First Day Rage: Pagsingil sa kapabayaan ng Administrasyong Duterte at UP Admin
Ni Angela Vanessa Manuel
Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong ika-10 ng Setyembre, ang buong University of the Philippines (UP) System ay nagsagawa ng taunang First Day Rage. Nilahad ng mga mag-aaral ang kakulangan sa kahandaan ng Unibersidad para sa ipinapatupad nitong distancelearning. Binigyang diin rin ng mga nagsidalo ang mga palpak na tugon ng gobyerno sa lumalalang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.
Sa kauna-unahang beses ay ginawa ang nasabing protesta online. Kabilang sa mga dumalo ay ang mga kasapi ng Voice of the Freshies (VOF), Anakbayan UP Manila, Gabriela Youth UP Manila (GY UPM), College of Arts and Sciences Student Council (CASSC), KATRIBU UPM, College of Allied Medical Professions (CAMPSC), League of Filipino Students UP Manila (LFS UPM), Kabataan Partylist UP Manila (KPL UPM), Dentistry Student Council (DSC), UPM University Student Council (UPM USC), Youth Movement Against Tyranny UP Manila (YMAT UPM), at Rise for Education UP Manila (R4E UPM).
Kawalan ng kahandaan
Isa lamang ang naging hinaing ng lahat: “Hindi tayo handa.” Nagsisilbing panakip butas lamang ang pagsisimula ng klase sa kapalpakan ng gobyerno upang tugunan ang pandemya.
Unang isinapubliko ng Unibersidad na halos 5,600 estudyante ang mapag-iiwanan sa ganitong moda ng edukasyon. Sa kabila ng datos, binalewala ito ng administrasyon nang tuluyang ipatupad ang distance learning. Ayon sa mga tagapagsalita, ang sistema ng edukasyon sa bansa’y patuloy lamang pipilayin ng desisyong ito at manatiling kolonyal, komersyalisado at anti-demokratiko.
Kabilang sa mga isyung kinakaharap ngayon ay kawalan ng akses sa UP mails ng mga freshmen, ang pagmamadali sa course packs, kawalang bisa ng Student Academic Information System (SAIS), at ang kakulangan ng plano at suporta ng administrasyon para sa kaguruan at kawani nito.
Ibinunyag ni Querobin Acsibar, mula sa UPM USC, na ang responsibilidad ng administrasyon na bigyan ng dekalidad na edukasyon ng mga mag-aaral ay hindi nito nagagampanan. Bagkus ang faculty ang siyang sumasalo sa nasabing responsibilidad lalo na’t sila ang naatasang magrerebisa ng curicullum at course packs.
“Isa sa isinusulong ng unibersidad ay ang dangal at husay na nitong nakaraan lamang ay nakapagpadala pa ng e-mail ang admin para ipahayag ang kanilang kagalakan sa ating pag-angat sa world rankings. Ngunit malaking ebidensya, na sa kabila ng ipinamalas ng ating mag-aaral, ay hindi sapat ang tinatamasang serbisyo galing sa admin,” dagdag pa ni Acsibar.
Hindi ito ang unang beses na naging mailap ang tugon ang administrasyon sa mga kasapi nito. Sa kabila ng mga apela noong nakaraang semestre ay maaalalang hindi rin pinakinggan ang panawagan ng mga mag-aaral para sa mass promotion, at itinuloy rin ang pagsasagawa ng Midyear noong Hunyo.
Pagsagasa sa karapatang pantao
Bukod sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon, nanawagan din ang mga estudyante para sa agarang aksyon sa responsibilidad ng estado sa mamamayan nito. Isa sa mga panawagan ay ang pagkakaroon ng komprehensibong solusyong medikal dahil sa kasalukuyan ay kulang pa rin ang akses ng publiko sa nasabing serbisyo.
“Nangangayupapa [si Duterte] sa mga imperyalista at umuutang ng limpak-limpak para sa korapsyon, militarisasyon at mga pambidang proyekto sa imprastraktura habang pinapabayaan ang mga batayang karapatan ng kanyang mga mamamayan kagaya ng kalusugan at edukasyon,” paglilinaw ni Anj Adducul ng LFS UPM .
Sa kabila ng pandemya, patuloy pa rin ang pamamasista ng administrasyong Duterte. Ipinakita ito ng sunod-sunod na pagpaslang, pangre-red-tag, at pag-aresto sa mga aktibista, ilegal na pagpapasara ng mga paaralang Lumad, pag-atake sa pamamahayag, at ang pagpasa ng Anti-Terror Law.
Ibinahagi rin ni Ron Erasmo, mula sa YMAT UPM, na naging walang kwenta, mabagal, at walang katuturan ang tugon ng gobyerno sa pandemya. Inimungkahi pa nito na ang mga tugong ito’y manipestasyon ng pamahalaang Duterte sa patuloy na pagbawi ng karapatan ng mamamayang Pilipino sa kalusugan, trabaho, pamamahayag, pananalita at edukasyon.
Harap-harapang rin umanong ginagawang normal ng administrasyon ang tahasang paglabag sa karapatan, pagpapalaganap ng karahasan, paglalapastangan sa batas, at pagyurak sa pagkatao.
“Bagama’t hawak na ni Duterte ang buong gobyerno, na kahit alam niyang siya’y makapangyarihan, alam niyang mahina at bulok ang kanyang pamumuno. At alam niyang sa pag-mulat at pagkilos ng mamamayang api at pinagsasamantalahan ay tuluyan siyang babagsak,” giit ni Erasmo.
Sa huli, inimbitahan ni Erasmo ang lahat na ituloy ang paniningil sa gobyerno sa responsibilidad nito.
“Kaya mga Iskolar ng Bayan, kasabay ng paglaban natin sa makabayan, siyentipiko, at maka-masang edukasyon, ay ang pag-laban natin kasama ang masa para sa ating mga karapatan.”
#EnsureEducationForAll
#NoStudentLeftBehind
#WalangIwananUP