Isinantabi
HEA ng mga kawani ng PGH, inilabas na; 10 empleyado ng Philcare, wala pa ring natatanggap
ni Ashley May Selen
Bagaman nakatanggap na ng Health Emergency Allowance (HEA) ang mga kawani ng Philippine General Hospital (PGH) para sa kanilang pagsisilbi noong panahon ng pandemya, napapag-iiwanan pa rin ang mga mga manggagawa ng Philcare Manpower Services (PMS) dahil hanggang ngayon, hindi pa rin naibibigay ang naturang allowance sa kanila.
Hinihinalang anomalya at burukrasya ang balakid sa pagkuha ng mga manggagawa ng PMS ng ipinangakong HEA sa kanila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021. Itinatakda ng batas na Public Health Emergency Benefits and Allowance for Health Workers Act o R.A. 11712 na dapat bigyan ng tulong-pinansyal ang non-health care workers na naglingkod sa pampubliko at pribadong pasilidad-pangkalusugan sa rurok ng pandemyang COVID-19 sa bansa.
Matapos ang kanilang pagsisiilbi bilang non-medical frontliners mula Hulyo hanggang Disyembre 2021, nanlumo ang ilang manggagawa nang malamang wala silang makukuha mula sa PGH.
Ito ay matapos mapunta sa ibang tao ang kanilang pinaghirapang HEA dahil naitambal ng PMS ang kanilang PhilHealth number sa mga pangalang hindi naman nila kilala. Ulat ng isang apektadong manggagawa, sumunod lang daw ang PGH-Human Resource Development Division (PGH-HRDD) sa listahang isinumite ng ahensiya.
“Hindi [r]aw po nila ‘yon pagkakamali dahil supervisor daw po [namin] ang nagpasa [ng listahan]. Hindi rin naman daw alam ng HRDD na naging gano’n na ang mga pangyayari dahil naka-Excel na pong ibinigay sa kanila ‘yong kabuuan, copy-paste na raw… Minsan lang sana kami magkakaroon [ng ganitong ayuda], magkakagano’n pa,” giit ng manggagawa.
Malabo pa rin hanggang ngayon kung tiniyak ng HRDD na wasto ang nakarehistro sa PhilCare o PhilHealth number ang mga pangalan sa listahan bago sila maglabas ng anumang halaga.
Pagkakamali ng Ahensiya, Kalbaryo ng Manggagawa
Aminado man ang mga PhilCare supervisor sa naging pagkakamali ng ahensiya, tikom pa rin sila kung kailan mapaplantsa ang gusot na ito sa Department of Health (DOH) upang mabayaran na ang sampung manggagawa. Nasisiguro lang nila na hindi pa agad makakasama sa inaasahang bigayan ngayong Marso ang sampung nabiktima.
Ang iba sa sampu ay nakaalis na sa PhilCare bago pa makuha ang kabayaran ng kanilang kinayod. Habang ang natitira, tinatiyagang mamasahe nang pabalik-balik sa opisina ng ahensiya sa Makati para makakuha ng balita sa kanilang HEA.
Wala pa ring malinaw na balita ang PMS agency sa takbo ng panawagan nito sa DOH upang ituwid ang pagkakamali.
Samantala, nagtataka ang isa sa mga nakatanggap sa P3,600 na kaltas sa inaasahan niyang P36,000. Hindi ipinaliwanag sa kaniya ng opisina kung para saan ang kaltas, inabot lang sa kaniya ang payslip sa kapirasong papel nang walang malinaw na paliwanag.
Nanindigan ang PhilCare supervisor na dapat tax-free ang HEA ng mga tauhan dahil sila ay pribadong ahensiya at ibinato sa PGH ang responsibilidad sa isyung ito.
Itinambad din ng mga manggagawa ang isyu sa sistema ng pagpapasahod ng ahensiya. Bihira daw silang makakuha ng payslip dahil laging idinadahilan ng ahensiyang “delayed”ito.
“One year at six months na ako [rito] pero apat na payslip pa lang ang nakukuha ko. Sasabihin nila delayed lang hanggang umabot na ng 3 months o wala na…,” ani isang manggagawa.
Ang payslip na ito ang tanging batayan nila upang masiguradong regular na nag-aambag ang ahensiya sa kanilang mga benepisyo gaya ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Kailan Ang Iba?
Nailabas man ang HEA para sa 4,000 kawani ng PGH matapos ng mga pagkilos ng All UP-PGH Workers Union (AUPWU), nangangapa pa rin sa kawalan ang mga manggagawa ng PhilCare na ipinagbabawal na bumuo ng unyon bilang mga kontraktwal. Ganito rin ang kaso para sa mga security guard ng pamantasan na hindi pa rin nakakatanggap ng HEA hanggang ngayon.
Namamalagi ang takot at pangamba sa karamihan ng manggagawa kahit sa simpleng pagtatanong ukol sa kanilang mga karanasan. Ang ilan, umaasa na lang sa maglalakas-loob na ilaban sa kinauukulan ang kanilang mga panawagan.