The Manila Collegian
6 min readDec 1, 2021

COMELEC inilabas ang halalan 2022 IRR, online election propaganda aprubado na

ni Jo Maline D. Mamangun

PHOTO COURTESY OF RAPPLER

Upang matiyak ang patas na eleksyon sa 2022, inilabas ng Commission on Elections (COMELEC) noong Nobyembre 17 ang Resolusyon Blg. 10730 na nagtatalakay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Fair Election Act. Laman ng 25-pahinang dokumento ang mga alituntunin na dapat sundin, tulad ng paraan ng pangangampanya, ng mga kandidato para sa paparating na halalan.

May mga mahalagang pagbabago sa inilabas na IRR para sa darating na eleksyon sa 2022. Mas pinalawig ng bagong IRR ang pagsasagawa ng online campaigns at nagdagdag din ng mga seksyon na magtitiyak ng pagsunod sa minimum health protocols sa gitna ng pandemya.

Pagpapalalim sa Online Election Propaganda

Ang paglalabas ng IRR ay ginagawa tuwing panahon ng halalan, at sa taong ito na may kinahaharap na krisis sa COVID-19 ang bansa, may mga pagbabagong dapat na asahan.

Sa ilalim ng Seksyon 9 ng bagong IRR, mas pinalalim ang paksang ‘Internet, mobile and social media propaganda.’ Sa nakaraang 2019 elections ay walang ibinigay na eksatong panahon para sa huling araw ng pagrerehistro ng mga kandidato sa kanilang online accounts, tiyak na bilang ng araw naman ang ibinigay para sa taon na ito.

Nakasaad sa nasabing paksa na pinapayagan ang paggamit ng internet, mobile platforms, at social media, tulad ng Facebook at Youtube, sa paglalabas ng propaganda sa eleksyon. Subalit dapat i-rehistro ng bawat kandidato sa Education and Information Department (EID) ng COMELEC ang mga pangalan at link ng lahat ng kanilang online platforms tulad ng websites, blogs, at social media pages sa loob ng 30 araw mula sa huling araw ng pagpasa ng kandidasiya.

Malinaw ding nakalagay na ang mga beripikadong account, websites, blogs, at social media pages lamang ang maaaring gamitin sa pagsasagawa ng online campaigns at mga makatotohanang impormasyon lamang ang maaaring ilagay.

Pagbabawal sa Microtargeting

Binigyang diin din sa ilalim ng online election propaganda na bawal gumamit ang mga kandidato ng microtargeting para sa kanilang electoral ads.

“Microtargeting of electoral ads shall not be allowed provided that electoral ads can be targeted using only the following criteria: geographical location, except radius around a specific location; age; and gender; provided further that contextual targeting options may also be used in combination with the above-mentioned criteria,” ayon sa resolusyon.

Ang microtargeting ay gumagamit ng makabagong teknolohiya upang alamin at pag-aralan ang mga ginagawa ng tao habang sila’y naka-online o gumagamit ng internet. Sa pamamagitan nito, malalaman ang mga personal na kagustuhan o pagkatao ng indibidwal at maaaring gamitin sa paggawa ng partikular na advertisements na may kaugnayan sa nakuhang impormasyon.

Bago pa man inilabas ang IRR, nagpahayag na si COMELEC Spokesperson James Jimenez noong Nobyembre 5 na ang paggamit ng microtargeting ng mga pulitiko ang isa sa mga tututukan at ipagbabawal nila sa darating na halalan.

“One of the things we’re going to come out with in our social media guidelines is actually a prohibition of political candidates from using microtargeting as a means of deciding where to send their posts; how to boost or promote their posts,” ani Jimenez sa isang online forum.

Bagaman hindi nabanggit sa inilabas na resolusyon, sinabi ni Jimenez sa forum na makikipagtulungan sila sa mga social media platform sa pagpapatupad ng naturang alituntunin.

E-rallies para sa mga Kandidato

Isa pang mahalagang dagdag sa IRR ng eleksyon 2022 ay ang pagbibigay ng COMELEC, sa pamamagitan ng EID, ng entablado para sa libreng live streaming, o ang aktwal na pagsasahimpapawid ng isang pangyayari gamit ang internet, ng tinatawag nilang e-rallies para sa national candidates.

Mababasa sa Seksyon 14 ng resolusyon na magkakaroon ang bawat kandidatong presidente, bise-presidente, at senador, pati na rin ang mga party-list, ng kanilang e-rally airtime tuwing gabi, mula Pebrero 8, 2022, sa mga opisyal na social media channel ng COMELEC.

Sampung minutong airtime ang nakalaan sa bawat kandidato para presidente at bise-presidente na masasama sa tig tatlong slots tuwing gabi. Tatlong minuto naman ang nakalaan para sa mga senador at party-list na mayroong tig limang slots.

“During each livestream, the candidate will be allowed to see live comments to his livestream. The candidate may or may not respond to live comments,” dagdag sa panukala.

Ayon sa COMELEC, random ang pagbibigay ng slot sa mga kandidato at mapapanood ang pagra-raffle nito sa telebisyon sa Enero 8, 2022.

Nakalagay naman sa Seksyon 36 ng resolusyon na pinapayagan ang pagsasagawa ng mga kandidato ng e-rallies sa kani-kanilang online platforms subalit kailangan nilang ibigay ang recording nito sa loob ng 72 oras matapos ang kaganapan.

Mahigpit ding bilin ng COMELEC na bagaman maaaring tumanggap ang mga kandidato ng regalo mula sa manonood nila, ipinagbabawal ang pagbibigay ng kahit anong regalo bilang kapalit o pagsasagawa ng mga kampanya na magbibigay pabuya sa mga tao.

National Debates

Pormal nang isinama ng COMELEC sa resolusyon ang pagkakaroon ng national debates sa pagitan ng mga kandidato sa pagka pangulo at pangalawang pangulo sa nalalapit na halalan. Nakaugalian na tuwing eleksyon ang pagtatagisan ng talino at pagsasalaysay ng panig ng mga kalahok hinggil sa iba’t ibang isyu sa bansa.

Ayon sa Seksyon 16 ng IRR, ang national television and radio networks ay dapat mag-sponsor ng hindi bababa sa tatlong national debates sa pagitan ng mga kandidato sa presidente at hindi naman bababa sa isa para sa bise-presidente.

Gaganapin ang unang debate sa loob ng una at pangalawang linggo ng kampanya, ang ikalawa naman ay sa panglima at pang-anim na linggo, at ang ikatlo ay sa pangsampu at panglabing-isang linggo. Ang COMELEC ang magbibigay ng alituntunin para sa tatlong debateng gaganapin.

Implementasyon ng Health Protocols

Unang mababasa ang direktang pag-iimplementa ng minimum health protocols sa Seksyon 31 ng IRR, kung saan tinatalakay ang exit polls o ang pagtatanong sa mga botante hinggil sa kanilang binotong kandidato pagkalabas nila ng presinto.

Ayon sa idinagdag na alituntunin sa nasabing seksyon, maaari lamang magsagawa ng exit polls kung tatalima ang magtatanong at ang botante sa health protocols laban sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagpapanatili ng distansya na hindi bababa ng isang metro sa kanilang pagitan, at mahigpit na pagsunod sa tamang respiratory etiquettes — pagtatakip ng ilong, paggamit ng tissue, at paghuhugas ng kamay o pag-aalcohol pagkatapos — kung uubo man o sisinga.

Ang implementasyon ng minimum public health standards and protocols na ibabase sa level ng quarantine status ng lugar at araw ng botohan ay mahigpit na ipatutupad at titiyakin na susundin ng mga mangangasiwa sa eleksyon at botante.

Nagdagdag din ang COMELEC ng panibagong seksyon para sa pagsusumite ng affidavit na magpapatunay na sumunod sa health protocols ang kahit sinong organizer ng isang aktibidad para sa pangangampanya. Ito ay dapat na masumite sa COMELEC sa loob ng 24 oras matapos ang kaganapan.

Nakasaad naman sa Seksyon 35 na hindi lamang ang mga botante ang dapat na sumunod sa health and safety protocols kundi pati ang mga kandidato, nasyonal man o lokal, lalo na kung sila ay magsasagawa ng mga pampublikong pag-uusap.

‘Malinis at Patas na Halalan 2022’

Bagaman may mga dagdag na resolusyon sa bagong inilabas na IRR, naglalaman pa rin ito ng mga dati nang mahahalagang alituntunin para sa isang malinis at patas na halalan tulad ng takdang halaga na maaaring gastusin lamang ng mga kandidato, pagbabawal na pangangampanya sa mismong araw ng botohan, at patas at makatotohanang pagbabalita.

Hindi lamang ang COMELEC ang naghahanda sa pagbabantay at pagpapanatili ng isang malinis na halalan. Ang election watchdog na Kontra Daya, isang samahan ng mga organisasyon at volunteer na naglalayon ng isang malinis na eleksyon, ay nagsisimula na rin sa paghihikayat ng iba pang mamamayan na makibahagi sa pagbabantay sa Halalan 2022.

“Sa dami at laki ng posibilidad ng dayaan sa darating na araw ng halalan, at sa iba’t ibang porma ng pandaraya ngayon pa lamang, kakailanganin natin ng maraming katuwang sa pagbabantay kontra daya. Para sa bayan, samahan ang Kontra Daya na maghanda, magbantay, at kumilos para sa isang malinis at patas na halalan 2022,” anyaya ng grupo.

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet