English Only Please!

The Manila Collegian
6 min readSep 1, 2024

--

nina Chester Leangee Datoon at Joanna Pauline Honasan

Photo by Jire Carreon from Rappler

Tunay na danas ng maraming estudyante sa Pilipinas ang kahirapan ng isang English only policy sa paaralan. Mula sa pagtatago sa palikuran para ‘di mahuli hanggang sa pakikipagsabwatan sa mga nanglilista ng mga hindi nagsasalita ng Ingles, balakid ang polisiyang ito sa mga musmos na atat nang makipagchikahan sa katabi dahil hindi naman ito ang wikang kanilang kinagisnan.

‘Spokening Dollars’ sa Paaralan

Tila tuluyan nang naka-angkla sa kulturang Pilipino ang wikang Ingles, kaya nga maski mga magulang ay wikang banyaga ang unang itinuturo sa kanilang mga anak. Mula sa panghihiram ng mga salitang walang katumbas sa Filipino, hanggang sa pagbuo ng iba’t ibang barayti ng wika, litaw ang impluwensiya ng wika sa kultura ng ating pananalita. Kaya, hindi na maipagtatakang maraming paaralan sa bansa ang nagpapairal ng kani-kanilang English only policies upang hasain ang kasanayan ng kanilang mag-aaral sa wikang Ingles.

Isang palaisipan kung bakit walang Filipino only policy o isang local language-only policy na iniimplementa sa mga paaralan. Siguro dahil gamit na gamit na naman ang wikang lokal tulad ng Filipino sa bahay ng mga estudyante, sapat nang karunungan ito para mahasa ang kanilang kasanayan. Posible ring dagdag kahirapan pa ito tuwing nag-aaral ng agham at matematika kung saan ang maraming konsepto tulad ng photosynthesis, Mendelian genetics, at integration by parts ay mas madaling ipaliwanag gamit ang Ingles.

Ganito ang mukha ng sistema ng edukasyon sa bansa na pinapairal ng Department of Education (DepEd) — bukod sa Filipino at Mother Tongue, lahat ng asignatura ay itinuturo gamit ang wikang Ingles. Bagaman ginagawan ng paraan ng mga guro na mas maintindihan ng kanilang mga mag-aaral ang paksa, ang mga libro at materyales na ginagamit sa paaralan ay nasa Ingles lang din. Hindi na nakapagtataka, dahil noong panahon ng kolonisasyon, mga Amerikano ang nagtayo ng ating mga institusyong pang-edukasyon.

Bunsod nito, Ingles na rin ang nagiging midyum kung gaano kahanda ang isang indibidwal sa susunod na yugto ng kanyang buhay. Mapa-board exam o entrance exam, hangga’t hindi ito asignaturang Filipino o Mother Tongue, nakatitiyak na ito’y nakasulat sa Ingles. Kahit mga report at essay, ay madalas na unspoken rule na ang paggamit ng Ingles dahil lahat ng mga dokumentong kakaharapin sa trabaho ay nakasulat naman gamit ang wikang ito.

Puspusan ang pag-aaral ng Ingles sa murang edad pa lamang sapagkat lahat ng karunungang kinakailangan ng isang estudyante ay nasa wikang ito. Dahil sa Ingles gumagalaw ang mundo ng mga akademiko, sanhi ito kung bakit mababa ang pagtingin ng mga Pilipino sa wikang kanilang sinasalita.

Sa Ingles Umiinog ang Mundo

Lahat ito ay mauugat sa umiiral na impluwensya ng Estados Unidos sa bansa at mundo. Isang porma nito ang linggwistikang imperyalismo ng wikang Ingles, na siyang nag-ugat sa Kanluraning kolonisasyon noong ika-20 siglo. Dito, nagkakaroon ng hirarkiya ng mga wika dulot ng istruktural at ideolohikal na dominasyon ng isang wika. Ito ay dulot ng impluwensya ng mga imperyalistang bansa tulad ng US at United Kingdom, na siyang may kontrol sa iba’t ibang sistemang politikal, pang-edukasyon, at pangangalakal sa mundo. Kaya naman sa modernong panahon, Ingles na ang isinusulong na lingua franca sa lahat ng mga bansa.

Bilang isang neo-kolonya ng US, litaw sa Pilipinas ang ganitong suliranin. Naisasantabi ang halaga ng sarili nating mga wika sa iba’t ibang mahalagang aspeto. Halimbawa, dulot ng malaking impluwensya ng US sa pagbuo ng pamahalaan ng Pilipinas, ang mga batas at legal na dokumento ay nakasulat sa Ingles. Kaya naman madali para sa mga naghaharing-uri na manipulahin ang batas sapagkat hirap ang mga batayang sektor na unawain ang mga komplikadong termino rito.

Kahit gaano pa kagaling ang isang estudyante sa pagsasalita ng wikang Filipino, bihira lang ang bumibilib dahil hindi naman ito ang ginagamit na wika sa akademikong komunidad. Nauukit sa utak ng mga mag-aaral ang ganitong ideya sapagkat nararanasan nila ito mismo — ang paaralang nagsisilbing ikalawang bahay nila ay umiikot sa wikang Ingles.

Dahil itinuturing na wika ng edukado at alta ang Ingles, nilalagay din sa pedestal ang wikang ito kumpara sa mga lokal na wika. Kung kaya’t kahit maging sa mga teleserye, ang mayaman na kontrabida ay nagsasalita ng Ingles, ang mahirap na bida ay nagta-Tagalog, samantalang ang sidekick na katulong ay nagbi-Bisaya. Dito pa lamang, makikita na ang stereotypical at mababang pagtingin sa iba’t ibang lokal na wika sa ating bansa.

Lubhang nakababahala ang ganitong penomenon sa wika. Dahil napipilitan na sumabay sa globalisasyon ang mga Pilipino, tila naisasawalang-bahala na lamang ang katutubong wika, sapagkat karamihan ng mga oportunidad sa kabuhayan tulad ng trabaho at edukasyon ay makakamit lamang kapag marunong kang mag-Ingles. Kung kaya’t mas pinahahalagahan ng pamahalaan ang paghahasa sa kasanayan sa wikang Ingles kaysa mga lokal na wika sa bansa upang makapagprodyus ito ng mga manggagawang bihasa sa Ingles na siyang mas benta sa internasyonal na merkado ng lakas-paggawa.

Malaking peligro rin sa kasanayan ng susunod na henerasyon ang pagtatanggal ng Mother Tongue Based — Multilingual Education (MTB-MLE) sa bansa dahil pinalalaki nito ang knowledge barrier na kailangang malagpasan ng mga batang mag-aaral sa unang pagpasok nila sa eskwela. Sa kasanayan nila sa kanilang Mother Tongue, magkakaroon at magkakaroon talaga ng culture shock kung ang wikang ginagamit nila sa silid-aralan ay Ingles na maaaring maging rason sa pagkawala ng motibasyon nila sa pag-aaral.

Tungo sa Ganap na Paglaya

Katunayan, mapagpalaya ang ating mga lokal na wika. Kung tutuusin, lumaya ang ating bansa mula sa galamay ng kolonisasyon dahil sa mga sulating propaganda at mga pag-aaral na isinagawa ng ating mga bayani gamit ang wikang katutubo sa Pilipinas. Gayundin, mapapalaya natin ang ating bayan mula sa mga balakid sa edukasyon sa pamamagitan ng pagpapayaman at pagpapaunlad ng ating sariling wika. Sa ganitong paraan, mas maitatawid sa mga batayang sektor ang kaalaman at karunungan na siyang susi sa ating pag-unlad.

Kung kaya’t dapat na hasain din ng DepEd ang mga lokal na wika sa bansa, tulad ng Tagalog, Bisaya, at iba pa. Sa halip na mamahagi ng mga librong nagpapabango sa imahen ng mga gahamang pulitiko, dapat simulan na ang paglilimbag sa mga materyal na maaaring gamitin ng mga guro upang maituro ang bawat asignatura gamit ang mga lokal at katutubong wika. Sa ganap na pagyakap sa mga wikang ito bilang opisyal na wikang panturo sa paaralan, mas maisasabuhay ng mga mag-aaral ang bawat aral dahil malalim ang koneksyon at pagkakaintindi nila rito.

May lugar ang mga lokal at katutubong wika sa akademikong komunidad sa bansa, lalong-lalo na sa University of the Philippines-Manila na siyang humuhubog ng health professionals na magsisilbi para sa mga Pilipino. Dapat magamit ang mga wikang ito sa akademya dahil ito ang repleksyon ng katotohanang kakaharapin nila matapos ang kanilang pag-aaral. Sa pagdunong nila ng serbisyo sa lipunan para masigurado ang pampublikong kalusugan, mas maiintindihan ng masa ang mga sakit na iniinda at mga gamot na iniinom nila kung naibabahagi ito gamit ang wikang kinalakhan na nila at ginagamit sa pakikipagtalastasan.

Hindi mangmang ang mga estudyante sa Pilipinas — sadyang may mga mag-aaral lamang na nakakulong sa rehas ng pagtuklas dala ng balakid sa pag-aaral ng mga konseptong ipinaliwanag sa wikang hindi likas sa kanila. Gustuhin man ng mga mag-aaral o hindi, umiiral at iiral pa rin ang English only policy sa mga paaralan dahil ang sistema ng akademya na inihahanda ang mga mag-aaral para maging lakas-paggawa ng ibang bansa.

Sa pagyakap ng sistemang pang-edukasyon sa mga lokal na wika, mas naihahanda ang mga Pilipinong mag-aaral na maging aktibong miyembro sa pagpapaunlad ng bayan. Susunod rito ang paglaya mula sa tanikala ng imperyalismong linggwistika na siyang nasasalamin sa politikal, sosyal, at iba pang aspeto sa bansa.

Mahalagang tandaan na ang wikang lokal ang minsang ginamit ng mga rebolusyonista’t propagandista upang makuha ang kasarinlan sa kamay ng mga dayuhan. Sa lokal at katutubong wika rin naririnig ang ugong ng masa at siyang ginagamit para supilin ang nananalaytay na pasismo sa ating modernong lipunan. Sa halip na kimkimin at patahimikin ang mga wikang ito, napapatunayang ang mga wika sa Pilipinas ay mga wikang mapagpalaya kung nagagamit ito bilang sandata sa pag-alpas mula sa kamangmangan, kahirapan, at karahasan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet