Balik-tanaw: Ang Nakaraan Bilang Salamin ng Kasalukuyan
ni Gerra Mae Reyes
Unang umaga mula nang ideklara ang batas militar, umalingawngaw ang boses ng mga nagugulumihanan kasabay ng pagsikat ng araw. “Bakit wala akong radyo?” Nagtaka ang lahat kung bakit ang pangunahing medya ay tila bigla na lamang nasira nang malawakan at sabay-sabay. Bukod sa tilaok ng manok, radyo ang unang ingay na naririnig sa umaga noong dekada sitenta. Kaya naman, gayon na lamang ang pagkabigla ng lahat nang ang mga paborito nitong broadcaster ay mawala sa linya. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ito na pala ang simula ng madilim na kasaysayan na kumitil hindi lamang sa medya kundi pati sa buhay ng libo-libong Pilipino. Ganito inilarawan ni Mamerto Calalang Canlas, dating instruktor ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas, ang kaniyang “mga unang Sabado ng Batas Militar.”
Tulad ng malalaking pagtatanghal na kinakailangan ng paghahanda, sumalang din ang bansa sa tila isang dry run bago ito sumailalim sa Batas Militar. Noong ika-21 Agosto 1971, sinuspinde ng diktador na si Marcos Sr. ang habeas corpus matapos ang nangyaring bomb attacks sa pagtitipon ng Partidong Liberal sa Plaza Miranda aa Maynila. Ang habeas corpus ay isang legal na remedyo upang protektahan ang taumbayan mula sa mga ilegal na pag-aresto at walang humpay nadetensyon ng estado. At nang sindihan ng diktador ang Batas Militar noong ika-21 Setyembre 1972, nagmistulang gasolina ang suspensyon ng habeas corpus na siyang nagpalala sa liyab ng pananamantala sa kapangyarihan at pagyurak ng estado sa karapatang pantao.
Hindi lamang politikal, kundi pati sikolohikal ang naging paghahanda ng diktador bago nito ideklara ang Batas Militar sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1081. Ayon kay Carol Pagaduan Araullo, isang aktibista at dating detenidong politikal sa ilalim ng diktadura,bukambibig umano ng diktador ang social volcano bilang pagsasalarawan nito sa sosyo-politikal na sitwasyon ng bansa. Aniya, tila isa raw itong bulkan na maaaring sumabog anumang oras kung kaya’t iginigiit nito ang sarili bilang tagapagligtas ng mga Pilipino. Lantad na ito ay isang pagkokondisyon sa isipan ng mamamayan na walang pinagkaiba sa kung paano lasunin ni Marcos Jr., ang tukayo at anak nito, ang impormasyon sa kasalukuyan.
Kinabukasan ng deklarasyon ng Batas Militar, inilabas ni Marcos Sr. ang Letter of Instruction Blg. 1 na nagpapahintulot sa mga militar na kontrolin ang pangunahing media outlets sa bansa noon. Sa desperasyon na hindi umalingasaw ang masangsang na katotohanan ng diktadura, pinatahimik nito ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng dahas at pag-abuso sa kapangyarihan. Tahasan nitong ginamit ang censorship bilang pansala sa impormasyong sisira sa reputasyon ng estado. Libo-libo rin ang mga mamamahayag na pinatahimik, dinakip, at ikinulong tulad nina Teodoro Locsin Sr. at Chino Roces.
Pilit mang supilin ng estado, hindi pa rin natatapos sa likod ng rehas ang pakikibaka ng mga detenidong politikal. Patunay dito ang kuwento ng aktibista at dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Judy Taguiwalo. Unang beses siyang hinuli tangan ang kanyang mga progresibong ideolohiya. Siya’y patuloy na lumaban at tumakas mula sa mapang-abusong pwersa ng mga militar. Isang dekada ang lumipas matapos niyang makamit ang pilit na kalayaan, siya’y tinugis muli ng mga awtoridad dala-dala ang apat na buwang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Pilit mang igiit ng diktadura na ito ay usapin ng kanilang seguridad, mananatiling usapin ito ng kapangyarihan para sa masa — may dominanteng pwersa na umaabuso at may kontra-agos na pwersang inaabuso.
Limang dekada ang pagitan ngunit ang panunupil at karahasan ay magkahulma pa rin tulad ng mga pangalan ng mag-ama. Sunod sa yapak ng diktador ang bawat kilos ni Marcos Jr. na ginagawang puhunan ang pagbaluktot ng kasaysayan. Tila uhaw ito na makuha ang repleksyon ng gintong imahen ng ama nito, gayong ito ay gawa-gawa lang din naman upang maibalik sa kamay ng pamilya ang kapangyarihan. Kung ang pag-upo ng isang Marcos sa trono ng pangulo ay nangangahulugan ng paglimot sa tunay na danas noong Batas Militar, makatarungan lamang na umalsa ang masa upang singilin ang gobyerno sa mga kasinungalingan nito.