Ano-ano ang kinaharap na atake ng mga magsasaka sa unang 9 na buwan ng taon?

Pasilip sa pandarahas ng militar sa kanayunan

The Manila Collegian
6 min readOct 24, 2024

ni Jermaine Angelo Abcede

Photo by Francine Hallare.

Nitong mga nakaraang buwan, kumaharap ang mga magsasaka mula Aurora hanggang Cebu sa iba’t ibang porma ng pandarahas at intimidasyon sa kamay ng mga pulis, militar, at private goons ng mga kumpanyang nagpapalayas sa mga magsasaka — nagtatangkang kamkamin ang kanilang mga lupa at patayin ang kabuhayan ng mga magbubukid sa kanayunan.

Isa ang atake sa Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite sa pinakabagong tala ng pandarahas sa hanay ng mga magsasaka. Nitong mga nakaraang linggo, nagkaroon ng serye ng panghihimasok ng kapulisan sa Lupang Ramos na kinukubli sa iba’t ibang huwad na aktibidad ng pamunuan ng lungsod upang manmanan ang mga magsasaka at maghasik ng takot sa mga residente.

Sa ulat ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid Timog Katagalugan (KASAMA-TK), tinangkang magtayo ng checkpoint ng pinagsamang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa bukana ng Lupang Ramos nitong Setyembre 9 upang magpatupad ng gun ban na anila’y para sa darating na halalan sa susunod na taon. Ngunit ayon mismo sa Commission of Elections, Enero 12, 2025 pa magsisimula ang gun ban sa buong bansa.

Isang araw matapos ang hindi makatarungang checkpoint, pinasok nang hindi bababa sa 50 katao mula sa AFP, PNP, Bureau of Fire Protection, Task Force Ugnay, at mga opisyal ng Dasmariñas City LGU, kabilang na ang City Veterinarian Office, ang Lupang Ramos upang magsagawa raw ng African Swine Fever (ASF) inspection sa napakababa lamang na bilang ng mga alagang baboy dito. Makalipas ang ilang oras, nagtayo ng barikadahan ang komunidad upang ipakita ang kanilang pagtutol sa pilit na panghihimasok ng mga puwersa ng estado.

Nitong Setyembre 17, muling pinasok ang Lupang Ramos ng tatlong opisyal ng PNP Dasmariñas at dalawa pang opisyal ng City Veterinarian Office ng lungsod — dinidiin na ang pagtungo nila sa komunidad ay para pa rin sa ASF inspection. Ngunit nang kumprontahin ng mga magsasaka at residente, napag-alamang magtatayo pala ang LGU ng Social Services Office sa loob ng komunidad na papangasiwaan ng mga kapulisan nang hindi dumadaan sa barangay at walang ginawang konsultasyon sa komunidad.

Matapos ang patindi nang patinding presensya ng kapulisan sa Lupang Ramos nitong mga nakaraang araw, sumipot ang mahigit 50 pulis at militar mula sa Task Force Ugnay upang magtangkang muling pasukin ang Lupang Ramos. Ngunit, hindi na naniwala ang mga residente na ito ay isa na namang ASF inspection o fire prevention inspection tulad ng unang nabanggit sa kanila, dahil ‘overkill’ na matuturing ang dami ng presensya ng mga galamay ng estado sa lugar.

Kalaunan, nang kumprontahin ng komunidad ang mga militar at opisyal, isiniwalat mismo ng mga kinatawan ng LGU na ang pakay talaga ng mga pulis at militar ay ipatupad ang “peace and order resolutions” na naglalayong imbestigahan ang Lupang Ramos bilang “consolidation area for radicalization” ng CPP-NPA-NDF at hindi ang mga naunang ginamit na dahilan.

Mariing tinuligsa ng mga magsasaka at residente ng Lupang Ramos ang tahasang red-tagging at giniit na walang katunayan ang mga akusasyon. Saad nila, inilalagay lang nito sa panganib ang komunidad na humaharap na sa mga problema ng pang-aagaw na lupa at pagkalugi sa mga tinitindang produkto.

“Mariin namin itong kinukundena dahil isa itong malaking kasinungalingan na kami ay na-re-recruit dahil kami ay lehitimong mga taga-Dasmarinas na may lehitimong laban sa lupa. Ang ganitong atake ay nagdudulot sa’ming mga kabataan ng takot at diskriminasyon. Kaya kaming mga kabataan, tuloy ang laban hanggang sa makamit ang tunay na reporma sa lupa.” saad ni Harley Tolentino, pangulo at Allysa Nicart, secretary-general, ng Anakbayan Lupang Ramos sa isang pahayag.

Ganito rin ang kinakaharap na atake ng Bagsakan farmers sa San Jose Del Monte (SJDM) Bulacan na kilala sa pag-aangkat ng mga murang agrikultural na produkto sa Kalakhang Maynila. Nitong Enero 18, pwersahang pinasok ng 80th Infantry Battalion (IB) ang dating tinutuluyang bahay ni Ronnie Manalo, secretary-general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa San Roque, tinaniman ng armas upang gamiting ebidensya laban sa kaniya, at tinakot ang kaniyang pamilya.

Sa parehong araw, tinunton ng mga militar ang bahay ni Cecilia Rapiz, pangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB), sa Brgy. Paradise 3, karatig na barangay ng San Roque, upang magtanong sa kaniyang kinaroroonan. Ayon sa Tanggol Magsasaka, inaakusahan ng mga militar sina Manalo at Rapiz na taga-suporta ng Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng kawalan ng sapat na pruweba.

Makalipas ang tatlong araw, nagtayo na ng kampo ang militar sa Paradise 3 upang mapalibutan ang lugar at naglunsad ng terror-tagging seminar kasama ang mga opisyal ng barangay nito namang Enero 24.

Malubhang takot, lalo na sa mga bata at matatanda, at trauma ang iniwan sa mga residente ng pandarahas ng militar. Naglunsad din sila ng house-to-house interrogations na nagpalala lang ng takot ng mga residente at nagresulta sa ilan na matakot nang pumunta sa sakahan nang mag-isa.

Hindi rin ligtas ang mga magsasaka sa Gitnang Visayas mula sa pandarahas ng mga mapagsamantalang puwersa. Nitong Setyembre 22, nagpaputok ng baril at pinagbantaan ng armed goons ang buhay ng mga magsasaka ng Baybay II Farmers Association sa Hacienda Borromeo, Pandacan, Pinamungajan sa Cebu.

Sa isang bidyo, nag-amok sa galit ang isa sa mga armadong lalaki at tinakot na babarilin ang mga magsasaka kapag kumuha pa ito ng tuba sa sakahan. Idiniin pa nitong kaya nilang magpiyansa kung makulong o makapatay man ang kanilang tauhan.

Sa kaso ng mga magsasaka sa Hacienda Borromeo, inirehistro ng komunidad ang kanilang karapatan laban sa pilit na pagpapalayas at pag-aangkin ng panginoong maylupa sa lupang kanilang sinasaka kaya binalikan sila ng sunod-sunod na atake.

“This latest incident in a series of unending violent harassment against farmers highlights the glaring absence of genuine land reform under Marcos Jr. For decades, farmers have been dispossessed and evicted from the lands they till due to land monopoly, with large haciendas like Borromeo owned by a few elite families,” ani Nick Abasolo ng KMP-Cebu.

Sa Lupang Tartaria sa Brgy. Tartaria sa Silang, Cavite kung saan pwersahang pinasok ng mga gwardya ng Jarton Security Agency, private goons ng Ayala-Aguilando, ang kampuhan ng mga pesante bilang depensa sa lumalalang atake sa lungsod na nagresulta sa pandarahas sa mga residente, muling nagbabadya ang presensya ng kapulisan.

Kamakailan lamang, huminto ng ilang oras sa tapat ng isang furniture shop sa Tartaria ang dalawang mobile ng PNP Special Action Forces, isang sedan, at isang pick up vehicle. Kasama nito ang isang truck ng militar na may kalakip na tatlong baril sa bubong at tatlong V150 na tangke ng mga militar. Iniulat ng KASAMA-TK na ito ay mistulang ‘show of force’ sa lugar na may kasaysayan ng pandarahas at nagdudulot ng pagkabahala sa mga mamamayan.

Matinding takot din sa mga residente ang dala ng bombings at indiscriminate firing sa Dipaculao, Aurora, dulot ng focused military operations (FMOs) ng mga militar sa probinsya.

Sa situation report ng Department of Social Welfare and Development, 3,633 pamilya o 12,814 ang apektado sa 14 barangay ng Dipaculao at Maria Aurora ng sigalot ng militar sa probinsya. Sa ulat din ng Karapatan-Central Luzon, dahil sa FMOs, pinagbabawalan ang mga pesante na magsaka sa kanilang mga sakahan.

Para sa iba’t ibang grupo, lalo na sa hanay ng mga magsasaka at magbubukid, nakababahala ang mga kaso ng pandarahas sa sa kamay ng mga pwersa ng estado at private goons sa iba’t ibang rehiyon dahil inilalagay nito sa kapahamakan ang mga residente at pesante na ipinaglalaban lamang ang kanilang karapatan sa lupang kanilang sinasaka.

“It is appalling that the local government has become an instrument to militarize these communities and violate their rights, instead of protecting and supporting its farmers. We denounce such state-backed efforts that endanger the lives and livelihood of peasant communities. All of these are violations of the international humanitarian law,” saad ng People’s Coalition on Food Sovereignty sa isang pahayag.

“Ang ganitong mga kaso ng pagbabanta, panghaharas, at intimidasyon sa mga lupang sakahan ay walang humpay sa rehiyon na pinangungunahan ng Task Force Ugnay at NTF-ELCAC. Ang nangyari ngayong araw ay hindi kaiba sa sunod-sunod ng kaso ng pandurukot sa mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid sa Rizal at Mindoro, ang plinanong puwersahang pagpapasuko sa mga miyembro ng CLAIM-Quezon at PIGLAS Quezon sa Catanuan, at ang nangyaring pag-atake ng 59th IB sa mga mananaliksik na volunteer ng KASAMA-TK sa Sampaga, Batangas,” giit naman ng KASAMA-TK ukol sa mga atakeng kinakaharap ng Timog Katagalugan.

Saan mang dako ng bansa, litaw ang pananamantala ng estado sa hanay ng mga magsasaka. Nagpapatuloy ito sa patuloy na kawalan ng tunay na repormang agraryo, mailap na libreng pamamahagi ng lupa, at puwersadong pagkawala ng peasant advocates gaya na lang nina James Jasminez, Felix Salaveria Jr., at Fhobie Matias, ang pinakabagong desaparecido.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet