Sa Anino ng Liwanag

Hinagpis ng Kanayunan sa Isang Umuunlad na Bansa

The Manila Collegian
5 min readDec 20, 2024

Ni Ron Michael Trinidad

Nasa laylayan ng isang progresibong kabihasnan ang mga kwento ng hinagpis ng mga magsasakang magdamag nakayuko’t hinaharap ang hagupit ng bagyo mapangalagaan lang ang lupang sinasaka — mga pawis at luha na tila naging abono na sa lupang kanilang tinataniman. Habang ang ilan ay abala sa pagpapalamuti ng kanilang Christmas tree ngayong Disyembre, sila’y nakatanaw lang sa malayo. Sa bawat kawit ng lingkaw, nakabinbin ang mga alaalang nais nilang makalimutan, mga nagsiliparang retasong iniwang bakas ng nagdaang bagyong Pepito. Ito’y kanilang pinagtatagpi, may matawag lang na tahanan — kahit pansamantala.

Isa sa mga kwentong ito ang kay Luisa “Isa” Gonzales, isang 57-anyos na byuda at ina ng apat na anak na sa halos apat na dekada bilang magsasaka ng San Isidro, Nueva Ecija. Para sa pamilyang naninirahan sa laylayan, natutunan niyang tiisin ang mabigat na pasanin ng kanilang pinagkakakitaan.

“Nakakakain pa naman, hirap na hirap pero kailangan tanggapin,” ani Ate Luisa na sumalo na ng responsibilidad na itaguyod ang kanyang pamilya matapos yumao ang kaniyang asawa. Para kay Ate Luisa, ang katatagan ay hindi lamang isang yugto — ito na ang kanyang buhay.

Habang ang liwanag ng Pasko’y abot-kamay ng iba, ito’y nananatiling malayo sa mga kagaya nina Ate Luisa. Sa kanya, ang liwanag ay hindi nagmumula sa palamuti kundi sa munting pag-asa ng kanilang pagsisikap bawat araw.

Sa Gitna ng Pinagpagurang Suweldo ng mga Mamamayan

Isang hamon ng buhay sa kanayunan ang agwat sa sahod upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilya. Ang P108 na kita sa bawat araw ng paghihirap ni Ate Luisa ay kailangan pagkasyahin para sa pang-araw-araw na gastusin, at edukasyon ng kaniyang mga anak. Malayo ito sa kasalukuyang minimum wage rate ng Nueva Ecija na umaabot lamang sa P410 kada araw — kakarampot kumpara sa P608 wage rate ng National Capital Region (NCR).

Sa ulat ng IBON Foundation, ang living wage para sa pamilya ng lima sa NCR ay dapat nasa P1,205 kada araw. Gayunpaman, ang kasalukuyang minimum wage sa rehiyon ay P645, malayong-malayo sa makatarungang halaga. Sa Nueva Ecija, mas mababa pa ang minimum wage na nasa P500 lamang kada araw, kahit ang family living wage ay dapat umaabot ng P1,171.

“Kung hindi ko tatanggapin ang hirap, sino ang kikilos para sa mga anak ko?” ani Ate Luisa. Kita sa agwat na ito ang diperensya sa lipunan. Sa halip na maitaas ang antas ng pamumuhay sa mga probinsya, ang kabuhayan ng mga nasa laylayan ay nananatiling nakatali sa mababang sahod.

Sa Likod ng Yumayabong na Imprastraktura

Habang yumayabong ang mga imprastraktura sa mga siyudad, napag-iiwanan ang mga kanayunan. Ang mga pananim, na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka, ay madaling mapinsala ng mga bagyo. Ang pagkawala ng ani ay nakakalagas ng kita, ibinabaon ang magsasaka sa pagkakautang.

“Nasisira ‘yung mga pananim, nagiging sablay,” dagdag ni Ate Luisa. Sa gitna ng unos, bumagsak na rin ang kanilang tahanan, kaya’t napilitan silang pansamantalang sumilong sa ilalim ng tulay. “Nakatalungko lang kami sa ilalim ng tulay,” alala niya.

Ang kakulangan ng matibay na imprastraktura para sa mga magsasaka ay nagpapalala ng sitwasyon. Ang mga taniman, kadalasan, walang sapat na sistema para sa irigasyon at kakulangan sa pagkontrol sa baha dulot ng bagyo. Kung mayroon man, hindi sapat ang mga ito para protektahan ang mga pananim at tahanan ng mga magsasaka.

Bagaman may mga proyekto ang gobyerno para magtayo ng imprastraktura matapos ang mga sakuna, marami sa kanayunan ang hindi nakikinabang dito. Kung ang “maunlad” na Metro Manila pa lang na tadtad na ng mga proyekto ay nakakaranas pa rin ng matinding hagupit ng mga sakuna, paano pa kaya ang mga nasa kanayunan na kulang sa mga proyektong ito?

“Nagkaroon ng kasunduan na mabibigyan [kami] ng tulong pinansyal kasi nasira ang aming bahay, ngunit sa limang libong [pisong] ipinangako, tatlong libo pa lang ang naibigay,” kwento ni Ate Luisa. Maski ang kakarampot na tulong ay ipinagkakait ng gobyernong may limpak-limpak na salaping nagmula sa buwis — tila naglalaho ito sa kasagsagan ng sistema.

Sa Laylayan ng Naglalayuang mga Pagamutan

Ang pagpunta sa rural health units (RHUs) ay nanatiling pagsubok. “Malayo para sa’kin yung center, nilalakad ko na lang kaysa magbayad ng pamasahe,” ani Ate Luisa.

Ang sitwasyong ito ay hindi bihira, lalo na sa mga probinsya kung saan ang RHUs ay madalas kulang sa pasilidad at tauhan. Ang bilang ng pasyente kada doktor ay umaabot sa 1:33,000, malayo sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 1:1,000. Kahit nagbibigay ang RHU ng libreng gamot, karamihan nito ay hindi nakukuha dahil sa limitadong akses. “Ako pa mismo ang dapat lumapit sa center. Madalang pa sa patay ang magbahay-bahay,” dagdag niya.

Hindi rin ligtas ang kalusugan ni Ate Luisa mula sa epekto ng pagsasaka. “Nakakahilo yung gamot pampalay, at minsan namamatay ang kuko namin dahil sa tapang ng kemikal,” kuwento niya. Ayon sa babala ng WHO, ang direktang paghawak sa mga kemikal na gamit sa pagsasaka ay nagdudulot ng mga sintomas gaya ng pagkahilo, iritasyon sa balat, pati na rin ng mas mataas na panganib ng cancer.

Sa Kabila ng mga Kumikinang na Christmas Tree

Ang kwento ni Ate Luisa ay nagpapakita ng masalimuot na kalagayan ng mga magsasaka sa bansa. Habang abala ang iba sa pamimili ng mga regalo at paghahanda para sa Pasko, nakatutok si Ate Luisa sa kung paano niya mabibigyan ng ginhawa ang kaniyang pamilya sa kabila ng patuloy na kakulangan sa tulong at mga programa. Sa bawat nagtitingkarang Christmas tree na tanaw sa malayo, nararamdaman nila ang pagkakaiba ng kanilang mundo sa iba.

Sa kabila ng pangungulila at pangarap na makaranas ng isang masaya at simpleng Pasko, patuloy pa ring umaasa si Ate Luisa.

“Sana hindi na ulam ang toyo kundi sawsawan na lang. Sana, kahit minsan, maranasan ng mga anak ko ang Pasko na may masarap na pagkain sa mesa,” ani Ate Luisa.

Ngunit, nananatili siyang matatag. Pinapangarap niyang hindi lamang ang magandang Pasko, kundi ang mas maliwanag na kinabukasan para sa kaniyang mga anak — isang kinabukasan na makakamtan ng isang karampatang gobyerno. “Baguhin nila ang pamamalakad. Bigyan nila ng pansin ang mga taong naninirahan sa bukid, huwag lang sa nakaaangat ang focus nila,” giit niya.

Ang kwento ni Ate Luisa ay kwento ng marami sa laylayan ng lipunan — mga boses na matagal nang naghihintay marinig, mga tao na umaasang sa darating na mga araw, hindi na lamang sila magiging tagamasid sa kinang ng Pasko kundi magiging bahagi rin ng liwanag nito.

“Balang araw,” sabi niya.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet