EDITORYAL | Hindi Matapos-tapos
Patuloy pa rin ang pagkakaisa ng masang Pilipino laban sa mga katiwalian sa bansa.
Noong ika-2 ng Pebrero, nagkaroon ng malawakang diskurso ang mga ilang kilalang abogado sa bansa sa Korte Suprema ukol sa kontrobersyal na Anti-Terror Law (ATL). Ibinahagi nila ang mga nilalabag ng ispesipikong seksyon ng ATL. Hinggil sa kaalaman ng karamihan, marami na ang hindi sang-ayon bago pa man ito naisabatas. Ang pangunahing kontrobersiya sa batas na ito’y ang malabong depinisyon sa salitang “terorista” at kung paano ito maaaring gawing armas laban sa mamamayan.
Hindi matapos-tapos ang pagtapak ng estado sa karapatan ng mamamayang Pilipino. Katuwang ng pagpapasa ng ATL ay ang pagbuwag ng Department of National Defense (DND) sa 1989 UP-DND Accord, na naglalayong bigyan ng ligtas na lugar ang mga estudyante ng UP sa anumang aktibidad sa unibersidad. Isa ito sa mga halimbawa ng unti-unting pagtapak sa malayang pamamahayag, pag-aalsa, at pag-oorganisa. Ang nasabing pagbuwag ay pagbibigay-daan sa ATL upang gawing “ligal” ang redtagging ng estado laban sa kung sino man ang kanilang paghihinalaang terorista. Mas malala pa ang maaaring kahihinatnan sa online setup, dahil ang ATL ay pinahihintulutang pakialaman ang privacy ng bawat mag-aaral. Hindi malabo’t makaririnig na lamang tayo ng mga balita ukol sa panghihimasok, pagpapakulong, o pagkawala ng mga estudyante dahil sa madaling pagsususpetsa sa kanila.
Sa huli, nais na ipamukha at ipalabas ng estado na ang mga Iskolar ng Bayan ay terorista. Ngunit, ang tunay na terorista, sa pinakapayak na pagpapakahulugan ng salita, ay siyang nagbibigay-takot at walang kasiguraduhan sa kaligtasan ng kanyang mamamayan.
Bago pa man maipasa ang ATL, estimadong umabot ng 27,000 ang bilang ng mga namatay dahil sa extra-judicial killings, at patuloy pa ang pagtaas nito. Kontrobersyal rin ang laganap na pangreredtag, crackdown, at illegal detention sa mga kilalang mamamahayag at aktibista kahit hindi sapat ang ebidensya laban sa kanila. Si Leila de Lima, isang kilalang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay ipinakulong dahil sa akusasyong nakatatanggap ito ng pera mula sa mga drug lord. Nariyan rin si Maria Resa, na kinasuhan ng cyberlibel dahil sa akusasyong paglalahad ng false news story ukol kay Wilfredo Keng, na kilalang may kaugnayan sa drug at human trafficking. Hindi nahuhuli sina Frenchiemae Cumpio, Lady Ann Salem at Reina Mae Nasino, mga mamamahayag at aktibista na ikinulong dahil sa akusasyong iligal na pagmamay-ari ng mga armas. Hindi na rin bago ang tanim-ebidensya sa bansa, na siyang pangunahing kalaban ng mga akusadong ito.
At habang nananatiling nakapiit ang mga walang sala ay patuloy ang pagpapakasasa ng mga nasa itaas sa pribilehiyo ng seguridad na ibinibigay ng estado sa kanila. Kahit lumabag sa quarantine protocols, hindi nakulong si Philippine National Police Chief Debold Sinas ukol sa naganap na mañanita sa Taguig. Hindi rin nakulong si Presidential Spokesperson Harry Roque dahil rin sa paglabag ng mga nasabing protocols sa isang piging sa Cebu. Isang “pardon” o “give a second chance” lamang ang natatanggap sa bawat paglabag sa batas, ngunit matindi naman ang balik sa mga inosente’t walang kapangyarihang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Ang Anti-Terror Law ay manipestasyon ng hangaring manakot, maniil, at magpatahimik sa mga kritiko, mulat, at may boses. Itinatampok din nito ang kabalintunaan ng paggamit ng kapangyarihang hiram laban sa mga mismong nagluklok sa kanila. Ang mas malala pa rito’y binabaliktad nito nang unti-unti ang pananaw ng mamamayang Pilipino sa taglay niyang demokrasya. Isang lantarang porma ng panlolokong bunga ng pagkadesperado ang ATL sapagkat ibinabato ng estado ang sisi sa mga suliraning sila mismo ang gumawa.
Hindi lamang natatapos at iaasa ang paksang ATL sa mga oral arguments sa Korte Suprema. Sa paunti-unting pagkitil ng estado sa kalayaan sa pag-oorganisa’t pamamahayag, hindi rin dapat matapos ang pakikibaka ng masa sa nakasusuklam na pagyurak sa mga karapatan ng bawat Pilipino. Datapuwa’t alamin at busisiin kung sino nga ba ang tunay na terorista na siyang tunay na naghahasik ng takot at lagim. Sa panahong mas pinapalakas ang kapangyarihan ng mga naghahari sa pamamagitan ng pagpapasa ng ATL, inaasahang maging mas matibay, kritikal, at mapagmatyag ang mga Iskolar ng Bayan. Ang natatanging lakas ay gamitin natin upang ipamahagi, ipaglaban, at ipakita na hindi masusupil ng ATL ang kalayaan ng bawat Pilipino kung lahat ay magkakaisa at ipaglalaban ang tama kasama ang bayan. Nawa’y mas paigtingin pa ng lahat ang apoy at pagnanasang ipagtanggol ang bayan laban sa mga tunay na terorista ng bansang Pilipinas.
#DefendUP #ActivismIsNotTerrorism #FreePoliticalPrisoners