MATAPOS ANG DULA

Dito kasi ako matututo

The Manila Collegian
3 min readDec 1, 2024

ni Jermaine Angelo Abcede

File Photo

Akala ko kapag naging student assistant na ako, dagdag kita lang at mga clerical work sa isang opisina sa UP Manila ang makukuha ko. Ngunit mas mabigat pala ang naghihintay sa akin dito dahil dito pala ako matututo — ipamumukha sa akin na mapagsamantala at bulok ang sistema ng kalusugan sa bansa.

Halos dalawang taon na akong student assistant sa UP Health Service (UPHS) ng Outpatient Department (OPD) ng Philippine General Hospital, ang tumatayong klinika ng mga mag-aaral at empleyado ng UP Manila at mga empleyado ng PGH. Dalawang taon na akong dumidiretso sa ospital kapag wala akong klase o kapag wala akong masyadong presswork. Dalawang taon na pero paulit-ulit pa rin ang aking nadadatnan — walang katapusang pila at walang katapusang paghihintay.

Kapag papasok ako ng alas siyete ng umaga, tanaw ko na agad ang pila ng mga pasyente kasama ang kanilang mga kaanak sa labas ng OPD na magdamag nang naghintay makakuha lang ng schedule sa araw na ’yon. Madadatnan ko rin ang buhol-buhol na pila sa may Internal Medicine sa first floor: ang ilan pa ay nakaupo na sa sahig dahil wala nang maupuan o ‘di kaya’y doon na natutulog.

Kapag sasakay na ako ng elevator, minsan ay hindi pa ako papapasukin dahil kailangan munang paunahin ang mga pasyenteng nasa stretcher. Minsan ay may nakakasabay rin ako sa elevator na pinag-uusapan na hindi na bale nang maghintay sila ng sobrang tagal dito sa PGH, gumaling lang ‘yung kasama nilang pasyente. Marami na rin akong nakasabay na pasyente na umiiyak, hindi mapagsidlan ang mga luha.

Pagdating ko sa third floor kung nasaan ang opisina ng UPHS, wala namang masyadong hindi pangkaraniwan hanggang sa maatasan ako na mag-stamp sa health forms sa front desk ng UPHS, malapit sa pila ng Psychiatry Department. Mula bata hanggang matanda, may iba’t ibang pasyenteng nakapila rito. Ang ilang mga bata ay nagsisigaw at nagwawala ngunit pinipilit pakalmahin ng kasama niyang mga magulang. Ganito na ang nakagawian dito kaya naging normal na sa amin na kahit may magwala man sa may Psych, tuloy lang ang trabaho. May pasyente rin kaming naghihintay.

Sa bawat klinika ng OPD, hindi matatawaran ang mga pila. Sino ba kasing hindi iindahin ang mahabang pila makakuha lang ng murang serbisyong medikal at mga gamot? Sinong hindi pipiliing dumayo pa ng Maynila kung ito lang ang pampublikong ospital na kayang tumingin sa kanilang karamdaman?

Maliban pa rito, hindi rin sumasapat ang bilang ng healthcare workers sa bilang ng mga pasyente. Walang ibang magawa ang healthcare workers kundi asikasuhin ang napakaraming bilang ng pasyente sa kabila ng kanilang kakarampot na bilang. Dagdag pa rito ang mga lumang kwarto sa ospital na hindi na maayos ang lagay para sa mga pasyente, nars, at doktor.

Kung tutuusin, pananagutan dapat ng estado na tiyakin na abot-kamay ang kalusugan sa bawat sulok ng bansa at magbigay ng makataong kondisyon sa paggawa. Hindi naman lolobo ang mga pila kung may sapat na bilang lamang ng healthcare workers sa bansa na binibigyan ng sapat na pasahod. Hindi naman bibiyahe pa ng kilo-kilometrong layo ang mga Pilipino kung mayroon lamang malapit at abot-kamay ang presyo na health at medical centers. Sa mundo ng mga dapat, hindi na nga dapat ito binabayaran ng mga maralita.

Minsan nang sumagi sa aking isip na ikonsidera ang paglipat ng opisina dahil maaaring ma-expose rin ako sa sakit ng mga nakakasalamuha ko o para makatakas na sa ganitong senaryo. Pero sinasagot ko rin ang sarili ko na dito kasi ako natututo. Dito ako mas mamumulat at mag-isip kung paano makakapag-ambag sa pagpapabuti ng sistema ng kalusugan sa bansa.

Sa oras ng aking mga kahinaan, isa ang PGH sa mga pinaghuhugutan ko ng lakas at pag-asa dahil may mga tao ritong ipapaalala sa akin na kailangan lang magpatuloy sa gitna ng lahat — kahit matagal pa ang paghihintay, kahit marami bang bagay na hindi pa rin nalulutas. Pero sa pagpapatuloy na ito, kinakabit ko na kailangan din may managot. Kailangang singilin ang sistema na umipit sa mga pasyente sa sitwasyong ito.

Anuman ang mangyari sa natitira kong tatlong semestre sa UP Manila, isang bagay ang tiyak ko: hindi na ako aalis sa PGH. Siguro isa ito sa rason kung bakit dinala ako sa UP Manila. Dito kasi ako matututo. Tuturuan akong magpatuloy at manindigan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet