BALITA | Mas matinding paghihirap inaasahang dulot ng pagpapalawig ng ECQ

Ni Jo Maline Mamangun

The Manila Collegian
4 min readApr 8, 2021
Photo from Rappler

Mariing kinundena ng iba’t ibang grupo ang muling pagpapasailalim ng National Capital Region (NCR), pati ng mga karatig bayan nito na Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal, sa isang-linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ). Giit ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) secretary general Renato Reyes Jr., hindi maaaring umasa na lamang ang mga Pilipino sa lockdown upang matigil ang pagkalat ng COVID-19. Ito ay sa kadahilanang sa dagdag na oras na ibinibigay sa gobyerno, sa pamamagitan ng lockdown, ay hindi nila inaangat at tinutugunan ang mga pangagailangan ng health care system ng bansa.

“Last resort” ng gobyerno

Pinahaba pang muli ang ECQ ng isang linggong implementasyon sa binansagang ‘NCR Plus’ (NCR at apat na karatig bayan). Inanunsyo ni Presedential spokesperson Harry Roque noong Abril 3 ang pagpapalawig sa pinakastriktong lockdown mula Abril 5 hanggang Abril 11, 2021. Ayon kay Roque, ang extension na ito ay ang “absolute last resort” o ganap na huling pagpipilian ng pamahalaan upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang orihinal na plano ay ipapatupad lamang ang ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4. Ngunit ayon na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang linggong extension ng pag-implementa ng ECQ.

Sa datos ng Department of Health (DOH) noong Abril 7, umabot na sa 819,164 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, 158,701 dito ang active cases, 646,404 ang mga gumaling, at 14,059naman ang mga nasawi.

Sa isang Facebook post ni Reyes, ipinahayag niya na ang muling pagpapatupad ng ECQ ay pagpapakita ng paulit-ulit at walang katapusang kapalpakan ng gobyerno sa pagharap sa krisis na ito.

Pahayag naman ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na hindi tuwirang masosolusyunan ng ECQ extension ang problema sa COVID-19. Ang dapat umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang pagsasagawa ng contract tracing, mass testing, pagpapalawak ng quarantine facilities, at pagpapabuti sa health care system ng bansa.

Kalbaryo ng health workers

“Overhaul IATF; Replace them with health experts,” ang hinaing ng grupong Alliance of Health Workers (AHW) sa gobyerno. Mariin nilang ipinanawagan ang pagbibitiw sa katungkulan ni DOH Secretary Francisco Duque dahil sa kapabayaan nito, at pagpapalit sa IATF ng mga eksperto sa kalusugan at siyentista upang makabuo ng komprehensibong plano na nakabatay sa siyensya.

Ayon kay Robert Mendoza, pangkalahatang pangulo ng AHW, ang pagpapatupad ng ECQ ay hahantong lamang sa kagutuman, kawalang-trabaho, at kahirapan.

Dagdag naman ni AHW secretary general Benjamin Santos, hindi mareresolba ng militaristang pamamaraan ang lumalalang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan bunsod ng kakulangan sa mga Personal Protective Equipment (PPE), pagdami ng mga nagpo-positibo sa virus na humahantong sa mahabang oras ng pagtatrabaho, mababang pagpapasahod, at hindi makatarungang kawalang-benepisyo.

“We believe that the only solution to the people’s dire health situation is through a free, comprehensive, integrated and tax-funded public health care system including continuing free mass testing, systematic contact tracing, isolation and treatment in a more and proper quarantine facilities,” salaysay ng AHW.

Mas lumalalang kalagayang pang-ekonomiya

Ipinaliwanag ng grupo ng mga mananaliksik mula sa IBON Foundation na ang patuloy na pagkonsidera ng gobyerno sa ECQ ay magpapatindi lamang sa lumalalang kawalang hanapbuhay ng maraming Pilipino sa gitna ng pandemya. Partikular umanong tatamaan ng lockdown na ito ang mga negosyo sa pangangalakal, hotel at restaurant, recreation, at iba pang non-essential sectors.

“The country’s jobs crisis will get even worse with the government still resorting to economically-destructive enhanced community quarantine (ECQ) rather than smarter containment measures as its main strategy against COVID-19 while waiting for vaccines,” giit ng grupo.

Nilinaw din ng IBON na malaking parte ng pagbangon ng ekonomiya ay bunga ng mga isinasagawang mass testing, contact tracing, at paghihiwalay ng mga nagpositibong kaso.

“Household distress can also be immediately relieved and economic activity spurred by meaningful amounts of emergency cash aid, wage subsidies, and other fiscal stimulus measures,” dagdag pa ng mga ito.

#DutertePalpak, #DuterteResign

Matunog ngayon sa social media ang mga panawagang #DutertePalpak at #DuterteResign. Galit at pagkadismaya ang mga naging reaksyon ng netizens na nakaiisa rito.

Numerounong trending sa Twitter ang #DuterteResign, pangalawa rito ang #DutertePalpak, matapos ang anunsyo ng ECQ. Sa mismong kaaarawan naman ni Duterte, Marso 28, at kinabukasan matapos ang anunsyo ay buong araw na nagtrending ang #DutertePalpak.

“So long as #DutertePalpak is in office, I don’t really see the situation improving significantly, if at all. Tingin ko ang solusyon na lang talaga ay #DuterteResign at #LetLeniLead,” tweet ni JC Punongbayan, isang columnist.

Pagpapatalsik din kay Duterte sa pwesto ang panawagan ng Health Alliance for Democracy (HEAD). “HEAD is one with the Filipino people in demanding good governance and leadership change in the country now,” ani ng grupo.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet