Beating Bwis-Heats sa Tag-Init

“Pagbabagong” Hatid ng Climate Change at Charter Change

The Manila Collegian
8 min readApr 22, 2024

nina Chester Leangee Datoon at Renato Bolo III

Sabi nga nila, “The only constant thing in the world is change,” kaya para sa maraming Pilipino, hindi na bago ang salitang change. Pwedeng pagbabago, pwedeng baryang bayad sa jeep, at pwede ring ebas ng isang matandang ‘di umano’y nagfe-Fentanyl ang simbolismo at kahulugan ng change. Pero para sa ilang Pilipino, ang salitang change ay isang scam lamang — ’Change Scamming’ kumbaga.

Nagsisilabasan na kasi ang mga alas at pabango ng mga may balak tumakbo sa posisyon ngayong paparating na muli ang eleksyon. Samot-saring pangako na naman ng pagbabago at pag-angat ng mga mahihirap ang namumutawi sa kanilang mga bibig na sa huli’y mapapako lamang, sa sandaling maluklok sila sa pwesto. Ika nga nila, it’s not about the platform but about being relatable to the voters — hindi na ekonomista o abogado ang meta sa Kamara, kundi mga action star at dancer na. Sa bawat pagbabagong nauuwi sa panloloko, litaw na litaw ang pagiging scammer nila.

Pero saka na muna tayo mabwisit sa eleksyon, dahil sa kasalukuyan, dalawang ‘change’ ang pinangangambahang magpapalugmok nang tuluyan sa bansa. Ang unang pagbabago ay pwedeng mai-ugnay sa matindi at masidhing damdamin — ’yung tipong mapapa-oh shux, ito ba ay stroke, este, pag-ibig na ka nalang. Ang pangalawa naman ay ang makalumang sayaw ng literal na partners-in-crime na ngayon ay status: it’s complicated na.

Parehas mang may salitang ‘change’ ang dalawang isyung ito, perwisyo at abala naman ang hatid nila para sa mga Pilipino.

May Ecological Impakta

Oh, shux! Ito ba’y stroke na? Marahil, ito ang nasa isip ng bawat trabahador na gumagawa ng semento sa ilalim ng araw, mamang namamasada sa kahabaan ng Taft tuwing tanghali, o kaya’y estudyanteng naglalakad papuntang paaralan. Kakaiba ang init ngayon, sa puntong pakiramdam mo’y kasing dehydrated mo na ang isang tumungga ng ilang botelyang alak nang sunod-sunod na araw. Nakakapagpabagabag ang napakataas na mga heat index: umaabot ng 52°C sa Cagayan, 41°C sa Iloilo, 45°C sa Davao, at 42°C sa Maynila. Nadarama na rin ng mga paaralan ang epekto ng matinding damdamin ng init sa pagkansela ng klase at pagkakaroon ng pagbabago sa school calendar. Nagiging mas talamak na rin ang mga sunog na nagaganap sa bansa, na marahil ay konektado sa tumitinding init ng panahon.

Kay tagal na ng ganitong estado ng panahon, ngunit mas lalo itong lumalala dulot ng danyos ng climate change. Ito ay isang natural na pangyayari kung saan mayroong pangmatagalang pagbabago sa temperatura at weather pattern. Natural ito na nangyayari, tulad sa mga pagkakataong mayroong malaking pagsabog ng bulkan o pag-iba sa siklo ng araw. Ngunit ang mga gawaing pantao, tulad ng industriya ng pagsusunog ng petrolyo, ay nagdudulot ng pagbilis sa paglala ng climate change, at hindi handa ang kapaligiran sa mabilisang pagbabagong ito.

Hindi lamang si Inang Kalikasan, kundi maging mga Pilipino ay hindi handa sa matinding epekto ng change na ito. Ayon sa 2022 Southeast Asia Climate Outlook Survey, nasa 97.6% ng mga Pilipino ang nagsasabing climate change ang pangunahing dahilan ng kanilang pag-aalala. Bagaman napakataas ng porsyento ng mga Pilipinong nag-aalala sa climate change, tila mababa naman ang kanilang kamalayan sa mga polisiya ng bansa ukol sa pagtugon sa suliraning pangklima — 13.5% kasi ang sumang-ayon na mayroong net zero target ang bansa at 66.2% naman ang hindi sigurado. Ang net zero target ay isang layunin na lubusang tanggalin ang sobra-sobrang carbon na nailalabas sa anyo ng pagsusunog ng petrolyo at usok. Pero sa kasalukuyan, hindi pa rin ito nagagawa ng Pilipinas.

Baka mayroong tumutol dito at sabihin mayroon namang Climate Change Act (CCA) of 2009, kung saan ang amendments nito na nagtatag ng People’s Survival Fund para sa mga Pilipinong apektado ng climate change, at ang Climate Change Commission (CCC) na lupon ng mga eksperto laban sa pangyayaring ito. Subalit, ayon sa IBON International, na isang pandaigdigang institusyon na may adbokasiya sa kilusang panlipunan, iba ang ginagawang prayoridad ng CCC — ang mga isyu na hindi naman nito saklaw tulad ng seguridad sa pagkain. Mapapatanong ka na lang talaga ng ‘Salamin, salamin sa dingding nasa’n na ang para sa isyung kalikasan?’

Sa seryosong usapan, dalawa ang problemang makikita rito. Una, hanggang ngayo’y hindi pa rin tinutugunan ng pamahalaan ang nararapat na mga alituntuning nakalahad sa CCA, tulad ng pagsasagawa ng koordinasyon upang makamit ang layunin ng balangkas ng estratehiya at pangangasiwa sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa climate change at mga batas na tumutugon sa mga pangangailangan para sa kahandaan. Ikalawa, dahil sa kakarampot na mga polisiya, dumagdag pa na hindi ito naipatutupad nang maayos, hindi naikikintal sa isipan ng taumbayan ang mga dapat gawin upang malabanan ang naturang penomena.

Akala ata ng pamahalaan ay mayroon o sapat na ang kanilang mga positibong ecological impact upang labanan ang climate change. Subalit, maituturing nga ba talaga iyon na impact kung lubhang kulang ang mga ito? Baka naman impakta! Charot!

Halatang walang epekto ang CCA dahil sa katotohana’y mas mabigat pa rin ang ambag ng mga imperyalistang global leaders kuno tulad ng US at Tsina sa greenhouse gas emissions na siyang naglulugmok lalo sa sitwasyon ng Pilipinas. Dahil naglipana sa bansa ang mga kompanya at pabrika ng mga dayuhang industriya, hindi na nakapagtatakang nasa ika-34 hanggang ika-38 na greenhouse gas emitter ang Pilipinas.

Sa patuloy na epekto ng climate change sa mundo, nagkakaroon ng pagbabago sa galaw ng hangin at sa temperatura ng karagatan. Winawaldas ng pag-init ng mga katubigan ang natural na proteksyon ng dating-malamig na karagatan, kaya naman mas madaling mamuo ang mga bagyo. Ramdam na ramdam sa Pilipinas ang climate change; sa katunayan, tayo ang numero uno sa listahan ng World Risk Index ng ‘most disaster-prone country’ sa buong mundo.

Sa 2022 Southeast Asia Climate Outlook Survey, 29.1% ng mga respondenteng Pilipino ang nagsabi na ang may pinakamalaking responsibilidad sa pagtutol sa climate change ay ang pamahalaan at 38.9% ang nagsabing ang pamahalaan ang nararapat na may pinamalaking gastos sa pagsasakatuparan ng mga polisiya at pangako para sa pagpapabuti ng kapaligiran. Ngunit, mukhang literal na sinunod ng gobyerno ang isang iconic line ni Rufa Mae Quinto, “I’m saving money, so keep the change!” Nangibabaw ang pag-uugaling ito ng pamahalaan nang pinayuhan ng Task Force El Niño ang mga Pilipino na dapat hindi mag-flush, huwag gumamit ng bidet, at kung ano-ano pa para diumano’y makatipid ng tubig. Subalit, ang mga maliliit na gawaing ito ay hindi sapat para malabanan ang isang malaking change tulad ng climate change.

Kaya naman, wala pa ring talagang positibong ecological impact ang gobyerno, ecological impakta pa rin! Walang saving money na ginagawa ang pamahalaan dahil patuloy itong nagbibigay ng pondo sa mga malaking korporasyon ng pagmimina, sa pagkasira ng mga malalaking dam, sa pambobomba ng mga militar sa mga lugar na mataas ang biodiversity at mayroong kultural na kahalagahan, at sa mga proyektong reklamasyon tulad ng nangyayari ngayon sa Navotas. Lahat ng ito ay mayroong negatibong epekto sa kapaligiran at sa sangkatauhang nakatira sa loob nito. Isang itong ‘change’ na hindi nararapat.

Cha-Cha na Bida-Bida

Tulad ng matunog na climate change, pagtuunan naman natin ngayon ng pansin ang kilala ng marami bilang Charter Change, na nangangahulugan ng pagbabago sa Saligang Batas ng bansa. Nilalayon ng kasalukuyang administrasyon na tanggalin ang restriksyon sa sandaang porsyentong foreign ownership ng mga kompanya sa bansa na isa sa mga nagpapahirap sa pag-unlad ng bansa. Bongga! It’s giving rebrand naman, pero kung iisipin, para saan pa ang paglaban ng mga ninuno natin ng kalayaan kung iaasa naman pala natin muli ang ating pag-unlad sa mga dayuhan ‘di ba?

Hindi na bago ang maka-imperyalistang perspektibo ng pamahalaan natin sa pagpapatakbo ng bansa. Sa paglantad ng ‘di umano’y Secret Deal sa Tsina ni Dating Tuta — este — Pangulong Duterte, itinatahol ng American breed na tutang Marcos Jr. na ang dating pangulo ang rason sa hidwaan ng Pilipinas hinggil sa West Philippine Sea. Ladies and gentlemen (pati na rin ang mga in-between, of course!), ito ang mukha ng imperyalismo sa bansa — mga pangulong nagsisilbing galamay ng mga mayayamang bansa para sa pansarili nilang hangarin. Kapag matagumpay na naipasa ito, hindi lang mga Shih Tzu at American Bulldog ang maghahari sa bansa ngunit pati na rin ang mga Corgi, German Shepherd, Siberian Husky, at iba pang lider na magsisilbing tuta para sa amo nila sa ibang bansa.

Subalit, hindi lamang sa pamamalakad ng bansa nakakaapekto ang Charter Change dahil isa rin itong panganib sa usapin ng climate change. Sa pagkilala ng 100% foreign ownership sa bansa, hindi imposibleng mas magiging talamak ang malakihang pagmimina, pagtotroso, at iba pang industriya na naglalayong ubusin ang natural na yaman ng bansa. Sa pagkitil ng mga puno at pagpatag ng mga kabundukan, nawawala ang mga natural na depensa ng bansa sa hagupit ng climate change.

Dahil nasa estado na nga ng foreign ownership ang mga kompanyang magpapayabong sana ng ekonomiya ng bansa, mas nabibigyang prayoridad ang mga pangangailangan ng mga dayuhan kaysa mga Pilipino. Ika nga ni Rufa Mae Quinto, “Ang mga policies ng Capitalism ay napaka-self-serving para sa first world countries, kaya naman naaapektuhan ang developmment ng mga third world countries.” Ang mga climate activist at ethnolinguistic group sa bansa na siyang mas maalam sa pangangalaga ng kalikasan ay mawawalan ng puwang dahil hindi na para sa mga Pilipino ang mga polisiya na gagamitin ng mga kumpanya.

Hindi maipagkakailang ang pagbabagong hatid ng Charter Change ay ‘di lamang makapagdudulot ng paglala ng kalagayan mga Pilipino, kundi pati na rin ng ating kapaligiran — isang hakbang sa paglala ng naunang change, ang climate change.

Madali lang naman sayawin ang Cha-cha — one, two, cha-cha-cha, one, two, Pinas-bye-bye-na. Subalit, hindi ito ang sagot sa lahat ng problema sa bansa, dahil kung tutuusin, sagana sa lakas at likas yaman ang Pilipinas na posibleng gamitin para sa paglago nito. Sa pag-indak ng pamahalaan natin sa saliw ng Charter Change, hindi Pilipino ang mananayaw at bida rito kundi ang first world countries, lalong-lalo na ang Estados Unidos na nag-aantay lamang matapos ang sayaw upang makuha ang entabladong kung tawagin ay Pilipinas.

Pagbabagong-Kahulugan ng ‘Change’

Hindi lahat ng ‘change’ ay nakabubuti, at sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, kitang-kita na ang dalawang change na kinakaharap at posibleng kaharapin ng mga Pilipino ay hindi nakabubuti para sa kanila. Dumagdag pa sa pahirap ang mga scammer na nangakong maghahatid ng pagbabago ngunit nauwi lamang sa pangungurakot.

Sa pagsasawalang-bahala ng pamahalaan sa pag-iingat ng ating kalikasan, at sa kanilang maigting na pagtutulak ng pagbabago ng Konstitusyon para sa sariling kapakinabangan, ipinapakita lamang na walang ibang maaasahan na kumilos ang mga mamamayan kundi ang kanilang mga sarili. Makikita ito sa katatapos lamang na People’s Earth Day nitong Sabado, kung saan nagtipon-tipon ang mga environmental group at mga mangingisda sa Navotas upang ipaglaban ang mga nasisirang kalikasan dala ng mga proyektong reklamasyon ng pamahalaan.

Mataas na nga ang heat index, subalit mas pinapainit pa ng kabagalan ng gobyerno, at kawalang-prayoridad nito sa mga mahahalagang isyu, ang ulo ng taumbayan. Ang change kasi dapat na pinagtutuunan nito ng pansin ay ang pagsugpo sa climate change at hindi ang pagtutulak na maapruba ang Charter Change. Tunay na maraming ‘change’ sa mundo, ngunit may mga ‘change’ na hindi kaaya-aya o hindi kailangan kailanman, at wala sa mga ito ang pagbabagong gustong makamit ng taumbayan.

Isang pagbabago lamang ang nais ng mga Pilipino: tunay na pagbabago sa mga kalagayang patuloy na nanlulugmok sa kanila sa impyernong dala ng nakaka-bwis-heat na pamamahala.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.