Babala: Huwag Maglaro ng Apoy
nina Maria Carmilla Ereño, Franchesca Beatrice De Asis, at Kim Hernandez
Bata pa lang, laman na ng pagpapaalala ng mga matatanda ang panganib na dala ng apoy. Bagama’t nagbibigay-liwanag, nagiging sanhi rin ito ng malalaking sakuna. Subalit sa kabila ng matinding pag-iingat, sunod-sunod pa rin ang mga sunog na tumutupok sa mga kabahayan sa Pilipinas, partikular na sa mga komunidad ng maralitang lungsod.
Nitong Hunyo lamang, nagtala ang Bureau of Fire Protection ng 10,996 na insidente ng sunog sa buong bansa mula Enero. Sinasalamin ito ng kabi-kabilang balita tulad ng insidente ng sunog sa Sampaloc, Maynila, sa iba’t ibang barangay sa Tondo, sa Paco, Maynila, at iba pang informal settlements sa mga siyudad kung saan pailalim na pinapaso ang karapatang pantao ng maralita. Sa likod ng pahayag na aksidente ang sanhi ng mga ito, alam ng mga maralita kung kaninong anino ang naglaro ng apoy.
Ilang buwan pa lamang matapos ang unang sunog sa Aroma, Tondo ngayong taon, muling nagliyab ang trahedya sa komunidad. Sila ay kasalukuyang lumalaban sa panggigipit ng National Housing Authority (NHA) at R-II Builders, isang construction company. Kaya’t tiyak ng mga residente — sila ay nasa gitna ng laro ng mga makapangyarihang pwersa.
Langit, Lupa, Impyerno
“Patay, buhay, umalis ka na sa pwestuhan mong mabaho!”
Waring “langit lupa” ang laro ng gobyerno at mga pribadong entidad sa pagpapalayas ng mga maralita. Kinakasangkapan ang sunog dahil kusa nang tatakbo palayo ang mga residente upang maiwasan ang dagat ng apoy. Walang pakialam ang mga nasa itaas kung makaligtas o mapahamak ang mga pamilya sa ibaba, basta’t mapaalis sila sa espasyong kanilang minamata.
Ayon kay Aries Solenad, kalihim ng Pamalakaya-Cavite, pagsunog sa komunidad ang pinakamadali at pinakaepektibong paraan upang gibain ito at bigyang-daan ang proyekto ng mga korporasyon. Kaugnay ito ng sunod-sunod na sunog na naganap sa iba’t ibang komunidad ng maralita sa Bacoor, Cavite, simula Pebrero hanggang Setyembre, ngayong taon. Aniya, nagresulta ito sa permanenteng paglilipat sa mga residente sa mga lokasyong mailap ang hanapbuhay at mayroong mataas na cost of living.
Ang pabahay sa mga relokasyon ay hindi libre; ito ay binabayaran nang hulugan sa NHA, ang ahensya ng gobyerno na responsable sa produksiyon at pamamahagi ng “inklusibo, abot-kaya, at maayos na pabahay” para sa maralitang lungsod. Subalit, kung hindi tugma ang pamantayan ng “abot-kaya” ng mga nagtatakda ng presyo sa aktwal na kapasidad ng maralita, masasakripisyo ang iba pa nilang pangangailangan tulad ng edukasyon, kalusugan, at iba pa. Nitong Abril lamang, naglabas ng memorandum ang Department of Human Settlements and Urban Development upang itaas ang price ceiling ng pabahay sa 2.7 milyong piso para mahikayat ang pribadong sektor na pondohan ang konstruksiyon, lalo’t walang inilaan para dito sa 2024 national budget. Sa ganitong kalakaran, nagiging negosyo ang pabahay at hindi napapakinabangan ng maralitang Pilipino.
“Kasi, palagi na po ‘tong nasusunog e. Sa isang taon po, dalawang beses po ito nasunugan,” napapagod na anas ni Elsa, residente ng Aroma. Para sa mga maralitang tulad niya, tila impyerno sa lupa ang paulit-ulit na pagsuong sa siklo ng destruksiyon at muling pagbangon. Walang langit na masisipat sa gitna ng makapal na usok. Gaya ng libo-libong maralita na nakikipagsapalaran sa siyudad, gaano man nila kagusto ang magkaroon ng “lehitimong” tirahan, malayo sa mga banta ng pagpapalayas — madamot ang kapitalismo na pinaglalaruan ang buhay ng mga Pilipino.
Agawan Base at Pabitin
Sa larong agawan base, bagama’t mayroong mga sumusugod sa himpilan ng kalaban, mayroon ding mga bantay ng sariling “home base,” ang kaniya-kaniyang teritoryo ng bawat panig. Ganito ang sistema sa mga komunidad tulad ng Aroma. Ilang araw lamang matapos ang sunog, bumalik na ang mga residente sa kanilang mga natupok na tahanan. Mailap ang suplay ng tubig at kuryente, at walang maayos na masisilungan, pero kailangan nilang bumalik. Bukod sa hindi makatarungang lagay sa evacuation centers, nagbabanta na rin ang mga kalaban. Malaki ang posibilidad na kung maiwan nila ang base nang walang bantay, sasalakay ang NHA para bakuran ito. Kaya naman sa kabila ng bawat peligro at banta ng demolisyon, ang pananatili ay pakikibaka — isang porma ng paghamon sa makapangyarihang pwersa upang ipaglaban ang kanilang espasyo sa siyudad.
Biyaya para sa mga politiko o sa mga tatakbo sa nalalapit na eleksyon ang ganitong mga oportunidad kung saan maaari silang magpaabot ng ayuda upang pabanguhin ang sarili sa publiko. Sa mundo ng politika, malaki ang gampanin ng masa para makamit ng iilan ang kapangyarihang inaasam. Pinagsasamantalahan nila ang kahirapan ng mga ito — magbibigay ng maliit na halaga at magkukunwaring nakikipagkapwa-tao kapalit ng libo-libong boto tungo sa pagkamit ng pwesto sa gobyerno.
Ngunit tila’y naging laro ng pabitin ang pagkuha ng ayuda kung saan ang mga premyo’y dapat pang talunin. Ayon kay Marife, tagapangulo ng Samahan ng Maralita sa Temporary Housing, may pagkakataong habang nakapila ang mga residente ng Aroma para sa ayuda ay bumuhos ang malakas na ulan. Sa pagmamadaling umalis ng mga “nagmagandang-loob,” walang pakundangang pinagbabato na lamang sa kanila ang ayudang bigas. Kailangan pang mamalimos ng maralita, sumuong sa malakas na ulan, at makipagpatintero sa malalaking trak sa kalsada, mabiyayaan lamang ng konting tulong. Subalit, hindi lahat ng biktima ay nabibigyan. Hindi mawawala sa mga rekisito ang katibayan na sila ay botante sa lugar — isang patunay na hindi tumutulong ang mga politiko at estado nang walang kapalit.
Paglisan sa Bahay-bahayan
Sa laro ng mga kapitalista, itinataya ang buhay, bahay, at kabuhayan ng maralita para sa mga proyektong tanging mayayaman ang nakikinabang. Sa kabila ng pagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan, sila ay naiiwan sa likod ng mga pangakong hindi natutupad.
Upang tuluyang tupukin ang siklo ng paghihirap ng maralita, marapat lamang na isaalang-alang ng gobyerno ang tunay nilang pangangailangan: relokasyon sa loob ng siyudad. Maraming pabahay sa mga relokasyon sa Bulacan, Laguna, Cavite, Pampanga, at Rizal ang nananatiling bakante dahil malayo ito sa pangunahing pangangailangan ng mga tao. Ayon sa pag-aaral ni Dr. Chester Arcilla, isang iskolar ng maralitang lungsod, ang in-city relocation ay hindi lamang isang solusyon; ito ay susi upang maiwasan ang pagkalugi ng pondo ng bayan dahil sa mga nabubulok na pabahay sa malalayong relokasyon.
Dagdag pa rito, ang konstruksiyon ng pabahay ay dapat nagsisimula sa paglulunsad ng mga masinsinang konsultasyon sa mga maralita. Nasa kamay dapat ng mga maralita ang pagpapasya kung saan sila ililipat, kung ano ang magiging disenyo ng kanilang tahanan, at anong mga materyales ang gagamitin sa pagtatayo nito.
Itinuturing ang mga maralita na saling-pusa — walang kapangyarihan at walang alam. Ngunit, sa isang larong buhay nila ang mismong nakataya, hindi ba’t nararapat lang na sila ang may hawak ng mga patakaran?