang kanilang pagkawala, dati nang inakusahan ng mga militar si Dexter bilang lider ng Chadli Molintas Command ng NPA sa rehiyon ng Cordillera at Ilocos.
Noon pa man, textbook play na ng estado ang manakot at mandukot sa mga patuloy na gumugunita sa alaala ng mga pinagkaitan ng kanilang karapatan. Ang sinapit ng dalawang aktibista mula sa Norte ay hindi na bago sa ating pandinig. Ganitong-ganito rin ang nangyari sa peasant advocate na si Jonas Burgos, na sa parehong araw noong 2007 ay biglaang dinukot ng armadong grupo. Napag-alaman kalaunan na ang ginamit na sasakyan ng mga salarin ay pagmamay-ari ng mga militar.
Kung papalarin man, may mga pagkakataong naibabalik ang mga biktima sa kani-kanilang pamilya, karaniwan ay bilang fake surrenderees. Halimbawa na rito ay sina Jolina Castro, Jhed Tamano, Dyan Gumanao, at Armand Dayoha na sa tulong ng matagumpay na pagpapatambol ng publiko ay pinakawalan ng mga militar. Nagpapatunay lamang ito na sa gitna ng pagsusumikap ng reaksyonaryung puwersa na ibaon sa limot ang mga desaparecidos, ang kolektibong pag- aalala ng mamamayang Pilipino ang siyang sandata laban sa panlilinlang at pambabastos ng gobyerno sa mga nawala at hindi na natagpuan pa.
“Bilang isang magulang, napakasakit ang maghanap, maghintay at umasa na makababalik pa ang isang anak na dinukot, itinago, at baka hindi na ilitaw ng mga tao at grupo na dumukot sa kaniya. Nakabilang na lamang siya sa listahan ng mga desaparecidos,” pangungulila ng ina ni Bazoo na si Gng. Dittz De Jesus. Hinamon niya ang administrasyong Marcos Jr. na “bigyang-pansin ang mga tunay na karapatang-pantao, pantay at mabilis na katarungan para sa lahat, ipatupad nang mahigpit ang nilalaman ng Anti-Desaparecidos Law, araling muli o alisin na ang Anti-Terror Law, at buwagin ang NTF-ELCAC.”
Ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 ang tinaguriang kauna-unahang batas sa Asya na tinitingnan ang enforced disappearance bilang hiwalay na krimen sa kidnapping, serious illegal detention, o murder. Ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas na ito ay kakaharap sa kaparusahang habambuhay na pagkakakulong. Subalit, hanggang sa ngayon, tila ba’y mapurol pa rin ang pangil ng batas sapagkat hindi nito napoprotektahan ang mga lumalaban para sa isang makatarungang lipunan.
Habang mas umiigting pa ang pagyurak sa alaala ng mga desaparecido, lalo na ngayon na bumabalik ang madilim na yugto ng kasaysayan, hamon para sa mga naiwan na tanglawan ang daan sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng kanilang laban. Nangungulila man ay matapang pa rin na panawagan ni Gng. De Jesus na “maging inspirasyon ninyo ang mga kabataan at lider-estudyante na nanguna noon at ang mga nagpapatuloy ngayon ng nasimulang pakikibaka. Nasa inyo ang lakas at talino, pati na ang determinasyon at dedikasyon. Makibaka, hindi dapat matakot!”