BALITA | Duterte Legacy: Anim na Taon ng Karahasan, Kahirapan, Kawalang Pag-Asa

PHOTO FROM PHILIPPINE NEWS AGENCY

Taong 2016, napukaw ng noo’y Davao city Mayor Rodrigo Duterte hindi lamang ng mga Pilipino kung hindi, pati ang buong mundo sa kanyang matalim na pananalita. Matatandaang noong panahon ng kampanya sa pagkapangulo, binalaan na niya ang madla na magiging madugo ang kanyang administrasyon sapagkat handa siyang banggain ang sinumang hahadlang sa kanya.

Nang siya ay manalo, sa loob ng kanyang anim na taong pamumuno, hindi nga niya binigo ang kanyang mga pangako sapagkat ang bansa ay tuluyang nasadlak sa karahasan, kahirapan, at kawalang pag-asa. Bukod pa rito, patuloy na humaharap sa panibagong krisis ang Pilipinas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga batayang bilihin.

Ang mga ito ay nakatakdang saluhin ng administrasyon ng anak ng yumaong diktador, President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at anak ng pasista, Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.

Karahasan

Isa sa pinaka tanyag na pangako ni Duterte ay ang pagtuldok sa problema ng droga at kriminalidad sa loob lamang ng anim na buwan. Dahil dito, ang mga sigaw at hinagpis ng mga pamilya ng mga pinatay sa giyera kontra droga ang naging buhay sa iba’t ibang eskinita at lansangan sa bansa kung saan naninirahan ang mga maralitang sektor.

Mula 2016 hanggang 2021, ang giyera kontra droga ay kumitil ng mahigit 7,000 buhay mula lamang sa datos ng kapulisan. Sa taong 2019, ayon sa tala ng Commission on Human Rights (CHR), mahigit 27,000 hanggang 30,000 buhay ang biktima ng mga pulis at vigilantes — karamihan ay pinatay sa loob ng kanilang sariling mga kabahayan.

Ang walang katapusang naratibo na ‘nanlaban’ ay ginawang armas ng kapulisan na nakapatay ng higit 7,000 sibilyan, na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang mga kaso. Sa isang cross examination ng Free Legal Assessment Group (FLAG), nakita na ang mga istorya ng pulis ukol sa mga kanilang operasyon ay paulit ulit lamang.

Ayon sa CHR, sa 3,386 na drug related cases na kanilang iniimbestigahan, natagpuan na mahigit 1,944 sa mga biktima ay pinatay ng polisya. Habang 1,441 katao ay pinatay ng hindi pa nakikilalang suspek. Sa isang pahayag mula kay retired International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatou Bensouda, binanggit niya na ang mga pulis at iba pang mga opisyal ay nagbibigay ng bounty o pera sa mga vigilantes na napag-uutusang pumatay ng mga hinihilalang lulong sa droga.

Mula kay Kian Lloyd delos Santos hanggang sa libong libo hindi pa nareresolba na kaso, patuloy pa rin ang sigaw ng katarungan mula sa mga biktima ng giyera kontra droga. Sa kabila ng pagdanak ng dugo, hustisya ang mga sigaw ng mga taong namatay na walang sala.

Para tuluyang maghari ang takot at katahimikan, isinunod ng administrasyong Duterte ang pagkitil ng malayang pamamahayag. Gayundin, ginipit ang mga oposisyon sa iba’t ibang paraan kagaya na lamang ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso o malawakang crackdown.

Ayon sa Reporters Without Borders (RFS), si Duterte ay isa sa mga tinaguriang “press freedom predators”. Dagdag pa nito, ginagamit rin ni Durterte ang pagsampa ng kaso tulad ng charge of defamation, tax evasion, halt of broadcast licences, at pagbili ng iba’t bang media outlet, bilang isang sandata laban sa iba’t ibang midya, mga mamamahayag, at lalo na, sa mga kalaban niya sa politika.

Para mas lalong pahinain ang kredibilidad ng midya at oposisyon, mas pinatindi pa ang disinformation sa mga social media platforms, partikular na sa Facebook.

Ayon sa Rappler, tumaas ang bilang ng interaksyon ukol kay Duterte at ang kanyang mga kakampi sa politika sa Facebook noong 2016 at 2019. Kapansin-pansin din ang pagkalat ng misinformation at disinformation laban sa mga itinuturing na kalaban ng administrasyon noong eleksyong 2019.

Sa isang pananaliksik ni Gerardo V. Eusebio, isang propesor ng De La Salle University, mahigit 1.45 milyon ang nakainterak ng disinformation sa Facebook. Bukod dito, mahigit na 1.16 milyon ang naging interaksyon ng mga artikulo tungkol kay Duterte noong 2019, kasabay ng nagdaang 2019 midterm elections.

Noong taong ring iyun ay mapapansin na ang mga nanalong senador ay mga kasapi ng senate slate ni Duterte. Ang line-up na ito ay binubuo ng mga dati nang senador na hinatulan ng graft and corruption at ang iba ay malapit na kaalyado ni Duterte. Ang pagkapanalo ng senate slate ni Duterte ay naging daan upang mas madaling maisulong ang mga hangarin ng administrasyon.

Matatandaan rin na noong 2017 inaresto si dating senador Leila De Lima, isa sa pinakatampok na kritiko ni Duterte. Bukod sa mga disinformation na binato kay De Lima, pinilit din ang mga kasapi ng Bilibid drug trade na akusahan si De Lima sa pagkuha ng pera sa drug trade. Sa isang panayam kamakailan sa mga bilanggo sa Bilibid, binawi nila ang kanilang mga paratang laban kay De Lima at sinabing napilitan lamang sila dati dahil sa tangkang panganib sa kanilang buhay.

Ang pagka-aresto kay De Lima ay naging isang pahayag na kung sino man ang may balak tuligsain si Duterte ay pwedengipahiya sa publiko at ipakulong.

Ngunit ang marahil pinakahuling taktika ng administrasyong Duterte sa pagpapalaganap ng karahasan ay ang tuloy-tuloy niyong pag-atake sa mga sikat na midya outlet gaya ng Rappler at ABS-CBN. Bago pa man maipasa ang karimarimarim na Anti-Terror Law (ATL) noong Hulyo 3, 2020, patong-patong na kaso na ang ibinato kay Nobel Laureate at Rappler CEO Maria Ressa, tulad na lamang ng tax evasion at cyber libel, Ang ABS-CBN naman ay ipinasara matapos itong akusahan ng gobyerno ng ilegal na pag-operate ng cable channel at gayundin ang pagtatago sa likod ng corporate veil upang pahintulutan ang mga foreign investors na umangkin ng ilang bahagi ng kumpanya. Bagamat, isa sa tunay na rason sa pagpapasara sa ABS-CBN ay ang akusasyon ni Duterte na ito raw ay bias at nagbigay pabor sa oposisyon noong nakaraang eleksyon 2016. Matatandang nagbitaw pa si Duterte ng babala na hindi niya pahihintulutan ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Kahirapan

Sa kabila ng paggiit ni Finance Secretary Carlos Dominguez na isa ang Pilipinas sa may mabilis na paglago ng ekonomiya sa buong Asya sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, makikita sa ilang datos ang kapalpakan ng administrasyon sa pagtugon ng kahirapan ng bansa.

Una na rito ang dambuhalang utang ng bansa. Sa simula ng panunungkulan ng administrasyong Duterte, naitala ang P5.9-trilyon na utang ng pambansang pamahalaan ng Pilipinas. Ngunit nitong Enero lamang, lumobo na sa P12.7 trilyon ang utang sa unang pagkakataon dahil sa net availment, ang kabuuang halaga mula sa loss proceeds na natanggap ng umuutang kaugnay ng isang event of loss na natamo ng humihiram, ng parehong utang panloob at panlabas.

“This is primarily due to net availment of domestic financing amounting to P197.04 billion including the P300 billion provisional advances availed by the NG [national government] from the Bangko Sentral ng Pilipinas [BSP] for budgetary support,” ani ng Bureau of Treasury (BTr).

Lumaki rin ang utang ng bansa dahil sa COVID-19. Umabot sa P1.15 trilyon ang foreign loans and grants ng administrasyong Duterte para umano tugunan ang pandemya.

Bagaman ganito kalaki ang utang ng ating pamahalaan, hindi ito nailaan sa tamang prayoridad. Kung gaano lumaki ang pondo para sa mga ahensyang nakatutok sa imprastraktura at karahasan, ganoon naman lumiit ang pondo para sa mga ahensyang nakatutok sa kalusugan at ayuda. Habang tumataas ang mga pundasyon ng imprastraktura, tumaas din ang bilang ng mga frontliner na namatay dahil sa kakulangan ng mga kagamitang pamprotekta sa nakamamatay na COVID-19.

Matatandaan bilyon-bilyon ang pondo sa Bayanihan 2 na hindi nagamit ng iba’t ibang ahensya dahil natagalan ang pag-release nito, kaya ibinalik na lang ito sa Treasury. Dahil hindi nabigyan ang kalakhan ng mga pamilya sa bansa ng sapat, maayos, at matibay na suportang pinansyal, nagdulot ito ng pangmalawakang kagutuman.

Sa administrasyon ni Duterte, hindi rin natugunan ang isyu sa trabaho. Sa simula ng administrasyon, mahigit 2.4 milyong Pilipino ang walang trabaho at ngayon ay lumobo ito sa mahigit 3.7 milyon. Samantala, bumaba rin sa P487 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) sa dating halaga nito na P538 noong 2016.

Ang isa pang nagpabigat lalo sa pamumuhay ng mga Pilipino ay ang patuloy na pagtaas ng inflation rate. Noong 2016, 1.3% ang inflation rate ng Pilipinas at nitong nakaraang buwan lamang ay bumulwak ito sa 5.4%. Ikinabahala ng mga konsyumer ang labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayundin ang ang mga transport group sa presyo naman ng gasolina.

Sa kasalukuyan, sumipa na sa P77 ang presyo ng diesel sa merkado. Dahil dito, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong sumirit patungong 12.2% ang hunger rate sa first quarter ng 2022, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Hindi na ikinagulat ng grupong Anakpawis ang 5.4% inflation rate dahil sa walang tigil na oil price hikes habang ipinapatupad ang Oil Deregulation Law.

“Hindi naman ito pinapansin ng gubyerno kahit na malaki ang epekto nito sa mga maralitang pamilya sa bansa. Napakalaking 80% ng kabuuang bilang ng pamilya sa bansa, ang nabubuhay ng mas mababa sa family living wage na P1,072 kada araw,” sabi ni Anakpawis party-list national president Ariel Casilao.

Panawagan nila ngayon, agad na isuspindi ang excise tax at value added tax sa produktong petrolyo, i-repeal ang Oil Deregulation Law, at suportahan ang lokal na produksyon para makamtan ang self-sufficiency at stabilization ng presyo lalo na sa pagkain.

Kawalang Pag-Asa

Iniwan ni Duterte ang Pilipinas na malayo sa kanyang ipinangako na isang bansang may soberanya at walang bahid ng korapsyon at kriminalidad mula sa gobyerno hanggang sa lansangan.

Tiklop ang tapang ni Duterte kontra Tsina sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) at napako din ang kanyang tanyag na pangakong pagsakay sa jetski upang itanim ang bandila ng Pilipinas sa naturang teritoryo. Ayon sa dating pangulo, isang lamang raw itong biro upang makuha ang suporta ng mga tao.

Sa termino niya, patuloy na hinarap ng mga mangingisdang Pilipino ang mga naglalakihang barkong pandigma ng Tsina. Nito lamang buwan ng Hunyo ay nakatanggap ng anim na milyong piso ang grupo ng 22 mangingisda nainararo ng mga bangka mula Tsina at iniwang nagpalutang lutang sa dagat noong 2019. Ani ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), isang pederasyon ng mga maliliit na mangingisda ng Pilipinas, hindi sapat ang kabayarang ito sa naging epekto ng insidente sa kanila. Dagdag pa nila ay kailangan nang wakasan ang agresibong presensya ng Tsina sa dagat.

Pangalawa, ang pangako ng pagbuo sa nawasak na Marawi matapos ang nangyaring giyera rito noong 2017. Bagama’t malaking bahagdan ng rehabilitasyon ng siyudad ay natapos na, ito naman ay puro malalaki at engrandeng mga imprastraktura na hindi sumasagot sa pangangailangan ng mga tao.

Ayon sa United Nations Human Rights Council (UNHCR) Mindanao Displacement Dashboard, mayroon pa ring 17,067 pamilya ang wala sa kanilang lugar na pinanggalingan dulot ng kawalan ng maayos na akses sa mga pangunahing pangangailangan.

Ayon naman sa Reclaiming Marawi Movement (RMM) and the Marawi Advocacy Accompaniment (MAA), marami pa ring hindi napupunan na mga isyu at mga pangangailangan kagaya ng pagkain, pagkakakitaan, at maayos na palikuran at sanitasyon, na lalo pang pinahirapan ng pandemya.

Sumunod na pangako ay ang pagtatapos sa korapsyon na malinaw na hindi naisakatuparan ni Duterte. Sa huling taon niya sa pagka-pangulo at pangalawang taon sa pandemya, hinarap ng kanyang administrasyon ang korapsyon ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na isiniwalat ng Senate Blue Ribbon Committee na nagkaroon ng korapsyon sa pagbili ng P10 bilyong halaga ng medical equipment sa isang korporasyon na hindi umano tumatalima sa kwalipikasyon.

Inirerekomenda na sampahan ng kasong pandarambong sina Pharmally financier at dating budget undersecretary Michael Yang, Lloyd Christopher Lao, Health Secretary Francisco Duque III, at ilan pang tauhan ng kompanya. Dagdag pa rito, iminungkahi rin ng komite na sampahan ng kaso si Duterte matapos ang termino nito ngayong taon. Subalit, siyam na senador lamang ang pumirma sa naturang report na kailangan ng 11 lagda upang umusad.

Kaugnay nito ang palpak na tugon ng gobyerno sa pandemya, partikular na pagkalimot sa sektor ng kalusugan na kanya ring pinangakuan noong 2016. Aniya, kanyang uunahin ang paghila pataas sa budget ng naturang sektor, subalit hindi ganito ang dinatnan ng mga healthcare workers lalo sa krisis na kinakaharap dulot ng COVID-19.

Noong 2021, tinapyasan ang badyet ng Department of Health (DOH) na nagdulot ng pagbabawas ng budyet ng ilang mga hospital kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM), ang pangunahing testing center ng bansa para sa COVID-19, na nagkaroon ng tapyas P170-milyon sa badyet.

Sa buong termino ni Duterte bilang pangulo, tunay na nasadlak lamang ang mga Pilipino sa matinding karahasan, kahirapan, at kawalang pag-asa habang patuloy na gumagapang ang bansa sa iba’t ibang krisis buhat ng pandemya dahil sa kapalpakan ng papaalis na administrasyon. Habang sinusulat ito ay ipinapasa na ang kapangyarihan sa paparating na presidente Bongbong Marcos at bise-presidente na si Sara Duterte-Carpio.

Ang hahalili sa panibagong administrasyon ay mga anak ng mga dating pangulo na nagdulot ng matinding bangungot sa bansa — isang katotohanan na hindi kailanman mababago kahit pilit man itong itago. Malaki ang hakbangin ng bawat Pilipino sa mga susunod na taon upang hindi na maulit pa ang malagim na kasaysayan ng bansa sa kamay ng dalawang pamilya, ang mga Duterte at Marcos. Nasa kamay ng bawat isang Pilipino ang pagsalba sa demokrasya dahil ito ay nangangailangan ng pang-araw-araw na pakikibaka sa gitna ng pandemya, karahasan, kahirapan, at kawalang pag-asa.

--

--

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

Love podcasts or audiobooks? Learn on the go with our new app.

Get the Medium app

A button that says 'Download on the App Store', and if clicked it will lead you to the iOS App store
A button that says 'Get it on, Google Play', and if clicked it will lead you to the Google Play store
The Manila Collegian

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.