Ang Kamatayan ang Pagsibol

The Manila Collegian
2 min readFeb 26, 2022

--

Lantarang ipinakita ng pwersa ng estado ang tunay na kulay nito sa karumal-dumal na pagpatay sa dalawang magigiting na guro ilang araw bago ang komemorasyon ng Pag-aalsa ng EDSA.

Dalawang bayani ng taumbayan ang mapalad na nakapag-aral sa pamantasan at may oportunidad upang piliin ang maginhawang buhay sa siyudad, ngunit tinalikuran nila ito nang buong-buo upang magsilbi sa masang api sa kanayunan. Dalawang bayani na ang tanging hangarin ay ibahagi ang edukasyong nakamit lamang ng iilan dahil sa panggigipit ng gobyerno.

Si Kevin ay isang lider-estudyante mula sa UP Diliman at isa sa nangunguna sa kampanya ng paglaban ng libreng edukasyon para sa masang Pilipino. Bagama’t siya ay Magna Cum Laude standing, mas pinili niyang paglingkuran ang malawak na hanay ng sambayanan.

Ganoon din si Chad na isang magiting na inhinyero at nakapagtapos bilang Cum Laude, na mas piniling magsilbing guro sa mga Kabataang Lumad na pinagkaitan ng karapatan ng estado.

Ngunit, hindi natatapos sa mga edukador at lider-estudyante ang paglapastangan ng pamahalaan. Ilang mga pesante, abogado, doktor, at aktibista mula sa ibang sektor ng lipunan ang walang-habas na pinaslang ng estado. Sa kanilang buong pusong pagtugon sa panawagang tunay na paglingkuran ang sambayanan ay wala silang hinihinging kapalit kaninoman. Ngunit, sa kabila nito, ay patuloy pa rin silang pinaparatangan mapanganib at kalaban ng estado.

Saksi ang bayan sa kadakilaan at katapangan nina Chad at Kevin kahit kaliwa’t kanan ang atake at pasismo ng estado, ngunit hindi masasayang ang kanilang sinimulan sapagkat libo-libo ang tutungo sa landas na kanilang tinahak. Ang kanilang pagkamatay ay magiging daan upang sumibol ang mas marami pang Di Pangkaraniwan.

Sa araw-araw na paniniil ng estado, pinatutunayan lamang nila na kailanman sa ilalim ng mapang-aping sistema ay hindi makakamit ang hustisyang ninanais para sa taumbayan. Sa patuloy na pagkakaila ng estado sa malayang espasyo ng paglaban at pagtulong sa mamamayan, mas nagiging malinaw na tanging landas ng armadong pakikibaka ang dapat bagtasin.

#JusticeForNewBataan5

#JusticeForKevinCastro

#JusticeForChadBooc

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet