BALITA | Enrollment Na, Game Ka Na Ba?
Ang karanasan ni Isko’t Iska ngayong enrollment season
Ng Seksyon ng Balita
Noong Setyembre 13, 2021 ang hudyat ng pagsisimula na naman ng panibagong semestre para sa Academic Year (AY) 2021–2022. Subalit pansin pa rin ang maraming bilang ng mga reklamo at hinaing ng mga mag-aaral sa naganap na enrollment,na nagsimula noong huling araw ng Agosto.
Sa isinagawang sarbey ng The Manila Collegian ay lumabas na marami ang nalito at nahirapan sa proseso ng ginanap na enrollment. Sa tangkang pagpapadali ng mga kinauukulan sa kabuuang proseso, marami ang nangapa dito dahil kulang sa diseminasyon ng tamang impormasyon ukol sa pagbabago ng patakaran. Ngunit ang nanatiling pinakamalaking problemang kinaharap ng mga estudyante ay ang kawalan ng slots at balanseng iskedyul para sa mga kurso.
Pighati tuwing enrollment season
Hindi na bago ang karanasan ng mga mag-aaral. Isang manipestasyon nito ang pagte-trend ng #JunkSAIS tuwing enrollment season. Tila isa itong kolektibong sigaw ng saklolo dahil taon-taon ay patuloy pa rin silang napeperwisyo ng magulo at palyadong proseso ng enrollment.
Ang karanasan ng mga mag-aaral ay batid sa sarbey na isinagawa ng The Manila Collegian, kung saan lumabas na naging mahirap para sa kanila ang proseso, ang patuloy na pagkakaroon ng ERROR at pagla-lag ng SAIS sa araw ng Online Registration, at kahit nagkaroon pa ng inisyatiba ang ilan na gumising nang maaga, umaabot pa rin ng ilang oras ang kanilang pag-aantay bago makapag-enroll.
Ang nakalulungkot na bahagi pa ay hindi lamang ilang indibidwal ang nahihirapan at halos walang kaalam-alam sa proseso ng enrollment. Sa katunayan, kadalasan buong block ang nalilito dahil sa malabong patakaran ng mga kinauukulan. Tila nagkakaroon nga ng pagkakahawaan ng maling impormasyon at kawalan ng sapat na kaalaman sa proseso ng enrollment.
Dagdag pa rito ay kadalasang nauubusan ng slots ang mga mag-aaral kahit sa mga asignaturang restricted sa kanila. Ang iba ay nasaraduhan na ng klase, nahiwalay sa kanilang blockmates, at posible pang ma-delay. Kaya naman tanong ng ilang mga mag-aaral, bakit nila kailangang magdusa para sa hindi naman nila kasalanan?
Ayon kay Kyla, napakahirap ng kabuuang proseso mula pa lamang ng binagong proseso online ng pre advising, samahan pa ng hindi agarang pagresponde ng kanilang program adviser. Nahuli din umano ang pag-anunsyo ng Kolehiyo ng Agham at Sining Office of the College Secretary (KAS OCS) patungkol sa iskedyul ng classes. May mga asignatura na dapat ay restricted para sa kanilang batch ngunit sila mismo ay hindi makapag-enlist sa mga asignaturang ito dahil sa kakulangan sa slots.
Ayon naman kay Marcus, stressful ang proseso ng enrollment dahil sa maraming kadahilanan. Una, palyado ang SAIS. Isang minuto pa lang mula umano nang magsimula ang online registration ay nag-crash na kaagad ang site. Ikalawa, limitado ang iskedyul ng mga klase kung ikukumpara sa bilang ng mga mag-aaral, lalo na ang mga klase sa Physical Education (PE).
Ang hinaing ng mga mag-aaral ay hindi nababawasan kung hindi nadadagdagan pa. Isa itong manipestasyon ng malaking kakulangan sa panig ng administrasyon ng UP Manila dahil taon-taon ay maraming reklamo ang kanilang natatanggap mula sa mga mag-aaral tuwing enrollment season.
Sa gitna ng pagbabago ng patakaran
Nagsisimula ang enrollment process sa pre-enlistment advising ng mga estudyante. Noong nakaraang dalawang semestre ito’y ginanap sa pamamagitan ng pag-e-email ng mga estudyante sa kanilang program adviser. Sa kagustuhang mas padaliin ang enrollment process ngayong semestre ay binago ito ng KAS OCS at ginawa na lamang ito gamit ang Gforms.
Ngunit, kagaya ng lahat ng pagbabagong nagaganap sa mundo, ito’y nakatanggap ng samu’t saring reaksyon. Habang ang iba’y nadalian sa prosesong ito, kalakhan ng mga estudyante ay hindi ito nagustuhan sa kadahilanang hindi nila tiyak kung aprubado na ba ang kanilang pinasang form dahil wala namang reply o acknowledgement mula sa adviser, hindi katulad sa email. Ani rin nila ay hindi sila naabisuhan sa pagbabago ng naturang proseso.
Kaugnay nito ay ipinahayag ng mga estudyante ang naging karanasan sa pakikitungo sa mga propesor. Ani nila malaking parte ang ginagampanan ng mga propesor sa enrollment dahil mandato nilang gabayan ang sangkaestudyantehan sa prosesong ito.
Habang ang ilang sumagot sa sarbey ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa naging maagap na tugon ng kanilang mga program adviser sa kanilang mga katanungan ay may iba namang baliktad ang sitwasyon. May ilang estudyante rin ang nagsabing nahirapan silang kontakin ang piling propesor ng iba’t ibang kurso.
Sa huli, ang mga estudyante rin ang nagtutulungan at nagpakita ng malasakit sa kapwa nila noong enrollment. Binigyang diin nila, na hindi sila nagkulang sa paghahanda para rito ngunit sila’y binigo ng bulok na sistema ng enrollment — partikular na ang Student Academic Information System (SAIS).
Singko para sa SAIS
Simula noong unang implementasyon ng SAIS noong 2013 hanggang ngayon ay patuloy ang pagtambol ng ng sangkaestudyantehan sa panawagang #JunkSAIS. Ngayong taon ay ‘di naiba ang sitwasyon dahil napadalas pa rin ang pag-crash ng website, partikular na noong Setyembre 10, lifting ng restrictions para sa mga piling kurso.
“Napakabulok ng website na ito (char pero nde char). Dapat kasama sa pinaglalaanan ng badyet ang pag-improve sa enrollment process ng estudyante dahil integral na bahagi ito ng aming edukasyon,” argumento ni Joanna. “Sa isang website na mahirap gamayin ang interface at nakakalito ang mga simbolo (e. g. “open” daw yung klase pero pag-enroll mo, naka-ekis na!), parang napagkakaitan na rin kami ng dekalidad na edukasyong deserve naman namin.”
Ganito rin ang sentimento ng isa pang estudyante na nagsabing, “hindi dapat estudyante ang naghihirap dahil ‘di niya makuha ang subject na kailangan niya kahit nag-comply naman siya(i.e., naghanda ng malakas na wifi, nagpaapprove na sa adviser, maagang nakaantabay na sa SAIS, wala pa rin).”
Ngunit, ayon sa mga estudyante, ang mas mabigat na problema ay ang kakulangan sa slots na available sa bawat kurso. Lubos na nahirapan ang mga estudyante ngayong enrollment dahil, maliban sa late na nilabas ang list ng iskedyul ng mga klase, ay kulang na kulang talaga ang slots na mayroon ito kumpara sa mga kailangang kumuha nito.
“Sana po kapag may pre-enlistment ay doon na po ibigay ang listahan ng mga restricted classes para sa mismong enrollment po ay mas maaayos po namin ang aming schedules po. Sana rin po ay yung mga schedule na binibigay po nila sa mga mag-aaral ay mas balanse po (para po sa course namin, mas maraming T/F schedule na di restricted kaya halos lahat po ng schedule namin ay puno sa T/F),” sabi ni maj.
Panawagan para sa edukasyon
Hindi makakailala na pasan-pasan ng buong sektor ng edukasyon ang dagok buhat ng distance learning, na siyang resulta ng kapalpakan ng gobyernong tugunan ang pandemya. Nagkakaisa ang buong sangkaestudyantehan sa pagsasabing ang edukasyon ay karapatang dapat natatamasa nino man at ito’y hindi natatamasa sa distance learning set-up.
Ayon kay Elie, “Ang hirap kasi na parang kaming students pa iyong nagmamakaawa para lang makakuha ng slots kahit na dapat equal ang education. Hindi naman namin kasalanan na walang slots kasi dapat pantay pantay kami ng opportunity na makakuha ng subjects na kakailanganin namin.”
Kaakibat rin nito ang kanilang panawagan para sa #LigtasNaBalikEskwela. Paliwanag ni Scht, ay kinikilala nito ang papel ng administrasyon upang makamit ang rekisito para sa Ligtas na Balik Eskwela. Nawa’y gamitin raw ang nagkakaisang puwersa ng unibersidad, upang mabigyang ngipin ang pagkalampag sa gobyerno na ang edukasyon ay karapatan ng bawat isa at dapat matamasa ng lahat, at kailanma’y hindi tiyak at kongkretong matatamasa ito sa pamamagitan ng online class.
Upang makasigurong lahat ng estudyante ay magkakaroon ng mas matiwasay na karanasaan sa mga susunod na enrollment, suhestiyon ng iba na mag-survey muna ang UP administrasyon sa mga kakailanganin kurso ng mga estudyante bago sila maglalalabas ng slots at schedule.