Hindi natural ang sakuna
Ni Marianne Zen Therese De Jesus
Ginulantang ng Bagyong Paeng ang karamihan dahil sa hindi inaasahang lawak ng epekto na dala nito. Tila akala noong una ay isang pangkaraniwang bagyo lamang, ngunit hindi nagtagal tumambad sa social media ang kaliwa’t kanang mga post ng mga residente na humihingi ng saklolo dahil sa ga-dibdib, at sa mga mas mababang lugar ay halos lampas tao na baha. Sa sandaling pananalasa ng bagyo inabot na ng 154 ang nasawi ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Subalit hindi na bago ang pananalasa na tumatama sa bansa, lunan ng humigit kumulang 20 na bagyo kada taon dahil kabilang ito sa typhoon belt sa Pasipiko. Inaasahan ang bansa na may maayos na tugon dahil tiyak na daluyan ito ng mga sakuna, ngunit sa dinami-dami ng tumatamang bagyo, kibit-balikat ang estado sa dulot nito sa kanyang mamamayan.
Kaakibat din ng kakapusan sa paghahanda at pagtugon, ang pagkitil ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa prangkisa ng ABS-CBN ay lubusang nakapagpahina ng paghahatid ng balita. Sa huli, lagi’t laging may naiiwang balisa sa gitna ng sakuna.
Pagkamal ng yaman
Kasabay ng kawalan ng aksyon ng gobyerno ay ang pagluluwag ng polisiya sa kalikasan na siyang pangunahing kalasag ng bansa tuwing may sakuna. Samu’t saring mga sakuna ang tumama sa bansa na na nagdudulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa iligal na pagtotroso.
Sa isang talumpati ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa unang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Forest Congress noong 1983, binatikos niya ang malalaking negosyong patuloy na pinagsasamantalahan ang kalikasan. Isang kabalintunuan ang kanyang pahayag dahil panahon ng Batas Militar nang nilagdaan ang Presidential Decree 705 (P.D. 705) na nagsulong ng pagkomersyo sa pagtotroso.
Sa pagnanais ng dating diktador na palakasin ang naghihingalong ekonomiya ng bansa, pinalakas ang pag-export ng mga troso patungong Estados Unidos at Hapon. Sa kabila nito ay naitala ang Pilipinas bilang isa sa may “worst deforestation rates” sa Asya Pasipiko dahil sa pagkawala ng halos 316,000 ektarya ng kagubatan kada taon.
Ang kilalang crony ni Marcos Sr. na si Herminio Disini na nagmamay-ari ng Disini Cellophil Resources Corporation (CRC) ay mabilis na binigyang lisensya ng Department of Agriculture and National Resources (DANR) para sa pulp production. Malaking bahagi ng kagubatan sa Kordilyera ang ipinagkaloob kay Disini na nagresulta sa pagpapalayas ng mga katutubo. Agad din pinahintulutan ang Cellulose Processing Corporation (CPC) na kaanib na kumpanya ng CRC pagkaraan ng dalawang buwan mula nang itinayo ang kumpanya.
Ang mga polisiya na nakasaad sa papel na naglalalayong proteksyunan ang mayamang kalikasan ay nananatiling hungkag dahil sa mga nangangasiwa.
Bagaman nagkaroon ng pagbabago sa P.D. 705, halos parehas pa rin ang nilalaman ng mga probisyon ng mga bagong polisiya. Nag-iibang anyo ang mga batas at ang mga lumalagda subalit ang interes pa rin ng iilan ang nakasalang-alang.
Matatandaan noong 2017 nang ipinagbawal ang open-pit mining para sa mga tanso, ginto, pilak at ores sa ilalim ng dating kalihim Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang pagkakait ng lisensya sa pagmimina ng mga malalaking dayuhang korporasyon ay upang protektahan ang mga komunidad at katutubo.
Malaki ang naging tagumpay nang maipatigil ang open-pit mining dahil libo-libong pamilya ang naisalba sa posibleng pagguho ng lupa lalo na sa Mindanao kung saan hitik na hitik ang mineral.
Pansamantalang nakahinga ang mga komunidad buhat nang pagpapatigil sa open-pit mining, ngunit ipinamalas pa rin ng pamahalaan ang pagkalinga nito sa mga kapitalista nang sibakin si Lopez bilang kalihim makalipas ang sampung buwan sa pagkakatalaga nito. Ang komite sa Kongreso na nanguna sa pagharang sa pagkakatalaga kay Lopez ay pinamunuan ni Ronaldo Zamora na ang pamilya ay nagmamay-ari ng pinakamalaking nickel mining sa bansa.
Ilang buwan din bago matapos ang termino ni Duterte bilang pangulo, nilabas ang Administrative Order 40 na pinawalang-bisa ang naunang kautusan na pagbabawal sa open-pit mining.
Makalipas lamang ang apat na taon napawalang-saysay ang matagal nang ipinaglalaban ng mga tagapagtanggol ng kalikasan. Dahil sa patuloy na lumalalang krisis sa ekonomiya sa kasagsagan ng pandemya, binigyang laya ng dating Presidenteng Duterte ang mga korporasyon na mangasiwa sa open-pit mining.
Sa ngalan ng malalaking tubo na ang tanging makikinabang ay ang iilang naghaharing-uri, ang mga dati nang ipinasara ay muling nakapagmina. Samantala ang mga pinakabulnerableng sektor sa lipunan ang umaani ng epekto.
Balisa sa gitna ng sakuna
Hindi na kagulat-gulat na ang karaniwang iniiwang balisa sa gitna ng sakuna ay ang mamamayang naghihikahos. Ilang oras matapos ang unos, bungad sa telebisyon at radyo ang tala ng mga namatay at nawawala na kadalasan mula sa mga mahihirap.
Nakapipinsala nang lubos sa kanilang sektor ang hagupit ng bagyo bunga ng kanilang sosyo-ekonomikong kalagayan.
Ayon sa World Risk Index 2022, nangunguna ang Pilipinas sa buong mundo bilang pinakabulnerableng bansa pagdating sa mga sakuna. Pinatutunayan ito ng kakulangan ng maagap at wastong tugon sa mga kalamidad ng pamahalaan.
Bagaman halos mag-iisang dekada mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda na kumitil ng humigit kumulang 6,300 na katao, nananatiling hungkag ang sistema ng paghahanda tuwing may bagyong tatama sa bansa.
Ang kasalukuyang disaster response ng bansa ay hindi nakasasapat upang tuluyang lagutin ang matagal nang kinahaharap ng mamamayan. Pansamantalang solusyon lang ito para tulungan makabangon ang mga tao subalit dahil sa umiinog na sistema, prayoridad ng pamahalaan ang panatilihing pilay ang mamamayan. Nauuwi pa rin sa indibidwal na responsibilidad ang pagtitiyak ng kaligtasan at sa pagkalap ng mga donation drives upang makaahon ang mga apektado ng sakuna.
Kaakibat din ng kakapusan sa paghahanda, ang kawalan ng maaasahang daluyan ng impormasyon sa kasuluk-sulukang bahagi ng bansa dahil sa pagkitil sa prangkisa ng pinakamalawak na media network noong 2020. Sa kabila ng pagtutol ng mga tao, nanaig ang kagustuhan ng nakalipas na administrasyon dahil sa pagnanais na pahirapan ang mga katunggali nitong oligarkiya. Subalit, ang tunay na talo rito ay ang masang pinagkaitan ng impormasyon.
Malaki ang ginagampanang tungkulin ng gobyerno sa kasidhian ng mga sakuna sapagkat sa kanyang kumpas nakasalalay ang sasapitin ng bayan.
Ang bawat pagbigay lisensya sa mga malalaking dayuhang kapitalista sa pagkamal ng yaman nang hindi sinasaalang-alang ang aanihin ng pinakabulnerableng sektor ay pagtulak sa kanila sa bingit.
Hindi makatwiran ang paggamit ng salitang ‘natural disaster’ nang hindi sinisiyasat ang mga polisiya ng pamahalaan dahil nangangahulugan ito ng pagbabalewala sa naging papel nito kung bakit hindi makaalis sa siklo ng pagkakadapa ang bansa tuwing may kalamidad.▼