EDITORYAL | Mga Kalahating Inihurnong Estudyante (Half-Baked Students)
Ang hurno ay isang kagamitang ginagamit sa pagsasagawa ng tinapay. Bago ang paghurno, samut saring kasangkapan ang ipinaghahalo-halo ng panadero upang makabuo ng tinapay na maaaring ibenta.
Biglang ipinasok ng panadero ang isang higanteng tinapay sa naghihingalong hurno. Maiging binantayan ang pag-alsa ng produktong kinulang sa sustansya’t tamis, dulot ng manaka-naka’t mapagpanggap na pagmamasa.
Ang mga estudyante ng UP ay mahahalintulad sa isang tinapay, na hinuhulma ng mga karansanan sa unibersidad upang maging matagumpay na mga mamamayan ng bansa. Tiyak at swak ang mga kasangkapan ng edukasyon, at tamang timpla ng pagtuturo ang paghahasang gagawin para sa kanilang kinabukasan.
Ngunit, bago pa man ang pandemya, nakararanas na ng mga kakulangan sa paghahanda ang sistema ng edukasyon sa bansa. Sa kasagsagan ng pandemya, patuloy na ipinaglaban ng mga mag-aaral, kaguruan, at iba’t ibang organisasyon ang kanilang panawagan na i-suspinde ang klase sa kadahilanang hindi handa ang buong pamantasan sa remote learning. Humigit-kumulang 5,600 o 50% ng mga mag-aaral ang nahihirapan o walang kapasidad na dumalo sa mga online class. Kaagapay ng mga ito’y ang pagbibigay ng honorarium sa mga kaguruan sa magagawang course pack. Sa kabila nito, hindi pa rin handa ang karamihan sa mga guro, dahil kagaya ng kanilang mga estudyante, sila rin ay nag-aadjust sa online setup. Minadali ang mga course pack upang makahabol sa pagbubukas ng unang semestre ngayong taon.
Bagama’t lantad ang pagtutol ng karamihan dahil sa kakulangan sa paghahanda, napagdesisyunan pa rin ng UP Board of Regents (BOR) na buksan ang klase sa buong UP System noong ika-10 ng Setyembre. Sa isang pahayag ni UP President Danilo Concepcion ukol sa muling pagbubukas ng taong pangakademiko, wika niya na, “We have decided to resume teaching — albeit remotely — because it is the least we can do to reclaim our future, our control over our lives. By teaching, we reassert our humanity, our faith in the ameliorative value of education.”
Imbes na atupagin ng bawat isa ang pag-ahon at pakikipagsapalaran sa pandemya, nais pa rin ipagpilitan ang isang “band-aid” solution sa krisis kung saan lubhang apektado ang edukasyon. Ang mahalaga’y makapasok at ipagpatuloy ang kasalukuyang sistema ng edukasyon; ang kalahating paghuhurno ng mga estudyante, kahit na ang kapalit ay ang dekalidad na edukasyon, na siyang karapatang matamasa ng bawat estudyante.
Sa kabila ng mga hinaing at panawagan, patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran online, kahit na maraming isyu ang dapat na bigyang diin, kagaya ng internet connectivity, UP Mail, course packs, at pangkalahatang kalagayan ng mga estudyante, guro, at empleyado ng UP System. At hanggang sa ngayon ay wala man pa ring maibigay na maagap na solusyon sa mga isyung ito.
Patuloy pa rin ang semestre, patuloy pa rin ang paghihirap. Ang inaasahan ng edukasyong ito’y ang pag-akma na lamang sa kung ano ang mayroon sa kasalukuyan. Kahit nagkaroon ng reading break, hindi pa rin natutugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga natitirang 5,600 na mag-aaral, na hanggang ngayon ay naghahabol pa rin sa kanilang synchronous at asynchronous classes, dahil mahina ang kanilang internet connection, o nakikiarkila lamang ng laptop o PC para maipasa sa nakatakdang petsa ang kanilang takdang-aralin. Kasabay rin ng mga estudyante ay ang mga paghihirap ng mga propesor sa pagtingin sa daan-daang mga output ng kanilang mga klase (dahil nakabase ang grado, marahil, sa pagpapasa ng mga online requirements).
Magpapatuloy pa ba dapat ngayong nagdaan ang iba’t ibang sakuna sa bansa, na lumumpo pa mismo sa kasalukuyang online setup? Imbes na unahing asikasuhin ng mga mag-aaral ang kanilang kaligtasan, nakadaragdag rin ang online classes sa bigat ng responsibilidad, ngayong mas hirap gumalaw ang lahat.
Bago pa man ang pandemya, under satisfactory, o hindi na angkop ang sangkap ng edukasyon. Ngayo’y pinipilit pa rin itong lutuin, kahit na kulang kulang ang mga kasangkapan. Kailan ba talaga matatamasa ang tunay at pantay na edukasyon para sa lahat ng Iskolar ng Bayan? Hanggang kailan ba magmamasa at maghuhurno ang mga kaguruan ng mga estudyanteng kulang sa sangkap? Matitiis ba ng nakatataas ang patuloy na paglaban sa pandemya gamit ang kasalukuyang sistema sa edukasyon?
Sa pagtatapos ng mga mag-aaral na pumaloob sa pandemyang ito, hindi mapapalitan ng online classes ang mga aral na makukuha mula sa pisikal na klase — pagkakaroon ng interaksyong sosyal, paglibot sa bawat kampus, pagpasa at bagsak sa mga pagsusulit kasama ang mga kaklase, pakikisama sa mga organisasyon, pagtuturo sa pisara ng mga propesor, at ang pakikibaka sa lansangan para sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Sa dulo, ang pakikisalumuha sa mundo, sa labas ng iyong tahanan, ay ang importanteng sa sangkap sa pakikipagsapalaran sa buhay. Hindi mapapalitan ng virtual setup ang mga laboratory classes, hospital & community rotations, o mga field work na maari lamang matutunan sa labas ng iyong paaralan.
Kung nais pa rin na ipagpatuloy ang online classes, dapat na makasiguradong walang estudyante ang mapag-iiwanan. Bigyang pansin ang panawagan at mga pangangailangan ng mga estudyante, kaguruan at empleyado upang makasabay sa hirap na dulot ng pandemya. Marapat rin na sapat ang tulong at pag-aaral ng sektor ng edukasyon sa pagpapatuloy ng klase upang mas maging handa ang lahat sa online setup. Sa pamamagitan nito, hindi makukumpremiso ang kalidad ng edukasyon, na siyang pangunahing kasangkapan sa paghuhurno ng isang Iskolar ng Bayan, kahit na sa gitna ng COVID-19.
Masisiguradong masarap at patok sa lahat ang higanteng tinapay kung ito’y minasa ng panadero base sa kaligtasan at pagmamalasakit niya sa kanyang mga parokyano. Kung ang hurnong paglalagyan ay hindi na naghihinalo, at sa halip ay isinasayaw pa ang tinapay hanggang makuha ang tamang tusta — isang patunay na hindi dapat minamadali ang kalidad ng isang bagay.