Bakit Mala-impyerno sa Islang Pantropiko
ni Chester Leangee Datoon at Renato Bolo III
Nang inanunsyo ng PAGASA ang posibilidad ng bagyo noong buwan ng Mayo, umulan ng heart reactions at papuri kay Mother Nature sa social media dahil sa lamig na dala nito; finally, bye bye na sa parusang heatwave noong summer! Para bang nag-iba ang ihip ng hangin. Ibang klase talaga ang panahon sa Pilipinas, parang tinotopak lang! Kaya tulad ng pag-ibig na mapapa-“Oh shux, ano ba itong nadarama?!” mapapatanong ka kung bakit nga ba mala-impyerno sa Islang Pantropiko?
Feels like summer pa rin ba?!
On this tropical island, dalawa ang itinuturing na pangunahing uri ng panahon: tag-ulan na nagsisimula sa Hunyo at tag-init na humahagupit mula Marso hanggang Mayo. Nahahati pa ang tag-init sa dalawang uri: cool dry o tagtuyong malamig mula Disyembre hanggang buwan ng mga puso at hot dry o tagtuyong mainit mula Marso hanggang Mayo. (In da Pilipins, it’s either Pantropiko, Raining in Manila, or Christmas in Our Hearts!) Kaya patok ang Pilipinas sa mga afam dahil angkop ang klima natin sa sunbathing at tanning. Subalit, tila ang ‘pan’ sa Pantropiko ay naging frying pan na dahil sa init na dala ng heatwave! Tila piniprito na ang balat kapag nabibilad sa araw kahit hindi pa tanghali.
Kaya hindi na rin nakapagtataka na napapa-”oh boy it feels so good” ang netizens sa paparating na tag-ulan dahil haggardo versoza na rin sila sa pagtitiis-ganda sa heatwave. OA na kung OA, pero sobrang lala na rin kasi ng nararanasang init sa bansa nitong mga nakaraang buwan. For the first time in forever, nag-suspend ng mga klase dahil sa heatwave! Kahit na it’s giving quarantine era dahil sa muling pag-implementa ng online classes at work-from-home setup, hindi pa rin nito naiibsan ang init na nararamdaman nila sa kanilang kabahayan.
Pasan din ng mga komyuter ang epekto ng heatwave sapagkat napipilitan silang mabilad sa araw at sumakay sa mga transportasyong de-aircon upang maging komportable. Sa mga nagmamaneho, dagdag gastusin ito sa petrolyo. Walang ibang pagpipilian ang araw-araw na suki ng initan kundi ang gumastos ng mas malaki, makaranas lang ng kaunting ginhawa.
Ang pagbabago sa kapaligiran ay nagdudulot din ng masamang epekto sa kalusugan, lalo pa’t hindi lamang biyolohikal, kundi mayroon ding mga sikolohikal, panlipunan, at pangkapaligirang salik na nakakaapekto sa kalagayan ng isang tao. Kumbaga, kahit anong paggagamot ng isang pasyente, kung matindi naman ang init sa paligid, tiyak na bababa ang kalidad ng kanyang pagtulog. Maaari ding mapuno siya ng pagkaligalig at pagka-iritable na posibleng magpalala sa kanyang kondisyon.
Dagdag peligro rin ang heatwave sa pagkakaroon ng heat stroke lalong-lalo na sa mga bata, buntis, at trabahador sa mga lansangan kung saan pwede nila itong ikamatay buhat ng mas matinding pagkauhaw. Sa mga pasyenteng nakahilata sa mga ward ng pampublikong ospital tulad ng PGH, palasak na ang pamamanas sa binti buhat ng dagdag presyon sa kanilang biyas dahil sa init.
Kapag nararanasan ito nang sabay-sabay, minsan natututo na lang ang taong tanggapin na wala na silang magagawa para baguhin ang sitwasyon — learned helplessness, ‘ika nga. Kaya, ano ba itong nadarama? Oh shux, ito ba’y helpless na? Valid to the max! Ngunit, may oras pang labanan ang heatwave na ito.
Upang maibsan ang learned helplessness sa lumalalang klima, lumilitaw ang diskarte ng mga Pilipino. Nariyan ang pagbebenta ng tingi-tinging yelo, o pagnenegosyo ng ice tubig, ice candy, at ice cream. Para sa hindi business-minded, nabibigyang-katuwiran ang pag-asam ng marami na bumagyo, kahit wala nang pakialam sa pagbaha.
Nawawala ang Pangangamba
Hindi masisisi ang Pilipino kung desperado sila para sa pagbabago, lalo na sa harap ng kumukulong klima. Marahil isang paraan na upang maibsan ang learned helplessness ang pagbibiro ukol sa bagyo. Ito na kumbaga ang coping mechanism ng mga Pilipinong nasusunog na sa mala-impyernong panahon. Kung kaya, hindi lamang simpleng biro ang hiling ng mga Pinoy na “Sana, bumagyo na,” bagkus ito’y sampal ng realidad na sukdulan na ang pagbabago ng klimang nararanasan ng mundo.
Kahit maraming nagha-heart react sa bagyo, batid ng mga Pilipino ang pinsalang dala nito — sadyang sobrang tindi ng init lang talaga. Pinakaapektado rito ang mga magsasaka na walang inaani dahil sa tigang na lupa. Kaya hindi maiwasang mapalitan ng kasiyahan — mula sa lamig at tubig na hatid ng tag-ulan — ang pangambang dala ng heatwave.
Hindi rin naman pwedeng balewalain ang pag-aasam ng mga Pilipino sa bagyo kahit na pangtsa-charot lamang ito. Sa likod ng mga biro, may natatagong hiling na sana ay masolusyonan ang krisis. Sa halip kasi na mabasá ng tubig mula sa seawaves, eh pawis mula sa heatwaves ang nagpapaligo sa mga tao.
Ngunit upang tunay na masolusyonan ang matinding init ng panahon, kailangang sipatin ang puno’t dulo nito — ang naglalakihang mga korporasyon. Kalakhang porsyento ng greenhouse gas emissions sa mundo ay nagmumula sa mga Kanluraning bayan, ngunit ang sisi ay napupunta sa mas maliliit na bansa tulad ng Pilipinas. Hindi naman kasalanan ng masang Pilipino na inaabuso ng mga imperyalistang bayan tulad ng Amerika ang ating mga likas na yaman. Hindi kasalanan ng masa kung bakit nakakalbo ang mga kabundukan dahil sa walang habas na pagmimina at pagpuputol ng puno ng mga malalaking kumpanya.
Kaya upang maibsan ang learned helplessness at pangangamba na ating nadarama, mabuting ituon na lang natin ang ating pwersa sa pagkilos at pagpapanagot sa mga tunay na may sala — yaong mga nagdudulot ng mala-impyernong panahon sa Islang Pantropiko. Kayang-kaya naman mawala ang pangangamba basta’t tayo’y sama-samang kikilos upang malunasan ang krisis sa klima.
Para Bawat Araw Mas Sumasaya
Ang aktibong pakikilahok at agarang aksyon ang kinakailangan upang maka-survive tayo sa impyerno ng Global Boiling (na magpapalala rin ng La Niña paglipas ng Hunyo). Sa paglatag ng mga polisiyang makakalikasan at makatao, dapat may risk reduction ding nakabuhol dito upang lutasin ang climate emergency na tatagal pa sa susunod pang mga dekada.
Ngunit, paano ba naman magkakaroon ng risk reduction kung risk expansion naman ang ginagawa ng gobyerno? Talamak ito sa kanilang pagtataguyod ng mga proyektong reklamasyon at imprastraktura tulad ng Pasig River Expressway (PAREX), na tanda ng pagpapalawak sa abusadong takbo ng industriyalisasyon sa bansa. Papalalain nito ang malala na ngang “urban heat island effect” o ang pag-init ng mga siyudad dahil sa paggamit ng semento at iba pang materyales na nagkukulong ng init at greenhouse gases mula sa mga industriya nagsusunog ng langis. Imbis na ayusin ang public transport system, mas ineengganyo pa nitong mga tinatayong kalyeng aspalto ang pagbili at pagpasok ng mas marami pang pribadong kotseng dadagdag sa usok.
Mas inuuna pa ng pamahalaan ang mga band-aid solution tulad ng pag-adjust ng academic calendar o pagmamanipula ng presyo sa (o pansamantalang pagputol ng kuryente) para makaiwas sa panahong tamâ ng heatwave o bagyo, kaysa magsagawa ng mga tunay at pangmatagalang solusyon para sa krisis sa klima — gaya ng pagbabawas sa pagdepende sa fossil fuels o krudo, at ng pagpapaigting ng renewable energy sources o mapagkukuhanan ng kuryente mula na sa araw, tubig, lupa, at hangin.
Ang kawalan ng inisyatiba ay nagpapakita na hindi sila gagalaw hangga’t hindi inuudyokan, buhat ng mala-kuhol na pagtugon kapag nariyan na sa sukdulan ang pinsala. Kailangan pa atang buhusan ng tubig-dagat para magsikilos (mungkahi para sa mga nais lansagin ang mga pagtitipon ng mga kompanyang maka-kalikasan kuno, pero nakikipagsabwatan naman sa prodyuser ng langis).
Sa ganitong sitwasyon na lubhang nakakaloka, walang halong biro ang nararamdamang desperasyon na matapos ang delubyong hatid ng climate emergency. Kung hindi ito maintindihan ng gobyerno, e ‘di joke time’s over!
Ang pagdiskarte, pagtawa, at pag-iwas na kilala sa kulturang Pilipino ay direktang epekto lamang ng kagyat na pagsalo sa pagbabago ng panahon. Minsan, ang simpleng joke ay isa na palang paghingi ng saklolo. Ang mga munting aksyon ng mamamayan ay senyales ng pag-aasam para sa isang komprehensibong pagtugon sa tumitinding krisis sa klima, na lumalapnos sa kalamnan at diwa ng lahat.