Grand Theft Auto: Manila Edition
ni Joanna Honasan
Hindi mapakali sa pagtahol ang mga aso. Rinig ang yabag ng mga parak habang binabaybay ang makipot na eskinita; malakas ang loob na manghimasok sa tahimik na komunidad. Salamat na lamang at nakasundo nila ang mga tanod, may lookout na sila.
Wala na ang bughaw na langit, sapagkat nabahiran na ng dumanak na dugo ang kalangitan. Pula ang silahis ng araw sa pagdatal ng dapit-hapon; pagsapit ng gabi’y nababalot ang bayan ng sindak. Sila’y walang pag-aatubili kung kumalabit ng gatilyo dahil bukod sa proteksyon, may salapi rin sila natatanggap.
Dito sa Grand Theft Auto: Manila Edition, araw man o gabi ay magnanakaw ng buhay at karapatan ang mga sumasamba sa kultura ng impunidad. Sila ay susunod sa yapak ng mga berdugo superior nilang iniidolo.
Target Napatumba? Respect+
Ang kapulisan at militar ay nabubuhay sa laro kung saan kumakalap sila ng respeto at salapi sa bawat target na napatutumba — ”Mission Passed! Respect +.” Bilang makinaryang berdugo, kaya nilang gawin ang lahat ng nakababaliktad-sikmurang paraan upang tapusin ang kanilang misyon, basta ang target ay markadong kalaban ng estado. Kaya naman sila ay tanyag sa walang habas na pagpatay at pagtatanim ng ebidensya upang hugasan ang kasalanan ng kinakalyo na’t namumulang mga kamay.
Kahit pa kasama sa sampung utos ng Diyos ang ‘huwag kang papatay,’ kayang-kaya nilang gawin ito, sapagkat sila’y pinangangalagaan ng berdugo superior, ang administrasyong pinahihintulutan ang ganitong kalakaran. Kung kaya, mula 2016 hanggang ngayon, matunog pa rin na isyu ang extrajudicial killings; malakas pa rin ang kanilang loob na pumatay.
Ipinagpapatuloy ng kapulisan ang kultura ng impunidad na siyang pumaslang kina Kian Delos Santos at iba pang biktima ng giyera kontra droga. Nitong Agosto lamang, walang habas nilang binaril sina Jerhode Jemboy Baltazar at John Frances Ompad, mga binatang pawang kolateral lamang ng kabuktutan ng mga pulis. Ninakaw ang buhay ni Jemboy dahil pinagkamalang suspek, at si Frances nama’y nadawit lamang sa galit ng pulis na nakaalitan ng kanyang kapatid. Kahit pa nakalimbag sa manwal ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabawal na magpaputok bilang babala, hindi pa rin naman ito sinusunod ng karamihan sa kanila.
Masasaksihan din ang mapang-abusong kultura ng kapulisan kahit sa simpleng di-pagkakaunawaan lamang. Hindi mabilang ang kaso ng pamamaril at pananakot ng mga miyembro ng kapulisan sa kanilang mga personal na kaaway. Agosto nitong taon din nang akmang barilin ni Wilfredo Gonzales, dating pulis at manggagawang-gobyerno, ang isang inosenteng siklista sa gitna ng away-kalsada. Matatandaan din ang pagpaslang ni Jonel Nuezca, isang pulis, kay Sonya Gregorio noong 2020 sa gitna ng alitan at tangkang iligal na pag-aresto nito sa kanyang anak.
Laganap ang paniniktik ng militar sa mga mag-aaral at mga indibidwal na lumalaban para sa karapatang pantao. Naisasawalang-bahala ang kanilang seguridad at karapatan sa malayang pag-oorganisa habang walang tigil silang pinapatay, nire-red-tag, at sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso. Kitang-kita ito sa Timog Katagalugan kung saan naganap ang Bloody Sunday at patuloy na pagpaslang sa mga bulnerableng sektor ng lipunan, tulad ng magsasakang si Maximino Digno at siyam na taong gulang na si Kyllene Casao. Kamakailan lamang nang akusahan bilang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang lider-estudyante na si John Peter Angelo ‘Jpeg’ Garcia mula sa Youth Advocates for Peace and Justice (YAPJUST) UPLB. Kahit sa University of the Philippines Manila (UPM) mismo ay masasaksihan ito, kung saan ang mga mag-aaral na nagsasagawa ng practicum sa mga komunidad sa Quezon Province ay tinakot at pinrofile ng militar.
Mabigat at malamig sa balat ang baril, ngunit para bang kay gaan lamang nito para sa mga halang ang kaluluwa. Hindi kailanman maibabalik ng pagkakakulong o pagsibak sa pwesto ang malawakang pagnanakaw sa buhay at karapatan ng mga inosenteng mamamayan na kanilang nakakaalitan.
May bigat ang bawat salitang pumaparatang sa mga mamamayan bilang kaaway ng estado, ngunit kay dali lamang nitong bitiwan nilang mga kasapi ng mapaniil na sistema. Ang ganitong sistema ay lumikha ng kulturang lubhang nakababahala, lalo na mga simpleng mamamayan ang madalas nitong pinupuntirya. Tambay, estudyante, o kahit guro man ay kayang-kaya nilang paratangang kaaway, na para bang wala itong mabigat na implikasyon sa kanilang mga payapang buhay.
Anino ni Berdugo Superior
Ano ang puno’t dulo ng paglaganap ng kultura ng impunidad sa ating bayan?
Ang kultura ng karahasan ay sakit na lumalason sa bayan dahil hindi napapawalang-sala ang estado mula sa pambubusabos nito sa karapatang pantao. Hindi natatakot pumatay ang kapulisan at militar sapagkat ang berdugo superior mismo ang numero unong pumapaslang at nagkakait ng karapatang pantao.
Saksi ang mga Pilipino kung paanong bukambibig ni Rodrigo Duterte ang pagpaslang sa sinumang ituring niyang kaaway. Kill them all, ika nga niya. Minamarkahan niyang adik o komunista ang mga kaaway na target ng mga misyon ng kapulisan at militar. Tumatawid ang utak-pulburang kaisipan na ito sa rehimeng Duterte-Marcos Jr., na malawakang ninanakawan ng buhay at karapatan ang mga Pilipino. Kanilang kinikitil ang kahit katiting na mitsa ng kritikal na pag-iisip sa mga pamantasan sa pamamagitan ng pan-re-redtag at mga represibong polisiya ngayon sa Department of Education, tulad ng pagtatanggal ng mga pang-akademikong dekorasyon sa mga klasrum na makatutulong sana sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa kabila ng pagkasadlak sa utang ng bansa, inuupos din nila ang buwis ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagwawaldas ng pondo para sa confidential funds na mag-aambag hindi sa pagsusulong ng kaayusan, kundi mas malawakang pagnanakaw sa buhay at pandarambong sa mga mamamayan.
Nagpapatuloy din ang legasiya ng paniniil ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Anti-Terrorism Act of 2020, na nagpapahintulot at nangunguna sa mga atake at red-tagging. Pilit nilang binubusalan ang pag-oorganisa at pagsisiwalat ng katotohanan ng sinumang kritikal sa kabuktutan ng administrasyon, kaya naman ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, mamamahayag, at maging mga mag-aaral ay minamarkahan nilang mga terorista.
Ang Mundo’y Hindi Laro
Makikita mula sa mga ito na ang kultura ng impunidad ay nag-uugat mula mismo sa berdugo superior, ang panginoong itinuturing ng estado. Sapagkat wala silang sinasanto kundi sundin at palawigin ang mapaniil na mga polisiya, at balutin ang bayan sa takot ng pandarahas ng kapulisan at militar, pati mga pabrikadong banta ng komunismo.
Imbis na pagtuunan ng pansin ang lugmok na ekonomiya, matagal na kawalan ng lupa ng mga magsasaka, at mapang-abusong sahod ng mga manggagawa, mas pinaglalaanan pa ng atensyon ng estado ang pagbuo at pagpapatakbo sa makinarya ng pagnanakaw at pandarambong, hindi lamang ng pondo kundi buhay at karapatang pantao.
Lumalala lamang ang kultura ng impunidad sapagkat silang nagma-maniobra ng sistema ang gumagawa ng sariling paraan upang palusutin at payagan ang mga paglabag tulad ng pagpatay at korapsyon. Katunayan, pinahihintulutan lang din ng ibang mga mambabatas na huwag kuwestiyonin ang confidential funds ni Sara Duterte sa mga pagdinig ukol dito. Hindi rin kailanman maibabalik ng pagkakakulong o pagsibak sa pwesto ang malawakang pagnanakaw sa buhay at karapatan ng mga inosenteng mamamayan na kanilang nakakaalitan.
Hindi sila nahahatulan ng karampatang kaparusahan ng ating batas, sapagkat malakas ang kapit nila rito. Sila ay suportado ng mga politiko at nabibigyan ng pondo, at ito ang dahilan kung bakit tuloy-tuloy pa rin sila sa kanilang mga misyon na para bang walang respeto sa karapatang pantao.
Ito ang larawang ipininta ng kultura ng impunidad. Ang mamamayan ay tinatrato bilang mga karakter sa laro — walang pagpapahalaga sa karapatan at para bang bahagi lamang ng isang malaking misyon. At ang misyon na ito’y kabulaanan, isang naratibong ipininta ng berdugo superior upang bigyang-katwiran ang walang katuturang giyera sa mga kalabang sila lang din naman ang gumawa.
Sapagkat walang mahirap na kakapit sa patalim kung ang sahod ay nakabubuhay; walang tatangan ng armas kung walang naghaharing-uring mapang-abuso. Walang aalma kung tunay na pinapahalagahan ng estado ang buhay at karapatang pantao ng mga mamamayan.
Ang masa ay sawa na sa ganitong kalakaran. Ang buhay ay hindi laro, at lalong hindi nabubuhay ang tao para sa mga misyon at polisiyang patuloy nagnanakaw sa kanilang buhay at karapatan.
Pula ang langit dulot ng dumanak na dugo, at mula rito’y sisibol ang kilusang aalpas mula sa sistemang mapang-laro.