‘Di Madadaan Sa Hiling

The Manila Collegian
3 min readSep 13, 2024

--

Dibuho ni Damsel Marcellana.

Kakapalang-mukha ang pagbulong sa hangin ng mga kahilingang ‘di nilalapatan ng aksyon, lalo na kung ito ay ukol sa isang mabigat na usapin. Ito’y ‘di hamak na mapagpanggap, kung saan, kunwari’y may pakialam sa dinaranas na krisis subalit puro pagbigkas lang ng mga salitang walang bigat at kilos ang ginagawang panlunas. Sinasalamin lamang ng ganitong pag-uugali ang paulit-ulit na karakter ng mga nanunungkulan sa pamahalaan — naglilingkod para sa sariling interes at ng iilan.

Sa kabila ng kawalan ng sapat at kongkretong aksyon ng kaniyang administrasyon, hiniling ni Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ika-66 na kaarawan na maging maayos ang agrikultura. Pinagkikibit-balikat ng pangulong lulong sa pansariling luho na ang problema sa agrikultura ay may malalim na pinag-uugatan, isang suliraning hindi madadaan sa pawang hiling.

Magpahanggang-ngayon, hindi pa rin binibitawan ni Marcos Jr. ang Kagawaran ng Agrikultura, na dapat na nangunguna sa serbisyo, pananaliksik, at polisiya na sumusuporta sa produksyon ng sapat at murang pagkain sa bawat Pilipino. Nararapat sana na ang kalihim ay may malalim na pag-unawa at mahusay na kasanayan sa sistema ng agrikultura ng bansa, at sa gayon ay handang tugunan ang hinaing ng mga magsasaka. Subalit, ang mga katangiang ito ay liban kay Marcos Jr. na siyang palpak at pabayang kalihim ng kagawaran.

Malayo ang kasalukuyang kalagayan ng agrikultura sa ipinangakong bente pesos kada kilo ng bigas noong eleksyon. Kasabay ng labis na pagwawaldas ng pera ng taumbayan ang pagsasantabi sa panawagan ng mga magsasaka. Ang mga ito ang siyang nagdudulot sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na siya ring primaryang gumigitgit sa mga nasa laylayan.

Sa ulat ng IBON Foundation nitong Setyembre, nasa Php 43 per kilo na ang regular-milled na bigas, samantalang sa ibang mga retailer ay umabot hanggang Php 55 ang bentahan kada kilo. Ang mga karaniwang pansahog naman tulad ng bawang at sibuyas ay tumaas ng Php 35 ang presyo kada kilo. Nagsitaasan din ang mga presyo ng ilang gulay tulad ng repolyo, patatas, pechay, at carrot. Manipestasyon ng patuloy na pagtaas ng presyong ito ang pagbaba ng tunay na halaga ng kita ng bawat isang Pilipino.

Bagaman nagtakda ang pangulo, sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) council, ng mas mataas na presyo sa pagbili ng palay, hindi ito itinuturing na solusyon ng rice price watchdog na Bantay Bigas sa krisis na kinakaharap ng bansa ngayon. Ani ng grupo’y balewala ang dami ng mabibili ng itinakdang presyo at wala rin itong magiging epekto sa anihan para sa kasalukuyang buwan.

Bilang tugon naman sa lumolobong presyo ng bigas, nagtakda ang pangulo ng price ceiling sa ilalim ng Executive Order 39, kung saan nilimitahan hanggang Php 41 ang presyo ng regular-milled na bigas at Php 45 naman sa well-milled na bigas. Lugi rito ang mga maliliit na manininda, kaya’t di na nakapagtataka na ang ilan sa kanila’y limitado lamang ang bilang ng kilo ng bigas na ipinagbibili.

Kung sana’y mga makabuluhang pagtitipon, tulad ng People’s Food Summit, ang dinadaluhan ng pangulo, kaysa mga kompetisyon tulad ng F1 race sa Singapore, maiintindihan niya sana ang tunay na kalagayan ng sektor ng agrikultura sa bansa at makapaglulunsad ng mga kongkretong planong matagal nang inaasam ng mga prodyuser at konsyumer. Ilan sa mahahalagang panawagan sa naganap na summit ay palakasin ang lokal na produksyon, pataasin ang farmgate prices ng mga inaaning produkto, at pababain ang presyo ng mga bilihin.

Subalit, hindi tulad ng pagtatangkang pagbura ng administrasyon sa katotohanan ng ‘Diktaturang Marcos,’ tila hindi na maiaalis ng pangulo sa ugat nito ang pagiging sakim, makasarili, at walang pagpapahalaga sa masa, tulad ng kanyang pamilya.

Sa ganitong kalagayan, kung saan pati ang pamahalaan ay bahagi mismo ng problema, wala tayong ibang aasahan kundi ang lakas at kapangyarihan ng mamamayang lumalaban. Sa sama-samang pagkilos, marapat nating samahan ang hanay ng mga pesanteng uhaw sa tunay na kaunlaran. Ipagkaloob sa kanila ang mga lupang sakahan nang walang pag-aatubili at pag-aalinlangan.

Ang bayang naghihikahos ay mayroon ding hiling — pagtanaw sa mga magsasakang naghahatid ng pagkain sa hapag, pagkilala sa sektor ng agrikulturang tunay na nakahahabag.

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa The Manila Collegian Vol. 36 Issue №1, October 11, 2023

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet