BALITA | Mga magsasaka, tutol sa Golden Rice: Hindi ito solusyon sa gutom, malnutrisyon, o pagkabulag

Ni Natasha Carolina

The Manila Collegian
4 min readOct 16, 2021
Ang litrato ay mula sa Business Mirror

Inaprubahan na ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang komersyal na produksyon ng Golden Rice, isang genetically modified organism (GMO), noong July 21, 2021. Ito ay sa kabila ng mariing pagtutol ng mga lokal na magsasaka dahil sa kakulangan ng saliksik sa mga posibleng epekto nito sa kalusugan at agrikultura.

Sa loob ng halos 30 taon, patuloy na nananaig ang problema ng undernutrition sa Pilipinas. Ayon sa World Bank (WB) noong 2019, isa sa tatlong batang wala pang limang taong gulang ay nakakaranas ng stunting, o ang pagiging maliit para sa kanilang edad. Itinaya rin ng WB na noong 2018 na ang kakulangan sa vitamin A o ang Vitamin A Deficiency (VAD) ay nakakaapekto sa mahigit 17 porsyento ng mga batang anim hanggang 59 na buwan.

Golden Rice sa Pilipinas

Ang Pilipinas ang kauna-unang bansa sa buong mundo kung saan inaprubahan ang Golden Rice. Pangunahing target ng proyektong ito ang mga bansa sa Timog at Timog-Silangang Asya dahil bigas ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng carbohydrates.

Ang Golden Rice ay isang uri ng bigas na gawa ng International Rich Research Institute upang labanan ang VAD na nakakaapekto sa milyon-milyong bata at buntis sa buong mundo. Pinangunahan ito ni Ingo Potrykus and Peter Beyer noong 1992 bago ito nilipat sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Pilipinas noong 2002.

Sa Pilipinas, ayon kay National Nutrition Council executive director Dr. Azucena Dayanghirang, ang problema ng nutrisyon ay inaasahang lalong lumala ngayong pandemiya dulot ng pagtaas ng kawalan ng trabaho at paghihirap.

Ayon sa mga inisyal report ukol sa Golden Rice, sinasabi na dapat naglalaman ng katumbas sa 30 hanggang 50 porsyento ng kinakailangang vitamin A intake ng kabataan kada araw na 900 microgram/araw.

Ngunit, ayon sa pagsusuri ni Teodoro Mendoza, retiradong propesor ng Institute of Crop Science sa UP Los Banos College of Agriculture and Food Sciences, ang iba’t ibang variety ng Golden Rice ay iba-iba rin ang komposisyon, na kung saan minsan ay di hamak na mas kakaunti ang carotene content ng isang variant kumpara sa iba.

Makikita sa mga kalkulasyon na sa pinakamainam na sitwasyon, ang Golden Rice ay makakapagbigay lamang ng 0.67 hanggang 0.89 porsyento ng kinakailangang vitamin A ng mga bata.

Pagtutol sa Golden Rice

Ayon sa Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MAGSIPAG), walang makabuluhang review process at independent risk assessment sa kalusugan ng tao ang magpapatunay sa mga benepisyo ng nasabing GMO.

Iminungkahi rin ng grupo na ang nakalaang pera sa pagsasaliksik at pagsulong ng Golden Rice ay mas mainam na ilaan na lamang sa pagtataguyod ng pagtatanim ng mga gulay, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi at kagamitan sa pagtatanim sa mga magsasaka. Ang pagkain ng mga ito, lalo na ang mga organikong lumaki, ay mas epektibong nakapagbibigay ng benepisyong pangkalusugan at pangkapaligiran.

“Mas mabuti sanang ginamit na lang ang bilyun-bilyong dolyar na ginastos para sa Golden Rice project sa pagsuporta sa lokal na produksyon ng pagkain, lalo na ngayong panahon ng pandemya.” dagdag pa Cris Panerio, national coordinator ng MASIPAG.

Binigyang diin din ng Amihan National Federation of Peasant Women (AMIHAN) na ang pagbibigay ng permit ng DA sa mga korporasyong agrokemikal ay nangangahulugang pagsuko sa dayuhang interes. Magbibigay ito sa kanila ng kapangyarihan kontrolin ang sistema ng pagkain sa buong mundo.

“Para kaming ginagawang eksperimento. Hindi [naman] kami guinea pig. Hindi dapat pakainin ang mga mamamayan ng ganitong klaseng pagkain na hindi naman ligtas.” ang sabi ni Zenaida Soriano, chairperson ng AMIHAN.

Suportahan ang mga lokal na magsasaka

Ngayong pandemya ay naiuulat na lalong naghihirap ang mga magsasaka dahil sa mga problema pagdating sa suplay ng pagkain katulad ng post-harvest losses, at supply chain disruptions na dala ng mga lockdown at travel restrictions. Kaugnay nito, inaasahan umano ni DA Secretary Dar na inaasahan niyang makakabawi muli ang sektor ng magsasaka ngayong taon.

Ngunit sabi naman ng Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid sa Pilipinas (PKMP) Chairman Ed Mora na kahit anong mangyari ay mahirap at baon sa utang ang mga magsasaka.

Ayon sa inilabas na report ng Philippine Statistics authority (PSA) noong 2018 ay nakasaad na kasama sa pinakadukha sa lipunan, kung saan nagtala ng 31.6 porsyento ng poverty incidences sa bansa, ang mga magsasaka.

Nagkaka-isa ang sektor ng agrikultura sa panawagan na hindi Golden Rice ang solusyon sa problema ng malnutrisyon, stunting, o VAD sa Pilipinas. Bagkus ay nagiging biktima lang ulit ang mga mahihirap na magsasaka sa ganitong proyekto, kung saan ang inuuna ay kita kaysa sa maaaring pinsala nito sa mga magsasakang Pilipino

Iginiit ni Trinidad Domingo ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) na imbis na umasa sa GMOs ay dapat itinataguyod ng DA ang agrikulturang kasama at para sa mga magsasaka. Sakop nito ang pagbibigay halaga sa ng mga gulay na mayaman sa beta-carotene katulad ng carrots, sweet potato, squash at iba pa.

Gayundin ang sabi ni Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na ang VAD ay maiiwasan kung magkakaroon ng sapat na pagkain para sa lahat. Aniya, ang Golden Rice ay isang band-aid solution na ninanakaw lamang ang lupa at kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa kabila ng patuloy na atake sa mga magsasaka, at mga proyektong maka-dayuhan at maka-interes ng oligarkiya, tuloy pa rin ang panawagan ng sektor ng agrikultura para sa lupa, ayuda, at hustisya. Higit pa rito ay iginigiit nila ang P10,000 cash aid at P15,000 production subsidy kasama ng tunay na reporma sa lupa.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.