Bus Reveries: Hostage-taking

The Manila Collegian
3 min readDec 8, 2024

--

Ni Anne Kristine N. Rivera

Dibuho ni Jeanine Alyssa Fernandez

Sumakay ka na ba sa isang public transport bus? Nang mag-isa? Ako,
kung ano-anong mga naiimagine ko kapag sumasakay ako ng bus nang
mag-isa. Madalas napa-paranoid ako na baka may mang-hostage sa bus na sinasakyan ko. Yung tipong may tatayong lalaking pasahero habang tinatahak ng bus ang NLEX, lalapit sa driver at makikiusap na itabi muna ang bus kasi ihing-ihi nasiya. Kung mabait ang driver ititigil niya. Kung hindi, hahayaan niyang maihi nalang sa salawal ang lalaki. Either way, ang mangyayari, huhugot ng baril yung lalaki mula sa pantalon niya. Tutukan niya yung driver.

Tapos may iba pang tatayong mga pasahero (lalaki din siyempre. No offense meant.) na may hawak ding baril. Kasabwat pala niya. At ia-announce nila na: “Walang kikilos nang masama kung ayaw niyong mamatay!” Obliging naman ang mga pasahero. Ni wala man lang nakaisip na tumawag ng tulong habang nago-opening remarks pa yung hostage-taker na “Wala na kayong magagawa. Wag niyo nang subukang manlaban…” Blahblahblah. You know, the usual death threats. “Hindi naman namin gustong gawin ‘to. Pero kailangan. Sawa na kami
sa pagiging mahirap.” Bakit? Sila lang ba ang naghihirap? Kami din naman ah. ‘Pag natapos na to, mangho-holdap ako ng bangko. Hindi ko naman gustong gawin eh. Pero kailangan.

Ini-instruct nung lider nila na ituloy pa rin ng driver ang biyahe. Siyempre
nandun siya sa tabi nung driver na may hawak na baril just in case. Ang mga bata naman niya, nagsimula nang maghakot ng mga alahas at cellphone ng iba pang mga pasahero. At ako, iniisip ko na kung ano’ng ibibigay ko sa kanila. Wala naman akong alahas. Itong relo ko? 100 lang to, imitation ng Seiko galing bangketa. Itong cellphone ko? Baka ibato lang pabalik sakin. Ni hindi man nga ‘to tatanggapin sa buy and sell. Yung mga marumi kong damit na dala? As if kasya sa kanila. Eh ‘yung mga libro at notebook ko? Sige, inyong-inyo na!

Nagpa-panic na ang ibang pasahero. May umiiyak na bata. May umiiyak na
nanay. May umiiyak na tatay. Umiiyak na ang buong pamilya. Naimbyerna na yung leader. “Ano ba?!? Punyeta! Ang ingay!” The family that cries together, dies together. Tig-isang bala lang sila. Lalong nag-panic ang mga pasahero.

“Hail Mary full of grace the Lord is with you…” Nagrorosaryo na ang lahat ng may rosaryo. “Blessed are you amongst women… “ nagrorosaryo na rin ang lahat ng hindi marunong mag-rosaryo. ”…And blessed is the fruit of your womb, Jesus…“ano na nga bang kasunod? Sa tagal ko nang hindi nagdarasal nakalimutan ko na. “Holy Mary, Mother of God pray for us sinners…” Lalong naimbyerna ang leader. Naimbyerna na rin ang mga bata niya. Isang putok. Dalawa. Tatlo. Apat na ang patay. Lima. Anim. Ako na ng kasunod. Lucky number seven. Sabi nila pag mamamatay ka na, bumabalik sayo lahat ng alaala. Tama pala ang sabi nila. Kasi naalala ko na…“now and at the hour of our death.” Amen.

Unang inilimbag ang ‘Bus Reveries: Hostage-Taking’ ni Anne Kristine N. Rivera sa edisyon ng Waywaya noong 2012.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet