Ayaw kong sumali sa sports, kaya natuto akong mag-chess
ni Janine Liwanag
*Trigger warning: Mentions of body dysmorphia*
Ilan lang siguro sa mga tao sa buhay ko ang nakakaalam na marunong ako maglaro ng chess. Marunong lang, pero hindi naman magaling. Hindi na rin naman ako naglaro ulit pagkatapos ko ng elementarya kung kailan ako natuto.
Kung tutuusin, kakaiba rin kasi ang relasyon ko sa larong chess.
Sa elementarya, required kaming lahat na sumali sa intramurals o intrams. Ilang araw o linggo bago magsimula ang intrams, nagtitipon ang section namin sa homeroom para pag-usapan ang hatian ng mga laro. Pumupunta sa harap ang aming homeroom adviser para isulat sa whiteboard ang mga pangalan ng muse at escort, tapos kung sino-sino ang mga nakatalaga sa basketball, volleyball, badminton, atbp.
Dahil wala akong hilig sa sports, hindi ako nagboboluntaryo sa kahit anong laro. Siguro nakakapanghina rin ng loob maglaro ng sports noon dahil lagi akong inaasar na mataba. Sa isip-isip ko: “Kaya na nila ‘yan. Sila ang magaling diyan. Mapapahiya lang ako.”
Ang resulta, kung saan-saan na lang ako napupunta. Noong unang baitang, isinali ako sa athletics. Noong ikalawang baitang naman, napunta ako sa calamansi relay.
Pagdating ng ikatlong baitang, sinabi ko sa sarili ko na ayaw ko nang kung saan-saan na lang mapuntang laro. Gusto ko, ako naman ang makakapili.
Ayaw ko sa volleyball, hindi naman ako magaling. Sawa na rin ako sa mga relay kasi nakakapagod. Hindi naman ako marunong maglaro ng board games tulad ng Game of the Generals at chess.
Sandali. Eh, kung matuto kaya ako?
Noong summer bago magsimula ang akademikong taon, nagpaturo ako sa aking tatay maglaro ng chess. Mula sa aming bodega, kumuha siya ng mabigat na chess board na nangongolekta na ng alikabok sa ilang taong pagkakatago nito.
Syempre, una kong nakilala ang king at queen. Sumunod ang pawn, tapos ang mga knight, rook, at bishop. Unti-unti, nabuo ko ang kwento ng chess board namin. Sa loob ng 64 na parisukat na iyon, nagkaroon ako ng bagong mundo na puwede kong siyasatin, ikutin, o laruin. Kahit sa mga panahon na abala ang tatay ko, wala akong problema sa paglalaro nang mag-isa. Pampalipas-oras lang, kumbaga.
Sa diagonal ng mga bishop, sa “L” ng mga knight, naaliw ako sa bago kong natutunang abilidad. Pagdating ng intrams ng taong iyon, buong loob akong nagboluntaryo na maging pambato ng section namin sa chess. Isang lalaki at isang babae lang naman ang kinukuha sa bawat section, at dahil nabibilang lang sa kamay noon ang mga babaeng marunong maglaro, wala akong ka-kompetensya para mapili sa chess.
Success! Naaalala ko, mayroon akong isang larong napanalunan. Hindi ko maalala kung humigit pa sa isang laro, pero masaya na ako roon kasi hindi naman talaga ako sumasali sa chess competitions. Tulad ng nasabi ko, marunong lang ako — hindi naman ako magaling.
Pagdating ng high school, halos isang taon lang kami nagkaroon ng intrams dahil walang regular na nag-oorganisa nito. Kahit sa isang taong ito, boluntaryo lamang ang pagsali, hindi tulad noong elementarya ako na lahat ng mag-aaral, kailangang may papel na gagampanan. Imbis na sumali, pinili kong maging photographer dahil mas gusto ko ang ganitong responsibilidad kaysa maglaro.
Pumayat na ako pagdating ng high school bilang epekto ng puberty at naging mas magaan na ang loob ko sa mga bago kong ka-eskwela, ngunit hindi pa rin ako nagkaroon ng lakas ng loob na sumali sa sports kahit hindi intrams. Masyado kong nilimitahan ang aking sarili, marahil kasi ang iniisip ko noon: “Hindi ako para sa sports. Hindi naman ako lumaking naglalaro ng sports, hindi ako magaling. Iba ang magaling, kaya bakit pa ako susubok?”
Kamakailan ko lang napagtanto na hindi pala nakakatulong ang pag-iisip ko noon, dahil ako lang din ang pumipigil sa sarili kong sumubok ng iba’t ibang bagay. Kung tutuusin nga, naglalaro naman ako sa kalsada noong elementarya. Paborito ko noon ang ten-twenty, pero sumasali rin ako sa patintero at tumbang preso. Isang beses nga, naaya ko pa ang kaklase ko na maglaro ng badminton sa tapat ng bahay namin.
Badminton? Sa labas ng MAPEH? Bakit hindi na ako ganun pagkatapos ng elementarya?
Hanggang ngayon, wala pa rin akong itinuturing na sport. Nalulungkot nga ako kapag naiisip ko ang mga “what if.” Noong high school, nag-enjoy naman ako sa swimming. Tapos, sa isa o dalawang araw na naglaro kami ng handball sa PE, napaisip ako kung sasali ba ako sa handball club namin.
Pero wala. Ang mga interes na iyon, ipinagsawalang-kibo ko na lang. Para sa akin noon, okay na ako sa mga extracurricular na meron na ako. Para sa akin, pang-student council ako, pang-photography ako. Okay na ako roon.
Okay nga naman… Pero bakit hindi ko pa rin sinubukan ang ibang interes? Bakit ko pinigilan ang sarili ko? Dahil sa takot na huhusgahan ako ng iba? Na papalpak ako?
Kung pwede lang akong bumalik ng ilang taon, siguro hahawakan ko ang mga balikat ng aking nakababatang sarili, yuyugyugin, at sasabihin: “Eh, ano naman?”
Hindi ka huhusgahan ng mga taong mahalaga sa buhay mo. Kung husgahan ka man, hayaan mo sila. At kung pumalpak ka? Eh, ‘di pumalpak ka. May kilala ka bang hindi pa pumalpak kailanman sa buhay nila? Hindi ka Diyos para hindi pumalpak. Bahagi ‘yun ng buhay. Kaysa isipin mo kung paano kung pumalpak ka, tanungin mo ang sarili mo: “Paano kung hindi ako pumalpak? Paano kung magaling pala ako? Paano kung pagsasanay lang pala ang kailangan ko?”
Pero tumanda na ako. Wala nang silbi ang mga what if. Ang meron na lang ay ang hinaharap ko at kung ano pa ang magagawa ko.
Alam ko na ngayon na kaya kong gawin ang anumang gusto ko, basta gumalaw ako, basta paniwalaan ko ang sarili ko. Kasi kung hindi ako maniniwala, sino pa ba?
Noong simula ng Bakbakan, ang intrams ng UP Manila, ngayong taon, magkasama kaming mga magkakaibigan noong may nagtanong kung mayroon sa aming marunong mag-chess dahil kailangan ng manlalaro mula sa aming kolehiyo. May isang bahagi sa aking bumalik sa panahong siyam na taong gulang pa lang ako, sabik na mahanap ang aking sport tuwing intrams.
Pero iba na ngayon. Bente anyos na ako at pagod dahil sa acads, sa buhay. Alam ko na ang aking mga kakayahan at kung ano-ano ang maaari ko pang pagsanayan. Siguro may mga oras na takot pa rin ako kung anong iisipin ng ibang tao tungkol sa akin, pero hindi na katulad ng dati.
Itinanggi ko ang oportunidad maglaro, pero alam ko naman sa aking sarili na ito ay hindi dahil takot ako, kundi dahil wala akong oras o enerhiya noong panahon na iyon.
Nitong nakalipas na World Chess Day noong Hulyo 20, hindi lamang isang ordinaryong laro para sa akin ang ipinagdiriwang sa araw na ito. Kapag naiisip ko ang chess, naaalala ko ang aking kabataan, ang mga oras na ginugol namin ng aking ama, at mga problema ko sa aking katawan. Naaalala ko ‘yung kapitbahay namin na tumatawag sa ’kin ng “Taba!” tuwing dumaraan ako sa harap ng bahay niya. Naaalala ko ‘yung batang babae na binibigay ang lahat niya sa pagtakbo papuntang kabilang dulo ng mainit na gym para lang hindi maging kulelat ang section niya.
Hindi na ako naglalaro ng chess ngayon, pero itinuturing ko pa rin siyang parang dating kaibigan. Isang kaibigang matagal ko nang hindi nakikita o nakakausap, pero alam kong mahalaga ang ginampanang papel sa pagtuklas ng kung sino ako ngayon.
Ngayon, alam ko na ang pag-aaral ko ng chess noong bata ako ay testamento sa kakayahan kong gawin ang anumang bagay kung susubok ako. Hindi man ako henyo tulad ni Elizabeth Harmon sa “The Queen’s Gambit,” napagtanto kong ayos lang iyon. Marunong akong maglaro pero hindi ako magaling, at walang problema roon.