‘Economic Cha-cha’, aprubado na sa Kamara sa kabila ng mariing pagtutol ng taumbayan

The Manila Collegian
2 min readApr 16, 2024

--

Nina Matthew Louis Olaer, Miguel Buzon

Sa kabila ng pangamba ng taumbayan na tuluyang mailako ang bansa sa mga dayuhan, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Marso 20 ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7) na naglalayong tanggalin ang restriksyon ng mga dayuhan sa pagmamay-ari ng mga serbisyong pampubliko, pang-edukasyon, at advertising.

Lumabas sa resulta ng botohan na 288–8–2 ang sumasang-ayon, tumututol, at nag-a-abstain sa itinutulak na economic charter change (Cha-cha).

Ang pagratsada ng RBH 7 sa kamara ay ikinabahala ng ilang kongresista, tulad ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, na nagsabing ang sistemang ginagamit ng Kongreso sa pagpapanukala sa Cha-cha ay hindi alinsunod sa mga alituntuning nakasaad sa Saligang Batas. Iginiit din niya na mayroon pang mga mas mahahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin, partikular na sa mga usapin ng karapatang pantao at edukasyon.

Sa ilalim ng RBH 7, matatanggal na ang itinakda ng Saligang Batas na 40 porsyento lamang dapat ang pagmamay-ari ng mga dayuhan sa serbisyong pampubliko, pang-edukasyon, at advertising. Bunsod nito, maaaring maging bukas na ang bansa sa buong pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga naturang serbisyo at industriya .

“If foreigners dominate our educational institutions, media, utilities, and other essential needs such as food, energy, and resources, it will not only infringe upon our fundamental rights but also jeopardize our ability to ensure our own interests are protected,” saad ni ACT Teachers Rep. France Castro sa isang panayam.

Ani Albay Rep. Edcel Lagman, pinahihina ng RBH 7 ang layunin ng 1987 Konstitusyon na payabungin ang pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng mga institusyong pinapangunahan ng mga Pilipino.

Sa isang pahayag, inihayag din ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ang kaniyang pangamba sa hindi tiyak na proseso ng pagbotong nakasaad sa RBH 7.

“Kung hindi talaga bumigay ang Senado ay puwedeng i-interpret na ang pag-apruba rito ng Kamara ay pag-apruba na rin ng buong Kongreso kahit na absent ang Senado,” giit ni Rep. Manuel.

Kabilang din sa mga tumututol sa RBH 7 si Davao City Rep. Paolo Duterte na ang pamilya ay kasalukuyang may hidwaan laban sa pamilyang Marcos.

Pilit namang dinepensahan ni House Speaker Martin Romualdez na ang layunin ng RBH 7 ay pasiglahin ang ekonomiya at magbukas ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino. Kasama rin niya sa mga sumusuporta sa Cha-Cha ang anak ng pangulo, si Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos. ▼

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet