DOST, UPM nagkaisa para sa AI-driven liver cancer detection system
Ni John Paul Cristobal
Nagkaisa ang Department of Science and Technology (DOST) at University of the Philippines Manila (UPM) para sa pagbuo ng artificial intelligence (AI)-driven detection system para sa maagang pagsusuri ng kanser sa atay sa mga Pilipinong may chronic Hepatitis B.
Ang naturang proyekto ay pinamumunuan ni Dr. Beatrice Tiangco at inaasahang matapos sa Enero 1, 2024. Sinimulan ang pag-aaral na ito upang makabuo ng mas mabilis at mas maagang paraan ng pagsusuri ng liver cancer, na isa sa mga nangungunang dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay sa bansa.
CANDLE Study, pinangunahan ng UPM
Pinangunahan ng UPM ang pag-aaral na pinamagatang “Early CANcer Detection in the LivEr of Filipinos with Chronic Hepatitis B Using AI-Driven Integration of Clinical and Genomic Biomarkers” (CANDLE) na makakatulong sa pagbuo ng (AI)-driven detection system sa pamamagitan ng pagtatatag ng clinical and genomic profile.
Kinumpirma ni DOST Secretary Fortunato de la Peña noong Marso 25 na mahigit 800 na pasyente mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang makikiisa sa gagawing pag-aaral. Dagdag pa ni de la Peña, patuloy silang nakikipagtulungan sa Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).
Ayon sa kalihim, kinikilala ang kanser bilang isa sa national health priority na may mahalagang implikasyon sa buong mundo at isa sa tatlong pangunahing dahilan ng morbidity at mortality sa bansa. Kaya naman, ang DOST, sa tulong ng PCHRD, ay patuloy na naglalaan ng pondo para sa mga pag-aaral tungkol sa kanser.
Katayuan ng kanser sa bansa
Sa taong 2020, mahigit 153,751 ang naitalang overall number of incidence for both sexes ng liver cancer at 140.3 na crude rate. Ang crude rate ay ang tumbasan ng kabuaang kaso ng isang taon sa mid-year population.
Gayundin, mas talamak ang liver cancer sa mga kalalakihan na may kabuuang 17.8 incidence rate noong 2020, habang 6.1 naman sa mga kababaihan.
Samantalang, may 9,953 new deaths naman na naitala sa sa Pilipinas noong 2020. Sa kabuuan, mahigit 92,606 na ang overall number of deaths dulot ng kanser sa atay.
Ayon kay Dr. Clarito Cairo Jr., program manager ng Cancer Control Division ng Department of Health (DOH), mababa ang bilang ng liver cancer survivors kumpara sa mga survivors ng ibang mga cancer gaya ng breast at colorectal cancer. Ibig sabihin nito ay maaari pang tumaas ang bilang ng survivors kung mas maagap ang pag-diagnose sa kanser sa atay.
Samantalang, aminado si de la Peña na hindi pa sapat ang ebidensya para masabing kailangan na ang liver cancer screening sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
Bagaman ganito ang sitwasyon, inaasahan na makabubuo ng ‘scoring system’ ang CANDLE na makatutulong sa mga clinician sa pangangalaga ng kanilang mga pasyente. Ang scoring system na ito ay magagamit sa pagpapasya kung gaano kadalas dapat gawin ang mga diagnostic tests upang ma-maximize ang pondo ng mga pasyente habang napapanatili ang kalidad na clinical practice.
Magdudulot ang proyektong ito ng hakbang sa bansa para paunlarin pa ang kaalaman tungkol sa kalikasan at mekanismo ng kanser sa atay.