Doctor Kwak Kwak, Why Did You Lie to Me?
ni Chester Leangee Datoon
“Hindi totoo ang COVID-19!” bwelta ng isang tinderang ininterbyu sa kasagsagan ng pandemya sa bansa. Sa pagsasalaysay niya ng kanyang danas sa ilalim ng restriksyon sa paglabas at pagpasok sa mga establisyemento, hiyawan at pagsang-ayon ang maririnig mula sa mga kapwa niyang tindera sa palengke.
Ang ganyang eksena ay isa lamang sa marami pang manipestasyon ng ‘di maipagkakailang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong takot magpabakuna sa nagdaang taon. Bunsod nito, umusbong ang dalawang terminolohiya sa usapin ng bakuna at pampublikong kalusugan: vaccine hesitant at vaccine resistant o mas kilala bilang anti-vaxxers. Sa pagpapakahulugan ni Berba (2023), ang vaccine hesitancy ay isang penomenon kung saan takot ang isang indibidwal magpabakuna kahit pa man may sapat na access ang mga ospital. Dagdag pa niya, napapaloob sa konsepto ng vaccine hesitancy ang pagkakaroon ng mga anti-vaxxer o mga indibidwal na aktibong tumutuligsa at nagpo-propaganda laban sa pagbabakuna.
Sa pag-iral ng dalawang kaisipang ito sa masang Pilipino, patuloy na lumalala ang estado ng pampublikong kalusugan ng bansa at mababakas ito sa kasalukuyang pagtaas ng kaso ng whooping cough o pertussis. Subalit, kailan nga ba unang nagsimula ang ideya ng vaccine hesitancy at paglaganap ng mga anti-vaxxers sa Pilipinas?
Doctor Kwak Kwak, How did this Happen!?
Noong taong 2003 — kasagsagan ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), kasali ang Pilipinas sa maraming bansang naapektuhan nito. Hindi man ito kasinglala ng COVID-19 na pandemya, maraming aral na napulot ang Department of Health (DOH) sa pangyayaring ito tulad ng pagpapaigting ng travel restriction protocols at paghikayat sa mga Pilipino na magpabakuna. Kung susuriin ang ilan pang nagdaang viral outbreak tulad ng swine flu at bird flu, hindi gaanong naapektuhan ang Pilipinas, kung ikukumpara sa COVID-19.
Subalit, hindi lamang global viral outbreaks ang kinakaharap ng Pilipinas; kabilang na rito ang Neglected Tropical Diseases (NTDs) o mga nakahahawang sakit na laganap sa mga bansang mahihirap at/o may klimang-tropikal. Isa ang dengue sa itinalagang NTDs na lubos na nakakaapekto sa bansa, partikular na sa mga kabataan dahil mas madali silang mahawaan ng sakit.. Dagdag pa rito, mahal gamutin ang isang isang pasyenteng may dengue sapagkat kailangang pagtuunan ang platelet count para maiwasan ang iba pang komplikasyon.
Batay sa mga saliksik tulad nito, napag-isipan ng administrasyong Aquino, sa ilalim ng dating sekretarya ng DOH na si Janette Garin, na simulan ang programa ng Dengvaxia — isang bakuna na ituturok sa mga bata laban sa dengue. Busilak man ang adhikain sa likod ng implementasyon, ang trahedyang ibinigay ng bakunang ito ang nagsimula sa karumal-dumal na sitwasyon ng vaccine hesitancy at paglaganap ng mga anti-vaxxer sa bansa.
Doctor Kwak Kwak, Why Did You Kill Me?
Sa paghimay ng trahedya na dala ng Dengvaxia, walang iisang tao ang may pakana sa nangyari ngunit ito ay bunga ng kasaklapan ng sistema ng pag-usisa sa seguridad at kaangkupan ng mga clinical trials na nangyayari sa bansa. Abril 2016 nang simulan ang pagbabakuna ng Dengvaxia sa mga bata sa pampublikong paaralan bilang isa sa mga programa para malabanan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Mainit ang pagtanggap sa bakunang ito sapagkat ito’y magsisilbing tulay upang unti-unting wakasan ang dengue sa Pilipinas subalit mahalagang tandaan na ang Dengvaxia ay nasa phase 3 clinical trial pa lang sa panahong ito. Sa simpleng salita, sumasailalim pa ito sa pag-aaral hinggil sa seguridad at pagiging epektibo nito, kung kaya’t ibayong ingat ang dapat gawin alinsunod sa mga nakatalagang moral at etikal na pananaliksik kaugnay ang mga tao.
Isang taon matapos ang paglunsad nito, naglabas ang Sanofi, ang kompanyang gumawa ng bakuna, ng alerto hinggil sa pagtuturok ng bakuna sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue dahil maaari itong magdulot ng serious adverse reactions o kondisyon na maaring magdulot ng kamatayan, permanenteng pinsala, o mas matagal na pagkaka-ospital. Subalit gaya nga ng sabi nila, “there’s no point in crying over spilled milk,” maraming balita ang lumabas na ‘di umanoy mga batang namatay o mas nagkasakit dahil sa pagturok ng bakuna.
Lubhang mahirap busisiin kung tunay nga bang ang bakuna ang naging sanhi ng pagkamatay ng iilang bata ngunit tunay na nagkaroon ng pagkukulang. Bukod sa pagbabago ng alituntunin sa kasagsagan ng clinical trial, hindi rin masyadong nabigyang-diin ang kahalagahan ng informed consent at pag-counsel sa mga magulang hinggil sa bakuna.
Tulad ng mga buhay na nawala dulot ng trahedya ng Dengvaxia sa bansa, ito’y mistulang alon na humambalos sa buhanging palasyong binuo ng DOH sa pagpapaigting ng pagbabakuna sa bansa. Ang taon ay 2018 — bilang na lang ang mga Pilipinong naniniwala sa bisa ng bakuna.
Doctor Kwak Kwak, I-Google Ko Nalang Kaya?
Ika nga nila, “fool me once, shame on you; fool me twice, shame on me.” Para sa maraming Pilipino, matapos ang nangyari sa Dengvaxia, magmimistulang ‘di sila natuto kapag patuloy pa rin silang maniniwala sa DOH. Sa isang institusyong walang makakapitan dahil sa huwad na mga pangako, maghahanap at maghahanap ng bagong masasandalan ang mga Pilipino. Dito nagsimula ang kanser ng vaccine hesitancy at pag-usbong ng mga Pilipinong anti-vaxxers.
Bilang isa sa mga bansang may pinakamaraming social media users, ang pag-Google ng karamdaman ang isa sa mga naging kanlungan ng mga Pilipino bilang second opinion matapos magpakonsulta sa mga doktor. Laganap din sa social media sites ang iba’t ibang scammers na nag-aastang experts kuno, na nagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa mga bakuna.
Gamit ang lenteng Aristotle’s Rhetorical Theory sa digital na komunikasyon, ito rin ang estilo ng pagmerkado ng mga scammer o anti-vaxxer ng kanilang impormasyon. Una ay ang ethos o ang pagsasalitang mala-kaibigan, paggamit ng buzz words, at pag-iwas sa mga scientific jargon. Sunod ay ang logos kung saan sila ay gumagamit ng mga estadistikang madaling manipulahin tulad ng mga line at bar graph at ipinapakita lamang nila ito nang mabilis para hindi mabusisa ng manonood. Huli at ang pinakamahalaga ay ang pathos na pumupuntirya sa emosyon, kaya naman malimit na ginagamit ang ad misericordiam o ang paggamit ng awa at ad hominem o pag-atake sa isang indibidwal imbes na ang paksa. Bukod dito, malimit din nilang nilalahad ang kanilang personal na karanasan hinggil sa pagbabakuna at bakit ito nakasasama.
Sa patuloy na panonood ng mga Pilipino sa mga misleading na vloggers upang kumalap ng impormasyon, unti-unting nabubuo ang buto ng vaccine hesitancy sa kanilang isipan. Gamit ang social judgment theory, seguridad, politika, at kalayaan sa pagdedesisyon ang ilan sa mga salik na nagpapalala ng vaccine hesitancy ng isang indibidwal. Sa aspeto ng seguridad, kasama rito ang pagtalima sa mga maling impormasyon tulad ng “nakamamatay ang bakuna,” o “nagdudulot ng autism ang bakuna.” Sa aspeto ng politika naman pumapasok ang mga haka-haka na ang isang sakit ay kagagawan ng gobyerno upang makontrol ang lipunan. Hindi rin gaanong nakatulong na masyadong authoritative ang paraan ng pag-eenganyo ng maraming lokal na pamahalaan sa pagbabakuna noong pandemya na nagresulta sa pag-alma ng marami dahil higit itong nakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Kapag hindi naagapan ang pagiging vaccine hesitant ng isang indibidwal, malaki ang posibilidad na siya rin ay maging isang anti-vaxxer na nagpapakalat ng maling impormasyon sa iba. Sa pag-aaral nina Holford et al. (2023), may tatlong sikolohikal na anyo ang mga anti-vaxxer. Alternative epistemologist ang isang anti-vaxxer kapag sa paningin niya huwad ang sistema ng agham at teknolohiya sa daigdig at pakana ito ng mga makapangyarihang bansa upang sakupin ang mundo. Social conservative naman siya kung ang pagiging anti-vaxxer niya ay dahil sa relihiyon at tradisyunal na moral at etika. Free-market ideologist naman ang tawag sa mga anti-vaxxer na kumakapit sa kalayaan ng pagpili kahit na ang impormasyong tinatangkilik nila ay mali.
Hindi maipagkakaila na ang ganitong sistema ng pagkalat ng maling impormasyon ay nananalaytay sa lipunan ng bansa. Sa Pilipinas, kung saan maalam ang maraming indibidwal sa paggamit ng social media at internet, dagdag hirap ito sa mga ahensya tulad ng DOH at Food and Drug Authority (FDA) para wakasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Doctor Kwak Kwak, What’s Happening to Me?
Dala ng pangyayari sa kasagsagan ng Dengvaxia scandal, nagkaroon ito ng domino effect na siyang naging punong sanhi ng nararanasang vaccine hesitancy sa bansa. Matatandaang ilang buwan lamang matapos maipalabas ang balita hinggil dito, nagkaroon ng muling pagtaas ng kaso ng measles o tigdas sa bansa. Kaakibat nito, hindi na rin gaanong nasusunod ang Expanded Program on Immunization (EPI) na itinalaga ng DOH para sa mga sanggol dala ng takot ng mga magulang sa pagpapabakuna.
Bukod rito, hindi pa rin nawawala sa isip ng maraming Pilipino ang trahedya na lubos na nakaapekto sa pagbabakuna noong pandemya. Hanggang ngayon, kaunti pa lamang ang mga Pilipinong nakatanggap ng booster shots laban sa mga sakit at isa rin ito sa mga naging rason kung bakit nasayang ang mahigit 50 milyon na bakunang inilaan ng gobyerno. Sa kasalukuyan, ang pagtala ng 568 na kaso ng pertussis o whooping cough ay marahil nag-ugat din sa vaccine hesitancy dala ng Dengvaxia. Anim na taon naman ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang mga mitong nabuo sa isip ng mga Pilipino hinggil sa pagbabakuna.
Ika nga ng World Health Organization sa kasagsagan ng pandemya, hindi lamang ang virus ang nagdadala ng panganib sa pampublikong kalusugan ngunit katuwang dito ang infodemic o ang pagragasa ng maling impormasyon sa lipunan. Upang matugunan ang ganitong problema, susi ang maagap na aksyon ng DOH at FDA sa paglutas ng mga salik na bumubuo sa vaccine hesitancy dahil ang wastong pagbabakuna ay isa sa mga pangunahing pansangga ng isang Pilipino sa mga nakakahawang sakit. Napapanahon na rin ang pag-monitor ng mga impormasyong kinukonsumo ng mga Pilipino sa social media sapagkat isa ito sa mga pangunahing ugat kung bakit ayaw magpabakuna ng isang indibidwal.
Napapanahon din ang pag-implementa ng epektibo’t episyenteng error reporting system sa Pilipinas para maprotektahan ang bawat pasyente. Sa isang healthcare system, hindi maiiwasan ang paminsan-minsang pagkakamali at dapat itong kilalanin sa halip na pagtakpan. Sabi nga, “to err is human, but to persist is diabolical.” Sa pagbuo ng aksyon hinggil sa mga pagkakamaling ito, kinakailangang ang perspektibo ay maka-sistema at hindi maka-indibidwal. Tulad ng kaso ng Dengvaxia, walang isang taong gumawa ng lahat ng pagkakamali subalit nangyari ang trahedya dahil sa paglobo ng mga maliliit na pagkakamali.
Mahalaga rin ang gampanin ng mga manggagawa sa healthcare system sa pagbaka ng vaccine hesitancy sa bansa sapagkat malimit nilang nakakasalamuha ang mga pasyente sa kanilang personal na klinika, parmasya, o opisina. Sa pamamagitan ng pagbuo ng maayos na patient-practitioner na komunikasyon, hindi natatakot ang pasyenteng magtanong at klaruhin ang kanilang mga agam-agam hinggil sa kanilang kundisyon o medikasyon. Hindi dapat tignan ang mga vaccine hesitant o anti-vaxxer na mga Pilipino bilang kalaban o lost cause sapagkat sila ay mga indibidwal na nalason ng maling impormasyong dapat matugunan at maagapan.
Bakit nga ba ‘Kwak’ si Doctor Kwak Kwak?
“Hindi totoo ang COVID-19,” bwelta ng tindera, ngunit kung papakingaan ang kanyang opinyon, halos lahat ng kanyang sentimento’y nag-ugat sa palpak na pamamalakad ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya. Para epektibong malabanan ang pangamba ng mga sakit sa bansa, ang perspektibo ng bawat hakbang na gagawin ng pamahalaan ay dapat makatao at makakalusugan.
Marahil natatawag ng isang Pilipino na ‘kwak’ ang isang doktor dahil nawalan na sila ng tiwala sa institusyong minsang nagsabing magpoprotekta sa kanilang kalusugan. Sa pagsugpo ng kultura ng vaccine hesitancy sa bansa, kailangang maibalik muli ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa healthcare system ng bansa. Tulad ng sentimentong “change starts within you,” sa paggising ng indibidwal na kamalayan hinggil sa pagbabakuna nakukuha ang totoong lunas. Tunay na may kakayahang pumili ang isang indibidwal kung ano ang gusto niyang paniwalaan, subalit responsibilidad ng pamahalaan at healthcare workers na bumuo ng daigdig kung saan makatotohanan ang impormasyong pinipili ng masa.