‘Gawa-gawa, ilegal’ na kaso ni Taggaoa, Balbuena, dapat ibasura — KMU

The Manila Collegian
2 min readOct 12, 2022

--

Ni Natasha Carolina

Pinababasura ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga ‘gawa-gawa’ at ‘ilegal’ kaso na kinahaharap nina KMU international officer Kara Taggaoa at Pasiklab Operators and Drivers Association-PISTON president Larry Balbuena.

Inaresto noong Oktubre 10 sina Taggaoa at Balbuena kaugnay ng kanilang panibagong kaso na direct assault habang papalabas sa Quezon City Regional Trial Court matapos ang kanilang arraignment para sa hiwalay na kaso ng robbery. Ayon sa KMU, walang ipinakitang warrant of arrest ang arresting officer na umaresto sa dalawa.

“Pangalawang gawa-gawang kaso na ito na isinampa laban kina Kara at Larry ngunit wala pa ring abiso, preliminary investigation, at walang dinaanang due process,” ani KMU sa inilibas nilang statement.

Pilit iniuugnay ng kapulisan ang mga kaso ng robbery at direct assault sa paglahok ng dalawa sa isang mobilisasyon para sa Anti-Terrorism Law noong 2020.

“Kinukundena rin namin ang paggamit ng batas upang patahimikin ang mga kritiko ng gobyerno. Nananawagan kami sa lahat ng manggagawa at mamamayan na kundenahin ang atake kina Kara at Larry at ipanawagan ang agarang pagpapalaya at pagbabasura ng lahat ng gawa-gawang kaso laban sa kanila,” dagdag ng KMU.

Sinundan ang pag-aresto ng kilos-protesta na agarang isinagawa sa Camp Karingal, Quezon City ng iba’t ibang grupo upang kondenahin din ang muling pag-aresto kina Taggaoa at Balbuena.

Ayon sa Nagkaisa, ang pinakamalaking alyansa ng manggagawa sa Pilipinas, nagpapatunay ang insidenteng ito ng sistematikong problema ng panunupil laban sa mga unyon ng manggagawa sa bansa.

Samantala, inilabas din ng korte ang release order ng dalawa matapos ang ilang oras na proseso kaya naman pansamantalang makakalaya ang dalawa sa mga kasong isinampa sa kanila.

Patuloy naman ang panawagan ng KMU at iba pang organisasyon ng suporta at ang agarang paglaya ng dalawang organisador.

####

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet