Heaven

langit o paraiso; sa lupa’y wala nito

The Manila Collegian
3 min readOct 31, 2023

nina Chester Leangee Datoon at Jo Maline Mamangun

Sa banayad na pagdampi ng sikat ng araw sa aking mukha, natatanaw ng aking mga mata ang maaliwalas na kalangitan. Kasabay ng malumanay na pagsayaw ng mga ulap sa himpapawid ay ang pag-alpas ng mga ibong waring mga anak kong naglalaro sa kapatagan. Mistulang mga dahong tinatangay ng hangin ang mga alaalang nabuo namin sa aming munting dampa.

Sariwa pa sa aking gunita ang lahat — ang bungisngis ng aking mga anak, ang pagkukwentuhan naming pamilya sa hapag-kainan, at ang mga hele’t kundimang panghalili sa katahimikan ng gabi. Malinaw pa sa aking alaala ang mga gintong butil ng palay sa aming maliit na lupain, kung saan madalas naghahabulan ang dalawa kong paslit, habang inaani naming mag-asawa ang mga pananim. Kung maaari lang sanang itigil ang oras sa sandaling iyon ay ginawa ko na. Subalit, walang alaalang walang pait — ang mga tawana’y napalitan ng malalaking yabag at ang oyayi ay sinabayan ng nakabibinging mga pagsabog.

Ang payak naming pamumuhay ay binulabog ng mga animo’y halimaw sa laki ng katawan. Dala-dala nila’y papeles na ang nakasulat ay ‘di ko naman maintindihan. Isinampal nila sa amin ang kanilang mga salapi — iyon daw ang kapalit ng aming tanging kayamanan. Sa tono ng pananalita nila’y alam ko nang walang lugar ang sagot kong, “Ayoko! Hindi kalsada para sa inyong mayayaman ang magiging tadhana ng aming sakahan!”

Umalis silang walang ngiti. Pagbalik nila’y ako naman ang pinahikbi. Biyaya ang hiniling ko sa langit, subalit ang bumuhos sa aking mag-iina ay mga bala ng baril. Nilipad ko na ang daan mula sakahan tungong tahanan; puno ng pag-asang maaabutan pa ang kanilang mga ngiti ngunit huli na ang lahat. Bagkus, ang natagpuan ko ay ang sariling puno ng galit at pagdadalamhati.

Mahal kong Nelia, Pilar, at Nelson: nais kong malaman ninyong ipinaglaban ko kayo sa lahat ng paraang alam ko. Walang sandaling hindi nanikluhod si Tatay sa pamahalaan upang malagot ang mga halimaw. Subalit, sa dulo’y napagtanto kong ang mandaraya at nagbabalat-kayo pala ay magkakampi; wala akong mapapala sa gobyernong hindi nagpapahalaga sa’ting mga inaapi.

Pero maiba muna tayo, kumusta kayo? Kumusta ang maliwanag at mapayapang langit? Alam niyo bang simula nang mawala kayo’y dumilim na ang aking mundo? At saka pa ngayon ito lumiliwanag kung kailan papikit na rin ako.

Sa ‘di kalayua’y may isang pamilyang nakikinig ng balita sa radyo. “Apat na magsasaka ang nasawi sa isang engkwentro sa Sityo Kalasag noong Huwebes. Kinilala ang isa sa kanila bilang si Pedro Alvarez na matatandaang minsan nang nanawagan ng hustisya para sa kanyang minasaker na pamilya…,” ang sabi sa ulat.

Kasabay ng pagyapos ng takipsilim sa kalikasan ay ang pagpatay ng radyong nagdadala ng masalimuot na kwento. Maririnig sa kapaligiran ang kaluskos ng mga punong dinuduyan ng hangin, kuliglig ng mga insekto, at ugong ng lipunan. Sa pagkabuhay ng ingay ng lipunan sa karimlan, tila kandilang naupos sa kaliwanagan ang huling litanya ng tagapag-ulat, “Namatay ang magsasakang walang hustisyang nakakamtan.”

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet