Binunot na Buhay

Ang Malansang Katotohanan sa Pagwasak ng mga Tahungan ng Navotas

The Manila Collegian
7 min readOct 22, 2024

ni Jean Margareth Baguion

Larawan ni Jean Margareth Baguion

Alas-sais na naman ng umaga, sinyales na kailangan ko nang gumayak at maglakad patungong sakayan. Malayo pa kasi ang aking paaralan sa aming tirahan, ngunit bago ang sakayan madadaanan ko muna ang talipapa.

Umaga pa lang pero maingay at abala na ang lahat, puno na naman ng mga mamimiling nakikipag-agawan para sa mga sariwang lamang-dagat. Sagana siguro ang bagsakan sa daungan. Pag-sakay ng dyip, tanaw ko sa biyahe ang katubigang nakapalibot sa aming lungsod, mga kabahayang nakatirik dito, at mga bangkang pumapalaot sa kahabaan nito. Ito ang nakagisnan kong tagpo sa Navotas. Araw-araw akong minulat sa katotohanan na ang kabuhayan sa aming lungsod ay nakadepende sa dagat. Ano na nga bang kalagayan ng dagat?

Noon hindi ko mawari kung para saan ba ang mga kawayang nakatusok sa gitna ng dagat. Dati bang may nakatayong tahanan doon at nasira kaya’t kawayan na lang ang natira? O isang palatandaan para sa mga pumapalaot na mangingisda? Ilan lang ‘yan sa mga tanong na naglaro sa aking murang kaisipan. Sa sobrang kyuryoso ko ay hindi ko na naiwasang magtanong sa aking ina. Sabi niya, mga baklad daw ‘yon. Tahungan, sa madaling sabi. Doon daw pinapalaki ang mga tahong at ‘pag dumating ang tamang oras ay aanihin para ibenta. Malaki raw ang kita rito dahil nagkaroon noon ng tahungan ang kanyang mga tiyuhin sa Navotas. Noon, pero nasaan na ito ngayon?

Maliit lang ang Navotas kumpara sa ibang mga lungsod pero mayaman naman ito sa mga lamang-dagat. Kaya’t hindi kataka-taka na ito ang “Fishing Capital of the Philippines.” Isa ito sa ipinagmamalaki ng lungsod — bukod sa ito ang pangunahing kabuhayan rito, ito rin halos ang nagsusuplay ng isda sa Metro Manila pati na mga karatig probinsya. Maliban sa isda, kilala rin ang magagandang uri ng tahong sa Navotas. Mainam kasi ang tubig nito sa pagpapalaki ng mga tahong, kaya’t karamihan sa residente ng lungsod, ito ang hanapbuhay. Hanapbuhay na ngayo’y unti-unting pinapatay.

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang itigil ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang pagbibigay ng permit sa mga tahungan. Ito ay para magbigay daan sa proyektong inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) kung saan naglalayong gawing moderno at komersyalisado ang malaking parte ng katubigan sa Navotas. Dahil dito, lahat ng tahungan na pinatatakbo mula taong 2022 hanggang ngayong taon ay itinuturing nang ilegal. Nitong Marso, sinimulan nang baklasin ang mga tahungan sa Brgy. Sipac Almacen, isa sa mga barangay sa Navotas kung saan maraming residenteng umaasa ang kabuhayan sa dagat. Mahigit sa limang libong anahaw ang giniba, libo-libong pamilya ang naapektuhan.

Sa muling pagtanaw ko sa kinalakhang lungsod, nagkaroon ako ng pagkakataon na makipamuhay at alamin ang danas ng mga mangingisda. Inasahan kong ang nakagisnan kong asul na dagat na nakapalibot sa Navotas ang aking masisilayan sa biyahe. Ngunit salungat sa kinagisnan ko ang aking dinatnan.

Ang dating maaliwalas na katubigan na ang tanging laman lang ay mga sasakyang pandagat, napapalibutan na ngayon ng mga makina at konstruksyon. Sa malayong tingin ay tanaw na tanaw ang unti-unting pagkamatay ng dagat. Ang lugar na minsa’y pinagmamasdan ko upang maging payapa, dala na sa akin ay pangamba. Kaya’t sa pagbisita namin sa isang maliit na komunidad sa Navotas, ang Little Samar, doon ko mas lalong naunawaan ang krisis na kanilang kinakaharap.

Karamihan sa residente ng Little Samar ay mga mangingisdang lubhang napinsala ng reklamasyon. Halos lahat sa kanila ay nawalan ng hanapbuhay at ilang buwan nang salat dahil walang pinagkukunan. Gayunpaman, mainit pa rin ang kanilang pagtanggap, walang bakas ng mabigat na pasanin sa kanilang mga mukha.

Sa tabing dagat sila naninirahan, abot kamay lang ang katubigan, pero pilit silang binabaon sa lupa. Katulad ng mga isda, maaari rin silang mamatay kapag inalis sa dagat. Sa dagat kung saan sila batikan, sa laot kung saan sila may kinabukasan. Sila dapat na mga mandaragat at palaisdaan ang laman ng dagat, hindi lupa, hindi mga imprastraktura.

“…Hindi naman po parang toothpick ‘yan na [kapag] tinusok mo diyan eh, ang laki ng puhunan na pinakawalan namin diyan.” giit ni Kuya Rommel, isa sa mga mangingisda na nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon.

Walang puso kung ilarawan ng mga mangingisda ang paghagupit ng proyekto sa kanilang mga tahungan. Sa laki ng pinakawalan nilang pera, malaking dagok ang makita itong unti-unting binabaklas. Higit pa roon, sa pautang lamang nila kinuha ang lahat ng puhunan para dito. Hindi rin naman sapat ang mga iniwang programa para sa kanila ng lokal na pamahalaan sa Navotas, gaya na lang ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) kung saan sasahod sila ng 610 sa isang araw kapalit ng sampung araw na community service sa lungsod. Samakatuwid, sampung araw lang sila masusustentuhan nito.

“Bibigyan ka, magwawalis ka, sampung araw, kakasya ba ‘yung kikitain mo ron?…Eh diyan bago ibigay ang pera sa’yo, pinaghirapan mo na, tatagalan pa. Hindi kamukha’t sa dagat, konting oras mo, pera na, may papakain ka na sa pamilya mo.” hinaing ni Kuya Alvin sa mga ineendorso sa kanilang alternatibong kabuhayan.

Kung tutuusin, ang mga programang ito ay matagal ng programa ng lokal na pamahalaan. Samakatuwid, wala talagang hinandang programa para sa mga mangingisdang maapektuhan ng demolisyon. Hindi rin tiyak ang kinabukasan nila sa mga hanapbuhay na ito. Kung ikukumpara pa, walang-wala ang mga kita dito sa kinikita nila sa dalampasigan. Sa tahungan kaya nilang makapagpundar at maibigay ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya, nabibigyan rin sila ng pagkakataong makapag-ipon. Kaya bang punan iyon ng TUPAD, Tulong Puhunan, o TESDA Skills Training na ibinibida ng lokal na pamahalaan ng Navotas? Para sa mga mangingisda, walang siguradong sustento ito sa kanilang pang-araw-araw.

Sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Navotas, ginigiit nilang matagal na ang palugit na kanilang binigay sa mga mangingisda. Kalakip nito ang pagpapatupad ng Korte Suprema ng Writ of Mandamus kung saan naglalayong linisin ang katubigan ng Manila Bay upang maging akmang lugar para sa mga aktibidad panlibangan. Taliwas sa sinasabing layunin ng NCBRP na modernisasyon at urbanisasyon.

Ngunit matatandaan na nitong nakaraang taon ay pansamantalang sinuspinde ng pangulo ang lahat ng reklamasyon sa Manila Bay, kasama rito ang NCBRP. Buong akalang tinigil na ang proyekto, laking gulat ng mga mangingisda nang bigla pa ring giniba ang kanilang mga tahungan.

Simple lang ang hiling ng mga mangingisda — sana’y mabigyan sila ng kahit kaunting pwesto sa dagat para magtayo ulit ng tahungan. Halos magmakaawa sa dapat naman ay tinatamasa nila. Sa ngalan ng modernisasyon, ganito ang trato ng gobyerno sa mga mangingisda sa lungsod ng Navotas. Imbes na pahalagahan, tinatanggalan ng karapatan, pinapatay ang kabuhayan. Para saan pa ang pag-unlad kung hindi naman nito naiaangat ang mga nasa laylayan?

Hindi lang mga mangingisda ang napipinsala ng reklamasyon, mas malaki ang epekto nito sa kalikasan lalo na sa yamang tubig na mayroon ang Pilipinas. Ang mga kabi-kabilang konstruksyon sa dagat ng Navotas ay nagdudulot ng matinding polusyon na lalong pumapatay sa mga isda. Higit pa roon, kapag naipagpatuloy na ang NCBRP, malaking bahagi ng katubigan nito na kung saan namamahay ang mga lamang dagat na pinagkakakitaan sa lungsod ay tatambakan na ng lupa. Imbes na mga isda, burak at semento na ang mananahan sa kailaliman nito. Ano pang magiging laman ng mga lambat kung hindi na ito makakaagos sa karagatan?

Kaya’t patuloy ang laban sa reklamasyon at iba pang mga proyektong nakakasira sa katubigan ng Manila Bay lalo na sa lungsod ng Navotas. Hindi dapat hayaan na mga mangingisda ang umalis sa dagat, hindi dapat sila ang isakripisyo para sa mga proyektong isinusulong sa anyo ng layuning panlibangan at kaunlaran. Dahil kung para talaga ito sa pag-unlad, hindi dapat lalong naghihirap ang mga mahihirap.

Sa nalalapit na pagtatapos ng taon, hudyat na naman ng panibagong pagdiriwang ng Pangisdaan Festival. Isa ito sa pinakamalaking selebrasyon na idinaraos sa lungsod para ipagdiwang ang pagtatag ng Navotas kasabay ng pagkilala sa mga mangingisda at industriya ng palaisdaan. Sa selebrasyon na ito ay ibinibida ang yaman at kultura na mayroon ang Navotas pagdating sa pangingisda. Kinikilala dito ang kontribusyon ng mga mangingisda bilang isa sa mga nagtataguyod ng kabuhayan sa lungsod.

Salungat sa tunay na nararanasan ng mga mangingisda sa Navotas. Ang tanong ng mga mangingisda’y kung tunay silang kinikilala, bakit tinatanggalan sila ng lugar sa dagat? Walang saysay ang pagdiriwang ng pista na ito kung patuloy na naghihirap ang mga mangingisda na dahilan kung bakit masagana ang industriya ng palaisdaan sa Navotas. Hangga’t nagpapatuloy ang reklamasyon na pumapatay sa mga palaisdaan, isang malaking kabalintunaan ang pagdiriwang na ito.

“Navotas, NavotaAs! Itaas ang antas ng buhay Navoteño.” Ito ang mga katagang lagi mong maririnig sa lungsod. Mga katagang hindi maramdaman ngayon ng mga mangingisdang Navoteño. Kung tunay na isinusulong ang pagtaas ng antas ng kanilang kabuhayan, hindi sana sila laman ng lansangan para mag-organisa at isigaw ang mga panawagan. Hindi sana sila nagmamakaawang bigyan ng lugar sa dati naman nilang pinangingisdaan.

Ang mamangka sa sistemang patuloy kang nilulunod sa kahirapan, tanging paglaban sa alon ang nagiging sandigan. Kaya’t ang laban sa mapanupil na sistema ay magpapatuloy hanggang sa maibalik sa mga mangingisda ang dagat. Hanggang sa lahat ng pinagbubunot na tahungan ay maibalik sa dati nitong kinaroroonan. Para sa pinagkait na kabuhayan. Para sa binunot na buhay.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet