BALITA | Manipestasyon laban sa pangre-red-tag ni Parlade, inihain sa Korte Suprema

Ni Jo Maline Diones Mamangun

The Manila Collegian
4 min readNov 2, 2020
Photo from Philippine Revolution Web Central

Naghain ng manipesto ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) noong Lunes, Oktubre 26 sa Korte Suprema upang bigyang-diin ang mga pangre-red-tag na ginawa ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at muling ipanawagan ang petisyon na ibasura ang Anti-Terror Law (ATL).

Petisyon laban sa ATL at IRR

Nagpasa ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at NUPL ng Manifestation with Omnibus Motion, dokumentong naglalayong ipaalala sa Korte Suprema ang mga nakabinbing petisyon laban sa ATL at humiling ng status quo ante o ang pagpapatigil sa implementasyon nito. Kasama rin dito ang hinaing na temporary restraining order (TRO) o kautusan ng pansamantalang pagpigil sa pagpapatupad ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas.

Matatandaang inilabas ng Department of Justice (DOJ) ang IRR ng ATL sa kanilang website noong Oktubre 17. Binigyang kapangyarihan nito ang Anti-Terrorism Council (ATC) na maglabas ng listahan ng mga pinaghihinalaang terorista. Sa ilalim ng IRR, bibigyan ng 15 araw ang mga inakusahan, matapos na mailabas ang listahan, upang mag-apila na alisin ang kanilang pangalan.

Patuloy na naninindigan ang BAYAN at NUPL na mas lalo lang palalalain ng ATL ang mga paglabag sa karapatang-pantao sa bansa. Isa lamang sila sa 36 na ibang grupong nagpetisyon laban sa batas na ito.

“The issuance of the IRR has set the stage for the unimpeded implementation of the assailed law; the targeting of activists and critics of the government; the suppression of dissent; and the curtailment of civil and political rights, all in the altar of national security,” dagdag pa ng NUPL.

Pangre-red-tag ni Parlade

Isa sa mga isyung binigyang-diin ay ang walang-habas at malinaw na pag-atake ni Parlade sa ilang kilalang personalidad, aktibista, at progresibong grupo.

Binantaan ni Parlade ang aktes na si Liza Soberno matapos itong dumalo at magsalita sa isang webinar ng Gabriela Youth noong Oktubre 13. Laman ng naturang webinar ang mga isyung kinakaharap ng kababaihan at kabataan.

“Liza Soberano, there’s still a chance to abdicate that group [Gabriela]. If you don’t, you will suffer that same fate as Josephine Anne Lapira,” ani Parlade habang inihantulad niya ang maaaring sapitin ng aktres sa sinapit ni Josephine Lapira, isang aktibistang kabataan mula sa University of the Philippines Manila na napatay sa engkwentro sa pagitan ng mga militar at mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Nasubgu, Batangas noong Nobyembre 2017.

Idinawit din ni Parlade sina Miss Universe 2018 Catriona Gray, aktres na si Angel Locsin, at human rights lawyer na si Atty. Neri Colmenares.

“Nanawagan po ako sa kinauukulan na itama po ang mali na ito. Tigilan na po ang red-tagging,” ani Locsin habang ginigiit na hindi siya parte ng NPA o ng kahit anong teroristang grupo.

Nanawagan din siya ng suporta para sa kanyang kapwa aktres na na-red-tag dahil sa kanilang pagtindig at adbokasiya.

Protesta laban sa pang-re-red-tag

Sa pahayag na inilabas ng Gabriela sa kanilang facebook page, sinabi ni Gabriela Representative Arlene Brosas na dapat itigil ni Parlade ang ginawang pangre-red-tag kay Soberano at sa iba pang kababaihan.

“Major General Antonio Parlade Jr.’s appeal to stop red-tagging Liza Soberano is starkly ironic because he actually red-tagged Soberano in his same statement. By saying that Soberano is ‘not yet an NPA,’ he is maliciously associating the actress with the armed movement when what she did in the youth forum was to only speak up for all the victims of gender-based violence and abuse,” saad ni Brosas.

Dagdag pa nito, hindi basta-basta mababahiran ng paulit-ulit na kasinungalingan ang 20 taon ng kanilang pagsusulong sa karapatan ng kababaihan at kabataan, sa loob o labas man ng kongreso.

Nakatanggap din ng kritisismo si Parlade mula sa ilang opisyal ng gobyerno.

Matapang na kinondena ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang Facebook post ang ginawang pangre-red-tag ni Parlade. Ipinahayag din niya ang pagsuporta sa pagpapatanggal ni Manila Mayor Isko Moreno ng mga tarpaulin na nagsasabing persona non grata ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA. Ayon kay Remulla, hindi rin daw siya magdadalawang-isip na ipatanggal ang mga ito kung sakaling magkaroon sa kanilang probinsya.

“Ako ay nababahala sa ‘Red Tagging’ operations na isinasagawa ng ilang sangay ng Sandatahang Lakas ng Republika ng Pilipinas… Lieutenant General Antonio Parlade Jr. should be ashamed of himself… Your train of thought and reasoning are preposterous and shifty… If you want to threaten the lives of public personalities, may I suggest that you try knocking out someone on the same weight class,” dagdag pa ni Remulla.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet