BALITA | Ilang lehislador, kinundena ang pagpapasara ng NTF-ELCAC sa mga paaralang Lumad

Ni Jo Maline Diones Mamangun

The Manila Collegian
3 min readNov 16, 2020
Larawan mula sa ALCADEV Lumad School

Binatikos ng ilang mambabatas ang naging pahayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong ika-3 ng Nobyembre tungkol sa umano’y tagumpay ng grupo sa pagpapasara ng 75 paaralang Lumad. Ayon sa kanila, karapatan ng mga Lumad ang magkaroon ng edukasyon ngunit pilit itong ipinagkakait ng gobyerno.

Pag-amin ni Esperon

Isa sa mga ibinida ni Hermogenes Esperon Jr., National Security Adviser at pangalawang tagapangulo ng NTF-ELCAC, sa isang pagdinig sa Senado hinggil sa red-tagging ang kanilang pagpapasara sa mga paaralang Lumad sa Mindanao. Ang mga paaralan daw na ito ay nagsisilbing recruitment schools ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Kaugnay ng naturang pangyayari, nagbigay ng komento sina Assistant Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro at Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat, na isa ring Lumad, sa walang pakundangang pagmamalaki ng NTF-ELCAC sa kanilang ginawa.

“Talagang nahuhuli ang isda sa sariling bibig. Sa bibig na mismo ng militar nanggaling na sila ang may pakana sa mga kabi-kabilang pagpapasara ng mga eskwelahang Lumad,” paliwanag ni Castro sa isang pahayag na inilabas ng ACT Teachers.

Kinwestyon naman ni Cullamat ang ginagawang panghaharas ng militar sa mga Lumad. Tanong ng kongresista kung ito raw ba ang inaatupag ng NTF-ELCAC, ang pag-atake sa mga katutubong paaralan at komunidad.

Binigyang-linaw din ng kongresistang Lumad na hindi recruitment schools ang mga paaralang naipasara. Naglalayon daw ang mga ito na maturuan ang kabataang katutubo na paunlarin ang kanilang ekonomiya na nakabatay sa agrikultura at ang pangangalaga sa lupang ninuno.

Tumitinding pag-atake sa mga Lumad

Unang itinanggi ng Department of Education (DepEd) Davao Region noong Agosto 2019 ang kaugnayan ng militar sa kanilang desisyon na ipasara ang 55 paaralang Lumad sa ilalim ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center Incorporated (STTICLCI).

Samantala, ipinasara rin ng DepEd ngayong Hunyo ang Community Technical College of Southern Mindanao Inc. (CTCSM) sa Maco, Davao de Oro at ilang mga kampus ng Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. (MISFI) Academy.

Sa datos ng Save Our Schools (SOS) Network, nasa 178 ang bilang ng mga paaralang Lumad na sapilitang ipinasara dahil sa mga pangre-red-tag ng militar. Mahigit kumulang 5,500 estudyanteng Lumad ang apektado ng patuloy na panghaharas ng gobyerno.

Ayon sa NTF-ELCAC, mayroon pa silang 22 paaralang Lumad na balak ipasasara.

Giit ni Castro na ang pagpapatayo ng mga Lumad ng kanilang sariling paaralan ay patunay ng ilang dekadang kawalang suporta mula sa DepEd at sa gobyerno.

“Naitayo ang mga paaralang Lumad sa sarili nilang dugo, pawis, at pagsisikap upang mabigyan ng edukasyon ang mga kabataan. Napatunayan na sa ilang taon… nagbigay ito [ng] pag-asa sa kanila. Ngunit anong ipinantapat ng mga militar dito? Bala, bomba, at kanyon?” dagdag pa ni Castro.

Pagkakaisa laban sa mapaniil na estado

Sa kabila ng mga atake, patuloy na nakikibaka ang mga Lumad, hindi lamang para sa kanilang karapatan sa edukasyon, kundi para biguin ang mapaniil na sistema.

Sa isang pahayag na inilabas ng SOS, ipinanawagan nila ang pagpapasara sa National Commission on Indigenous People (NCIP). Ayon sa grupo, mas pinalalala ng NCIP ang kalagayan ng mga Lumad dahil sa pagbibigay lisensya nito sa mga malalaking minahan na sumisira sa kanilang lupang ninuno at pag-uudyok sa pagpapasara sa kanilang mga paaralan.

Ayon naman kay Angelika Lapidario, mag-aaral ng Development Studies sa Ateneo de Manila University, tungkulin ng mayorya na siguruhing maitatampok ang mga isyung kinahaharap ng minorya tulad ng mga Lumad.

“As a disadvantaged group, their [Lumad] dwindling numbers need the support of non-Lumad people if their call for genuine reform is to be heard by our government… Solidarity on a national scale thus needs to be strengthened to create consistent and disruptive public outrage in demanding government action,” ani Lapidario.

Samantala, bukas naman si Castro at ang Makabayan bloc sa mungkahi nina Senador Risa Hontiveros at Franklin Drilon na ituon sa mga pangunahing pangangailangan ang ilang parte ng magiging badyet ng NTF-ELCAC para sa susunod na taon.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet