Ano ang #KwentongJeepney Mo?
Nina Bea De Guzman, Joanna Honasan, at Jo Maline Mamangun
Sa pagsikat ng araw ay handa na muling umarangkada sa kalye ang Hari ng Kalsada. Tambutso: on, bombastic speakers: on, mga pailaw: on! Puno na ang mga upuan sa kaliwa’t kanan; may sabit na rin. Amoy na ang shampoo ng aleng papasok sa trabaho at nakalabas na ang reviewer ng estudyanteng puyat. Babagtasin na ng dyip ang rutang nakasanayan patungo sa destinasyon ng mga pasahero.
Ang Hari ng Kalsada’y maaasahan din sa mga palengke at kanayunan. Hindi pa man sumisikat ang araw ay lulan na ng dyip ang bagsak-presyong mga gulay at isda galing sa mga magsasaka’t mangingisda. Sasalubungin naman ng mga kargador ang dyip upang dalhin ang mga paninda sa mga tindera.
Ilan lamang iyan sa mga kwentong bitbit ng mga dyip, kaya’t ang nagbabadyang Jeepney Phaseout ay hindi lamang bubura sa mga tradisyonal na dyip, kundi pati na rin sa kwento ng masang hinubog ng panahon. Kaya naman narito ang #KwentongJeepney: ang freedom wall na naglalaman ng kanilang mga kwento.
Laki sa Jeepney
Esensiyal na sa buhay estudyante ang jeep. Ang unang alaala ko rito ay noong dinala ako ni Mama sa office nila, at ang sinakyan namin ay isang Hello Kitty-themed na jeep. Para sa mga mata ng isang paslit, kasiyahan itong tunay, kahit pa halos lahat ng pasahero ay mukhang inaantok o pagod na. Kapag nakasakay sa jeep, tila nalulunod nito ang mundo. Dito lang kami nagkakaroon ng oras maglaro habang nililibang niya ako sa trapik. Kami lang ni Mama, sakay ng hari ng kalsada, walang pinoproblemang bayarin o away nila ni Papa. Sa tuwa ko, nagpabili pa ‘ko ng laruang jeep pag-uwi!
Noong high school naman, hindi pa ako gaanong sanay mag-commute mag-isa. Kapag may oras pa si Mama, nasasamahan nya ko minsan sumakay ng jeep papasok; ‘pag uwian, mga classmate ko na ang kasabay ko. Pero nagbago ang lahat ng ‘yon nang minsang inaya akong kumain ng crush ko pagkatapos ng eskwela. He offered na ihatid ako pauwi after naming kumain, kahit sasakay na naman siya ng ibang jeep pabalik sa kanila. Labing-limang taon palang kami noon kaya yung local mall dito sa amin pa lang ang medyo safe paggalaan. Nag-Starbucks kami. Dahil gipit sa budget, hati lang sa isang drink. Syempre, part na rin yun ng damoves ko, ‘no! Inuwi ko pa nga yung cup eh, kaso naiwan doon sa jeep. Alalang-alala ko pa kung gaano ako ka-proud no’n, nakasakay ako ng jeep nang walang kasamang magulang o classmates, tapos may ka-holding hands pa, sa’n ‘ka pa? Ika nga ni Madam Yeng, ‘ayoko nang pumara kung ikaw ang kasama,’ eme!
Ang kaso lang, pumara siya bigla bago mag-college, nag-break kami, at syempre, kinailangan ko na talagang matutong mag-jeep nang mag-isa. Naalala ko nung first day, nahihiya talaga ako pumara, so nilakad ko nalang at na-late ako sa klase. Kaya nung pauwi sa dorm, nag-tricycle ako, kaso beh, 70 pesos yung siningil sa ‘kin! Jusko! Kaya next time, nag-practice talaga ako kung gaano kalakas kong isisigaw yung ‘PARA!’
Ngayong bente-uno na, sanay na sanay na ‘ko sa jeep, pero may mga chika-worthy moments pa ‘rin from time to time. Dati, yung katabi ko sinampal bigla ng bumabang pasahero, pero wala namang kinuhang wallet o cellphone. Na-shock na lang kami ng katabi ko, at pagbaba ko, tawa ako nang tawa (sorry po, Lord). One time din, merong humablot talaga sa bag ko. Buti na lang mabigat yung bag kasi andaming laman, tapos nakasabit naman sa pinto si kuyang snatcher. Ayun, nabitawan niya at napabalentong siya pababa. “Sorry ho!” Dali-daling umararo si manong drayber. “Tsk, tsk. Kay hirap na talaga ng bansang ‘to — umaabot na sa pagnanakaw ang mga tao para lang magkalaman ang sikmura.”
Pero meron talagang isang moment na habambuhay ko na atang dadalhin. Recently lang, nag-jeep ako nang madaling araw galing sa isang bar sa Taft. Alam nyo na, chill pagkatapos ng madugong DepEx. Nung malapit na sa street ko, biglang nag-iba ng ruta si kuyang drayber. Hindi ko maiwasang kabahan kaya medyo umusod ako sa pintuan, at nagre-ready na tumalon, if ever. Nakita ata ni kuya yung pag-aalala ko, so, napatingin siya sakin at umiwas naman ako, out of instinct. Paglingon ko ulit sa kanya, hala ka ‘dai, wala nang ulo yung driver! Napasigaw ako at sinabihan siya, pero napangiti lang si kuya sa akin. “Ganyan na ba po ang naidudulot ng stress sa UP? Pahinga rin po kayo!”
Pag-uwi, nag-scroll ako sa Twitter, at bumungad agad sa akin ang isang masamang balita — nalalapit na deadline ng jeepney phaseout. Heto na pala ang tunay na pupugot ng ulo ng bawat tsuper ng dyip, katulad ni kuya. Hindi ko na uli siya nakita, ngunit may panahon pa ako, tayo, upang kontrahin ang pamahiin, ‘di ba?
Para sa bawat tsuper, trabahador, estudyante, lahat ng kabilang sa milyon-milyong komyuter na natutong bumoses ng ‘para!’, samahan niyo akong parahin ang napipintong jeepney phase out. Tayo ngayo’y sumigaw ng #NoToJeepneyPhaseout!
- Erick Marco sa umaga, Erin Mharee sa gabi, 21, UPM ComSci na ang petsa de peligro ay araw-araw T__T
Sabit
Diko alam kung bket laging nandidiri ung mga psahiro kapag inaabutan ng sobre ng mga batang sabit sa jip.. e samntalng wla nmang choice ung bata kng hrap cla ng pmilya nla s buhay?? Kung anue anue n nga ang gnagwa nila, may nagpupunas ng spatos, may natugtog ng tambol at kmkanta.. Sa 22o nga lang, jn din aq nagsimula ei.. Btang sabit tas brker tas sa awa ng Dyos, bnigyn ng bayaw q ng jip. Kya yang mga batang yn..wla clang choice ksi mhrap mamuhay s lansangan., lalo n kung musmos k tas wla png pampa-aral.. Khit gus2 mgeskwela e wla nmn pmbili gamit s iskul. Kung wla ngang jip e wala silang maipangraraos…..
Ska blita q ipphaceout n rw eong mga jip, ei pno na nyan ang pgkuhanan ng pera? Nde nyu b alm mga ser, mrming bnubuhay yang mga jip, mski sabit n bata nkakameryenda, mga brker at tsuper gya q ser jn na kmukuha panggas2s lalo n mhal bilihin. At ung ibang btang sabit s jip e nagiging brker pa nga.. Nung naging brker aq pgtugntong q ng 21, kmkita aq tig-10 mla s mga drayver, kya nkakabili n rin kmi ng pambgas at sardinas nina mama.
Buti sna kung libre ung modern jip e kso mabbaon p ata kmi s utang nyn ser. Nalntikan na! Mula bta aq na sabit, hanggng brker at hnggang nabgyan ng jip pampashero, umikot n mndo q s jip mga ser. Mwawlan kmi ng buhay n knagcnan, mawaln dn ng kbuhayn,.. Pnue n rin ung ibng batang sabit s jip?
Ska wla nmng may ginus2 n mamuhy na gnto isang khig isang tuka. Jip n knabuhay nmin ksi nde nmn kmi makapg eskwela, kya mski btang sabit, brker, o tsuper msmo.. kpag nag phaceout, nde mwawalan n rn kami ng ikinabubuhay. Bgong pasanin lng n nmn to dagdag gas2s lng…
- Boyet, 29, Dating Boy Maangas ng Purok Dos Ngayon Sweet Lover Boy ni Misis
Alingasaw
Dios ku! Anu na ang nangyayari sa bansa? Ang sabi ng anak ko’y aalisin na raw yung mga jeep ngayong taon at papalitan nung parang maliliit na bus. Ano nga ulit ‘yon? Jeepney face out? Pace out? Ay, eku balu! Masakit talaga pag ditak mu ing aytindyan mu king Inglis. (Ay, ewan ko! Mahirap talaga kapag hindi gaanong makaintindi ng Ingles.) Basta ang alam ku lang, bilang pro na rin sa pagiging amoy-isda, hindi laging natatanggal ng pabango ang alingasaw ng hindi paliligo. Tamang pangangalaga at pagbibigay-oras ang mas epektibo!
Sa dalawang dekada kong pagtitinda ng galunggong, ay, suki na ko ng mga tsuper na ‘yan. Kapag ubos na ang paninda o kaya’y pagod na, dyip talaga yung pinipili kong sakyan kasi maaliwalas at mas mura ang pamasahe. Umaalingasaw man amoy-isda kong pabango ay umaalo (humahalo) naman sa angin (hangin), palabas, ang masangsang na amoy kaya kahit papaano ay naiibsan.
Mababait din ang mga nasasakyan kong tsuper, pati yung mga nakakatabi ko. Nahihiya nga ako parati dahil sa amoy ko pero bibihira ang nagtatangi. Tinutulungan pa nga ‘kong i-akyat yung bitbit kong dalawang timbang pinaglagyan ng isda. Nung nakaraang linggo nga, e, nakapustura’t nangangamoy rosas na ineng ang natabihan ko. Humingi agad ako ng pasensya pero imbis na magtakip ng ilong ay nginitan pa ako.
Sabi ng iba, mas okey daw ‘yong mga ipapalit na bagong dyip kasi malamig at amoy-new brand. Ay hindi naman totoo ‘yan para sa lahat, lalo na sa aming nagtitinda sa palengke. Kung sa normal na dyip nga ay ‘di na mapigilan ang pag-alingasaw ng amoy namin, ano pa kaya kung magiging de-aircon na, ano? Baka nakabusangot na mukha ng mga pasahero ang sasalubong sa amin, kung sakaling pasasakayin man kami. Tsaka paniguradong mas mahal ang pamasahe ron. Eh kaya nga ako nagdyip para kahit papaanu ay makatipid. Paano na kaming mga maralita kung ganoon na ang magiging siste?
Mas kumportable man ang iba sa mala-bus na jeep pero para sa aming mas mabango pa ang amoy-pawis, at kayod-kalabaw para sa ditak (kaunti) na kita, ay, mas lalu lang kaming magigitgit sa sulok ng lipunan nyan.
Kay Presedent BBM, tigilan nyo na po yang pekeng pagbabango sa mga dyip. Tunay at tamang pag-aaruga ang kailangan nila at hindi pagtatakip sa sinasabi nyong ‘bulok na’ nilang pangangatawan.
Bala ku sa isda ne ing pekamalansa, pati pala ing umid ning uularang sugat ning balen a pilit tatapalan imbis na uluan. (Akala ko tuloy isda na ang pinaka malansa, pati pala yung alingasaw ng isang bansang may inuuod na sugat na pilit tinatapalan kaysa gamutin.)
- Aling Marta, 56, tubong Pampanga pero sa Malabon nagtinda
#NoToJeepneyFaceout!!!
Papa’s Girl
Namulat akong si Papa at ang kanyang jeep na ang nagtatanggal-gutom sa kumakalam naming mga sikmura. Hatid ng bawat pamamasada ni Papa ang pag-asang makakapagtapos kaming limang magkakapatid sa pag-aaral, at sa kalauna’y maaabot din ang aming mga pangarap.
Higit pa sa isang midyum na araw-araw na bumubuhay sa amin, alam kong kakambal na ni Papa ang kanyang dyip — magkabuhol na ang kanilang mga pusod. Sa loob ng apat na dekada, kapit-tuko nilang binabaybay ang Taft Avenue, mula Divisoria tungong Baclaran, at pabalik. Kung sa ibang mga tatay, manok ang ginagawang anak, si Papa naman, ang kanyang dyip. Ganoon na lamang ang pagmamahal niya rito.
Pero kagabi, nagpipigil lang akong unahan siyang lumuha dahil kitang-kita ko ang namumuong tubig sa kanyang mga mata habang nakatitig sa kanyang jeep. Kung may boses lamang ang mga mata ay paniguradong humihikbi na ang mga ito dahil sa takot at pangamba — pangambang maaaring paghiwalayin si Papa at ang kanyang jeep ng mga sugapa, sa kahit anong araw nilang gustuhin.
Kaya naman, nakikiisa ako, kasama ng aking pamilya, at ng iba pang mga anak na may tatay na pumapasada ng dyip, na iyon lamang ang mapagkukunan ng ikabubuhay, sa panawagang #NoToJeepneyPhaseout!
Sa pag-phase out nyo sa mga jeep, para nyo na ring pinatay ang papa ko, para nyo na ring pinatay ang mga tatay namin! Please lang, huwag nyong patunayang mamamatay-tao nga kayo!
- Arlene Roquino, estudyante, proud papa’s girl
#NoToJeepneyPhaseout
Ang jeep ay binubuo ng manibela, gulong, mga larawan ni Spiderman at LeBron James na nagsusuntukan, at higit sa lahat, ng libu-libong kwentong Pilipino. Lulan nito ang ilang milyong kabuhayan, na kapag ito’y biglaan at tuluyang tinanggal ay puputol, hindi lamang sa kita ng mga tsuper, ngunit pati na rin sa milyun-milyong komyuter at mga lokal na industriya.
Sa bawat siksikang dyip na namamasada’y may estudyanteng nakapagtatapos, may maninindang nakatatanggap ng kanyang paninda para sa maghapon, at may manggagawang nakararating sa trabaho sa tamang oras. May mga bata’t pamilyang naitatawid ang gutom sa bawat araw, kahit sa panaka-nakang barya lamang.
Ang modernisasyon ay nararapat na ipatupad sa paraang nakabubuti sa masa — sa mga drayber, estudyante, trabahador, at sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa Hari ng Kalsada. Kaya naman, hangga’t hindi binabasura ng pamahalaan ang kanilang pekeng modernisasyon sa pampublikong transportasyon, lalong-lalo na sa mga dyip, patuloy nating ibahagi ang ating mga kwento, sanaysay at pahayag ng pakikiisa. Tutulan natin ang nakaambang pagbabaon sa lupa ng ating mga nakagisnang dyip. Tutulan natin ang jeepney phaseout!
Ikaw ba, anong Kwentong Jeepney mo?