Ang Pangil ng Utang na Loob sa UPM White Colleges

The Manila Collegian
6 min readMar 18, 2023

Ni Joanna Honasan

Nakaukit na sa kultura ng mga Pilipino noon pa man ang utang na loob, kaya naman hindi nawawala sa mga magkakapitbahay ang barter ng mga handa tuwing may okasyon. Sa konteksto ng pamilya naman, nariyan ang pagbibigay ng tulong ng anak sa kanyang mga magulang. At syempre, hindi mawawala ang mga katagang “Wala kang utang na loob!” na naririnig natin kapag nagkakasagutan tayo sa tahanan.

Ngunit hindi lamang dito makikita at mararanasan ang kultura ng utang na loob. Higit sa lahat, masasalamin ito sa University of the Philippines Manila (UPM).

Sa pagpasok ng mga freshmen sa kursong may kaugnayan sa kalusugan, iba ang proseso ng kanilang enrollment sapagkat kailangan muna nilang pumirma sa isang kontrata — ang Return Service Agreement o RSA. Isinasaad nito na kailangan nilang magbigay ng dalawang taong balik-serbisyo sa loob ng limang taon matapos ang kanilang kurso. Kung ma-delay naman, kalahating bilang ng taon ng kanilang pag-aaral ang balik-serbisyo.

Sa mahabang panahon na itinatali ng RSA ang mga mag-aaral sa kursong may kaugnayan sa kalusugan, ang konsepto ng pagbabalik-loob ay patuloy na naging negatibo pagkat ito ay nagresulta sa samu’t saring suliranin na dagok lamang sa sangkaestudyantehan. Ngayon, ito ay sinusubukan butbutin upang unawain ang kahulugan nito, lalo na sa konteksto ng UPM White Colleges.

Konsepto ng Utang na Loob sa RSA

Ang utang na loob (Debt of Gratitude) ay ang pagbabalik ng pabor ng tagatanggap sa tagapagbigay. Kaugnay rin nito ang konsepto ng Gratitude, kung saan umiinog ang pasasalamat ng tagatanggap. Kadalasa’y pakiramdam din ng tagatanggap na siya’y obligadong magbalik ng pabor na hindi basta-basta mapapalitan ng salapi.

Mayroong apat na salik ang utang na loob ayon sa mananaliksik na si Charles Kaut. Una, nariyan ang “Kaloob,” kung saan kusang-loob na nagbibigay ng kaloob ang tagapagbigay. Pangalawa ang “Pagtanggap” na nag-uugnay sa tagapagbigay at tagatanggap sa pamamagitan ng pagtanggap ng kaloob. Pangatlo ang “Pagbayad,” o ang pagbabalik ng pabor na maaring pinagkasunduan o kusang-loob. Huli, nariyan ang “Kakulangan at Sagana” kung saan maaari lamang maibalik ang pabor kung kinakailangan ito ng tagapagbigay (Kakulangan) at kung kaya itong ibigay ng tagatanggap (Sagana).

Masasalamin sa RSA ang apat na salik na ito, kung saan ang ipinagkaloob na “libreng” edukasyon ay may inaasahang kapalit na balik-serbisyo sa ating bansa. Sa pamamagitan ng pagpirma sa kontrata bago ang enrollment, tinatanggap din ng mga estudyante ang mga kondisyon na nakapaloob dito.

Makikita rin sa RSA ang salik na “Kakulangan at Sagana” ni Kaut. Taong 2011 nang ipatupad ang RSA sa lahat ng “White Colleges,” maliban na lang sa Kolehiyo ng Medisina kung saan 2009 pa lamang ay ipinanukala na ito nang may ibang katangian. Layunin nitong tugunan ang lumalalang brain drain o ang patuloy na pagkaubos ng mga healthcare workers sa ating bansa, at makapaglingkod ang mga gradweyt ng UPM sa mga nangangailangang komunidad. To serve the underserved communities, ika nga nila.

Sa una’y maganda ang layunin ng RSA dahil ito’y tumatalima sa paglilingkod sa masa. Gayunpaman, sa likod nito’y nakakubli ang pangil na siyang hindi kalaunan ay kumakagat sa mga mag-aaral ng White Colleges.

Pagkabaon sa Utang na Loob

Napapaloob ang mga estudyante sa ilalim ng galamay ng mga kondisyon ng RSA, kaya naman nililinaw sa isang orientation ang mga paglabag dito. Kapag hindi tinapos ng mag-aaral ang kaniyang kurso, lalo na’t nakakuha na siya ng higit-kumulang 60 units, ay matatawag ito na Pre-termination of Contract. Kaya rin may tinatawag na ‘Point of No Return’ sa White Colleges, kung saan hindi na maaaring mag-shift o transfer palabas sa kurso ang isang estudyante dahil sa Pre-termination. Kapag naman hindi nagbalik-serbisyo ang isang White College graduate, tatawagin itong Breach of Contract, na siya ring may karampatang parusa.

Malalim bumaon ang pangil ng RSA sa mga bumabalikwas sa kondisyon nito. Mabagsik ang hagupit ng payback o multa, kung saan kailangan ng estudyanteng magbayad ng halagang doble ng kanyang matrikula dagdag interes, kasama pati ang mga donasyon na natatanggap ng kanyang kolehiyo.

Umaabot ito ng ilang daang libo hanggang isang milyong piso, lalo na sa mga nagtatagal sa kanilang programa. Nariyan din ang kawalan ng malinaw at iisang breakdown ng multa, na siyang nakadepende sa bawat kolehiyo sa White Colleges.

Kung ang estudyante nama’y hindi nakapag-enroll dulot ng physical and mental incapacity o di kaya’y financial incapability, hindi siya mapapaloob sa multa ng RSA basta’t may maipapakita na kaukulang dokumento. Gayunpaman, hindi pa rin garantisadong mapapawalang-bisa ang kontrata, lalo pa’t may pagkakataon na maaaring hindi pa pala sapat ang ipinakitang dokumento. Ani rin ng mga mag-aaral na nakapagtapos na sa UPM ngunit tali pa rin sa payback, halos wala pa raw sa kasaysayan ng RSA ang pinayagan na hindi na magbayad dahil sa incapacity o incapability.

Para makalusot sa multa, kailangan mong dumaan sa isang butas na mas maliit pa sa butas ng karayom — sa madaling sabi, imposible.

Represibong kontrata ito dahil napipigilan ang kalayaan ng mga estudyante na aralin ang kursong kanilang ninanais gawa ng multa kapag sila’y nag-shift. Minsa’y sa kalagitnaan ng kolehiyo napagtatanto ng mga estudyante ang kursong angkop para sa kanila. Maaaring mas epektibong makapaglingkod sana sila sa bayan kung sila’y nasa kursong nais nilang lipatan, ngunit dahil sila’y naiipit ng RSA ay nahihirapan silang makapagtapos.

Ang mga estudyanteng nade-delay sa kolehiyo dulot ng iba pang sirkumstansya ay nagkakaroon ng mas matagal pang balik-serbisyo. Bagaman kasama sa eksempsyon ang ‘financial incapability,’ wala itong pagkonsidera sa mga estudyanteng nairaraos naman ang pang-araw-araw na gastusin subalit hindi pa rin kaya tustusan ang buong gastos sa pag-aaral at bayaran ang milyon-milyon na payback ng RSA. Hindi rin malinaw kung anong dokumento o kondisyon ang kinakailangan upang masabi na pasok sa eksempsyon ang isang mag-aaral.

Bukod pa rito, huwad na libreng edukasyon ang kanilang isinusulong, sapagkat may sapilitang balik-serbisyo o hindi kaya’y tumbas na multa ang matrikulang libre namang natatanggap ng mga estudyante dulot ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Panlipunang Wangis ng Utang na Loob

Ayon kay Virgilio Enriquez, isang Pilipinong sikolohista, nagiging kasangkapan ng naghaharing-uri ang utang na loob upang panatilihin ang estado ng lipunan. Halimbawa, pinapairal nito ang pag-iisip na dapat ay magpasalamat ang Pilipinas sa “American aid” kahit na porma ito ng imperyalismo. Sa kanayunan naman, ginagamit ito ng mga panginoong maylupa upang panatilihing nakatali sa kanila ang mga magsasaka. Nagagamit din ang utang na loob upang makatakas ang naghaharing-uri sa kanyang responsibilidad sa masa.

Ganito rin ang wangis ng utang na loob sa RSA. Upang matakasan ng gobyerno ang responsibilidad nitong bigyan ng mainam na lunas ang matagal na suliranin sa brain drain at nabubulok na healthcare system, umaasa ito sa patuloy na daloy ng mga fresh graduate na nagbabalik-serbisyo.

Maraming dahilan kung bakit nangingibang-bayan ang ating healthcare workers, tulad ng kakulangan ng sapat na sahod at benepisyo, pati hindi maayos na kondisyon sa trabaho. Hindi nakapagtatakang mas kaakit-akit para sa kanila na mangibang-bansa, lalo pa’t bukod sa in-demand sila, mas mataas din ang sahod at kalidad ng kondisyon sa paggawa roon.

Kung tunay na layunin nitong itanim sa puso ng mga iskolar ng bayan ang pagsisilbi sa bayan, hindi dapat nito ipinapasa sa sangkaestudyantehan ang responsibilidad na solusyonan ang brain drain at kakulangan ng healthcare workers.

Magmula dekada ’70 ay suliranin na ito ng Pilipinas, at sa paglipas ng panahon ay lumalala lamang ito. Hindi dapat pansamantalang lunas ang ibinibigay sa matagalang sakit na ito ng bayan, bagkus ay isang mainam at sistematikong solusyon — ang pagbibigay-pansin sa naghihingalong sistemang pangkalusugan ng Pilipinas.

Hangga’t may mga Pilipinong pumipila sa Philippine General Hospital mula sa malalayong nayon; hangga’t napipilitang matulog sa malamig na sahig ang mga pasyenteng umaasa sa mga pampublikong ospital; at hangga’t hindi sapat ang sahod at benepisyo ng mga healthcare workers ay mas pipiliin ng mga nagsipagtapos na mangibang-bayan na lamang — lalo pa ngayong lumalala ang krisis sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng tagapagtaguyod ng hindi makamasang mga polisiya.

Nakaugat sa ating kultura ang utang na loob, at nararapat lamang na magbalik-serbisyo ang mga iskolar ng bayan sa masang humuhubog at nagpapaaral sa kanila. Gayunpaman, ang libreng edukasyon ay hindi kaloob o regalo na ibinibigay ng pamahalaan, bagkus ito ay karapatang dapat natatamasa ng sangkaestudyantehan.

Kapag natamasa ang karapatan sa edukasyon at maayos na sistemang pangkalusugan ay tiyak na magbabalik-serbisyo sa bayan nang kusa at pangmatagalan ang mga iskolar ng bayan.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.