BALITA | UP, LGU ng Tarlac pumirma sa kasunduang pagtatayo ng UPM-SHS extension campus
Ni Jo Maline Mamangun
Pormal nang pinirmahan ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaang lalawigan ng Tarlac at University of the Philippines (UP) nitong Abril 23 sa pagtatayo ng extension ng UP Manila — School of Health Sciences (UPM-SHS) sa Tarlac. Layon nitong mas mapaigting ang kalidad ng mga serbisyong medikal at maparami ang mga manggagawang pangkalusugan sa probinsya.
Step-ladder Curriculum
Isinagawa ang pirmahan ng “Memorandum of Agreement on the Establishment of The UPM-SHS Extension Campus in Tarlac” sa pamamagitan ng isang Zoom call. Mismong sina UP President Danilo Concepcion at Tarlac Governor Susan Yap ang pumirma sa kasunduan na ito, habang naging saksi naman sina UPM Chancellor Carmencita Padilla at Vice Governor Carlito David.
Naka-ugat ang pagtatayo ng UPM-SHS sa nakababahalang sitwasyong pangkalusugan ng bansa, nagsimula ilang dekada na ang nakararaan. Dagdag pa rito ang pahirapang pagpasok sa mga paaralang pang-Medisina at kalimitang hindi pagbabalik-serbisyo ng mga nailuwal na manggagawang pangkalusugan ng mga kolehiyo sa bansa.
Isa sa mga pangunahing tampok ng UPM-SHS ang pagkakaroon nito ng step-ladder curriculum, kauna-unahan sa uri nito sa Asya, na sumasaklaw sa iba’t ibang programa tulad ng nursing at midwifery. Binibigyang pagkakataon nito ang isang estudyante na maglingkod sa kanyang pamayanan bilang isang propesyonal base sa antas ng kurikulum na kanyang natapos. Kalauna’y maaari siyang bumalik at ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga susunod na antas.
Nakabatay ang kurikulum na nabanggit sa kakayanan ng mag-aaral at naka-base naman sa pamayanang kanyang kinabibilangan. Ito ay sinasabing epektibo sa pagharap sa isyu ng kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa, partikular sa mga probinsyang hindi kaagad naaabot ng mga serbisyong medikal.
Sa kasalukuyan, bukod pa sa Tarlac, mayroong dalawang extension campuses ang UPM-SHS sa Baler, Aurora at Koronadal City, South Cotabato. Ang pangunahing kampus naman nito ay matatagpuan sa Palo, Leyte.
Planong Pagtatayo ng UPM-SHS Tarlac
Nauna nang pinaghandaan ng probinsya ng Tarlac at pamunuan ng UPM ang pagtatatag ng kampus sa lugar. Noong Pebrero 2020, binisita ni UPM Vice Chancellor for Academic Affairs Nymia Simbulan at Governor Yap ang Training and Assessment Building sa San Isidro, Tarlac na kakanlong sa mga magiging estudyante ng extension campus.
Ayon sa pahayag na inilabas ni Vice Governor David, kalusugan at edukasyon ang dalawa sa pangunahing haligi ng pamamahala ni Yap. Sa kadahilanang ito, ang pagkakaroon ng extension campus sa Tarlac at pakikipagkasundo sa UP, na aniya’y eskperto sa kahusayan sa akademiko’t larangan ng medisina, ay magdudulot ng magagandang epekto sa health care services at kalidad ng health workers sa kanilang lalawigan.
Handa namang magbigay ng scholarship ang pamunuang probinsya ng Tarlac sa mga kwalipikado at nagnanais na maglingkod sa kanilang pamayanan.