BALITA | Pagtindig sa (s)Eleksyon: Ang papel ng kabataan sa pagpili ng susunod na mga lingkod-bayan

Ng Seksyon ng Balita

The Manila Collegian
6 min readOct 25, 2021

Sa pagsisimula ng Development Studies Week 2021 ay ginanap kanina ang forum na, “(s)Eleksyon: Mga Isyung Elektoral sa Bansa”, kung saan kabilang sa mga panauhin ay sina Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus at unang nominado ng Anakpawis Partylist na si Rafael “Ka Paeng” Mariano, Kilusang Mayo Uno (KMU) National Chairperson at kandidato sa pagka-sendaor na si Elmer “Ka Bong” Labog, at bise-presidente at kandidato sa pagka-pangulo na si Leni Robredo. Kinilatis sa nasabing forum ang mga napapanahong isyu kaugnay ng nalalapit na eleksyon, tulad na lamang ng mga maka-isang panig na polisiyang pinapatupad, mga kailangan amyendahan sa umiiral na partylist law, at ang mahalagang papel ng kabataan sa pagkamit ng inaasam na pagbabago para sa bansa.

Paulit-ulit na isyung elektoral

Sa nalalapit na 2022 national elections, na gaganapin sa ika-9 ng Mayo, ay nababalot na naman ito ng samu’t saring mga isyu. Una na riyan ang panganib ng pandaraya. Ayon kay Ka Paeng ay may mga pagkakataon na bago pa man ang eleksyon ay nababawasan na ang mismong punto ng isang kandidato. Kung minsan ay may mga banta ng mga nakaupo sa kapangyarihan ng pagdi-disqualify sa mga progresibong kandidato. Dugsong pa dito ay ang tuloy-tuloy na red-tagging at vilification campaigns sa mga progresibong grupo, tulad na lamang ng nararanasan ng mga partylist na kabilang sa Makabayan bloc.

Kaya naman binigyang diin ni Ka Paeng ang kahalagahan ng voters’ education at awareness sapagkat mahalagang maipaunawa sa sinumang rehistradong botante na sila ang magtatakda’t magpapasya kung sino ba talaga ang dapat mabigyan ng tsanyang maluklok sa kongreso.

Ngunit, aniya, ang pianakamalubhang isyu ay ang tangkang pagbalik ng mga Marcos at ang gustuhin ng mga Duterte na manatili sa kapangyarihan. Bilang tugon rito, sinabi ni Ka Paeng na kailangan na aktibong makialam at makilahok ang kabataang Pilipino sa mga diskusyon, lalo na’t sila’y uhaw na uhaw para sa katotohanan at hindi sa pagrebisa ng ating kasaysayan. Hindi man raw sila naipapanganak noong panahon ng Martial Law ay maaari naman nilang alamin ang tunay na kasaysayan at pangyayari noon.

Tunay na representasyon

Tinalakay ni Ka Paeng ang isyu ng mga batas na sumasaklaw sa mga partylist ng bansa, kung saan tuluyan na itong pinanghihimasukan ng mga political dynasties, mga milyonaryo, at iba pang karaniwang trapong politiko. Ayon sa 1987 Philippine Constitution, na niratipika noong February 2,1987, ang partylist ay dapat bubuuin ng mga representante mula sa sektor ng paggawa, pesante, urban poor, indigenous-cultural communities, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor maliban na lamang sa mga kaugnay ng iba’t ibang relihiyon.

Upang palakasin pa ito, ay naisabatas noong 1995 ang Republic Act (RA) 7941 o mas kilala bilang Partylist System Act. Nakasaad sa mismong batas na ang pangunahing layunin nito ay, “[to] enable Filipino citizens belonging to the marginalized and underrepresented sectors, organizations and parties, and who lack well-defined political constituencies but who could contribute to the formulation and enactment of appropriate legislation that will benefit the nation as a whole, to become members of the House of Representatives.”

Ngunit, ayon kay Ka Paeng ay sa kasalukuyang panahon ay hindi na ito totoo. Aniya ay ang minorya, mga marginalized at underrepresented sectors, ay mas nagiging higit na minorya pa sa kongreso partikular sa House of Representatives.

“Isang hamon [sa partylist system] na marami sa mga political dynasties ang nominees ng mga partylist. Ang sinabing reserve na 20% para sa underserved marginalized ay hindi nangyayari sa kasalukuyan,” paliwanag ni Ka Paeng. “Nangyari ito dahil pinayagan na yung mga magrereprensta, o nominee sa isang partylist, ay hindi kabahagi ng marginalized sector na kakatawanin nila. Kahit mga milyonaryo at mga political dynasties ay nagsipagtayo na ng kani-kanilang partylist. Busilak yung intensyon ng partylist system ngunit binaboy [nila ito].”

Binigyang diin naman ni Ka Bong, isang unyonista at labor leader, ang kahalagahan ng lehitimong representasyon sa senado. Paliwanag niya na sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na kinatawan mula sa hanay ng manggagawa, na derektang lalahok sa pagbubuo ng mga polisiya at batas, siyang magkakaroon ng tunay na pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng sektor na kaniyang kinabibilangan.

“Hindi biro ang maging tagapaglikha ng yaman ng bansa, tagapaglikha ng yaman ng mundo, tagapagpagana ng ekonomiya. Napakarami nating suliranin na hinaharap katulad ng mababang sahod, kawalan ng seguridad sa trabaho, pangungunahing na porma ng kontrakwalisasyon, delikadong lugar paggawa at pagbabaliwala ng kapitalista at ng gobyerno sa karapatang mag-unyon at mag-organisa,” kuwento ni Ka Bong. “Hindi na ito bago sapagkat deka-dekada na itong nangyayari. Pinapatingkad lamang sila ng kasalukuyang krisis sa pandemya at kabuhayan.”

Dagdag pa niya na ngayon, higit kailan man, mahalaga ang papel ng mambabatas na magtitiyak na nirerespeto ang mga karapatang ito. Mahalaga ang pagkakakaroon ng kinatawan na palagi’t laging sasandig sa kapakanan ng manggagawa.

Pagpili ng tamang lider

Sa ginanap na forum ay binigyang diin ng tatlong panauhin ang papel ng kabataan sa nalalapit na eleksyon, partikular na kahalagahan ng pagiging kritikal nila sa mga katangian ng susunod na mga lingkod-bayan.

Ayon kay bise-presidente Robredo ay mahalaga ang mga diskusyon kasama ang kabataan kung saan mas ipinapaliwanag ang halaga ng mahusay na pamumuno.

“Malinaw ang klase ng kalidad na hinahanap natin, leaders who are compassionate and competent. Leaders who unite rather than divide. Leaders who forge new paths when old ones seem blocked. Leaders who join the front lines, roll up their sleeves along with the rest of us,” paliwanag ni Robredo. “We need a leader who will pull us together towards the better version of the world. Isang mundong mas patas, makatarungan at makatao. Leadership na kailangan natin ngayon hindi lang para makaraos sa pandemya kundi para magpanday ng tunay na better normal para sa lahat. We have the power to make sure that we get the leader we deserve.“

Dagdag ni Ka Paeng, may eleksyon man o wala dapat ay makialam ang kabataan sa kalagayan ng bansa at kung paano babaguhin ang mga kontra-magsasaka, kontra-manggagawa, kontra-anakpawis, at kontra-mamamayang programa at patakarang umiiral sa bansa, na imbes na magpa-unlad ng ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan ng bansa ay nagiging sagka at patuloy na balakid sa pagkamit ng isang tunay na maunlad at progresibong ekonomiya.

Sa huli ay hinikayat ni Robredo ang kabataan na humanap ng mga espasyo upang makalahok sa mga diskurso, online man o offline.

“Use your voice to speak out against lies, injustice, and corruption. Listen to the people around. Push for policies that matter. And rally with people that would fight for them. Organize, educate and remind one another of what’s at stake. Kailangan idiin ito. The leader we choose will always matter. Tumindig at ipaglaban ang better normal na pinaglalaban natin, “ sabi ni Robredo.

Sa kabilang dako, hinahamon naman ni Ka Bong ang mga tumatakbo sa parating na halalan na unahin ang interest ng mamamayan. Aniya, nakikita ng mamamayan kung gaano kapalpak ang naging tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya, malaki ang hamon ngayon upang wakasan at baguhin ang ganitong klaseng pamamalakad.

Tuloy-tuloy ang pagdaraos ng iba’t ibang kaganapan para Development Studies week na magtatapos sa Oktubre 30. Kung nais ninyong dumalo sa susunod na mga talakayan ay bisitahin lamang ang kanilang Facebook page para sa mga updates!

Oktubre 26, MARTES — Alpas ng Palay: Pagsusuri sa mga Isyu ng Sektor ng Agrikultura

Oktubre 27, MIYERKULES — Bahaginan Career Orientation at Palarong DevStud

Oktubre 28, HUWEBES — Itak ng Kababaihan: Forum on Defending Filipino Women

Oktubre 29, BIYERNES — CineUswag

Oktubre 30, SABADO — DevSong Premiere

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet